CHAPTER 04

1399 Words
       HINDING-HINDI makakalimutan ni Rhian ang unang beses na nagkakilala sila ni Kenzo mga tatlong taon na siguro ang nakakalipas. Naglayas siya sa kanila dahil sa personal at matinding dahilan. Nagpalipat-lipat siya ng tirahan. Kung kani-kaninong kaibigan siya nakitira pero madalas ay siya ang kusang umaalis kapag napapansin niya na tutol ang magulang ng kaibigan niya na naroon siya. Hindi pa ganoon kakapal ang mukha niya ng panahong iyon. Naranasan niyang matulog sa parke, gilid ng simbahan at sementeryo. Kahit nahihirapan ay ipinangako niyang hinding-hindi siya babalik sa kanilang bahay. Nakaalis na siya sa impyerno kaya bakit pa siya babalik? Hinding-hindi niya makakalimutan ang araw na nakilala niya si Kenzo dahil noon pa man ay ito na ang kaniyang tagapag-ligtas...   ISANG araw, nagising si Rhian mula sa pagkakahiga sa bench sa isang parke. Kumakalam ang sikmura niya sa gutom. Wala siyang kinain kagabi. Desperada na siya na magkaroon ng pera kahit sa anong paraan kaya sinubukan niyang mang-snatch ng bag ng isang babae. Hinabol siya ng babae habang nagsisigaw ito. Natakot siya nang makuha niyon ang atensiyon ng mga tao. May ilang nakihabol na. Napunta siya sa isang eskinita. Pumasok siya roon hanggang sa may humawak sa braso niya mula sa kaniyang likuran. Nagpumiglas siya. Akala niya ay nahuli na siya at makukulong na sa presinto pero nagkamali siya. Isang gwapong lalaki ang nakahawak sa kaniya. Anito, huwag daw siyang maingay. “Tutulungan kitang magtago! Halika!” Iyon ang eksaktong sinabi ng lalaki na nagpakilalang si Kenzo. Dahil sa wala na siyang mapupuntahan ay sumama siya rito kahit hindi niya ito kilala. Ewan niya ngunit magaan na agad ang loob niya kay Kenzo. Para bang nadala siya nito sa simpatiko nitong mga ngiti. Kahit maraming butas ang damit nito at amoy pawis ay ang gwapo pa rin nitong tingnan. “Sino naman `yang kasama mo, Kenzo?! Nagdala ka pa talaga ng palamunin dito sa bahay!” Ang malakas na bunganga ng nanay ni Kenzo ang sumalubong sa kanilang dalawa. Nakasalampak ito sa sahig at nagbubunot ng buhok sa kili-kili gamit ang tsani. Kulot ang buhok ng nanay ni Kenzo na hanggang balikat. Maputi ito at halatang maganda noong kabataan. “Huwag mo siyang pansinin. Tara sa kwarto ko!” Hinila siya nito sa maliit nitong kwarto. Barung-barong ang bahay ngunit masasabi ni Rhian na kumapara sa ibang bahay na nakita niya sa lugar na iyon ay maayos-ayos ang bahay nina Kenzo. “A-anong gagawin mo sa akin? Huwag kang gagawa ng hindi maganda dahil sisigaw ako!” Pilit niyang itinatago ang takot sa pagsasalita. Bigla kasing isinarado ni Kenzo ang pinto na yari sa pinagtagpi-tagping tabla at plywood. Agad na may tumakbong hindi maganda sa utak niya. Natawa ito nang bahagya. “Dumi ng utak mo, miss! Wala akong gagawing masama sa iyo. Gano’n ba ang tingin mo sa akin?” “E, bakit mo ako dinala rito? Bakit isinarado mo pa ang pinto?” “`Di ba, itatago nga kita. Sige ka, lumabas ka. Baka mamaya ay nandiyan pa iyong pinagnakawan mo niyan!” Inginuso nito ang hawak niyang shoulder bag na hindi na niya alam na hawak pa pala niya. Malungkot na tiningnan ni Rhian ang ninakaw na bag at bigla siyang umatungal ng iyak. “O, bakit ka umiiyak? Anong nangyari sa iyo?!” “Hindi ko naman talaga gustong magnakaw, e! Hindi ako magnanakaw! Nagugutom lang ako kaya nagawa kong mang-snatch!” aniya sa pagitan ng malakas na pag-iyak. Umiling-iling si Kenzo. “Halata ngang hindi ka snatcher. Sa kilos mo pa lang ay alam ko na. Saka tingnan mo nga iyang bag na kinuha mo. Mumurahin. Kung ako ang snatcher ay hindi ko iyang nanakawin. Halatang walang laman na malaking pera o gadgets!” “Paano mo nalaman? Magnanakaw ka ba?” “Minsan!” tawa nito. Hindi niya alam kung nagbibiro ba ito o nagsasabi ng katotohanan. Chi-neck nina Rhian ang laman ng bag. Tama nga si Kenzo. Wala siyang mapapakinabangan sa laman ng bag. Tissue paper na galing pa yata sa motel, baby cologne, phone charger, ID, earphone na buhol-buhol at coin purse na