HUMAHANGOS na umakyat ng dampa si Alex, at napakubli naman si Opah sa likod ni Amere.
“Ano’ng nangyayari?” tanong niya sa lalaki. Isinara naman ng lalaki agad ang pinto at saka humakbang palapit sa kanila.
“Makinig kayong mabuti. Nariyan na ang mga pulis at nakahanda akong sumama sa kanila, pero hindi ko maaaring sabihin ang tungkol sa lihim ng Sinugban, dahil lubhang delikado.”
Nagkatinginan sila ni Opah sa puntong iyon.
“Ang kultong iniisip niyo ay front lang ng grupo. Palabas lang ito ng pinuno namin at wala itong bahid ng katotohanan,” simula ni Alex na madaling-madali sa pagpapaliwanag. Marami sana siyang gustong itanong pero pinili na lang niyang makinig dahil limitado na raw ang oras nito at posibleng hindi na nito magawang ipagtapat ang buong katotohanan, sa oras na isama ito ng mga pulis.
“Hindi totoong nawawala ang mga batang babae dito upang ialay sa akin, bilang kanilang Apo. Ako ay utusan lang din ng pinuno ng Sinugban na walang iba kundi si Lucas...”
“Pagtuntong ng mga babae sa edad na labing-tatlo ay ginagawa na silang Mira, habang ang mga lalaki naman ay Amiro. Iyon ang tawag sa mga kabataang tini-train ni Lucas dito, upang maihanda sa pagiging mandirigma ng dagat pagdating sa edad na labing-walo...”
“Kapag tumuntong na sa tamang edad ay kinukuha na sila ni Lucas at dinadala sa dagat, upang gawing Hydron. Ito ang tawag sa mga taong nakatira sa Hydra Terra.”
Napatda si Amere sa narinig. Pamilyar sa kaniya ang mga salitang binibitiwan ni Alex, pero hindi niya matukoy kung anong bahagi ng alaala niya ang konektado sa mga iyon.
Hydron...Hydra Terra...Mandirigma ng dagat...Nagpaulit-ulit sa isipan ni Amere ang mga katagang iyon.
“Walang magawa ang mga tao dito dahil magagalit si Morgan, ang reyna ng Hydra Terra at magpapawala ng malaking tubig, kung hindi sila susunod. Ipagkakait din ng dagat sa mga mangingisda ang yaman nito at wala silang magiging huli. Samantalang kung papayagan naman nila ang kanilang mga anak, masaganang buhay ang nakalaan para sa kanila. Ang mga anak naman nila na naging Hydron ay bumabalik rin dito taon-taon sa panahon ng Sacrisma, ang katumbas ng tag-ulan dito sa atin. Hindi sila tumatanda at taglay nila ang hitsura nila noong sila ay Mira pa lamang. Ang ilan sa kanila ay nagsisilbi muli bilang Mira, upang maprotektahan ang buong grupo...katulad ni Ditas at ng iba pa.”
“Kung ganoon ay tama ka, Amere, Hindi na nga minor de edad ang mga dalagitang iyon. Paano mo iyong nalaman?” baling sa kaniya ni Opah, ngunit hindi niya ito nagawang sagutin nang muling magsalita si Alex.
“Amere, maghanda kayo dahil hindi pa dito natatapos ang lahat. May binubuong isang malaking grupo si Morgan at Lucas, na nakahandang lumipol sa ating lahat. Mahirap paniwalaan ang mga sinasabi ko pero mapapatunayan mo iyan sa sarili mo. Alam kong isa ka sa kanila, Amere. Nakita ko ang usok na nakabantay sa’yo nang dumating ka dito sa Sinugban. Pati ang ginawa mong pagsasarado ng lagusan sa portal ay alam kong dahil sa kakaiba mong kakayahan...”
“Bumalik ka sa lugar kung saan ko kayo nasundan kanina, pero mag-ingat ka dahil iyon ay isang vessel. Sa platform na iyon isasakay ang mga Mira at Amiro na dadalhin sa dagat upang gawing Hydron. Doon mo malalaman ang buong katotohanan. Mag-iingat ka, Amere!”
Ilang sandali pa ay dumating na nga ang mga pulis at kusang-loob namang sumama si Alex sa mga ito. Si Opah naman ay tulalang nakatingin lang sa pinto kung saan lumabas si Alex at ang mga pulis na dumakip dito.
“ANG dapat ay magsaya ka, hindi ba, Opah? Nagkita na kayo ni Alex at nasagot na ang mga tanong mo kung bakit ka niya iniwan noon. Nag-rate din nang mataas ang documentary report na ginawa ng Team Eagle at ang balita ko ay tatanggap kayo ni Amere ng parangal dahil sa pagkakadakip sa mga imported na pinuno ng kultong iyon,” sabi ni Becka sa malungkot na si Opah. Nakatanaw ito sa malayo at mula nang magbalik mula sa Sinugban ay nanatili na lang na tahimik.
Nang dumating ang mga pulis ay kusang sumama si Alex sa mga ito. Ito rin pala ang mismong bumaba sa bayan upang ipagbigay-alam sa may kapangyarihan ang tungkol sa komunidad na pinamumunuan nito. Pero nakapagtatakang hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa lumalabas ang impormasyon tungkol sa mga ipinagtapat ni Alex sa kanila ni Amere.
“Alam ko na. Mahal mo pa rin si Alex kaya ka nagkakaganyan, ano?” muli ay sabi ni Becka sa kaibigan.
Hindi naman umimik ang dalaga, at pinakiramdaman ang sarili.
Lingid sa mga ito ay nasa labas ng pinto si Amere. Hindi nakalapat iyon kaya malinaw nitong narinig ang mga pinag-uusapan ng magkaibigan. Naroon ito para imbitahan sanang kumain sa labas si Opah pero hindi na nito nagawang pumasok nang marinig ang pag-uusap ng dalawa.
Kasalukuyang naglalaro sa isip niya ang mga narinig. Hindi nagawang sagutin ni Opah ang tanong ni Becka kung mahal pa nito si Alex, iyon kaya ay dahil mahal pa ito ng dalaga? Sa kabila ng lahat ng pinagsamahan nila ay hindi man lang ba niya nailihis kahit bahagya ang damdamin nito sa lalaking iyon?
Nang magbalik sila ng Maynila ay muling umaktong tila girlfriend niya si Rona pero hindi gaya noong una ay hindi na niya pinabayaan ang kalokohan nito. Kinausap na niya ito at tinapat na may damdamin siya para kay Opah kaya tigilan na nito ang paglapit sa kaniya. Natural ay nagalit ang dalaga pero nang lumaon, dala marahil ng pride ay tumigil na rin ito.
Ang nakapagtataka ay ang mga ikinikilos ni Opah. Hindi niya maintindihan kung bakit mula nang umuwi sila galing Sinugban ay tila nag-iba na ito. Ang mga mata nito ay tila laging pagod na pagod. Kahit minsan din ay hindi na nito pinatulan ang mga pasaring ni Rona.Labis kaya nitong dinibdib ang mga nangyari? Baka mahal pa nito si Alex at nalungkot itong ganoon ang nangyari sa dating nobyo nito.
“PINAPATAWAG ka ni Sir.”
Napalingon si Amere kay Opah na nakatayo sa pinto. Salamat na lang at sira pa rin ang intercom nila, kung hindi ay hindi pa siya kakausapin ng dalaga.
“Bakit daw?” tanong niya na tila napapagod na isinandig ang likod sa swivel chair.
“Hindi ko alam eh. Sige, aalis na ‘ko.”
“Sandali lang, Opah!” pigil niya rito nang akma na itong lalabas.
Muling lumingon si Opah at nagtatanong ang mga mata nito nang tumingin sa kaniya.
“Hmmm…”
“Hmmm…what?”
“May…may lakad ka ba mamaya after lunch?” sa wakas ay nasabi rin niya.
Ilang sandaling hindi sumagot ang dalaga. Nakakunot ang noo nito na tila ba may sinabi siyang kataka-taka.
“Bakit?” sa halip na sagutin ang kaniyang tanong ay sabi nito.
“Wala naman. Nagtatanong lang.” Napakamot siya ng ulo dahil doon. Biglang nabahag ang buntot niya.
“Wala naman pala eh. Sige, aalis na--”
“Puwede ba tayong lumabas?” nabigla niyang sabi na nakapagpahinto sa tangkang pagsasara ng pinto ni Opah. Napatingin ito nang diretso sa kaniya.
“Labas? As in…lalabas tayo?”
“Oo sana. Kung puwede ka lang naman,” nahihiya niyang sabi.Ibig niyang batukan ang sarili. Iyon na yata ang pinakapangit na linyang nabitiwan niya sa isang babae. Nagmumukha tuloy siyang tanga sa harap ni Opah dahil sa katorpehan niya.