CHAPTER 48

2146 Words
              MAHIGIT isang taon na ang nakakalipas simula nang bitawan ni Rhian ang isang desisyon na nagpabago nang malaki sa kaniyang buhay at iyon ay ang magpakasal sa mayaman na si Albert Aragon. Ngunit ang naging kapalit niyon ay ang talikuran ang lalaking tunay niyang minamahal—si Kenzo. Mabigat ang loob niya nang magpakasal kay Albert lalo na at hindi naging maayos ang huli nilang pag-uusap ni Kenzo. Kaya para makabawi sa dating nobyo ay lihim siyang kumuha ng tao para asikasuhin ang kaso ni Kenzo. Hindi niya iyon sinabi kay Albert sa pangamba niya na pigilan siya nito dahil sa ex-boyfriend niya ang tinutulungan niya. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pera ay nakalabas ng kulungan si Kenzo at simula ng araw na iyon ay pinilit na niya itong kalimutan. Hindi na niya inalam pa kung ano na ang nangyari kay Kenzo matapos nitong makalabas ng kulungan at nag-focus na lamang siya sa pagiging asawa ni Albert. Binigyan naman ni Albert ng katuparan ang ipinangako nito na gagawin siyang reyna. Lahat ng luho ay ibinigay nito sa kaniya. Nagkaroon na rin siya ng sariling walk-in closet sapagkat napakarami na niyang mga damit, bag at sapatos. Ipinalipat na rin niya ang labi ng nanay niya at ni Mariposa sa maayos na sementeryo. Kung sa materyal na aspeto ay masasabi niya na wala na siyang mahihiling pa at alam niya na marami ang magtataas ng kilay kapag sinabi niya na hindi siya lubusang masaya. Paano nga ba siya magiging masaya kung merong kulang sa puso niya? Hanggang ngayon kasi ay si Kenzo pa rin ang laman niyon. Kahit anong pilit niyang mahalin si Albert ay hindi niya talaga magawa. Totoo nga siguro na hindi mo makakayang diktahan ang puso. Mahirap itong pasunurin sa hindi naman talaga nito gusto. Lahat ng iyon ay tumatakbo sa isipan ni Rhian ng gabing iyon habang mag-isang umiinom ng alak sa balcony ng kwarto nila ni Albert. “Ano bang silbi ng lahat ng karangyaan at kayamanan na ito kung hindi naman ikaw ang kasama ko, Kenzo?” Mahina niyang tanong habang nakatanaw sa malayo. Nagulat siya nang may yumakap sa kaniya mula sa likuran. Nakilala niya na si Albert iyon base sa pabango nitong gamit. “You’re drinking alone again. Napapadalas yata iyan, a...” puna ng kaniyang asawa. Tumabi ito sa kaniya at kinuha ang hawak niyang baso at ito ang umubos ng natitirang laman niyon. Muli siyang nagsalin ng alak sa baso. “Pampaantok ko kasi ito. Nahihirapan kasi akong makatulog last week pa.” Pagdadahilan ni Rhian. “Kung gusto mo, pwede kitang samahan sa doctor para magpa-check up. Baka mabigyan ka nila ng mas okay magandang gamot at hindi alak ang ginagawa mong pampatulog. Nag-iisip ka kasi ng kung anu-ano kaya hindi ka nakakatulog agad.” “Hindi naman. Wala akong iniisip. Ewan ko ba...” “Maybe you’re thinking of buying a new bag or pair of shoes?” biro ni Albert. “No... Marami pa akong hindi nagagamit sa mga ibinili mo sa akin, e.” “E, ano naman? Pwede kang bumili pa para mas marami ka pang hindi magagamit. `Di ba, ang kasiyahan ng isang babae ay sa bags and shoes?” “Hindi ako kabilang sa mga babaeng iyon, Albert. Noon, siguro ay nangangarap ako na magkaroon ng maraming bag at sapatos pero kapag may kakayahan ka na pala na makabili ng maraming ganoon ay parang nawawala na rin ang pangarap na iyon. Hindi naman sa hindi ako grateful sa meron ako ngayon pero iyon lang ang nararamdaman ko. Sa ngayon kasi mas magiging masaya ako kung magkakaroon na tayo ng anak. Para complete family na tayo.” Mahaba niyang turan sa asawa. Ang totoo ay gusto na ni Rhian na magkaroon sila ng anak ni Albert. Baka sakaling kapag may batang nagkokonekta sa kanilang mag-asawa ay matutunan na niyang mahalin si Albert. Ngunit napansin niya ang biglang pananahimik ni Albert at nagpakawala pa ito nang isang mahabang buntung-hininga. Kapansin-pansin ang biglang pagbabago nito ng mood. “May problema ba sa sinabi ko?” usisa ni Rhian. “Wala. I just realized na wala pa rin tayong anak hanggang ngayon. Baka kasi kapag hindi na tayo nagkaroon ng anak ay iwanan mo ako.” “Ano ba iyang sinasabi mo? Siyempre kahit hindi tayo bigyan ng anak ay hindi kita iiwanan. Ang babaw na dahilan naman iyon.” “Thank you. Hindi talaga ako nagkamali na ikaw ang pinili kong pakasalan...” Naantala ang pag-uusap nilang dalawa nang may marinig silang malalakas na pagkatok sa pinto ng kanilang kwarto. Para bang nagmamadali iyon at may kung anong emergency ang nangyayari. “Sir Albert? Sir?” boses iyon ng isa sa mga kasambahay. Nagtatakang nagkatinginan sila ni Albert. Upang masagot ang katanungan nila ay magkasabay silang naglakad papunta sa pinto. Pagbukas ni Albert ay bumungad sa kanila si Perla na tila natataranta. “Bakit, Perla? May problema ba?” tanong ni Albert. “Sir, may bisita po kayo.” “May bisita lang pala. Bakit para kang nakakita ng multo?” “Kasi, sir, para talaga siyang multo—iyong bisita ninyo. Bigla na lang nagpapakita tapos nawawala rin agad!” “Si Abigail?” Hindi makapaniwalang turan ni Albert. Biglang nakaramdam ng kaba si Rhian. Kung nandito nga si Abigail ay ngayon lang sila magkikita ng personal. Kinakabahan talaga siya sa nag-iisang anak ng kaniyang asawa. Ang sabi kasi ng mga kasambahay ay hindi maganda ang ugali ng babaeng iyon. Masyadong mataas ang tingin sa sarili. Malayong-malayo kay Albert. Namana raw ni Abigail ang ugali sa ina nito. “Opo, sir. Nandoon po siya sa salas,” pagkumpirma ni Perla. Tila naramdaman ni Albert ang kaba niya kaya hinawakan nito ang kamay niya at magkasama silang bumaba ng hagdan. Doon pa lang ay nakita na niya si Abigail. Nakaupo ito sa sofa habang nakataas ang mga paa. Nakasuot ito ng pulang dress at pulang stiletto. Naka-messy buns ang buhok nito na kulay ash gray. Napakaganda nito sa personal. Parang isang modelo na nakikita niya sa mga magazine. Pulang-pula ang labi nito. “Hey, dad!” Nakangiti itong kumaway na may kasamang pagngiti. “Hindi ka man lang nagsabi na uuwi ka. Hindi man lang kami nakapaghanda,” sagot ni Albert nang nakatayo na sila sa harapan ni Abigail. “Welcome party is unnecessary! And i love surprises!” Tumayo si Abigail at hinarap silang dalawa. Marahang nawala ang ngiti nito nang tingnan siya. “And I am surprised na sobrang bata pala ng ipinalit mo kay mommy. How young is she?” “Twenty eight,” sagot ni Albert. “Age is just a number. By the way, this is my wife—Rhian. Rhian, she’s may daughter—Abigail.” Nakangiting inilahad ni Rhian ang isang kamay. “Nice meeting you, Abigail. Welcome home!” Pinilit niyang itago ang kaba at baka kung ano ang isipin ni Abigail. Hindi tinanggap ni Abigail ang pakikipag-kamay niya. Nilampasan lang sila nito at tiningnan ang kabuuan ng bahay. “Wala pa ring nagbago sa house na ito. Still boring! Nagdagdag nga kayo pero mukhang basura!” May halong pang-iinsulto nitong bulalas. “Abi, huwag mong bastusin ang asawa ko sa harapan ko! Stop being rude!” singhal ni Albert. Hinaplos niya sa likod ang asawa para iparating dito na ayos lang sa kaniya. Ayaw niya na ngayon na nga lang sila nagkita ng anak nito ay parang siya pa ang magiging dahilan ng pag-aaway ng mga ito. “Dad, I’ve been rude since I was born. Kapag hindi na ako rude ay hindi na ako `yon. And I don’t think your wife is offended. Alam naman niya yatang basura siya. Right?” anito sabay tingin sa akin habang nakataas ang isang kilay. “Mas mabuti pang hindi ka na lang bumalik dito, Abigail, kung ganiyan rin ang ipapakita mo kay Rhian. Tandaan mo, hindi siya sanay sa ugali mo!” “Well, sorry to disappoint you, dad, pero simulan mo nang turuan ang asawa mo na masanay sa akin dahil from now on ay madalas na niya akong makikita. I mean... everyday!” “A-anong ibig mong sabihin?” “I won’t go anywhere. Dito na ako ulit at hindi na ako pupunta sa kung saan-saan. Hindi yata ako makakapayag na may nagrereyna-reynahan sa palasyo ko. This is my territory and I don’t allow tresspassers! Baka mapabayaan ko ang sa akin at iba ang makinabang!” Pagkasabi niyon ni Abigail ay pumasok na ang mga kasambahay na dala ang malalaking maleta. Hindi na nila