“Patricia…” Ang tinig na iyon ang nagpakalas sa kanya mula sa pagyakap ng asawa niya. Isang malalim na paghinga ang kanyang ginawa bago hinarap ang may-ari ng tinig. Nakatayo na sa kanyang tabi ang ina ni Bryan. Maging ito ay tila hindi mapakali. Ang bibig ay bumuka tikom at medyo nanginginig pa iyon. Tila nito hindi alam paano magsimula ng pangungusap. Hindi na niya hinintay pa na magsalita ang ina ni Bryan. Kinabig niya ito at niyakap ng mahigpit. Hikbi at ang sunod-sunod na malalim na mga paghinga ng ina niu Bryan ang namayani sa paligid. Sapat na ang mahigpit na yakap ng ina ni Bryan at ang mga hikbi nito upang masabing pinagsisisihan nito ang mga nagawa nito sa kanya. Sa wakas. Tuluyan ng naputol ang lahat ng pangamba at tuluyan na naghari ang kapatawaran sa puso ng bawat isa.

