005

2081 Words
Kabanata 5 C A L L Y Sa mga sumunod na araw ay naging maayos naman ang lahat sa amin ni Hades. Madalas ko pa rin siyang supladahan pero mabait nga yata talaga ang loko at hindi manlang ako pinapatulan sa mga pagsusuplada ko. Hinahayaan niya lang ako sa mga gusto ko kahit na alam kong minsan ay hindi niya gusto ang mga ginagawa ko. Kami pa rin kasi ang naging magka-partner sa iba pa naming mga subject. Nakakairita kasi 'tong mga professor na 'to. Gusto palaging babae't lalaki ang magka-partner sa mga activity. Ewan ko ba kung anong meron at lahat ng professor dito sa amin ay ganun. Pero okay na rin namang si Hades ang naging partner ko. Kaysa naman ang lintek na si Xian na saksakan ng pagkababaero. At least itong si Hades hindi ko naman nakikitang nambababae. Okay na rin siguro ito. Pero hindi ibig sabihin na hindi ko siya nakikitang nambababae ay malinis na siya. Malay ko ba kung sa labas niya ginagawa ang mga kalokohan niya. Imposible kasing hindi siya nambababae sa itsura niyang 'yan! Lahat ng lalaki mahilig sa babae at ganun din ang Hades na yun. Baka nga mas marami pa siyang babae sa labas. Likas na sa mga lalaking 'yan ang pagkababaero. Maliban na lang kung bakla siya. Napatingin ako sa pwesto ni Hades. Hindi naman siya mukhang bakla. Kahit tahimik at nerd siya sa paningin ko mukha pa rin naman siyang straight. Walang bahid ng kabaklaan ang kilos niya o kahit ang pananalita niyang tila yelo sa lamig. Hindi ko namalayan na napapatagal na pala ang pagtitig ko sa kanya kaya nang mag-angat siya ng tingin sa akin at magkasalubong ang aming mga tingin ay agad akong nag-iwas. Nahuli nanaman niya akong nakatingin sa kanya. Nakakabwisit naman. "May kailangan ka ba?" Bumaling ako sa kanya at nagtaas ng kilay. "Itatanong ko lang kung saan mo binili yung cheesecake." Anong klaseng excuse yun? "Ubos na ba? Ibibili na lang kita ulit." Mas lalong tumaas ang kilay ko sa sinabi niyang iyon. Hindi nga kaya totoo ang sinasabi sa akin ni Kara na may gusto ang lalaking ito sa akin? Kung ganun pasensiya siya dahil wala akong balak na magkagusto rin sa kanya. "Mukha ba akong walang pambili sa'yo?" pagsusuplada ko. "Okay," tanging sinabi niya at muling ibinalik ang tingin sa binabasang libro. Nerd talaga! Yun na yun? Kung may gusto talaga siya sa akin hindi ba dapat ay kinukulit niya ako? Kung sabagay, ano ba naman ang aasahan ko sa isang katulad niya. "So, saan mo nga binili?" Tamad niya akong binalingan ulit. "Sa pinakamalapit na coffee shop mula dito," walang buhay niyang sinabi bago muling pinagtuunan ng pansin ang libro. Ito ba yung may gusto sa akin? Parang hindi naman yata. Siguro mabait lang talaga siya pero alam ko namang nasa loob lang ang kulo ng isang 'to. Walang mabait na lalaki! Lahat sila pare-pareho lang. "Mahal dun, di ba? Babayaran ko na lang yung nagastos mo." Hindi siya bumaling sa akin o sinagot manlang ang tanong ko. Nakatuon lamang ang atensiyon niya sa binabasang libro. Agad na nag-init ang dugo ko sa pambabaliwala niya sa akin kaya padabog akong tumayo at lumabas ng klase para magbanyo. Sumunod naman kaagad sa akin ang best friend ko na palagi naman talagang nakabuntot saanman ako magtungo. Minsan tuloy napapagkamalan na kaming kambal dahil palagi talaga kaming magkadikit at hindi mapaghiwalay. "Nakakainis talaga sa pwesto ko! Gusto ko nang magpalipat ng section kung hindi lang dahil sa'yo!" ani Kara. Pwede pa naman kasi siyang magpalipat ng section yun nga lang magkakahiwalay kami. "Kung gusto mong lumipat, lumipat ka na," sabi ko dahil hindi na siya makakalipat kapag nagpatagal pa siya. "Ayoko nga! Kung lilipat ako dapat kasama ka," nakasimangot na sabi niya. Tinignan ko siya at nagtaas ako ng kilay. "Hindi ako lilipat." "Bakit? Balita ko sa section nila Divine hindi pinagtatabi ang lalaki at babae." "Ayoko ngang maghabol ng grades. Hindi pwedeng bumaba ang grades ko kaya ayos na ako sa section natin." "Baka naman gusto mo lang talagang katabi si Mr. Santiago." Umirap ako. "As if." "Oo nga pala. Siya nga pala ang may gusto sa'yo." Natawa ako. Hindi nga ako pinapansin ng bwisit na yun tapos may gusto sa akin? Oo, naisip ko rin yun nung una pero matapos niya akong baliwalain kanina lang parang imposible naman yatang gusto niya talaga ako. Kung gusto niya ako dapat kinakausap niya ako palagi hindi yung nagbibingi-bingihan siya kapag kinakausap ko siya. "Siya naman kaya ang subukin mo?" Nagsalubong ang kilay ko. "Ayoko. Si Xian nga, di ba?" Namilog ang mga mata ni Kara. Ang obvious ng babaeng ito. "H'wag na nga sabi yun!" "Alam mo Kara, halatang-halata ka. Sa lahat ng lalaki dito sa campus iyong lalaking yun pa talaga? Gusto mo bang maloko?" Agad siya nag-iwas ng tingin at nagtaas ang kilay. "Anong sinasabi mo d'yan! Bahala ka na nga sa buhay mo! Kung gusto mo siya eh di kayo na!" aniya at padabog na lumabas ng restroom. Napangisi na lang ako. Halatang-halata masiyado. Sinundan ko siya. "Nagbibiro lang ako. Si Peter ang susunod ko." Napabaling sa akin ang nakasimangot na si Kara. "Peter?" Tumango ako. "Iyong pinsan ni Hades?" Nangunot ang nuo ko. Pinsan ni Hades si Peter? Bakit hindi ko alam yun? Kaya pala minsan ko na silang nakitang magkasama. Magpinsan pala ang dalawang iyon. "So?" "Baka magselos si fafa Hades niyan!" "Anong pinagsasabi mo?" Matagal nang gustong manligaw sa akin ni Peter kahit noong junior pa lang kami. Hindi ko lang pinapansin masiyado dahil marami pa akong gustong unahing mga haliparot na lalaki. Ngayon na tapos na ako sa mga ungas na yun siya naman siguro ang isusunod ko o kaya naman ang pinakamaharot na lalaki dito sa campus na si Zuki. Hindi ko kasi maharot yun noon dahil ayaw pumatol sa bata. Pero ngayon na college naman na ako pwede na siguro. Napangisi ako. Yung mga kagaya niyang babaero ang gustong-gusto kong pinaglalaruan. Para naman masampal ko sa pagmumukha nila na hindi lahat ng babae makukuha nila! Ang kakapal kasi ng mukha. "Bakit hindi na lang kasi si Hades! Hindi ka naman namimili noon." Umirap ako. "O natatakot ka na baka hindi tumalab ang karisma mo sa lalaking yun?" Napatikom ang bibig ko pero agad din naman siyang sinamaan ng tingin. "Akala ko ba ang sabi mo may gusto siya sa akin?" "Oo, parang pero hindi ibig sabihin nun papatol na siya sa'yo. Iba kaya si Hades! Hindi siya kagaya nila Zuki 'no! Matalino siya, hindi katulad nila Xian na yung ulo sa baba ang palaging pinapairal." "Then let's see. Siya na ang susunod kong susubukan. Tignan natin kung wala nga ba talagang epekto sa isang Hades Santiago ang karisma ko tulad ng sinasabi mo." Malawak ang ngiti ni Kara nang bumalik kami sa classroom. Masaya siya sa naging desisyon ko. Hindi ko alam sa isang ito. Akala ko crush niya rin si Hades pero siya pa itong nagtutulak sa akin na subukin ito. Sinulyapan ko ang busy na ngayon sa kanyang phone na si Hades. May kung ano siyang nilalaro doon. Napangisi ako. May oras din pala sa paglalaro ng mobile games ang lalaking ito? Akala ko wala siyang ibang ginagawa kundi ang magbasa ng kung ano-anong libro. Nakakamangha lang malaman na may iba pa pala siyang pinagkakaabalahan. Malay ko baka nambababae rin yan kapag wala sa school. Posible iyon lalo na sa itsura niya. Hindi ako maniniwalang virgin pa siya sa itsura niyang yan. Kahit nerd siya sa paningin ko ang dami kayang patay na patay na babae d'yan. Baka nga may nangyari na sa kanilang dalawa ni Hera. Para pa namang linta yun kung dumikit sa kanya. Nakakairita. Nagulat ako nang pasuplado itong lumingon sa akin. Nagtaas lang ako ng kilay at nag-iwas na ng tingin. Paano ko ba masusubukan ang laro ko sa lalaking ito kung ganito kami magturingan. Parang ayaw na ayaw nga niyang makipag-usap sa akin. "Suplado!" wala sa sariling sabi ko. "Excuse me?" Nilingon ko ang nakakunot noong si Hades habang ang mga tingin nito sa akin ay walang kasing lamig. Bakit ba kasi ganito siya makatingin? Kahit nakakunot ang nuo niya parang wala pa rin siyang reaksiyon. Ngumiti ako kahit na gustong-gusto ko siyang irapan dahil sa malamig na tungo niya sa akin. "Ang sabi ko salamat sa cheesecake na bigay mo," sabi ko habang nakangiti pa rin. Lalong kumunot ang nuo niya dahil sa biglang lambing nang tono ko samantalang kanina lang ay sinusungitan ko pa siya. Baka isipin nito nababaliw na ako. Tinignan niya lang ako sandali at hindi na nagsalita. Muli niyang itinuon ang pansin sa larong nilalaro. Hindi ko tuloy napigilang mapairap sa kawalan. Wala talagang mangyayari kung ang lalaking ito ang susubukin ko. Wala nga yatang pakiramdam ang ice prince na 'to! Ngayon pa lang alam ko na agad na walang mapupuntahan ito. Eh di, huwag! Ayoko rin naman sa kanya! Bahala siya sa buhay niya. Ayoko na agad. Napasulyap ako sa kaibigan kong nakatingin pala sa pwesto namin ni Hades. Ngumisi siya na para bang nang-aasar. Nakita niya siguro ang hindi pagpansin sa sinabi ko ni Hades. Bwisit na lalaking ito. Ipapahiya pa ako. Kanina pa ako dito sa labas ng school namin pero hindi pa rin dumadating ang driver ko. Naka-ilang tawag na rin ako dito pero wala namang sumasagot. Nasaan na kaya yun? Magdadalawang oras na ako dito. Nauna nang umuwi si Kara dahil maagang dumating ang driver niya. Maaga rin naman palagi ang driver ko at ngayon lang yata natagalan. Sobrang tagal naman nun. Almost two hours siyang late! Inis na binalingan ko ang phone ko para tignan kung may text na mula sa driver ko pero wala pa din kaya naisipan kong mag-commute na lang. Ayoko sanang mag-commute dahil nadala na ako sa nangyari noon sa akin. Muntik na kasi akong ma-harass noon ng isang tricycle driver. Madalang kasi dumaan ang mga taxi dito sa school namin at mas natatakot na ako ngayong sumakay doon. Kung sa tricycle pa nga lang muntik nang may mangyaring masama sa akin, paano pa kaya sa isang mas pribadong sasakyan. Pero dahil wala naman akong magagawa at gusto ko na talagang umuwi, kailangan kong sumakay ng tricycle. Dahil ginabi na ako wala ng pila sa tricycle. Mas lalo tuloy akong kinabahan. Wala na akong kasabay ngayon. Nagdalawang-isip pa ako bago sumakay pero sa huli ay sumakay na rin naman ako doon. Sasabihin ko na sana kung saan ako nang biglang may pumasok sa tricycle at naupo sa tabi ko. Agad na namilog ang mga mata ko nang makilala kung sino iyon. Si Hades! Nagko-commute lang siya? Ang alam ko mayaman sila at may sariling mga driver pero bakit narito siya? 'Tsaka kanina pa natapos ang klase namin bakit ngayon lang siya uuwi? "Saan ka, hija?" tanong ng driver. "G-Greenland lang po," lutang ko pa ring sabi. "Dalawang Greenland na po." Lalo akong nagulat sa sinabing iyon ng kasama ko. Taga-Greenland lang din ba siya? Dahil sa pagkamangha ko ay naunahan na niya akong magbayad sa driver. Dalawa ang ibinayad niya at hindi na ako nakapagreklamo pa doon. Inilabas ko pa rin ang wallet ko kahit ganun. Kumuha ako ng sapat na pera at inabot sa kanya pero tinignan niya lamang iyon at hindi kinuha. Tumingin siya sa labas ng tricycle at hindi na ako kinausap. "Yung bayad ko," mahina ngunit may diin kong sabi pero hindi niya pa rin ako pinansin. Bakit ba ganito 'tong lalaking 'to? Palagi niya bang iniisip na wala akong pambayad at lagi niya akong nililibre? Sa inis ko ay agad kong hinablot ang wallet na hawak niya. Inilagay ko doon yung bayad ko at inirapan siya. "May pambayad ako!" pairap na sabi ko. Hindi naman na siya nakipagtalo at hinayaan na lang niya. Ilang sandali lang ay nakarating na rin naman agad kami sa greenland. Kailangan ko pa uling mag-tricycle papasok sa village namin bago ako makarating sa bahay. Napabuntong hininga ako nang makitang walang nakapila sa mga nakahilerang tricycle. Ibig sabihin wala nanaman akong kasabay. Ang malas naman. Ngunit laking gulat ko nang pumasok si Hades sa tricycle na naroon. Ibig sabihin talagang taga-Greenland nga siya! Parang bigla siyang naging anghel sa paningin ko dahil doon. At least ngayon hindi na ako nag-iisa. May kasama na ako at tuluyan nang nawala ang kaba ko kanina sa pagsakay sa tricycle. Hindi ko pinahalata ang saya ko nang naupo ako sa tabi niya at nang-iabot ko ang bayad sa driver.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD