Chapter 07

1359 Words
ELISSA "MAG-ALMUSAL ka na muna," sabi ni Manang Ines sabay abot sa akin ng pangkape. Instant coffee at mug. Agad ko iyong tinanggap at itinimpla. "Nagluto ng ako ng pagkain diyan, ikaw na ang bahala." Nakaupo lang ang matanda sa mesa at kasalukuyang hinahalo ang tasa nito ng kape. "Eh kayo, Manang? Sumabay na kayo sa akin." Kumuha na ako ng plato at nagsandok ng kanin. Wala na akong balak magpakipot dahil kagabi pa parang hinahalukay ang aking tiyan. Panibagong araw iyon. At kami na lang ni Manang Ines ang natitira roon. Kagabi at kaninang umaga ay dumagsa ng iyakan sa mansyon. Nagpaalam na sina Ate Mona at Manang Huling. Dahil kami na lamang dalawa rito ay halos lahat ng gawain ay mapupunta sa akin. Ang mga naiwang tokang gawain ng dalawang nagsi-alisang katulong ay akin nang gagawin. Sa paglilinis, paglalaba at halos lahat na. Nasa late 60s na si Manang Ines at ang tangi niya na lang nagagawa ay ang magluto at maghugas-hugas ng mga plato. Kung minsan ay nakakapagwalis pa siya ngunit hindi na ganoon kalakas ang katawan niya. Ang sabi niya, buhay pa raw ang lolo at lola ni Xavier sa tuhod ay naroon na ito. Almost three-fourths ng buhay niya ay inilagi niya rito. Dito na rin niya nakilala ang kaniyang napangasawa. Sa kasamaang plad nga lang ay hindi sila nagkaanak dahil isa sa kanila ang may problema. Namatay na sa sakit na tb ang asawa niyang si Generoso dalawampung taon na ang nakalipas. Just by listening to her story ay ako ang nanghihinayang sa buhay ni Manang. Ni hindi man lamang siya nagkaroon ng pagkakataong makapag-explore sa outside world. Dahil taga-rito lang sila sa malapit ay itong lugar na ito pa lang din ang kaniyang nararating. What a sad and wasted life... Pero wala naman akong karapatang manghusga. Choice ni Manang ang lahat. Siguro kung ninais niyang umalis sa mansyong iyon ay makakaalis naman siya. But instead, she chose to stay. And she wanted to die in here as well. "Dating may pangkabuhayan ang mansyong ito," kuwento pa ni Manang. "'Rancho,' iyon ang mas magandang itawag. May iba't ibang tanim ang malawak na lupaing 'yan. May palayan, maisan, kamatis at kung ano-ano pa. Kaya lang, napabayaan na kaya isang malawak na lupain na lamang ang lahat. Iisa lang kasi ang anak nina Senora Bielle at Senor Robert noon. Tapos ay hindi naman dito namalagi. Sa Maynila ito nagtayo ng sariling mansyon at doon tumira. Naroon daw kasi ang ibang business nila. Ayaw noong babae na mag-manage ng mga taniman. Si Mirasol, iyong lola ni Senorito Xavier." Kaya naman pala lumang-luma na ang mansyon. Hindi ko rin masisisi kung bakit ninais nila na sa Maynila na manirahan. Napakalayo sa kabihasnan ng lugar. Kung hindi gagamit ng chopper ay aabutin ng siyam-siyam bago makaalis sa lugar. Noong tanungin ko si Manang Ines kung saan sila namili ng mga supply at grocery, nag-drive daw sila ng owner-type jeep nina Ate Mona patungong kabayanan. Dalawang oras patungo roon ganoon din ang pabalik. Bali apat na oras. Kaya naman pala ganoon katagal silang nawala. Akala ko ay nagsipag-alisan na. Marunong mag-drive si Ate Mona. Bigla kong naisip, ngayong kami na lamang dalawa rito, paano kung kinailangan na uling mag-grocery, paano kami mamimili? "Parang kulungan din pala ang lugar na ito, Manang," bigla ko na lang naibulalas. "Kung wala na pala silang balak na buhayin ang kabuhayan dito, dapat ibinenta na lang nila. Hindi iyong ipipilit pang imintina. Napaka-boring ho ng buhay rito sa totoo lang. Ni wala man lang kapitbahay." Kung paano nagtagal doon si Manang ay parang bigla kong kinainisan. Naaawa ako sa kaniya. Inaksaya niya kasing talaga ang buhay niya. Maigi pa kung binuhay niya na lang ang sarili sa paglalako ng isda o kung ano mang trabaho sa labas. Disin sana'y nakapamuhay pa siya nang malaya at magkakapamilya pa kung sakali. "Sa iyo marahil oo, boring na rito. Pero sa isang tulad ko na laking probinsya ay masaya na ako at kontento rito. At least, ligtas ako sa masalimuot na mundo sa labas ng lugar na ito. Hindi ako nakakaramdam ng paghihikahos dahil lahat naman ng kailangan ko, tirahan, pagkain, gamot ay narito na." "Sumusuweldo ba kayo rito, Manang?" bigla kong naitanong. Ngumiti ang matanda. "Oo. At lagpas isang dekada ko na yata hindi kinukuha ang suweldo ko. Ang sabi ko sa kanila, ibangko na lang para sa sandaling kailanganin ko na ay may makukuha akong ipon." Napahugot na lamang ako ng hininga. Tapos ay dito pa niya gustong mamatay. Ano ang gagawin niya sa perang iyon? Tiyak na malaki na ang kaniyang ipon. Aabot na iyon ng milyon. Kung ako sa kaniya ay matagal na akong nagretiro at ginamit ang salaping iyon upang mag-enjoy. What a stupid old woman. "Senorito, mag-aalmusal na ba kayo?" Napaangat ang tingin ko sa gawi ng pasukan ng dining area. Napalunok ako nang makita si Xavier doon na nakatayo, nakasando at boxer shorts lang at gulo-gulo pa ang buhok. Napaka-guwapo niya talaga, ipokrita ako kung hindi ko pupurihin sa loob-loob ko. Ngunit nang malaman ang kuwento ng buhay ni Manang Ines ay bigla akong nakramdam ng inis. Dapat ay pinasama na lang niya si Manang Ines na umalis nina Manang Huling at Ate Mona. Tapos ay ibigay na niya lahat ng sahod at benepisyo ng matanda kung mayroon man at hinayaan itong mabuhay sa 'totoong mundo'. Hindi por que gusto nang dito magpahabambuhay ni Manang Ines ay sinunod na lamang niya - o nila ng pamilya niya. They - or he - should insist that Manang Ines leave and get her own life. Pero hindi, wala siyang ginawa. But then again, kung mawawala si Manang Ines ay sino ang aking makakasama o makakausap? Wala. Eh 'di tatakas ako. Kung makakatakas. Napasulyap si Xavier sa akin at unti-unting naging mataman ang pagtitig kaya napatungo ako. Humigop ako sa tasa ng kapeng tinimpla ko at inubos na ang laman ng aking plato. Sabay lapag ng mga iyon sa lababo. Sinimulan na ring hugasan. "M-Manang... Tuloy na ako sa may laundry." Hindi ko kasi natapos ang paglalaba kagabi. Lahat ng bedsheet, kumot, punda, kurtina na mayroon sa bawat kuwarto at bintana ng mansyon ay aking pinaltan. Alinsunod sa 'amo'. Hindi ko na nilingon si Xavier at nagtuloy na nga sa may laundry area. Hindi ko alam kung dapat ba akong mainis, pero naiinis ako. Doon pa rin niya ako pinatulog sa kulungan. Tapos paggising ko ay ganito ang aking gagawin. Hindi nga niya ako binugbog at sinaktan, pero aalilain naman nang sobra-sobra sa pabulok na nilang mansyon. "Unahin mo 'to." Napalingon ako sa gawi ng pinto at nakita roon ang isang hamper ng labahin. Nakatayo si Xavier at as usual ay nakatiim na naman ang bagang na nakatingin sa akin. "Gusto ko, tuyo ang mga ito mamayang hapon. Nakatupi na rin. Kapag hindi ko nagustuhan ang amoy, uulitin mo." Iyon lang at umalis din siya agad. Pigil ko naman ang inis habang sinisipat ang laman ng mga hamper. Ilang araw pa lang kami naglalagi sa mansyong iyon ay imposible namang ganoon agad karami ang nakonsumo niyang damit. Napasinghap ako nang makita ang pinakailalim. Mukhang pati ang mga damit na nananahimik sa loob ng cabinet ay isinama na rin nito sa mga labahin. Pero wala kang choice kung hindi ang sumunod. He would make my life a living hell here, iyon ang bagay na simula't sapul ko nang alam. Ngunit hanggang kailan? Wala naman siyang sinabi na kapag nahuli na niya ang matandang nag-utos sa akin ay palalayain na niya ako. Gustong-gusto ko nang makita o makausap man lang ang mga magulang ko. Tiyak na alalang-alala na ang mga iyon. Kung sana ay hindi nila kinuha ang cellphone ko. May cellphone kaya si Manang? Gusto kong tumawag din sa mga pulis. Ayoko rito. Nakikinita ko na ang magiging buhay ko rito. Paano kung makita na nila ang matanda at malaman ang motibo nito at kahit napatunayan niya na sumunod lang ako sa pinag-uutos nito ay hindi niya ako pakawalan? Paano kung tulad ni Manang ay dito niya rin ako patandain? Buong buhay akong maglilinis nang walang kuwentang mansyon? Kailan mong makatakas, Elissa. Ngunit paano?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD