Chapter 7

2653 Words
CHAPTER 7   HINDI NA JOGGING kundi takbo na ang ginagawa ni Daniel habang iniikot ang kanilang village. Hindi siya makapaniwala sa nangyayari sa kanya. Gusto niyang parusahan ang sarili sa kapalpakang nagawa. Kung bakit ba naman kasi sa lahat ng tao ay si Arianne ang nakilala niya nang magising siya matapos ang aksidente? Ginayuma ba siya? Sinumpa? Bakit hindi ang ibang tao? Bakit hindi ‘yung nurse na nag-alaga sa kanya? Bakit hindi ang ibang empleyado sa shop? Bakit kailangang si Arianne? "Hi Dens!" binati siya ng nakasalubong na medyo may edad na babaeng kapitbahay. "Good morning!" Huminto siya at nginitian naman ito. "Nasaan ang sweetheart mo? Hindi mo yata kasama ngayon?" Alanganin siyang napatawa. "Ano kasi, tulog pa." "Di ba usually binubuhat mo siya para lang mag-jogging? May sakit ba siya ngayon? Morning sickness ba?" "Nagmamadali po kasi ako, sa susunod na lang tayo magkuwentuhan. Bye!" At humarurot siya ng takbo. "Ano ba ang pinagaggawa mo Daniel? Paano mo ngayon aalisin si Arianne sa buhay mo? Hindi ka makakatagal na kasama siya sa bahay!" Kailangan niyang hiwalayan si Arianne. Gaano na nga ba siya katagal na naaksidente? Paano kung nalaman iyon ni Clara? Si Clara! Kailangan niya macontact si Clara. Kailangan niya itong makausap at malaman ang talagang lagay niya. Baka isipin nitong kinalimutan na niya ang nobya. Baka naniwala rin itong si Arianne na ang talagang gusto niya. Nagmadali siyang bumalik sa kaniyang bahay ngunit malayo pa lang ay natanaw na niya si Arianne sa may gate at may hawak na towel. “Hinihintay niya ba ako?” Gusto niyang bumalik sa pagtakbo nang tawagin siya nitong sweetheart at kumaway pa sa kanya. Kaya lamang ay wala na siyang lusot kaya tumuloy na lang siya. “Hindi mo na ako ginising, sabi ko naman sasama ako sa ‘yo.” Anito. Pupunasan sana siya nito ng pawis nang umiwas siya at kuhanin na lang ang towel. “Thanks.” “Oo nga pala, mamayang gabi may pupuntahan tayo.” “Saan?” mabilis niyang tanong. Pinagdadasal niyang sana ay wala silang naka-schedule na date. “Sa party ng daddy mo. Birthday niya ngayon.” Napakunot siya ng noo. “Nasa Pilipinas si Dad?” “Alam kong hindi mo maalala pero tuwing birthday niya ay nagpaparty kayo. Ikaw pa nga ang madalas na nagsasabi kay Ate Amber na dapat icelebrate ‘yon.” Napasinghal siya. “Talaga ba?” “Totoo! Sabi nga ng dad mo, sobra talaga kayong close at never kang nawala sa birthday niya.” “Ibig mong sabihin nakausap mo si Dad?” Hindi nakontrol ang emosyon sa pagkabigla kaya bahagyang tumaas ang boses niya. Nakangiting tumango si Arianne. “Sa katunayan nagustuhan niya ako para sa ‘yo." “Sinungaling! Kahit kalian ay walang magugustuhan na babae para sa akin ang ama ko.” “Actually, favorite mo nga magpunta sa party talaga. Lalo na kapag kasama ako." "Oh, really?" Sarcastic si Daniel. "Kasi nga para akong si Cinderella kapag nasa party." "Bigla mong iniiwan ang prince charming mo kapag 12 oclock na?" gusto niya talagang matawa sa kasinungalingan nito. Mabuti na lang at bumalik na ang memory niya dahil kung hindi ay mabibilog nito ang ulo niya at magiging sunud-sunuran. Ito ba ang plano nila ni Amber? “Ah! Para makalimutan ko si Clara. Tama, sinamantala nila ang sitwasyon ko.” Naikuyom niya ang kamao. "Hindi! Kaya ako parang si Cinderella sa party kasi..." "Kasi?" "Ako ang nagiging pinaka magandang babae sa buong party." Confident na wika nito. Pinigilan niya ang humagalpak ng tawa. Ilang sandali bago siya nakapagreact. "Kapag ganito ba’ng ordinary ka, hindi kita sinasabihan ng maganda?" "Actually, lagi mo naman sinasabi sa akin na maganda ako." Napasinghal siya. Another lie. "Paano, mauuna na ako sa 'yo." "Saan ka pupunta?" Saka lang niya napuna na nakabihis na ito at may dalang bag. Mayroon din isang kotse na nakaparada sa harap. Isa iyon sa mga sasakyan ng ama. Ibig sabihin ay pinasundo talaga ito. "Saan pa, kay fairygodmother!" "Yeah, you do need a magic." Nag-flying kiss pa ito bago sumakay. Nang makaalis ay pumasok na siya sa loob ng bahay. Pinapakalma niya ang sarili dahil sa isang hinala ang namumuo sa kanyang isip. Ngunit naihampas niya ang hawak na towel sa sahig. Matinding galit ang sumisidhi sa kanyang dibdib. Para kay Arianne, para kay Amber at higit sa lahat ay para sa ama na walang ibang ginawa kundi kontrolin ang buhay niya. “Pinaglalaruan ninyo akong lahat, ha. Sige ibibigay ko ang larong gusto ninyo. Pero sisiguraduhin kong hindi ako ang matatalo. Lalo ka na Arianne. Magsisisi ka na nakipagsabwatan ka kila Amber at kay Dad!”     NAGDADALAWANG ISIP si Arianne na pumasok sa loob ng library kung saan itinuro ng isang kasambahay na magtungo siya. Doon daw kasi siya pinapapunta ng ama nila Daniel. Kasalukuyan siyang nasa loob ng mansiyon ng mga Lopez. Maaga siyang tinawagan ni Amber kanina at sinabing gusto siyang kausapin ulit ni Artemio. Hindi naman siya makatanggi dahil nangako si Amber na sa isang linggo ay mapapasa kamay na niya ang titulo ng lupa ng ina at dahil dalawang buwan na rin ay maaari na siyang umalis at iwan si Daniel. Kagaya ng napagkasunduan nila. “Ma’am, pumasok na po kayo sa loob.” Halos pabulong lang na wika ng isang kasambahay. “Alam mob a kung bakit ako pinapunta?” pabulong din niyang tanong. Umiling ito. “Bihira naman po kasi magpapunta si Sir Art ng bisita dito kaya hindi ko po alam.” “Ganoon ba?” Mas tumindi ang kabog ng dibdib. “Pasok na,” Binuksan nito ang pinto at halos itulak siya papasok sa loob. “Ate!” nabulong pa rin siya. “Kaya mo ‘yan, ma’am!” at sinara ang pinto. “Ano ba ‘yan! Hindi pa ako ready, eh.” Reklamo niya. Ngunit namangha siya nang makita kung gaano karami ang librong naroroon. Literal na library iyon at malalaking aklat pa ang mga nasa bookshelves. Kukuha sana siya ng isa para tignan kung anong klaseng libro iyon nang mapatili siya sa biglang pagsasalita ni Artemio. “Chinese ‘yan, hindi mo ‘yan maiintindihan.” “Titignan ko lang naman, sir.” Aniya habang lumalakad patungo sa dulong bahagi ng library. Natatakpan kasi ng mga bookshelves kung nasaan ito. Nakaupo ito sa isa sa dalawang couch na naroon. May mesa sa gitna na mukhang antique na. May hawak itong tasa na sa palagay niya ay tsaa ang laman. Sa suot nito ay mukhang papasok na ito sa opisina. “Good morning po, sir.” Bahagya pa niyang iniyuko ang ulo tanda ng respeto dito. Napatingin tuloy siya sa isang notebook na naroroon sa ibabaw ng table. Napakunot ang kaniyang noo dahil kamukha iyon ng diary ng ina.Pati na ang nakatatak sa gilid nito na maliit na agila at may nakasulat na hindi maintindihan. Nagkataon lang ba iyon? Paano magkakaroon ng katulad na gamit ang isang dukhang kagaya ng ina sa mayamang kagaya ni Artemio? Umiling-iling siya. Sigurado siyang nagkataon lang iyon. Tiyak na original ang kay Artemio at imitation ang sa ina. “Puwede kang maupo.” Anito kasabay ng pagpatong ng tasa sa mesa. Sa katapat na bahagi ng couch siya naupo. “Bago po ninyo ako pagalitan at sabihin na kakasuhan ninyo ako dahil nasampal ko kayo nung nakaraang nag-usap po tayo, gusto kong humingi ng sorry. Alam ko po na mali iyon. Totoo naman po na kailangan ko talaga ng pera para matubos ang bahay at lupa ng nanay ko kaya ko po ito ginagawa. Wala akong masamang intensiyon sa anak ninyo, wala naman po talaga akong gusto sa kanya e. Sa katunayan nga po niyan, si Jerome talaga ang gusto ko, I mean si sir Jerome po. Mabait kasi siya. Salbahe kasi ang anak ninyo, no offense, ah. Pero wala akong masama o anumang plano sa pamilya ninyo.” Dire-diretso ang pagsasalita niya at hindi siya dito nakatingin para hindi siya mailang. Katahimikan. Papatawarin kaya siya nito? May kinuha siya sa loob ng bag, ang regalong binili nila kahapon ni Jerome. Nagpasama kasi siya para makapili na alam na magagamit ni Artemio. Matapos din mag-sink in sa kanya ang mga sinabi ni Jerome tungkol dito ay naunawaan niya ito. At nararapat lang na humingi siya ng tawad. “Sir—“ nag-angat siya ng tingin para ipakitang sincere siya kaya lamang ay natigilan siya nang nakangiti ito sa kanya. “I like you, Arianne.” Anito. “Pero sir, bata pa po ako.” “I mean I like your attitude.” Alanganin siyang napatango. “Ah… salamat po.” “Ano ‘yang hawak mo?” napansin nito ang nasa kamay niya. “Ano po, pagpasensiyahan niyo na po ‘to,” Iniabot niya ang isang kahon na pahaba na kulay itim. “Yan lang po kasi ang kaya ng budget ko, sana po magamit niyo. Happy birthday po.” Binuksan ni Artemio ang kahon at muli itong nangiti. Isa iyong sign pen. Sa totoo lang medyo mahal iyon para sa isang sign pen lang. Naisip niyang baka dahil sa nakakahon iyon ay tumaas ang presyo. Inilabas nito ang pen at binuklat ang librong kagaya ng sa diary ng kanyang ina. Nanghahaba ang leeg na sinilip kung ano ang isusulat nito roon. Maganda ang penmanship nito. Parang babae kung magsulat. Bigla siya nitong tinignan kaya umiwas siya ng tingin at kunwari ay sa mga libro nakatuon ang atensiyon. “Ang dami ninyong libro, ano? Lahat ba ‘yan nabasa niyo na po?” naitanong niya. “Yes.” Napatango siya. “Ang laki ng bahay ninyo, bakit may iba pang bahay sina sir Dens at ma’am Amber?” Inihinto nito ang pagsusulat kaya itinikom niya ang bibig. Sumandal si Artemio sa couch. “Kaya nga pala kita pinapunta rito ay para pumirma ng kontrata.” “Po? Kontrata? Sa coffee shop po ba ‘yan?” aniya. Nakadama siya ng excitement “Mareregular na po ba ako?” “Amber told me na mapagkakatiwalaan ka. She never failed me. Kaya magtitiwala rin ako sa ‘yo. Excuse me,” Tumayo ito at may kinuhang papel sa drawer ng table at pagbalik ay iniabot iyon sa kanya. Isa iyong agreement contract. “Basahin mo muna bago mo pirmahan.” Nanlaki ang kanyang mga mata nang mabasa na magpakasal kay Daniel kung sa susunod na linggo ay hindi pa babalik ang memory nito. Kapalit nang 30 percent sa mamanahin ni Daniel plus bibigyan siya ng kotse, sariling bahay at lupa sa lugar na siya ang mamimili. Maaari rin siyang magbakasyon sa abroad kung kailan niya gusto at puwede siyang magsama ng kahit na sinong gusto niyang isama. “Sir,sinabi ko na ho na hindi ko kailangan ng pera ninyo. Hindi po ako puwedeng magpakasal sa anak ninyo dahil hindi naman niya ako gusto. Si Clara po ang mahal ni Daniel.” Pinilit niyang maging mahinahon. “Huwag mo nang alalahanin si Clara dahil nang bayaran ko siya ng limang milyon ay tinanggap niya kaagad ‘yon. Pumirma na siya ng kasunduan na hinding-hindi na siya lalapit pa kay Daniel kahit na kailan kung hindi ay dadamputin siya ng pulis.” “Pero sir—“ “Hindi niya mahal ang anak ko.” “At ako mahal ko?” Humalukipkip ito at pinagmasdan siya. Naging malikot ang mga mata ni Arianne. “Sir, napaka unfair po nito kay Daniel. Isa pa, pang habang buhay po ang pinag-uusapan dito.” Hindi ito sumagot. Ibinaba niya sa mesa ang papel at tumayo na. “Pasensiya na, Sir. Hindi ko ‘yan gagawin. At sana unawain ninyo ang mararamdaman ni Daniel. Gusto niyo ba siyang maging miserable dahil hindi ang babaeng mahal niya ang pinakasalan niya? Gusto ba ninyong magaya siya sa inyo?” Kitang-kita niya ang biglaang pagdidilim ng mukha ni Artemio. “Ang susundin ko lang po ay ang pinag-usapan namin ni ma’am Amber. Kung magiging utang na loob ko sa pamilya ninyo ang kapalit ng pagpapanggap kong girlfriend ni Daniel, huwag po kayong mag-alala dahil babayaran ko rin kung magkano ang nagastos ninyo. No more, no less. Mauna na po ako.” Napapailing-iling siya habang naglalakad palabas ng silid na iyon. Nakaramdam tuloy siya ng habag para kay Daniel. Naturingang mayaman, kulang naman sa pagmamahal ng magulang. “Mabuti na lang at hindi ko nakilala ang tatay ko kasi baka ganyan din gawin sa akin. Hay.” Nasambit niya.     NAKATULALA sa kawalan si Daniel habang pinapaikot ang kanyang office chair. Ini-lock niya ang pinto ng office dahil ayaw niyang may makausap muna habang nag-iisip siya. Hindi niya pa talaga alam kung ano ang mga dapat niyang gawin at kung ano ang dapat na unahin. Kailangang makabawi siya kay Arianne na sigurado siyang pinagtatawanan siya nang mga panahong naniniwala siyang mahal niya ito. Malamang ay iniyayabang nito na matapos niya itong sungit-sungitan ay magkakagusto siya dito. “Kainis talaga!” napatadyak siya. Biglang pumasok sa kanyang isip ang inupahan niyang private investigator noon para ipaimbestigahan si Arianne. Dali-dali niyang kinuha ang cellphone at hinanap ang numero nito sa kanyang mga contacts. Si Mr. D. “Hello, si Daniel Lopez ‘to. Magkita tayo ngayon. Gusto kong malaman kung ano ang tunay na pagkatao ni Arianne.” “Yes, sir.” Mabilis naman itong pumayag. Nagdahilan si Daniel kay Hizon na personal ang pupuntahan niya kaya siya na ang magmamaneho. Hindi naman ito nagtaka kaya nagmadali na siyang tinungo ang restaurant na napag-usapan nila ni Mr. D. Sinadya niyang malayo sa shop ang pinili niyang restaurant na meeting place nila. Ayaw niyang may makakita sa kanila. Agad iniabot ni Mr. D sa kanya ang isang kulay brown envelop. “Akala ko nga sir hindi mo ‘yan kukuhanin.” “Nagkaroon lang ng problema kaya ngayon lang kita natawagan. Anyway, anu-ano ang mga natuklasan mo?” habang nagsasalita ay binubuksan niya ang envelop. “Ulila na siya.. Nung puntahan ko ang dati niyang inuupahan sabi pinaalis daw siya doon dahil hindi nakakabayad. Pero hindi niya kasalanan iyon dahil inaabot niya ang bayad sa pinsan niya at itong pinsan naman niya ay hindi ibinibigay sa landlady nila.” “So, wala siyang matirhan kaya doon siya tumira sa shop ko?” wala talaga siyang maramdamang awa. “Tignan ninyo ang mga pictures na ‘yan,” sinenyas nito ang hawak niyang mga larawan. Si Arianne iyon na nakaupong natutulog sa simbahan. “Ang sabi ng madre, nakiusap siya na magpalipas ng gabi diyan. Kaso hindi raw makahanap ng paupahan kaya halos dalawang linggo din siyang nakitulog diyan.” Nag-flashback sa kanya ang araw na mahuli niya si Arianne na matutulog sa locker room. Iyon ang puno’t dulo kung paano sila naaksidente. Ito pa rin ang may kasalanan. “Nasaan ang mga kamag-anak niya? Di ba dapat doon siya tumuloy?” Tanong niya habang patuloy sa pagtingin sa mga litratong hawak. “Nang puntahan ko ang bahay nila sa Laguna na nakasangla sa bangko, sabi ng kapitbahay nila ay itinakwil daw ng pamilya ang nanay ni Arianne dahil sa nakipagrelasyon noon sa may asawa at nagkaanak.” Napatagis ng bagang si Daniel. Galit talaga siya sa mga kabit dahil yun ang main reason kung bakit nadpressed noon ang kanyang ina at nang magkaroon ng cancer ay hindi na nagpagamot. Dahil sa mistress ng ama. “Nalaman mo ba kung paano sila nagkakilala ni Amber?” “Yes, sir.” “Paano?’ kay Mr. D siya tumingin dahil interesado talaga siyang malaman. “Sir, nung tumalon kayo sa tulay at magtangkang tapusin ang buhay mo,” Kumunot ang noo niya. “Sir, siya ang babaeng nagligtas ng buhay mo.” Nabitawan ni Daniel ang mga hawak. Wala siyang naaalalang may nasabi si Amber na nagligtas sa kanyan noon. “S-sigurado ka ba diyan?” Biglang bumagsak ang kaniyang mga balikat nang tumango ito. “Siya ang babae sa panaginip ko?!”  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD