Kabanata 6
C A L L Y
Nang bumaba ako sa tricycle ay agad na kumunot ang noo ko. Nasa labas ng bahay halos lahat ng mga gamit namin. May mga malalaking maletang naroon habang nakaupo lang sa isang tabi ang mom ko. Patakbo ko siyang nilapitan. Tulala siya at halatang kakagaling lang sa pag-iyak. Sa tabi niya ay ang pinakamatagal naming kasambahay na si Amelia. Umiiyak ito habang hinahagod ang likod ni Mommy. Kinabahan ako sa ayos ni Mommy ngayon. Anong nangyari? Bakit nasa labas sila at ang mga gamit namin.
"Mom!" agad kong niyakap si Mommy nang tuluyang makalapit. 'Tsaka lamang ito natauhan mula sa pagkakatulala.
"Cally, anak?" Hinaplos nito ang pisnge ko na para bang sinisiguradong ako nga ang nasa harapan niya at hindi siya nananaginip lang. Niyakap niya akong muli at nagpaubaya naman ako sa kanyang yakap.
Ang daming tumatakbo sa isip ko sa mga oras na iyon pero ang priority ko ay ang kalagayan ni Mommy. Minsan na siyang nawala sa sarili at hindi ako papayag na mangyari ulit iyon. Hinagod ko ang likod niya habang yakap-yakap niya ako at umiiyak.
"Cally, kinuha na ng bangko lahat ng ari-arian natin. Wala na tayong kahit ano. Pati ang mga sasakyan ay pinahakot na nila kanina. Umalis na rin ang ilang mga kasambahay natin pati ang mga driver dahil wala na akong ibabayad sa kanila. Wala na tayong bahay at wala na rin tayong pera, anak."
Gulat na gulat na hinarap ko si Mommy. Hindi makapaniwala sa lahat ng sinabi niya.
"A-Ano? Paanong..." hindi ko magawang ituloy ang sinasabi ko dahil sa panginginig sa mga nalaman. Paano nangyari yun?
"Anak, I'm sorry... Kasalanan ko... Matagal na tayong baon sa utang pero hindi ko yun masabi sa'yo."
"Paano tayo nabaon? May kompanya tayo, My! Ang sabi mo matatag naman yun?"
"Ang totoo matagal ng bagsak ang negosiyo natin at baon na iyon sa utang... Wala na tayong kahit ano, Cally."
Hindi makapaniwalang napatakip ako sa aking bibig. Umiling-iling ako. Hindi lubusang makapaniwala sa mga naririnig mula kay Mommy. Hindi. Hindi pwede! Imposibleng mangyari ito sa amin! Bakit? Bakit kung kailan okay na si Mommy saka pa mangyayari sa amin ito. Okay na kami eh! Okay na kaming wala si Dad pero bakit ganito? Bakit kailangan pa naming pagdaanan ang pagsubok ng ganito. Biglaan naman eh. Hindi ko manlang namalayan na naghihirap na pala kami. Bigla na lang... biglaan na lang nawala lahat. Pati ba namana ang kompanyang pinahirapan ni Mommy ay mawawala rin. Paano na kami nito? Paano na?
"I'm sorry, Cally... Kasalanan ko. Naging pabaya ako. Isa ding dahilan ng pagkaubos ng pera natin ay ang pagsusugal ko at hindi ko itatanggi yun sa'yo, anak. I'm really sorry..." paulit-ulit siyang humihingi ng tawad sa akin kahit na sa totoo lang ay wala akong ibang sinisisi sa mga nangyayari sa amin kundi si Daddy. Siya ang may kasalanan ng lahat ng ito! Kung hindi niya sana niloko si Mommy at kung hindi niya sana kami iniwan hindi mangyayari lahat ng ito sa amin! Kasalanan niya lahat.
"I understand, Mom..." tanging nasambit ko na lang habang paulit-ulit na humihingi ng tawad sa akin si Mommy.
"Hindi mo kasalanan, My... Naiintindihan ko po kayo. Gagawa tayo ng paraan..."
"Paano anak?"
Sa totoo lang hindi ko rin alam. Wala akong alam... Hindi ko alam kung sasapat ba para sa amin ang perang natitira sa akin pero ayoko na munang isipin ang bagay na yun. Kailangan kong maialis si Mommy dito.
"Humanap po muna tayo ng place na matutuluyan ngayong gabi..." nanlulumong sabi ko bago bumaling kay Yaya Amelia na pinapanuod lamang kaming mag-ina habang umiiyak.
"Ya, pasensiya na po pero wala na po kaming ibabayad sa inyo. Mas mabuti pong umuwi na lang kayo sa probinsiya niyo. Pasensiya na po," malungkot na sabi ko at kinuha ang wallet para sana mag-abot ng pera para may pamasahe siya pero agad na umiling ito.
"Sasama ako sa inyo, ma'am kahit huwag niyo na po akong bayaran. Wala na rin naman po akong mauuwian..." naiiyak pa rin nitong sabi. Malungkot na tumango ako at hinayaan na lang siya sa kanyang desisyon.
"Salamat, Ya..." sabi ko habang pinipigilang maluha. Malaking tulong na sa amin na narito pa rin si Yaya at hindi niya kami iiwan. Hindi namin kakayanin ni Mommy na kaming dalawa lang. Mahirap iyon para sa amin.
Kumilos na ako upang bitbitin na sana ang mga gamit namin nang mapatingin ako sa lalaking nakatayo hindi kalayuan sa amin. Sandaling nanlaki ang mga mata ko nang makitang naroon pa rin si Hades at tahimik na pinapanuod ako sa kinatatayuan niya. Hindi ko alam kung namamalikmata lang ba ako o talagang nakitaan ko ng pag-aalala ang mga mata niya habang nakatingin sa akin. Bigo akong nag-iwas ng tingin sa kanya. Bakit nandito pa siya? Parang mas lalo ko tuloy gustong maluha. Bakit kailangan niya pang makita na nagkakaganito kami ngayon? Gusto kong maiyak sa pinaghalo-halong emosiyon.
Anong iniisip niya ngayon? Mukha na ba akong talunan sa paningin niya ngayon? Ganun na nga. Ano pa bang tingin mo sa kalagayan mo ngayon, Cally? Hindi ba pagiging talunan?
"Cally, saan tayo pupunta?" agad na tanong ni Mommy.
"Hotel tayo ngayon, My. Bukas na po ako maghahanap ng malilipatan natin," hindi ko alam kung paano ko nasabi iyon ng diretsiyo kahit na sa totoo lang ay gusto ko ng maiyak dahil sa mga nangyayari sa amin ngayon.
Malungkot na tumango lang si Mommy at hindi na nagreklamo pa. Kinuha ko ang phone ko para kumuha ng sasakyan. Hindi kasi kakasiya lahat ng gamit namin sa tricycle at saka para diretsiyo na rin kami sa hotel na tutuluyan namin at hindi na kami masiyadong mahirapan pa. Nang dumating ang sasakyan ay muli akong napalingon sa pwesto ni Hades kanina. Naroon pa rin siya at tahimik na pinapanuod kami habang ipinapasok ang mga gamit namin sa sasakyan.
Ano pa bang gusto niya? Gusto niya pa talagang panuorin ang paghihirap ko kaya ayaw niya pang umalis? Natutuwa siguro siya na nangyayari ito sa akin. Napa-iling ako at tumulong na lang sa pagpapasok ng mga gamit sa sasakyan. Marami iyon kaya yung ibang mga hindi nagkasiya ay pinakisuyo na lang ni Mommy sa malapit na kapit-bahay namin at doon muna ipinatabi. Nang matapos sa paglalagay ng mga gamit ay pumasok na kami sa loob ng sasakyan. Binalingan ko ulit ang pwesto ni Hades. Wala talaga yata siyang balak umalis hanggat hindi kami tuluyang nakakaalis. Mukhang masaya talaga siyang pinapanuod ang paghihirap ko.
Nakakainis! Gusto ko siyang sigawan at magalit sa kanya ng husto dahil sa panunuod niya sa kalagayan namin ngayon pero alam kong mas magmumukha lang akong talunan kapag ginawa ko yun. Bahala siya kung anong gusto niyang isipin. Hindi ko na rin naman sigurado kung makakapag-aral pa ako pagkatapos ng mga nangyaring ito. Baka hindi na rin muna ako makapasok...
Hindi ko na kinulit si Mommy tungkol sa mga nangyari sapat na sa akin ang mga paliwanag niya kanina. Ayokong kapag tanongin ko pa siya ay mas lalo lamang siyang ma-stress. Ayoko nang palalain pa ang sitwasiyon niya kaya kinabukasan ay agad akong naghanap ng malilipatang apartment para sa amin ni Mommy at ni Yaya Amelia. Kahit maliit lang siguro ay okay na sa amin. May matirhan lang kami pansamantala hanggat hindi ko pa alam kung saan ako makakakuha ng pera para maipagpatuloy ko ang pag-aaral ko. Mabuti na lang talaga at may pera pa ako kahit papaano. Siguro ibebenta ko na lang din muna yung mga bags ko at sapatos na hindi naman na nagagamit. Magkano rin ang kikitain ko kapag binenta ko ang mga yun. Malaki yun panigurado. Puro branded kasi ang mga yun at minsan ko lang din nagamit. Susubukan ko ring magtrabaho kung kakayanin sa schedule.
Swerte naman at agad akong nakahanap ng isang paupahan na pwede para sa amin ni Mommy at Yaya Amelia. Malapit lang yun sa school at sa dati naming bahay. Mas okay na siguro kami dito. Maliit yun kompara sa dati naming bahay kaya hindi talaga kakasiya ang iba naming mga gamit. Ganun din. Kailangan naming ibenta ang ibang mga gamit namin o kaya ipamigay na lang kaysa naman masayang. Hindi naman kasi namin agad na mabebenta lahat ng yun kaya ipapamigay na lang namin ang iba.
Pinagmasdan ko si Mommy na iniikot ng tingin ang bago naming titirhan. Alam kong malungkot siya at hindi niya gusto rito dahil nasanay siyang nakatira sa malaking bahay pero wala naman kaming magagawa. Hindi ko na siya pinilit na ibenta rin yung mga mamahalin niyang bag at sapatos dahil alam kong hindi niya kayang i-give up ang mga iyon. Iyon na lang ang mayroon siya at hindi ko na yun kukunin pa sa kanya. Marami na siyang pinagdaanang hirap at sakit kaya kung anong mas makakaluwag ng dibdib niya ay doon ako. Okay lang naman sa akin kahit isang designer bag at shoes na lang ang matira sa akin ang mahalaga okay si Mommy. Mabigat sa loob ko sa totoo lang na ibenta lahat ng gamit ko pero ano pa nga bang magagawa ko, di ba? Ito lang ang paraang alam ko para maka-survive kami sa pagsubok na ito. Marami na siyang sinakripisyo para sa akin, ako naman ngayon ang magsasakripisyo para kay Mommy.
Sinabi ko kay Kara ang nangyari sa amin kaya agad siyang napadalaw sa apartment na pinaglipatan namin pagkatapos ng klase.
"Pumasok ka bukas, please..."
Ngumiti ako at tumango.
"I'll try," malungkot kong sabi.
"Nagpa-activity lang kanina by partner at mukhang inilista ka pa rin naman ni Hades kahit 'di ka nakapasok."
Natigilan ako nang marinig iyon mula kay Kara. Naalala ko na naroon nga pala si Hades nung gabing yun. Alam niya kung anong nangyari sa amin at alam niya rin kung bakit ako hindi nakapasok ngayong araw...
"Hindi talaga ako makapaniwala. Hindi naman kasi halata sa inyo na wala na pala kayong pera."
"Hindi ko rin alam kung bakit nangyari ito pero ayoko na lang din tanongin ng tanongin sa Mommy dahil ayokong ma-stress pa siya lalo. Ibebenta ko na lang yung ibang bags at shoes ko. Magkano rin ang makukuha ko kapag naibenta ko ang mga yun."
Tumango si Kara.
"Ako na ang bibili ng iba," agad na sabi niya.
"Sigurado ka?"
"Gusto kong makatulong. 'Tsaka magagamit ko rin naman ang mga yun."
Tumango ako at ngumiti.
"Thank you, Kara..."
"Kamusta naman si Tita ngayon?"
"Sa ngayon ayaw niya munang lumabas ng kwarto niya... Iniisip niya pa rin siguro lahat ng nangyari sa amin."
Bumuntong hininga si Kara.
"Basta nandito lang ako ah. Kung kailangan mo ng tulong sa pera tawagan mo lang ako..."
"Kakayanin namin ito, Kara. H'wag kang mag-alala."
"Pumasok ka pa din ah!"
"Susubukan ko..."
"I'll help you sell your bags. Basta pumasok ka lang."
Ngumiti ako at tumango.
"Salamat, Kara."
"Mag live selling tayo gusto mo?"
"Pwede rin."
"Okay. Bukas! Sa bahay tayo after ng klase."
"Hindi ko alam kung makakapasok na ako bukas. Maghahanap pa ako ng part-time job para may pangsuportang pera."
Namilog ang mata ni Kara.
"Magtatrabaho ka talaga?"
"Kailangan. Hindi na kami mayaman ngayon. Ang tanging meron na lang kami ay ang mga gamit namin na pwedeng maibenta."
"Kaya nga ako na bibili ng iba para kung gusto mong bawiin sa akin ay mababawi mo pa."
Tumango lang ako at hindi na nagreklamo pa. Gusto ko rin naman talagang pumasok pero hindi pa muna siguro ngayon. Hahabol na lang ako. Kailangan ko talagang makahanap ng mapagkakakitaan kung sakaling hindi ko maibenta yung ibang mga gamit namin. Mabuti nga at may maiiwan pa rin kay Mommy dito sa bahay dahil hindi kami iniwan ni Yaya Amelia. Ayoko kasing naiiwan si Mommy nang mag-isa at walang kasama. Lalo na ngayon. Baka kasi kung ano nanamang gawin niya sa sarili niya.
Sa sumunod na araw ay naghanap sumubok akong maghanap ng mapapasukang trabaho. Kahit anong trabaho naman ay ayos lang sa akin. Nang mapadaan ako sa isang coffee shop ay agad akong napahinto. May nabasa ako doon na nangangailangan sila ng cashier kaya hindi na ako nagdalawang isip pa. Sinubukan kong mag-apply at agad din naman akong nakuha kaya may trabaho na ako. Pumayag din sila na part-time lang ako dahil madalas na kinukuha daw talaga nila ay iyong mga studyanteng tulad ko na gusto ring maghanap-buhay. Halos mga kasing edad ko nga lang ang mga naroon. Mabuti na lang talaga at napadaan ako dito. Malaking bagay na ito para sa akin.
Malaki ang kikitain ko sa mga gamit namin. Aabot iyon ng Milyon pero siyempre kailangan ko pa ring magtrabaho para kahit papaano ay may aasahan kaming income. Isa pa hindi naman agad agad na maibebenta namin lahat ng gamit namin. At hindi rin naman panghabang buhay ang perang iyon. Mauubos rin iyon kaya kailangan ko talagang magtrabaho kung gusto kong makapagtapos ng pag-aaral. Ayoko na munang pagtrabahuhin si Mommy dahil alam kong hanggang ngayon ay nai-stress pa rin siya.
Dumiretsiyo ako sa bahay nina Kara pagkatapos ng interview ko sa coffee shop na iyon. Ngayon kami magli-live selling ng mga gamit ko. Makakapasok na rin ako bukas. Kaya ko pa naman sigurong humabol sa lesson dahil ilang araw lang naman akong hindi nakapasok.