PAPASOK sana sa loob ng CR si Daniel nang mapalakad siya paatras nang marinig ang pagbukas ng pinto ng office. Sinilip niya agad dahil baka si Arianne 'yon.
"Yes?" Napakunot ang noo sa kanya ni Jerome.
Matipid na pagngiti lang ang isinagot niya saka siya tumuloy magbanyo.
Isang malalim na pagbuntong hininga ang kanyang pinakawalan. Ilang beses na nga ba siyang umasang babalik si Arianne? Hindi na niya mabilang sa araw-araw ba naman. Magmula nang umalis ito ay pakiwari niya ay malaki ang nawala sa kanya. Oo nga't alam niya na magkapatid sila at sa totoo lang, kahit na mahigit tatlong taon na ang nakalipas ay hindi pa rin niya tanggap. At hindi iyon dahil sa anak si Arianne ng mistress ng ama kundi dahil sa tunay niyang minahal ang dalaga.
Napapikit siya nang maalala ang huling sandali na makita niya ito, nang subukan niyang umalis ito ng bansa. Gusto niya sanang magpa DNA test sila para makasiguro kung magkadugo nga sila. Subalit ang ama na rin ang nagsabi na nagpa DNA na ito at si Arianne at lumabas na tunay niyang silang magkadugo.
"Kung sabagay, baka mas mahirap kung naririto siya. Masyadong magiging awkward para sa amin dalawa ang sitwasyon." aniya sa sarili.
Matapos gawin ang misyon sa banyo ay agad din naman siyang lumabas. Hindi naman na siya nagulat nang makita si Amber na naroroon. Madalas na kasi itong nasa coffee shop nila matapos bumalik sa ibang bansa ang ama kasama si Arianne. Hindi niya alam kung binabantayan pa rin siya nito pero wala na siyang pakialam dahil wala na silang communication ni Clara.
"Bakit?" ipinagtaka niyang kapwa nakatingin sa kanya ang kapatid at si Jerome na parang may hinihintay siyang gawin.
"Birthday ni Amber ngayon," ani Jerome.
"Ah, oo nga pala, 'no? Nawala sa isip ko. Happy birthday!" Napangiti naman siya.
"Thanks. May party ako mamaya, baka gusto mong dumalo?" ani Amber.
"Ipapadala ko na lang kay Hizon ang regalo ko. Maaga pa ako bukas, pupunta ako sa Laguna para i-check ang bagong branch ng Cups and cakes. Next week na kasi ang soft opening." Totoo naman ang dahilan niya. Bukod sa hindi talaga siya mahilig sa party ay may mga kailangan siyang gawin.
Hindi sa pagmamalaki ngunit matapos ang mga nangyari ay ibinuhos niya ang lahat ng oras at atensyon sa pagpapatakbo ng coffee shop at makalipas ang mahigit tatlong taon ay magkakaroon na sila ng bagong branch sa Laguna. Noon kasi ay halos si Jerome talaga ang nag-aasikaso ng shop at ang oras niya ay nakatuon lang kay Clara.
"Alright. But just in case na magbago ang isip mo, sa Hotel Del Castillo ang venue. I'll leave this invitation," Ipinatong ni Amber ang tinutukoy sa ibabaw ng kanyang table.
"Okay. Sige, maiwan ko na muna kayo," At lumabas na siya ng office.
Hindi naman masyadong marami ang customer sa ganoong oras pero busy ang mga crew niya. Kulang din kasi sila sa tao dahil ang apat sa mga empleyado nila ay pinadala niya sa Laguna para tumulong sa bubuksang branch, para mag-trainaing sa mga magiging crew doon. Kaya naman hindi na kagaya dati na nakaupo lang siya maghapon sa opisina, ngayon ay napuwesto na siya sa counter bilang cashier o di kaya naman ay sa kitchen para maglinis.
"Ako na dito, Lily," aniya, ang ibig niyang sabihin ay sa pagliligpit ng table.
"Sige, sir. Sa kitchen na muna ako." At halos patakbo itong pumasok sa loob ng kusina. Marahil ay marami na ang hugasin.
"Thank you for coming, balik po kayo ma'am, sir!" masiglang wika niya nang tumayo na ang dalawang nasa katabing mesa lang na nililinis niya.
Mga matatamis na ngiti ang isinagot ng mga ito bago umalis. Napaka rewarding na para sa kanya iyon.
Matapos ang ginagawa ay nagtungo na rin siya sa kitchen para dalhin ang mga hugasin. Hindi sinasadyang maabutan niyang may kausap si Lily sa cellphone nito.
"Okay na okay naman. Pero wala na akong nakikitang anino ni Miss C, baka nagbreak din sila. Hindi ko naman puwedeng itanong 'yon, di ba? Magmumukha naman akong tsismosa. Pero sa palagay ko, wala na talaga sila. Ewan ko lang kung-- ay si sir Dens!"
Nabitawan pa ni Lily ang cellphone sa gulat sa kanya. Nahulog pa iyon sa may lababo na puno ng tubig.
Mangiyak-ngiyak itong kinuha iyon.
"Hayan kasi, oras ng trabaho, nakikipagtsisimisan. Sinl ba ang kausap mo?" Pabirong sabi niya.
"Kaibigan ko pong nag-abroad. Kinumusta lang po yung boyfriend niyang kapitbahay namin, baka daw nagloloko." Sagot nito habang hindi malaman kung paano patutuyuin ang cellphone.
"Sige na, papalitan ko na lang yan, ituloy mo na muna ang ginagawa mo bago ka makipagkuwentuhan." Sabi niya.
Sa tuwa nito ay yayakapin sana siya ngunit pinigilan niya. Nagbiro na lang siya na baka isipin niya na baka sinadya nito iyon para matsansingan siya para hindi naman sumama ang loob nito.
Aywan niya ba, pakiramdam niya ay nakareserve na siya para sa iisang babae lamang. At ayaw niyang magpahawak sa kahit na kanino.
Nang magbandang alas tres na ng hapon ay fully occupied na ang mga mesa nila. Sa ganoong sitwasyon ay sa counter na siya napuwesto, taga kuha ng order. Mas mabilis kasi kumilos amg mga crew niya kaya hinahayaan na niya ang mga ito. Baka rin kasi mailang ang mga ito sa kanya at hindi makakilos ng maayos.
Sa ganoon nalipas ang araw ni Daniel. Nakakapagod pero masaya siya. Mas pagod siya, mas pabor sa kanya dahil pag-uuwi siya ay wala nang oras para mag-isip ng kung anu-ano, matutulog na lang siya.
Hindi niya rin kasi gusto ang magkaroon ng oras para balikan sa isipan ang mga alaala na naiwan ni Arianne sa bahay niya. Hirap nga siyang pumasok sa loob ng silid na inokupa nito. Pinapalinis niya lang iyon pero hindi niya pinabago ang ayos at hindi pinaalis ang mga gamit ni Arianne.
"Mauna na kami umuwi, sir!" paalam ng mga empleyado niya.
Napatingin siya sa suot na relo, 9:30 na ng gabi. Hindi niya namalayan ang oras.
Hindi niya rin namalayan na nakatayo lang siya sa may counter at nag-aabang pa rin ng customer.
"Teka, sasabay na ako," wikas niya. "Kukuhanin ko lang ang susi ng kotse tsaka phone ko."
Hinintay namam siya ng mga ito. Nagmadali siyang kuhanin ang mga gamit ngunit naalala niyang birthday nga pala ni Amber dahil sa invitation na nasa table niya.
Nakalimutan niyang bilhan ito ng regalo. Masyado nang gabi para maghanap pa siya.
"Tsk. Pupunta na nga lang ako." napagdesisyunan niya.
Matapos maisara ang shop ay umuwi muna siya sa bahay para magshower at magbihis. Alam niyang bihira magcelebrate ng birthday si Amber pero palaging enggrande.
Matapos masigurong presentable na ang itsura, umalis na siya. Hndi naman kalayuan ang Hotel Del Castillo at dahil hindi rin naman traffic ay ilang minuto lang ay naroroon na siya.
Sa Ballroom siya dumiretso kung saan ginanap ang party. Royal theme party iyon. Late na late na nga siya gayunpaman ay masayang-masaya si Amber nang makita siya.
"Hindi kasi ako nakabili ng regalo kaya naisip kong sarili ko na lang ang ireregalo ko sa 'yo." Sabi niya.
"Dahil diyan, isayaw mo ako." Request nito na pinagbigyan niya naman.
"Nasan si Jerome? Nauna siyang umalis sa akin sa shop," aniya.
"Kanina pa siya nandito, may kinakausap lang." Sagot ni Amber.
Hindi na siya nag-usisa pa.
"Paano ba 'yan, nadagdagan na naman ang edad mo, kailan ka ba mag-aasawa?" tanong niya.
"Shut up!" kunwari ay nainis si Amber at nahampas siya sa dibdib ngunit mahina lang naman.
Natawa lang siya.
"But I'm really happy na bumalik na 'yung dating Daniel."
Sasagot sana siya nang biglang siyang napahinto sa pagsayaw nang mahagip ng mata mula sa mga bisita ng kapatid ang isang pamilyar na mukha.
Bumilis ang pagtibok ng puso niya.
Guni-guni lang niya ba iyon?
Mabilis na nasagot ang tanong na 'yon nang mapansin din siya nito at lumakad palapit sa kinatatayuan.
"Long time no see, Daniel."
Si Arianne nga iyon. Ngunit hindi ito ang Arianne na simple lang noon at mahiyain sa maraming tao.
May kumpiyansa na sa sarili, hindi na nahihirapan maglakad kahit mataas ang takong. At higit na kaakit-akit ang ganda nito na kahit maraming tao ay nangingibabaw sa lahat.