kailangang tanungin kung kanino ang mga maletang iyon. Alam ni Rhian na kay Abigail ang lahat ng iyon at mukhang seryoso na doon na ito mananatili. Taas-noong umakyat na sa itaas si Abigail. May pangambang tiningnan ni Rhian si Albert. Oo, alam niya na hindi hahayaan ni Albert na may gawin na hindi maganda ang anak nito sa kaniya. Ang iniisip niya ay paano siya sa mga oras na wala si Albert sa bahay? Maghapon pa naman itong wala sa bahay dahil marami itong kailangang gawin at asikasuhin sa dami ng negosyong pinapatakbo nito. Palaging gabi lang sila nagkakasama at weekend. Wala siyang mapagpipilian kundi ang tatagan ang loob lalo na at nakita niya kung gaano kamaldita si Abigail. Hindi naman niya ito maaaring labanan dahil anak ito ni Albert at wala siyang karapatan na disiplinahin ito dahil hindi siya ang ina nito.   “ALBERT, ano kaya kung sa iba na lang ako tumira? M-may bahay ka sa Canada, `di ba? Pwede bang doon na lang tayo?” tanong ni Rhian sa asawa habang magkatabi silang nakahiga sa malaki at malambot nilang kama ng gabing iyon. “Dahil ba kay Abigail?” “Oo.” Matapat niyang sagot. “Feeling ko kasi ay hindi kami magkakasundo. Natatakot ako na baka palaging magkakaroon ng gulo dito sa bahay mo.” “Bahay natin.” Pagtatama nito. “This house is yours also kaya meron kang karapatan dito. And I am sorry to tell you na hindi ako sang-ayon sa gusto mong mangyari. Kapag umalis ka rito ay mas lalo lang matutuwa si Abigail. Nandito siya kasi ang gusto niya ay ang paalisin ka. Kilala ko ang anak ko. Mas lalong lumalaki ang sungay kapag nakukuha ang gusto niya. And besides, nandito sa Pilipinas ang mga negosyo ko. Hindi tayo pwedeng manirahan roon for good. Hindi rin naman ako papayag na doon ka, tapos dito ako.” Natahimik si Rhian sa hindi pagpayag ni Albert sa gusto niyang paglipat nila ng tirahan. Ang lakas kasi ng personality ni Abigail. Para itong dragon na lalamunin ka nang buo. Alam niyang mas matanda siya rito ng ilang tao pero mukhang kayang-kaya siya nitong patiklupin. Kinabig siya ni Albert para ilagay ang ulo niya sa dibdib nito. “You have nothing to worry. Matapang talaga si Abigail pero wala siyang karapatan na paalisin ka rito. Mas may karapatan ka sa pamamahay na ito dahil ikaw ang asawa ko. You’re my queen. Nakalimutan mo na yata.” “Pero anak mo pa rin siya, Albert. Dugo’t laman mo. Ayoko na ako pa ang magiging dahilan para magkalayo ang loob ninyong dalawa.” “Matagal nang malayo ang loob niya sa akin. Simula nang makipaghiwalay ako sa mommy niya...” tugon ni Albert.   MARAHANG naglakad palabas ng kwarto niya si Abigail habang nakasuot ng manipis na pantulog. May dala siyang wine. Huminto siya sa harapan ng pinto ng kwarto ng kaniyang ama na si Albert. Matiim niyang tiningnan ang pinto. Alam niya na sa likod niyon ay naroon ang ama kasama si Rhian. Si Rhian na bagong asawa ng ama niya! Nang malaman niya na ikinasal ang dalawa ay doon niya naisip na baka mawala ang lahat sa kaniya kung hahayaan niya si Rhian na bilugin ang ulo ni Albert. Unang kita pa lang niya kay Rhian ay naamoy na agad niya ang pagiging gold-digger nito. Alam niya na pera lang ang gusto nito sa daddy niya at hindi siya papayag na makuha nito ang gusto nito. Sisiguruhin niya na hindi magiging madali ang lahat para kay Rhian. Papahirapan niya ito hanggang sa ito na ang kusang aalis. “Hindi ko hahayaan na agawin mo ang dapat ay sa akin, Rhian...” galit na bulong ni Abigail at pumasok na ulit siya sa kaniyang kwarto. Eksaktong may tumatawag sa kaniyang cellphone. Dinampot niya iyon mula sa ibabaw ng kama at excited iyong sinagot. “Hello, baby!” “Nandiyan ka na sa inyo?” tanong ng lalaki sa kabilang linya. Walang iba iyon kundi ang kaniyang boyfriend. “Yes, I am here now sa bahay ni dad. Nagkita na rin kami ng babaeng ipinalit niya kay mommy!” “Gusto kitang puntahan diyan, Abi...” “You want to visit me? Really?! When?” Hindi maalis-alis ang ngiti ni Abigail habang kausap ang isang lalaki sa kabilang linya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD