Kabanata 13
C A L L Y
Nagulat ako nang pumasok si Hades. Ganun pa rin naman ang kilos niya nang pumasok siya. Wala namang nagbago sa kanya. Parang hindi siya nagladlad kung kumilos siya ngayon o baka hindi lang talaga siya yung klase ng bakla na pambabae ang galawan. Siguro din nahihiya pa siyang umakto ng ganun sa harapan ng ibang tao. Mas lalo tuloy hindi kapanipaniwalang bakla siya. Parang hindi naman kasi talaga. Lalaking-lalaki pa rin kasi ang tindig at galaw niya. Hindi mo talaga aakalaing bading siya tulad ng sinasabi nila. Pero ang sabi ni Kara kay Hades na mismo nanggaling na bakla talaga siya. Bakit naman siya magsisinungaling kung hindi naman pala talaga siya bakla? Anong dahilan para magsinungaling siya? Wala akong maisip na dahilan maliban na lang sa bading nga talaga siya.
Pinanuod kong maupo si Hades sa tabi ko. Napansin ko agad ang sugat sa kaliwang bahagi ng labi niya. Nang sumulyap siya sa akin ay agad akong nag-iwas ng tingin. Hindi ko pa rin alam kung paano siya pakikisamahan pagkatapos ng nangyari sa amin noong isang araw. Dapat pa ba akong magalit sa kanya kung nagmamalasakit lang naman pala siya sa akin. And he's gay... Hindi naman kasama ang mga bakla sa galit ko sa mga lalaki dahil ang alam ko mas madalas pa nga sila ang nabibiktima ng mga mapagsamantalang lalaki na yan.
Kung totoo ngang bakla si Hades, siguro nga dapat tigilan ko na rin ang pagiging suplada ko dito. Isa pa never ko naman talaga siyang nakitang may pinaiyak na babae. Siguro dahil hindi naman pala siya tunay na lalaki. Kaya pala kahit napapalibutan siya ng mga babaerong kaibigan hindi siya kailanman napabalita sa kahit na sinong babae. Ang hirap siguro para sa kanya ang umamin ng totoong kasarian. Lalo na at maraming umaasa sa kanyang mga babae. Marami naman kasi talagang may gusto kay Hades. Ideal guy kaya siya ng mga babae dito sa school dahil hindi babaero at hindi mayabang.
"Ayos ka na?" Mahina ang pagkakasabi niya nun kaya hindi ko agad naintindihan.
Napapakagat sa labing nilingon ko siya. Seryoso pa rin ang mukha niya pero may bakas ng pag-aalala. Hindi ba dapat siya ang tinatanong ko niyan dahil siya naman itong pinag-uusapan ngayon.
Tumango ako.
"I-Ikaw? Narinig ko yung nangyari..." nag-aalangan na sabi ko.
"Ayos lang."
Tumango-tango ako ulit. Kung sabagay. Mukhang wala naman siyang pakialam sa sasabihin ng ibang tao. 'Tsaka masaya rin siguro siya dahil hindi na niya kailangang ilihim pa yung totoo niyang kasarian.
"Here." Nagulat ako nang maglapag siya ng notebook sa harap ko.
"Hindi na. Kay Kara na lang ako manghihiram," tanggi ko sabay balik ng kanyang notebook. Mas lalo pa akong nagulat nang bigla siyang ngumiti. Kung may nagbago man sa lalaking ito. Yun ay ang mas naging komportable ako sa kanya kahit medyo nahihirapan pa rin akong pakisamahan siya dahil sa mga nangyaring away sa pagitan namin.
Saka hindi naman siya palangiti noon. Siguro totoong masaya na nga talaga siya dahil wala na siyang itinatagong lihim.
"Mabuti pumasok ka na. Akala ko hanggang finals akong walang partner," aniya habang nakangiti pa din. Ibang-iba sa dating Hades na nakilala ko na sobrang bihira kung ngumiti. Nakakapanibago!
"Ah, pasensiya na. Nag-activity pala kayo nung wala ako?"
Tumango siya. Hindi pa rin natatanggal ang ngiti sa mga labi. Kitang-kita ko ang pagkislap ng mga mata ng mga kaklase naming babae habang pinapanuod siyang nakangiti. Bago kasi talaga ito sa aming lahat. Hindi kasi talaga siya palangiti noon. Bakas din ang panghihinayang sa mga mukha nila habang tinatanaw ito. Ang gwapo nga naman kasi tapos gwapo din pala ang gusto.
"H'wag kang mag-alala sinulat ko pa rin naman ang pangalan mo."
Napakagat ako lalo sa ibabang labi ko. Ang bait niya pa rin sa akin pagkatapos ng mga nasabi ko sa kanya.
"P-Pasensiya na talaga ah... At salamat na din." Napayuko ako ng bahagya. Nasaan na ang tapang mo ngayon, Calliope? Bakit parang naduduwag kang kausapin siya ngayon.
"Pasensiya na nga din pala sa nangyari noong isang araw... Nadala lang ako ng galit ko..."
Mas lumawak ang ngisi niya.
"It's okay. I understand."
I sighed. Ang bait talaga.
Biglang dumating si Xian. Nakatanaw agad ito sa amin ni Hades. Ngumiti siya sa akin at kumaway kahit inirapan ko lang siya. Nang lumingon naman siya kay Hades ay agad nawala ang ngiti niya. Napailing siya habang tinitignan ito bago nag-iwas ng tingin. May problema ba silang dalawa? Bakit parang inis itong si Xian kay Hades? Magkaaway ba sila?
Nasagot ang tanong ko na yan nang mag-lunch at hindi sumabay si Hades sa amin. Kasabay pa rin namin sa table sina Xian, Peter at Zuki. Habang si Hades naman ay nasa ibang table at mag-isang kumakain. Bahagya kong siniko si Kara sa tabi ko.
"Ano yun?"
Pasimple kong inginuso sa kanya ang direksiyon ni Hades. Agad naman niyang naintindihan ang ibig kong sabihin kaya lumapit siya ng husto sa akin at bumulong.
"Hindi yata sila okay magkakaibigan ngayon dahil sa paglalantad niya."
Magkakaibigan pala sila talaga? Ang alam ko kasi hindi naman palakaibigan si Hades. Pero matagal na rin naman silang nagkakausap ni Xian dahil magkakaklase kami simula high-school. Tapos pinsan naman niya si Peter na kaibigan ni Zuki kaya siguro naging magkakalapit na rin silang apat. Si Xian kasi marami talagang kaibigan 'yan dito sa school kaya hindi na nakakapagtaka na close siya sa halos lahat.
"Anong masama sa pagiging bakla?" may kalakasang sabi ko na sinadya ko talagang iparinig sa tatlong ugok. Sabay-sabay ang mga itong napatingin sa akin na para bang nagulat sa tanong kong iyon na hindi naman talaga para sa kanila. Binalingan ko si Kara na nakangisi na ngayon.
"Hindi ko rin alam. Baka hindi nila matanggap na mas gwapo pa yung bakla kaysa sa kanila," pasaring na sabi ni Kara.
"Hoy ano 'yan?" Si Xian agad ang unang nag-react.
"Anong mas gwapo? Paano naging gwapo yun mas maputi pa yata sa labanos yun," si Zuki naman. Habang nakikitawa lang sa isang tabi si Peter. Napailing ako.
"O bakit kayo nagre-react? Wala naman akong binabanggit na pangalan. Minsan iilag din, ha?" panunukso ni Kara sa dalawa. Muli kong binalingan si Hades na nakaupo sa kabilang lamesa.
Pinagtitinginan siya ng mga studyante pero parang baliwala lang iyon sa kanya. May mga lumalapit pa rin sa kanyang mga babae na kalaunan ay umaalis din. Wow! Kahit inamin na niyang bakla siya may mga nagkakagusto pa rin talaga sa kanya.
"Bakit sino pa ba ang pinaparinggan mo?"
"I don't know with you. Basta ang alam ko wala naman akong binanggit na pangalan." Umirap si Kara habang napapakagat naman sa labi si Miyuki. Hindi pa yata nasasanay makakita ng bangayan.
"Nakakaawa si Hades 'no? Alam mo ganyan din ako dati nung hindi ko pa kayo nakikilala ni Kara. Mag-isa lang din ako lagi sa table at walang kasabay. Kaya kahit papaano alam ko yung nararamdaman niya. Kahapon nga gusto ko siyang yayain dito sa table natin kaso nahihiya ako at saka baka magkaroon lang ng away dahil nandito sila Zuki."
"Kailan pa siya mag-isang kumakain?"
"Simula nung umamin siya. Hindi yata nagustuhan nina Xian. Pakiramdam nila tinraydor sila ni Hades."
Tumaas ang kilay ko. Ang kapal talaga ng pagmumukha ng mga unggoy na 'to.
"Kailan pa naging pagtatraydor ang pag-amin ng totoong sekswalidad?" malakas ko uling sabi habang nakatingin sa tatlo.
"Cally, pinaparinggan mo ba kami?" si Peter naman ngayon ang nangahas na magsalita. Tinaasan ko siya ng kilay.
"Bakit natatamaan ba kayo?"
Tumawa si Kara. Natatawa sa pagiging apektado ng mga unggoy.
"Bakit, Cally? Gusto mo ba dito yung traydor na yun?" Bwelta ni Xian.
"Actually mas gugustuhin kong siya yung nandito kaysa sa inyo," pairap na sabi ko. Pero ewan ko ba kung bakit parang mas natuwa pa yata yung tatlo kaysa mainsulto sa sinabi ko.
"Talaga? Ayos lang sa'yong kasabay yun?" halatang nagpipigil ng ngiting tanong ni Peter.
"Oo naman. Kaysa naman sa inyong puro hangin ang ulo," naiiling na sabi ko. Okay tama na. Baka mapaaway nanaman ako nito. Hindi ko lang kasi mapigilan. Nakakabwisit kasi ang kayabangan ng tatlong ito at talagang mukhang tuwang-tuwa pa sila.
Siguro nawiwirduhan sila sa akin. Kasi alam naman nilang ayaw na ayaw ko kay Hades nitong nakaraan pero ngayon parang ipinagtatanggol ko pa siya mula sa kanila.
"Gago, akalain mo yun mukhang gumana!"
Tumaas ang kilay ko kay Xian nang sabihin niya yun. Anong sinasabi nitong isang ito na mukhang gumana? Gumana ang alin?
"Bobo!"
Binatukan ni Peter si Xian ng malakas. Gumanti naman itong si Alvarez. Parang mga gago talaga kahit kailan. Ang wirdo ng mga taong 'to! Bakit ba kasi sila dito nanggugulo sa lamesa namin? Baliw na ba sila?
"Sige. Sa susunod Cally. Dito na namin ulit siya pauupuin," may ngisi sa labing sabi ni Xian na agad na inirapan ng katabi kong si Kara.
"Pasikat!" bulong pa nito na halata namang sinadyang iparinig kay Xian.
"Ano yun Cortez? May sinasabi ka ba?"
"May narinig ka ba?"
"Nagpapasikat ka nanaman sa akin, babe."
"Babe mo mukha mo! Isumbong kaya kita sa boyfriend ko."
"Bugbugin ko pa yun."
Siniko ko si Kara sa tabi ko.
"Anong boyfriend? May boyfriend ka?"
Ngumiti ang gaga na para bang kilig na kilig. May boyfriend nga talaga. Napairap na lang ako. Ito nanaman siya. Ang hilig niyang makipagrelasiyon tapos sa huli sa akin lang din iiyak at maglalabas ng sama ng loob. Naalala ko tuloy nung sinugod ko pa yung ex niyang nanloko sa kanya noon. Second year pa lang kami nun pati yung ex-boyfriend niya tapos marunong na agad manloko ang gago. Simula nun na-realize ko na talagang tama ang pinaniniwalaan ko. Ang mga lalaki na yan kung hindi manloloko, future manloloko naman.
"Sinong boyfriend mo?"
"Si Jonathan Uy! Yung chinito na crush ko since highschool?" todo ngiting sabi ng bruhilda. Mukhang proud na proud pa sa kanyanh boyfriend.
"Boyfriend mo yung lampang yun?" sabat ni Xian na pareho naming tinignan ng masama ni Kara. Paepal.
"Sige nga. Sapakin mo nga," paghahamon ni Zuki na inirapan din ni Kara.
"Subukan niyong galawin ang boyfriend ko!"
"Bakit anong gagawin mo? Hahalikan mo 'ko? Game, sapakin ko na yun ngayon na."
"What? Ew! No! Ano bang pinagsasabi mo, Xian! Kadiri ka. Basta h'wag mong pakikialaman ang boyfriend ko."
"Tsk! Kung may ibubuga yang boyfriend mo bakit takot na takot ka d'yan?"
"Kasi hindi naman siya katulad niyong barumbado! May class ang boyfriend ko 'no! Matalino pa. Hindi katulad niyo mga hangin laman ng utak."
"Tangina nadamay pa nga," naiiling na sabi ni Zuki.
"Buti pa si Hades may utak. Doon dapat kayo sumama para naman mahawahan kayo ng kasipagan."
"Baka maging babae din kami," tatawa-tawang sabi ni Peter. Sinamaan ko siya ng tingin.
"Pero ayos lang din baka sakaling mapalapit na ako kay Cally kapag ganun," sabay kindat na sabi ni Peter. Agad siyang binatukan nung dalawa.
"Traydor!" sabay pang sabi ng dalawa.
"Hindi daw makikipag-agawan, ulol!"
"Gago, nagbibiro lang!"
"Ulol! Sabunutan ka nun," ani Xian sabay tawa ng malakas ganun din ang ginawa ni Zuki. Hindi ko maintindihan kung anong pinag-uusapan nila. Parang mga tanga talaga kahit kailan. Kung saan-saan lang napapadpad ang usapan nila. Puro wala namang katuturan ang pinag-uusapan. Puro mura pa. Nakakairita lang.
Sa sumunod na araw ay naging matunog pa rin ang issue tungkol sa pagiging bakla ni Hades. Meron pa rin kasing hindi makatanggap na bakla talaga siya. Hindi naman kasi niya yun pinapahalata kahit na naglantad na nga siya. Ganun pa rin ang kilos niya at pananalita kaya hindi mo talaga aakalaing bakla siya.
Narinig ko isang beses na nag-away daw sila ng dad niya dahil sa paglalantad niya kaya pinalayas siya sa tinitirahan niyang condo. Ibig sabihin galit ang ama at kapatid niya sa kanya ngayon. Ano ba kasing masama sa pagiging bakla? Ayaw din sa kanya ng mga kaibigan niya. Ano na kayang nararamdaman ni Hades ngayon? Ang hirap siguro ng pinagdadaanan niya ngayon. Mag-isa lang siya palagi kapag nakikita ko siya sa cafeteria pero mukhang sanay naman na siya ng ganun at wala nang pakialam pero hindi ko talaga mapigilang makaramdam ng awa kapag nakikita ko siyang nag-iisa habang kumakain ng lunch.