KANINA PA gising si Arianne subalit nananatili lamang siyang nakahiga sa kama at nakatulala sa kisame. Araw ng Sabado ngayon at ayon kay Daniel ay restday niya. Nakiusap siya dito na hindi muna siya sasama magjogging dito dahil gusto niyang matulog ng mahaba-haba. ‘Yun naman talaga ang gusto niyang gawin kaya lamang ay nasanay na ang katawan na gumising ng maaga.
Tinignan niya ang oras sa kanyang cellphone na nasa ibabaw ng sidetable. Alas-siete na kaya sigurado siynag nakaalis na si Daniel.
Bumangon siya para magpalit na ng damit. Plano niyang magluto na lang muna ng almusal para pagbalik ni Daniel ay makakain na.
“Ay, ano ba ‘yan!” nagulat siya nang pagbukas niya ng cabinet ay biglang may nalaglag.
Ang diary ng kanyang ina.
Kahapon kasi ay nilagay niya ang diary doon, inalis na sa kanyang bag dahil tingin niya ay magtatagal siya sa bahay na iyon.
Malalim siyang napabuntonghininga habang nakatitig lang sa notebook na iyon. Hindi pa rin siya handang buksan iyon. Hindi pa man ay nagingilid na ang kanyang mga luha.
“Ilang linggo na rin kitang hindi nadadalaw ‘nay. Nagpaparamdam ka na ba sa akin?”
Kaysa tuluyang malungkot ay itinago na niyang muli ang diary at nagpalit na ng damit. Paglabas niya ay dumiretso na siya sa kusina ngunit ipinagtakang may nakahain nang pagkain sa mesa.
Nangiti siya nang mabasa ang note na nasa refrigerator. Kinuha niya ito.
‘Make sure na uubusin mo lahat ng hinanda ko. Babalik ako kaagad. I love you.’
“Naku naman, baka naman mahulog ako sa ‘yo niyan kapag ganito ka palagi.” Hinagkan niya ang papel na iyon at natawa.
Binalikan niya ang mga nakahaing pagkain. May mga prutas na naka-slice na, French toast, pritong itlog. Naupo naman siya at sinimulan nang kumain.
Gusto niyang maiyak. Maliban kasi sa kanyang ina ay wala nang ibang gumawa sa kanya ng ganoon. Pilit man niyang ipaalala sa sarili ang dahilan kung bakit ganoon si Daniel ay hindi maalis sa kanya na matuwa. Ngayon siya naniniwala sa sinabi ni Lily na mabait ang kanilang boss.
Sweet at maalalahanin.
Kung sino man si Clara, napakasuwerte niya na minahal siya ni sir Dens.
“I’m home!”
Napalingon siya sa pinto nang marinig ito. Tumayo siya para salubungin ito.
“Hi, good morning sweetheart!” masiglang-masigla ito.
“Good morning. Salamat sa breakfast. Ikaw, kumain ka na ba?” aniya.
“I’m good. Thanks.” Lumapit ito sa kanya at dinampian siya ng halik. “Wait lang, ha. I’ll just take a shower.” Nagmadali itong pumasok sa loob ng silid.
Napakagat siya ng pang-ibabang labi. May kilig siyang naramdaman. Gusto niyang tumili pero siyempre kailangan niyang magpigil.
Bumalik na siya sa mesa at ilang saglit lang ay lumabas na rin si Daniel.
Matagal na niya itong nakakasama ngunit para bang ngayon lang niya naappreciate ang amoy ng pabango nito. Pati na kagwapuhan nito na naikubli ng kasungitan noon. Mas lumabas ang gandang lalaki nito sa suot na white tshirt at jogger pants lang. Madalas nga kasing nakaformal attire ito.
Napansin niya rin na maganda ang katawan nito. Fitted kasi ang tshirt kaya bakat ang malapad nitong dibdib at sigurado siyang may 6 pack abs na nagtatago sa likod ng damit na iyon.
“Namiss mo ba ako?” natatawang nagtanong ito.
Saka lamang siya natigil sa pagsusuri sa itsura nito. “Ha? Bakit?”
“Titig na titig ka sa akin, eh. Okay ka lang ba?”
Alanganin siyang natawa at napayuko. Kunwari ay nasamid siya kaya uminom siya ng tubig.
“Oo nga pala, hindi ko kasi alam kung anong oras ka babangon kaya hindi kita natimplahan ng coffee. Wait lang,” nagtungo ito sa counter.
Hindi na niya ito pinagmasdan dahil baka magkasala lang siya. Kumain na lang siya ng tinapay.
“Mainit, ha.” Anito nang ipatong sa mesa ang tasa ng kape. Naupo ito sa tabi niya.
“Thanks.”
Nakangiti nitong hinaplos ang buhok niya. “Kain ka nang kain. Para makabawi ka ng lakas. Baka sabihin ng parents mo pinapabayaan kita.”
Natigilan siya. Naaalala na naman ang kanyang ina.
Nahalata naman iyon ni Daniel. “May problema ba? Ayaw ba nila sa akin? Gusto mo ba puntahan natin sila at kausapin?”
“Hindi ko kasi nakilala ang tatay ko, eh. Hindi kita maipapakilala sa kanya.”
“How about your mom?”
“She passed away 7 moths ago.”
Parehong araw kung kailan mo naisipang tapusin ang buhay mo. Nais niyang idugtong.
“I’m so sorry.” Niyakap siya nito. “Nandito lang ako para sa ‘yo, okay?”
Naluha siya. Ito ang unang tao na nakiramay sa kalungkutan niya. Nung mawala kasi ang ina ay ni wala siyang kamag-anak na pumunta. May ilang kapitbahay lang sila na malapit sa kanila ang nakipaglamay ngunti wala ni isa ang umalala sa damdamin niya.
“Matagal na rin naman nangyari kaya okay na ako.” Pagsisinungaling niya. Pinilit pa niyang ngumiti.
Kumalas si Daniel. “Bilisan mo na ang pagkain diyan, dadalaw tayo sa kanya ngayon.”
Hindi na siya tumanggi pa. Nakadama siya ng excitement dahil sa unang pagkakataon ay may kasama siyang bibisita sa ina.
Matapos kumain ay naligo at nagbihis na siya. Bago sila tumuloy sa sementeryo ay bumili si Daniel ng bulaklak. Natawa nga siya rito dahil kinakabahan ito. Nagsinungaling na lang siya na nakilala ito ng nanay niya at botong-boto sa kanya kaya wala itong dapat na ipag-alala.
Pagkagaling doon ay namasyal sila sa isang amusement park sa may tagaytay. Hindi niya alam kung plano ni Daniel iyon ngunit nang ayain siya ay agad siyang pumayag. Natuklasan niyang pareho silang mahilig sa mga rides.
Sa napakatagal na panahon, parang ngayon na lang naramdaman ni Arianne ang mag-enjoy. Panandalian niyang nalimutan ang mga problema niya at wala siyang ibang ginawa kundi ang sumigaw at tumawa.
“Grabe, nakakalula, ‘no?” wika niya nang nakasakay sila sa malaking perris wheel. ‘Yun ang huling ride na sinubukan nila. Nakatanaw siya sa labas kung saan ay makikita ang bulkang taal. “Pero napakaganda ng view. Hindi kaya tayo mahulog?”
“Hindi ka puwedeng mahulog dito. Dapat sa akin lang.” Biro ni Daniel.
Saglit niya itong tinitigan. “Dens, salamat, ha? Naappreciate ko ‘to nang sobra.”
Nginitian siya nito. Bahagyang namula ang mukha. “Ito naman, maliit na bagay.”
Hinawakan niya ang isa nitong kamay. “Maraming salamat.”
Unti-unting sumeryoso ang ekspresyon nito at tinitigan lang din siya. Nang dahan-dahang lumalapit ang mukha ni Daniel sa kanya ay hindi siya umiwas ng tingin. Sinalubong niya ang mga labi nito at kusang pumikit ang kanyang mga mata.
Pakiramdam niya ay nalulunod siya. Nalulunod sa emosyong hindi niya matukoy kung ano. Tila ba napakatamis ng halik na iyon at unti-unti na siyang naaadik. Natututo na rin siyang gumanti kaya naman kapwa sila hingal nang maghiwalay.
“Mahal na mahal kita.” Anas ni Daniel habang hinahaplos siya sa mukha.
“Mahal din kita, sir Dens.” Sagot niya.
“Kapag bumalik na ang memory ko, gusto ko magpakasal na tayo.”
Para siyang binuhusan ng malamig na tubig sa narinig. Ang mga katagang iyon ang nagpabalik sa kanya sa realidad. Matagal bago siya nakasagot.
“S-sure. Gagawin natin ‘yan.”
Ano ba naman kasi ang ginagawa mo, Arianne?Huwag kang lalagpas sa limitasyon mo, masasaktan ka lang sa huli. Alam mo kung ano ang magiging wakas nito. Alam na alam mo.
“PUWEDE BA akong magtanong sa ‘yo nang medyo sensitive?”
Napalingon kay Daniel si Arianne na sa pagod ay inaantok na. Hikab na nga siya nang hikab. Pauwi na sila at dahil wala naman si Hizon ay ito ang nagmamaneho.
“Puwede naman siguro. Ano ba ‘yon?”
“Ginawa na ba natin?”
Kumunot ang noo niya. “Ginawa ang alin?”
“Yung… alam mo na. ‘Yung ginagawa ng dalawang nagmamahalan.”
Dahil clueless ay hinihintay niya lang dugtungan nito ang sinasabi.
Napuna niyang tila ba ninenerbiyos ito at hindi siya diretsa. Huminga pa nga ng malalim bago muling magsalita.
“H-have we… made love?” at parang bigla itong nasamid dahil naubo kunwari.
Napahalakhak siya. Kinabahan siya kung saan patungo ang usapan na iyon. Ipiangpasalamat niyang nakafocus ang atensiyon nito sa daan at halos hindi siya matignan.
“Have we?” Tanong pa nito.
“Alam mo bang ikaw ang unang boyfriend ko?” Aniya.
Napasulyap ito sa kanya. Kitang-kita ang pagkagulat. “Really?”
“Really.”
“So, you mean na ako ang unang naka-“
“Daniel walang nangyari sa atin. Nirerespeto mo ako.” Mabilis niyang pinutol ang sasabihn nito.
“Unang nakahalik ang ibig kong sabihin.”
Para naman siyang napahiya at napatango na lang.
“Pero halimbawa, halimbawa lang ‘to ha, hilingin ko sa ‘yo na—“
“No. Walang mangyayari hanggat hindi tayo kasal.”
“Siguro dapat pinapatapos mo muna ang sinasabi ko.” Nayamot ito.
“Sorry naman.”
“Anyway, puwede bang magtabi nalang tayo sa kama ko? Isang beses ka lang naman tumabi sa akin, hindi na naulit. Wala naman akong gagawin, matutulog lang tayo. Gusto ko lang katabi ka… please?”
Tumanggi si Arianne. Maraming beses. Subalit naging makulit si Daniel at hindi siya tinigilan hanggang sa makauwi sila kaya pumayag na rin siya. May tiwala naman kasi siya sa sinabi nito.
Naglinis muna siya at nagpalit ng pantulog. Nagsuot siya ng maluwang na tshirt at pajama para masigurong hindi niya maakit ang “boyfriend”. Ipinusod niya ang mahabang buhok at tinignan ang sarili sa harap ng salamin upang siguruhing maayos ang kanyang itsura.
“Hala, ang putla ko pala.” Napuna niya.
Hinaltak niya ang drawer sa sidetable niya at kinuha ang liptint niya na kulay pula. Kaunti lang naman ang pinahid niya sa kanyang labi para lang magmukha siyang buhay. Bihira rin naman siya maglagay no’n at kung hindi lang required sa trabaho ay hindi siya bibili ng ganon.
Halos mapatili siya sa gulat nang paglabas niya ng pinto ay makita si Daniel na nakaabang sa labas.
“Ooops, sorry.” Natawa ito.
“Bakit ka ba nandiyan?” tanong niya.
“Susunduin sana kita,”
Siya naman itong natawa. “Ang sweet mo talaga.”
“Sus! Basic. Wala ‘yan sa surprise ko sa ‘yo.”
“Surprise? Saan?” Nagpalinga-linga siya.
“I want you to close your eyes, para masurprise ka.”
Ipinikit naman niya ang mga mata. Nilagyan pa siya nito ng piring at inalalayang maglakad. Ilang hakbang lang ay pinatigil na siya nito.
“Are you ready?” tanong nito.
“Puwede na ba akong dumilat?”
Narinig niya ang pagbukas ng pinto at agad pumasok sa ilong niya ang mabangong amoy. Nang tanggalan ni Daniel ng piring ay agad siyang dumilat. Napaawang lang ang kanyang bibig nang tumambad sa kanya ang kuwarto nito na maraming nagkalat na kulay puti at pulang petals ng bulaklak.
Malamlam ang kulay din ang kulay ng ilaw at napuna niya ang isang maliit na table na may nakapatong na wine at dalawang wine glass.
“Hep!” pigil nito nang nagpaplano pa lang siyang tumakbo pabalik sa kaniyang silid. Bigla kasi siyang humarap dito. “Bago ka mag-isip ng masama, wala akong masamamng intensiyon sa ‘yo. Gusto ko lang marelax ka dahil bukas, magsisimula ka na naman mapagod sa shop.”
“Pero Dens—“ Hindi niya naituloy ang sasabihin nang mapuna niyang sa mga labi niya ito nakatingin.
“Sure ka bang wala kang ibang naiisip na gagawin natin?” pilyo ang naging pagngiti nito.
Nadama niya ang pag-iinit ng pisngi. “A-ano ba ang sinasabi mo diyan?”
“Bakit naglipstick ka pa? Hmm?”
Napaatras siya ng lakad nang lumapit ito. Hanggang sa hindi niya napuna na nasa may kama na siya at napaupo. Naipit na ng mga binti nito ang mga binti niya kaya hindi na siya makatakbo. Unti-unti ay bumababa ang katawan ni Daniel sa kanya kaya naman para iwasan ito ay napahiga siya na isang malaking pagkakamali.
“D-dens…”
“Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko miss na miss kita kahit na kasama kita.” Halos pabulong lang na wika nito habang titig na titig sa kanya.
“Dens, nangako ka sa akin, di ba? Kaya ako pumayag na dito matulog dahil may tiwala ako na tutuparin mo ang pangakong ‘yon.” Sabi niya.
Mariin itong napapikit at humingi sa kanya ng tawad bago bumangon at maupo sa kama. Tinulungan din naman siya nitong bumangon.
“Sorry, masyado akong nagpapadala sa emosyon ko.”
Inihilig niya ang ulo sa balikat nito. “Okay lang. naiintindihan kita. Sa totoo lang, puwede naman natin gawin ‘to, eh.”
Gulat itong napatingin sa kanya.
“Pero sana kapag bumalik na ang memory mo. Natatakot kasi ako na baka kapag gumaling ka na, itong mga nangyari naman sa atin habang may sakit ka ang mabura sa alaala mo.” Pagpapalusot na lang niya. Pero half truth.
Napangiti na si Daniel. “Fair enough.”
“Mabuti pa matulog na tayo. Huwag na tayong uminom ng wine. Maaga pa tayo bukas.”
“Puwedeng payakap na lang?” hiling nito.
Hindi na siya sumagot. Siya na gumawa.
“Mahal na mahal kita, Aya.”
“I love you, too, sir Dens.” Sa pagkakabitaw ng mga salitang iyon ay alam ni Arianne na totoo na iyon. At alam din naman niya ang mga maaaring consequence ng nararamdaman niyang iyon.
Samantala, kararating lang sa bansa ni Mr. Artemio Lopez mula sa business trip. Ang ama nina Daniel at Amber. Hindi ito nagsabi kaya naman nagulat si Amber nang tawagan siya nito na umuwi sa mansiyon.
Kahit na alas-nuwebe na ay bumiyahe pa rin si Amber. Kinabahan siya ng husto dahil hindi niya sinabi dito ang tungkol sa pagkakaaksidente ng kapatid. Ngunit nahulaan na niyang alam na ito ang nangyari nang makita ang kanyang ama na walang ekspresyon ang mukha habang nakaupo sa kanilang terrace at hinihintay siya.
“Dad,” binati niya ito.
“Sasagutin mo lang ng maayos ang mga tanong ko para hindi humaba ang usapan natin. Naiintindihan mo?” pormal na wika ni Artemio.
Marahan lang na tumango si Amber.
“Totoo bang girlfriend ngayon ng kapatid mo ang crew niya?”
“Yes dad, pero—“
“Kilala mo ba ‘yon?”
Tumango si Amber.
“Ipina-background check mo ba? Sigurado ka bang hindi ‘yan katulad ng ex niyang gold digger?”
“Hindi ko na po ginagawa ‘yon dahil hindi naman niya totoong girlfriend si Arianne.” Pag-amin niya.
Bago pa mas mag-init ang ulo ng ama sa kanya ay ikinuwento niya dito ang mga nangyari habang wala ito. Ang nangyaring aksidente kay Daniel, ang pagkakaroon nito ng amnesia at kung paano napasok sa eksena si Arianne. Alam niyang magagalit ito sa kanya subalit naunawaan din naman nito sa huli.
“Gusto kong makilala ang Arianne na ‘yan. Ako ang kikilatis sa kanya kung mapagkakatiwalaan siya. Pero siguraduhin mong hindi siya maghahabol sa kahit ano at nang kahit ano kay Daniel matapos nang lahat ng ito.”
Napatango na lang si Amber.
"EXCUSE ME," Nakangiting pumasok si Arianne sa office ng shop na may bitbit na isang tasa ng kape.
Itinigil ni Daniel ang ginagawa sa computer. Tumayo pa ito at lumapit sa kanya.
"Bakit, may problema ba?"
"Wala. Pinagtimpla lang kita ng kape kasi baka inaantok ka na. Kapag ganitong oras kasi madalas naghihikab ka na." Iniabot niya rito ang dala.
"Napakasweet mo naman talaga. Kaya love kita, eh!" Masayang sabi nito. Kinuha ang kape at ipinatong sa mesa.
"Babalik na ako sa trabaho para makapagtrabaho ka rin." aniya.
"Hep hep!" hinapit siya nito sa baywang. "Inistorbo mo na rin lang ako bakit hindi mo pa lubusin?"
Hindi na niya hinintay pang sabihin nito, ginawa na niya. Siniil niya ito ng halik.
"Okay na?" aniya
Tumawa si Daniel. "Actually, I'm gonna ask for a slice of cake."
Ramdam niya ang pamumula ng mukha. "Sorry! Akala ko naman kasi..."
"Pero dahil sa ginawa mo, hindi ko na kailangan ng cake. Mas matamis ang lips mo dun eh. Patikim nga ulit."
Pinagbigyan naman niya ito ngunit halos itulak niya ito palayo nang biglang lumabas ng CR si Jerome. Natigilan din ito sa nakita.
"M-marami nang customer. Excuse me." Dali-dali siyang lumabas.
Gusto niyang kaininin na lang siya ng lupa sa hiya. Ang dami agad pumasok sa isip niya na sasabihin ni Jerome. Paano kung pag-isipan siya nito na tinototoo na niya ang pagiging girlfriend ng pinsan? Baka magalit sa kanya si Amber dahil wala naman sa usapan nila iyon.
Hindi siya mapakali hanggang lumipas ang maghapon. Wala kasi siyang natanggap na tawag kay Amber at hindi rin siya kinausap ni Jerome. Wala tuloy siya sa sarili kaya nakabasag siya ng tasa.
"Sorry, nadulas lang." aniya habang dinadampot ang bubog.
"Aya!" si Jerome.
Agad siya nitong nilapitan at kinuha ang kamay. "Anong nangyari?"
"Ano lang, nalaglag lang." Sabi niya.
"Diyos ko, may dugo na kamay mo! Guys, pakikuha naman ng firs aid kit natin." Utos nito.
Mabilis naman kumilos ang kasama. Nagpunta sila sa locker at si Jerome mismo ang naggamot sa sugat niya kaya lamang ay nag-alala siya na baka maabutan silang ganon ni Daniel. Magalit na naman ito. Kaya patingin-tingin siya sa pinto ng kitchen baka bigla itong dumating.
"Huwag kang mag-alala, umalis si Dens." wika ni Jerome habang nilalagyan na siya ng band aid.
"Hmm?" kunwari ay hindi niya maintindihan ang sinasabi nito.
Ngumiti ito. "Okay lang naman na maging okay kayo. Nakakatuwa kayong tignan na nagkakasundo kaysa sa nag-aaway."
"Ginagawa ko lang ang dapat." sagot niya.
Tinitigan siya ni Jerome. Matagal. Kaya nailang siya at naging malikot ang kanyang mga mata.
"Nakakalungkot lang na hindi mo na ako crush. Napalitan na ako ni Dens."
Namula siya. "S-sir, hindi naman nagbago ang... paano mo nalaman na crush kita?"
Natawa ito. "Hinulaan ko lang. Nagpahuli ka naman."
Alanganin siyang napangiti at hindi makasagot. Napayuko lang siya.
"Hindi naman imposible na magkagusto ka kay Daniel kaya lang inaalala ko na kapag dumating ang oras na bumalik na lahat ng alaala niya." naging seryoso ito. "Sana nga lang ay pagkatapos ay makalimutan na niya ng tuluyan si Clara."
Aywan niya kung bakit nalungkot siya sa isiping iyon. Hindi pa man nangyayari, pakiramdam niya ay may tumutusok sa kanyang dibdib.
"Anu't anuman ang mangyari, nandito lang ako." Hinawakan ni Jerome ang kamay niya.
"Salamat. Pero, saan nga ba nagpunta si Daniel?"
“Sir Jerome, nandiyan po si Sir Art!” humahangos si Lily.
Napakunot ang noo ni Arianne. Para kasing natatakot ang kaibigan sa binaggit na pangalan.
Bago pa man may makapagsalita sa kanila ay kasunod na pala nito ang tinutukoy.
Sa tantiya niya ay nasa edad 50 pataas ito. Matikas pa rin ito at magandang lalaki. Kaya lamang ay masyado itong seryoso at mukhang masungit.
“Sino sa inyo si Arianne?” hindi malakas ang boses nito ngunit may awtoridad ang pananalita nito na nakakasindak.
Tumayo si Arianne at alanganin pang itinaas ang kanang kamay. “P-present, sir?”
Pinagmasdan siya nitong mabuti. Matagal.
“Sino po ba kayo, sir?” tanong niya.
Sarcastic itong tumawa.
“Aya, siya ang dad ni Daniel.” Si Jerome na ang sumagot.
Nanlaki ang kanyang mga mata at naitikom ang bibig.Hindi naman kasi niya alam. Isa pa, hindi naman ito kamukha ni Daniel kaya paano niya mahuhulaan?
“S-sorry po, sir. Pasensiya na po talaga.” Napayuko siya sa sobrang hiya.