CHAPTER ONE
MALALIM NA HUMUGOT ng hininga si Ariane bago buksan ang pinto ng opisina ng boss. Ginandahan niya rin ang pagngiti upang hindi maaninang ang pagod na nadarama sa maghapong pagtatrabaho.
"Ipinatawag niyo raw ako, sir Dens?"
Matatalim ang mga mata ng boss na si Daniel nang tumingin sa kanya. Nakaupo ito sa swivel chair at ubod ng seryoso ang mukha. Nilalaro ng mga daliri nito sa kamay ang isang signpen sa mesa tanda ng pagpapakalma sa sarili.
"Alam mo naman siguro kung bakit, hindi ba?" Napakababa ng tono nito. Bahagyang mahina ang boses ngunit naroon ang senyales na anumang oras ay lalabas ang nagtatagong tigre sa loob nito.
Isinara niya ang pinto bago sumagot. "Sir, nantitrip po ang mga kabataang costumer kaya ho pinaalis ko sa shop."
"Explain."
Lumakad siya palapit dito. Uupo sana siya sa upuang nakapuwesto sa tapat ng table nito nang pigilan siya ni Daniel.
"I said explain. Not have a seat."
"Sabi ko nga po, e," napapahiyang wika ni Ariane. "Ganito kasi sir ang nangyari, 'yung isa po sa grupo ng mga kabataan ay umorder ng milktea na ibang flavor at add ons. Nung gagawin ko na po, bigla niyang binago. Tapos maya-maya, binago niya ulit. Ang dami po natin costumer kanina kaya sinabi ko po na mag-isip munang mabuti ng kung ano ang gusto niya bago umorder. Nilait niya ako, sir. Sinabihan niya akong tanga at hindi karapatdapat na nagtatrabaho dito. Slow daw ako."
Napasinghal ito. "Isa sa mga rules ko dito sa shop ang magbigay ng mahabang pasesiya sa mga costumer, 'di ba?"
"Yes, sir. Pero-"
"Hindi mo ba nakilalang anak 'yon ng kaibigan ko?"
"Hindi niyo rin ho ba natatandaan na ilang beses na siyang nagawa ng kalokohan dito?" ani Ariane.
Sarcastic itong nangiti ngunit bigla na lamang inihampas ang kamay sa table at tumayo. Inaasahan na niya iyon ngunit napakislot pa rin siya sa gulat.
"How many times do I have to tell you that never argue with me?! This is my shop and you're just my employee! You follow the rules or leave!"
Napayuko siya. Alam naman niya iyon. Kung hindi nga lang mahirap humanap ng trabaho sa panahon ngayon ay matagal na siyang umalis doon. Limang buwan na pa lang siya nagtatrabaho roon pero considered as regular employee na siya dahil malakas ang backer niya. Masungit ang boss niya pero kailangan niya magtiis at i-grab ang opportunity na iyon na bihira lang darating sa isang katulad niya.
"Palagi na lang, Ariane! Umarte ka nga ng edad mo! Bata yung inaway mo!" bulyaw nito.
"Kaya namimihasa yun dahil hinahayaan mong umasta ng ganoon dito, e." bulong niya.
"Please Ariane, tigil tigilan mo nga yang pagbulong-bulong mo!" mas nanggigil ito. "Hindi porket ang kapatid ko ang nagpapasok sa yo dito, may karapatan ka nang umasta ng ganyan."
"Sir, ginagawa ko ng mabuti ang trabaho ko. Alam kong nakikita mong nagsisikap akong maging mabuting empleyado mo pero mahirap din kasi kung palagi ka na lang masungit. Puwede mo naman ako pagsabihan ng maayos, ah."
"Bakit hindi ka magresign kung nahihirapan ka na?" Umarko pa ang kilay nito.
"Okay."
Kinuha niya mula sa bulsa ng suot na slux ang cellphone at may pangalan na hinanap sa contacts.
"Anong ginagawa mo? Sino ang tinatawagan mo?" Mabilis ang nagbago ang ekspresyon nito. Kitang-kita sa mukha nito ang pag-aalala.
"E sino pa, e di ang Ate Amber mo." habang nagsasalita ay inidial na niya ang numero ng kapatid nito.
"Tigilan mo nga yan!" Mabilis na lumapit sa kanya si Daniel.
Ngunit bago nito mahawakan ang kanyang cellphone ay inilayo na niya ito. Pilit niya itong itinataas ngunit dahil matangkad si Daniel ay naabot nito kaya tumakbo siya palayo.
"Ibigay mo sa akin yan!"
Naabutan siya nito. Dalawang kamay na ang ipinanghawak niya sa telepono upang hindi ito makuha. Halos yakapin na rin niya iyon sa lakas ni Daniel. Nang malapit na nitong makuha ay bigla siyang humarap dito at kapwa sila natigilan dahil halos magdikit na ang mga mukha nila.
Pinigil niya ang paghinga. Nag-alala siya na baka maamoy nito ang kinain niya at ininom na kape. Hindi pa man din siya nagtotoothbrush. Ngunit rinig na rinig niya ang pagtibok ng puso niya.
Dahil ba yun sa pagpigil niya ilabas ang carbon dioxide at paghinga ng oxygen?
Nataranta siya nang magbaba sa kanyang labi ang mata nito.
"S-sir..."
Napalunok siya nang tila ba unti-unting bumababa ang mukha nito sa kanya.
"Naiwan ko ba yung susi ng--" biglang pumasok si Jerome. Nagulat ito sa nasaksihan.
"H-hinaharas niya ako, sir." Pagsisinungaling ni Arianne.
"What?" biglang lumayo sa kanya si Daniel. "Excuse me, you are not my type!" at umismid pa ito.
"Hindi rin kita type, no!" sagot niya.
"I don't care." Ani Daniel.
Natawa si Jerome. "Ano ba ang nangyari?"
"E ano pa? Yang spoiled brat na empleyado mo kung makaasta akala mo kung sino." Pagsusumbong ni Daniel.
Sa kanya naman bumaling si Jerome. "Aya?"
"Pasensiya na po sa inasal ko, sir Daniel. Hindi na mauulit." Tunay sa kanyang puso ang sinabi. Siguro kasi'y may crush siya kay Jerome kaya nakadama siya ng pagkapahiya dito. Gusto niyang maging mabuting tao lang ang tingin nito sa kanya.
Para naman napahiya rin si Daniel sa nangyari. "Huwag mo nang uulitin."
Tumango lang siya.
"Sige na, Aya, mag-ayos ka na. Nagsisiuwian na mga kasama mo." ani Jerome.
"Salamat po, Sir." Kapwa siya nagpaalam sa dalawang boss.
Nang isara niya ang pinto ay awtomatikong nabura ang mga ngiti niya.
"Napagalitan ka ba?" tanong ni Lily. Isa sa barista ng shop. Bago siya makasagot ay hinila siya nito papasok sa loob ng locker nila para doon magkuwentuhan.
"Eh palagi naman galit sa akin si Sir Dens, e. Nasasanay na nga ako e." nakasimangot na wika ni Arianne.
"Uulitin ko, hindi naman ganyan si sir Dens. Mabait siya at mapagpasensiya." Ani Lily habang inaayos ang mga gamit sa kanyang locker.
"Selective lang ang kabaitan niya." aniya. "Eversince na tumuntong ako sa shop na ito, ganyan na siya."
"Baka kasi brokenhearted kaya naging masungit. Pero I swer, the best boss si sir Dens. Hindi ako magtatagal ng tatlong taon dito kung masungit siya."
"Wala namam akong pakialam sa dahilan niya. Anyway, wala naman akong planong magtagal dito." Sabi niya. "Hindi ako magpapakamartir sa pagiging empleyado niya."
"Maiba ako, may birthday party kila Roxanne, iniimbita tayong magpunta. Nauna na nga sila don kaya mag-ayos ka na."
"Wala ba akong gagastusin diyan?" tanong niya.
Natawa si Lily. "Ikaw talaga, ubod ng kuripot. Kakasahod lang naman natin kahapon, parang wala ka nang pera agad, ah. Dalaga ka pa naman. Daig mo pa ako na single mom na may dalawang anak."
"Siyempre nag-iipon ako. Ang hirap kaya ng buhay ngayon! Literal na mahirap kumita ng pera lalo na kung katulad ni Sir Dens ang boss."
Napailing-iling si Lily. "Anyway, wala ka naman gagastusin. Libre pa ang dinner mo!"
Umaliwalas ang mukha ni Arianne. "Sama ako diyan!"
"Ano pa ang hinihintay mo? Mag-ayos ka na kaya!"
Dali-dali naman inasikaso ni Arianne ang sarili.
Totoong kuripot siya. OA nga daw ang katipiran niya sabi ng mga katrabaho. Hindi kasi talaga siya nasama sa mga ito maggala o mag-unwind man lang, basta gagastos siya ay allergic siya. Wala naman siyang anak o mga kapatid na pinag-aaral, sa katunayan ay wala na siyang pamilya na matatawag matapos pumanaw ang ina nito lang nakalipas na pitong buwan. May sakit kasi ito sa kidney at nagkaroon na ng komplikasyon sa puso at baga. Na-confine pa ito sa ospital nang halos apat na buwan ngunit hindi na rin kinaya ng katawan.
Palibhasa ay dalawa lang silang mag-ina ang magkasama sa buhay, wala siyang malapitan noon para hingan ng tulong sa pagpapagamot nito. Hindi naman niya puwede basta iwan na lang mag-is sa ospital. Kaya naman naisangla niya ang bahay at lupa nila, ang tanging kayamanan na minana pa ng nanay sa lolo nito. Wala siyang pagpipilian noon. Siya lang ang nagdesisiyon non at inilihim iyon sa ina. Hindi nahalata nito dahil sa ospital na sila nakatira noon. Alam niyang hindi naman na magtatagal pa ito pero para sa kaniya, mas importante ang madugtungan kahit papaano ang buhay nito.
At least may ginawa siyang paraan at wala siyang pagsisisi.
Kaya naman kailangan niyang maghigpit ng sinturon ngayon para makaipon at matubos ang titulo ng bahay at lupa. Nangako siya sa puntod ng inay na gagawin niya ang lahat para mabawi iyon. Anuman ang mangyari.
"LATE ka yata ng uwi ngayon, ah? Overtime?"
Nangiti si Arianne sa kapitbahay nilang nagtitinda ng balot, si Mang Allan. Nakapuwesto ito sa kanto ng street nila. Saglit niyang sinipat ang oras sa suot na relo bago sumagot. Alas-onse na pala.
"Kailangan, eh."
"Oh, Aya! Akala ko lumipat ka na?" Isang kapitbahay ang bumibili ng balot.
"Ha? Bakit mo naman nasabi?" nagtataka siya.
"Kasi yung landlady mo kaninang hapon, pinaglalabas lahat ng mga gamit mo sa-"
Hindi na niya pinatapos ang pagsasalita nito. Mabilis niyang tinakbo ang kanyang inuupahang bahay na tatlong bahay lang ang layo mula roon.
"Mabuti at dumating ka na. Kanina ka pa hinihintay ng mga gamit mo." Mataray na wika ni Aling Myrna. Ang may-ari ng inuupahan niyang maliit na bahay.
"Bakit niyo po nilabas ang mga gamit ko? Nagbabayad naman ako ng renta sa inyo." Mangiyak-ngitak na wika ni Arianne.
"Nagbabayad? Hmp! Halos apat na buwan ka nang walang bayad sa akin!" Nagtaas ito ng boses.
"Ipinapaabot ko po sa pinsan kong si Vicky, yun pong nakikituloy sa akin?"
"Kilala ko 'yon. Maraming utang 'yon sa tindahan ko. Pero ni singko wala akong natanggap na bayad sa upa."
Mariin siyang napapikit at nadamang tila pasan niya ang daigdig ng mga sandaling iyon. Hindi niya alam kung matatawa siya sa sarili dahil pinagkatiwalaan ang pamangkin ng kanyang ina. O maiiyak dahil wala na siyang matirirhan ngayon.
"Huwag niyo naman muna po akong paalisin. Magbabayad po ako, maghahanap ako bukas ng pambayad. Please po. Wala na po kasi akong ibang matutuluyan. Gabi na rin po kasi." Pakiusap niya.
"Aba eh wala na akong pakialam doon. Wala na rin akong magagawa. Ilang buwan na akong walang kinikita sa 'yo. Hingi nang hingi ng palugit ang pinsan mo, ang sabi nahold daw ang sahod mo kaya hindi ka nakakabayad. May mga anak din akong binubuhay at pinag-aaral. Kaya kung maaari, alisin mo na ang mga gamit mo diyan dahil may titira na diyan bukas. At oo nga pala, kinuha ko ang ilang mga gamit mo para kahit papaano'y mabawi ko naman ang itinara ninyo sa paupahan ko." Pagkasabi nito ay iniwan na siya ni Aling Myrna.
Sinubukan pa rin niyang makiusap ng ilang ulit. Kumatok siya nang kumatok sa pinto nito ngunit hindi talaga siya pinagbuksan. Mabigat man sa kanyang loob ay binitbit niya ang gamit. Dalawang bag lang naman iyon, nang buksan niya ay puro damit niya lang ang laman.
Sinubukan niyang tawagan si Vicky para tanungin ito ukol sa nangyari ngunit hindi na niya ito makontak.
Walang-wala pa naman siyang pera ngayon. Tatlong daan na lang ang laman ng pitaka niya. Madali sana kung may pera siya, makakahanap siya agad ng matutuluyan.
Naiyak siya ngunit walang magawa. Kailangan niyang pahiran ang sariling mga luha.
"Pagsubok lang 'to, Aya. Kasi alam ng Lord na matapang ka. Kayang-kaya mo 'to!" pag-cheer niya sa sarili.
"HINDI KO pa rin talaga maintindihan kung bakit masyadong special sa yo ang Arianne na 'yun! Madalas hindi niya ako nirerespeto!" Pagsusumbong ni Daniel sa kapatid. Sinadya niya itong puntahan sa tinitirhang condominium ng umaga para siguradong naroon ito.
"Bakit ba? Gusto ko siya kasi hindi siya naiintimidate sa yo. Gusto ko yung hindi natatakot sa yo at kaya kang labanan kapag nagsusungit ka." Sagot ni Amber habang nagbabasa ng magazine. Nagtaas lamang ito ng tingin sa kanya nang sabihing, "Maliwanag 'yon?"
Napasinghal siya. "At ano naman ang purpose mo? Para may taga sumbong sa yo? For your information lang, ha, matanda na ako."
Ibinaba ni Amber ang magazine at tumayo. "Oo. Gusto kong malaman ang mga ginagawa mo. At gusto kong makasiguro na hindi ka na nagpapakatanga over your ex-girlfriend who cheated on you!"
"Naloko siguro ako but I'm not stupid!"
"Yes you are."
"Nakafocus ako sa pagpapatakbo ng business ngayon. Hindi ako distracted dahil lang kay... sa babaeng 'yon. Mas okay ang takbo ng coffee shop ngayon."
"Oh, really? Kaya pala ubod ka pa rin ng sungit ngayon. Kaya pala naiirita ka sa mga simpleng bagay. That's not you, Daniel."
"Hindi 'yan totoo! It's been months since mangyari yun and I'm fine. Si Arianne lang naman ang sinusungitan ko kasi—“ hindi na niya naituloy ang sinasabi.
"See? Nanggaling na rin sa sarili mong bibig."
"Eh kasi naman may pagkamaldita ang babaeng 'yon!" pagpapaliwanag niya. "Besides, hindi naman lahat ng reaksiyon ko ngayon at emosyon, may kinalaman sa ex ko."
"So, what do you want?" tanong ng kapatid.
"Alisin mo na si Arianne sa shop." walang tumpik na sagot niya.
"No." pagkasabi ay tinalikuran na siya ni Amber.
"Amber!"
"Hanggat hindi mo tinitigilan si Clara, hindi mo maibabalik ang tiwala ko sa yo." Seryoso ang kapatid.
"Tinigilan ko na nga siya! Ano ba, hindi ka ba nakikinig sa mga sinasabi ko?!"
"Gusto mong buksan ko ang cellphone mo at ipakita ko ang ebidensiy?" nagtaas ng kilay si Amber.
Naitikom niya ang bibig.
"Hanggat nandiyan pa ang mga picture ni Clara, hindi ako maniniwalang handa ka nang kalimutan siya. Ngayon kung hindi mo mamasamain, may meeting pa ako."
Hindi na siya nagpaalam sa kapatid. Dire-diretso siyang umalis ng condo nito at hindi na ito nilingon.
Mabait naman si Amber. Sa katunayan ay kakampi niya ito sa lahat ng bagay. Ito ang taga pagtanggol niya sa tuwing pinagagalitan ng mga magulang na palaging nasa business trip. May part naman na nauunawaan niya ang nakakatandang kapatid kung bakit masyado itong mahigpit sa kanya ngayon kahit na 32 years old na siya.
Kamakailan lang kasi ay may nangyaring hindi maganda sa kanya. Ang girlfriend niya na halos muntik na niyang ayain magpakasal ay natuklasan ng kapatid na may iba pa palang nobyo. Nang malaman niya iyon at mapatunayan ay halos mawala siya sa sarili.
Mahina talaga siya sa ganoong bagay. Aminado siyang weakness niya ang pag-ibig. Hindi naman niya first love si Clara ngunit ito ang unang babaeng nanloko sa kanya. Kaya siguro ganoon na lamang kasakit para sa kanya ang nangyari. Sakit na hindi niya kinaya kaya aywan niya, bigla na lang pumasok sa isip niya ang tumalon sa tulay at nawalan ng malay.
Nasa ospital na siya nang bumalik ang kanyang ulirat. Naroon ang naluha niyang kapatid at ilang mga kaibigan.
"Teka, paano nga pala nalaman ni Amber na hindi ko pa rin binubura ang mga pictures ni Clara?" napaisip siya bigla habang nagmamaneho ng sasakyan papuntang Cups and Cake.
Naalala niya, minsan niyang naabutan sa loob ng office si Arianne. Naroon lang n'on ang cellphone sa ibabaw ng table at sa tingin niya ay pinakialaman nito iyon. Hindi siya naghinala na may kinakalikot ito dahil ang dahilan lang nito ay may pinapasabi si Amber na kanina pa raw natawag ang kapatid.
Nagkuyom ang mga kamao niya at nagtigis ang bagang.
"ARIANNE!!!"