ang laman ay ticket ng bus. Ani Kenzo, mabuti raw at nasa parke ito at nakita siya. Nagkunwari itong hahabulin siya kaya huminto na sa paghabol ang babae. Ipinaubaya na kay Kenzo ang paghuli sa kaniya. Pero hindi naman siya nito hinuli at ibinigay sa mga pulis. Itinago pa nga siya nito sa sarili nitong pamamahay. “Bakit mo nga pala ako tinulungan?” usisa ni Rhian. Tapos na siyang umiyak. “Ang ganda mo kasi!” Namula ang mukha niya sa sagot ni Kenzo. “Bibili lang ako ng pandesal tapos nakita kita roon sa park. Wala na... natulala na lang ako sa ganda mo!” “Bolero!” “Hindi kita binobola. Nagsasabi ako ng totoo. Oo nga pala, ang daya mo. Alam mo na ang pangalan ko pero hindi ko pa alam ang sa iyo.” “Rhian...” Matipid niyang sabi. “Rhian...” Ulit ni Kenzo. “Ang ganda. Bagay sa iyo.” Napahawak si Rhian sa tiyan nang muli iyong kumalam. Gutom na gutom na talaga siya. Mas lalo pa iyong tumindi dahil tumakbo siya nang malala. Nahihiya siyang tumingin kay Kenzo. “M-may pagkain ba kayo rito? Nagugutom kasi ako. Hindi pa ako kumakain kagabi.” Kakapalan man ng mukha ang ginawa niya ay wala na siyang pakialam. Mas nanaisin niyang masabihang makapal ang mukha kesa mamatay na dilat ang mata nang dahil sa gutom. “Tamang-tama! Mag-aalmusal pa lang kami ni nanay. Sumabay ka na sa amin!” Lumabas na sila nito ng kwarto. Naabutan niya ang nanay ni Kenzo na kumakain na sa maliit na lamesang yari sa kahoy. Nakataas ang isa nitong paa sa upuan. Tumingin ito sa kaniya at umirap. Pinaupo siya ni Kenzo. Magkatabi sila. “Sampung pandesal lang ang meron tayo. Kulang pa iyan sa atin tapos papalamunin mo pa iyan!” Mataray na sabi ng nanay ni Kenzo. Kinagat ni Rhian ang pang-ibabang labi. Awang-awa siya sa sarili niya. Pakiramdam niya ay isa siyang pabigat sa lahat ng taong nilalapitan niya. “Kenzo, aalis na lang ako. Hindi na pala ako nagugutom—” “Hindi, Rhian!” pigil ni Kenzo. Tumingin ito sa nanay nito. “`Nay, kay Rhian na lang iyong parte ko. Magkakape na lang ako.” “At ano?! Gugutumin mo sarili mo sa babaeng iyan?! Kenzo, alam kong maraming babaeng nagkakandarap sa iyo sa labas. Kahit mga bakla ay handa kang gastusan. Tapos sa babaeng iyan ay tiklop ka? Pati pandesal mo ay ibibigay—” Biglang pinasakan ni Kenzo ng pandesal ang bunganga ng nanay nito. “Kumain ka na lang, nanay! Ang dami mong sinasabi!” Malakas itong tumawa. Yumuko si Rhian upang hindi makita ng nanay ni Kenzo ang pagpigil niya sa kaniyang pagtawa. Baka mas lalo itong magalit kapag tinawanan niya. “Aba’t hayop ka talaga!” Mura nito habang nginunguya ang pandesal. “Nagbabawas rin naman ako ng pagkain, `nay, kaya okay lang. Baka mawala itong mga pandesal ko sa tiyan, e!” Tinapik nito ng isang beses ang tiyan. Tiningnan siya ni Kenzo sabay kindat. Inabutan siya nito ng isang piraso ng pandesal at ipinagtimpla pa siya ng kape. Matapos ang almusal ay muli silang nag-usap ni Kenzo. Tinanong nito ang sitwasyon niya at hindi siya nagdalawang-isip na sabihin dito ang totoo. Nag-offer ito na sa bahay muna ng mga ito siya tumira hanggang sa magkaroon siya ng trabaho at sumweldo na para may pambayad sa maliit na paupahan o kwarto. Noong una ay tutol ang nanay ni Kenzo na si Aling Klara. Panay ang pagbubunganga nito sa kaniya at pagpaparinig na isa siyang palamunin. Pero nang maglaon ay tila nasanay na ito na naroon siya. Habang wala pang nahahanap na trabaho ay siya ang gumagawa ng mga gawaing-bahay. Madalas na lasing si Aling Klara. Palagi itong humihingi ng pera sa anak para pambili ng isang bote ng gin. Ayon kay Kenzo ay masyadong dinibdib ng nanay niya ang pakikipaghiwalay ng boyfriend nito na meron na palang asawa kaya naging lasenggera ito. Si Kenzo naman ay madalas wala sa bahay. Hindi niya alam ang trabaho nito pero minsan ay umuuwi ito na merong pera. Na-curious tuloy siya kung ano ang trabaho ni Kenzo. Minsan ay gusto niya itong tanungin pero inuunahan siya ng hiya. Saka na lang kapag nagkaroon siya ng lakas ng loob.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD