IBIG mapangiti ni Opah habang pinagmamasdan ang hiyang-hiyang si Amere.
“Bakit?” tanong ng dalaga na ang tinutukoy ay ang imbitasyon niyang lumabas kasama ito.
“Bakit ano?” balik-tanong naman niya rito.
“Bakit mo ako iniimbita? Hindi ba dapat ay si Rona ang iniimbitahan mong lumabas?”
Muli siyang napahawak sa batok, tila batang musmos na nahuling nang-uumit ng candy.
“Hindi ko naman girlfriend si Rona. Siya lang itong lapit nang lapit sa akin pero ang totoo ay wala akong gusto sa kaniya.”
“Talaga? Kaya naman pala panay ang tukaan ninyo sa Iligan eh.”
Bigla siyang napatayo sa sinabi nito. Mabilis niyang niligid ang office table nito at saka ito nilapitan. Tila nabigla ito nang hawakan niya sa magkabilang balikat.
“Opah, kalimutan mo na sana ‘yung nangyari sa Iligan. Wala ‘yon!” aniya rito.
“Ah, kaya pala magkasama kayo sa iisang kuwarto, wala pala iyon, ano?” anito habang pilit na kumakawala sa pagkakahawak niya.
“Teka lang! Unfair naman kung pag-iisipan mo ako nang hindi tama! Nakita mo naman na nasa labas ako ng silid nang lumabas ka para bumili ng gamot, ‘di ba? Siguro naman ay alam mo ang ibig sabihin noon. Hindi kami magkatabing natulog ni Rona at sa maniwala ka at sa hindi, sa balkonahe ng silid namin ako natulog. O mas tamang sabihing hindi ako natulog kaya nga maaga akong nakapaghanda sa pag-alis natin, eh. Maniwala ka naman sana sa akin, Opah. Ikaw ang gusto ko at hindi si Rona,” nagsusumamong wika niya rito.
Tila natahimik naman ito sa sinabi niya at mukhang nag-iisip.
“Pero gusto ka niya…”
“But I don’t like her. Ikaw ang gusto ko. Ikaw lang, Opah. Oo nga at sinabi kong macho ka, sinabi ko ring siga ka at kung anu-ano pa. Sinabi ko ring hindi kita type pero nagkamali ako doon. Sorry na. Ang laki ko lang talagang tanga!”
Natahimik ito habang nakatingala at nakatitig sa kaniya. Ilang sandaling tila hindi nito alam ang sasabihin.
Ang totoo ay alam naman niya kung ano ang itinatakbo ng isip ng dalaga. Nag-aalinlangan ito sa katapatan niya dahil kilala siya nito bilang isang palikero.
“Amere, baka…baka kasi nabibigla ka lang…”
“No, Opah! Alam ko ang sinasabi ko! I like you.”
Alam niyang hindi kontento si Opah sa sinabi niya. Hindi sapat ang ‘I like you’ para ilarawan ang nararamdaman niya para rito, pero ayaw niyang madaliin ang lahat, lalo pa ngayong nararamdaman niyang may malaking papel siyang gagampanan sa impormasyong ibinigay ni Alex.
Kumilos ang mga kamay niya upang haplusin ang pisngi ni Opah. Yumuko siya upang hagkan ito at buong puso naman iyong tinanggap ng dalaga. Niyakap niya ang malambot nitong katawan at wala naman siyang naramdamang pagtutol buhat rito. Her body was soft against his, and hugging her like this was perhaps the most beautiful feeling that he ever had. Pakiramdam niya ay kaniya lang si Opah at pagmamay-ari niya ang puso nito. He teased her lips and she started imitating what he was doing.
Unti-unti nang lumalalim ang mga halik nila nang kapwa nila marinig ang nagtatawanang tinig nina Jerry at Razy mula sa labas. Mabilis na kumalas sa kaniya si Opah at madaling inayos ang sarili nito. May kung ano itong hinaplos sa mukha niya, marahil ay lipstick na humawa sa balat niya nang hagkan ito. Napangiti siya sa ginawa nito at masuyo itong hinagkan sa tungki ng ilong.
Maliksi siyang hinatak ng dalaga at tinanong kung saang bahagi ito ng opisina maaaring magtago upang hindi makita ng mga kasama niya. Umiling siya at sinabi ritong nakahanda naman siyang ipakilala ito sa mga kasama bilang nobya pero tumanggi ito. Saka na lang daw, kaya naman mabilis niya itong dinala papunta sa likod ng filing cabinet na nasa isang panig ng silid. Hustong kauupo pa lang nito sa likuran niyon nang bumukas ang pinto ng opisina.
Ilang saglit lang ay pumasok na ang nagtatawanang sina Razy at Jerry. Nag-high five si Jerry sa kaniya habang si Razy naman ay hinatak ang upuan sa harap ng table niya at saka prenteng naupo roon.
“My goodness Amere, hindi ko mapaniwalaang nangyari ang ganoon sa Iligan!” wika ni Razy na hindi mapigil ang tawa.
Napakunot ang noo niya at nagtatanong ang mga matang ipinukol kay Razy. “What about?” tanong niya rito.
“So, tinotoo mo pala ang sinabi mong paiibigin mo ang dalawang babae doon?”
Pakiramdam niya ay biglang nagkulay papel ang kaniyang mukha sa narinig. Hindi sinasadyang napatingin siya sa pinagkukublihan ni Opah.
“Oo nga. Iba talaga ‘yang bata natin, Razy eh! Nang sinabi niya noon na paiibigin si Moana, hindi ba at nagawa naman niya? Tuloy ay kinailangang mag-resign noong tao nang malamang hindi pala siya totoong mahal ni Amere,” nakatawa pang sabi ni Jerry.
“Tama! Ganoon din si Frances ng kabilang station, hindi ba? Nang ligawan ni Amere ay agad ding bumigay ang loka! Hindi ko maintindihan kung bakit natatanso mo ang mga babaeng iyon samantalang ang tatalino naman nila!”
“Iba na talaga ang guwaping, Razy! Ano nga ulit ‘yung dialogue mo, pare? Women come and go, right? Ngayon ay heto at dalawa pa ang mga biktima ng mokong na ito! Si Rona ay hindi na ako magtataka pero si Opah? Ang amasonang si Opah, pare, napaibig mo? Iba ka talaga, repapips! You’re mamen!”
Muling nag-apiran sina Jerry at Razy habang nagtatawanan. Tila bigla namang namanhid ang buong katawan at mukha ni Amere sa pinagsasabi ng dalawang kasama. Hindi niya alam kung paano aawatin sa pag-uusap ang mga ito. Palibhasa ay hindi naman alam ng mga kasama niya na nasa loob lang ng opisina si Opah. Lalo namang walang ideya ang mga ito tungkol sa damdamin niya para sa dalaga.
“Wait, guys!” awat niya sa pangangantiyaw ng dalawa. “About Opah, I’d like you to know that--”
“Alam na namin ‘yan, pare! Don’t worry dahil nakahanda naman ang bulsa namin diyan. Mabuti at nakapagtakas ako ng kaunting suweldo kay ermat, kung hindi ay wala akong ibabayad sa pustahan nating tatlo!” Mabilis na dumukot ng pera si Jerry sa bulsa nito, gayun din si Razy.
Kumilos ang kamay niya para sana takpan ang bibig ng dalawang kaibigan pero mabilis niyang nakita ang paglabas ni Opah mula sa pinagtataguan nito. Tuluy-tuloy itong lumapit sa kaniya at mabilis siyang sinampal sa pisngi.
“Walanghiya ka talaga! Ang lakas ng loob mong magsabi na gusto mo ako! Ang kapal ng mukha mong saktan ako!”
“Opah, magpapaliwanag ako,” hopeless niyang sabi.
Nakamata naman ang nabiglang sina Jerry at Razy sa dalaga. Wala sa hinagap ng mga ito na naroon lang sa loob at nakikinig ang taong pinag-uusapan ng mga ito.
“Ikaw, Jerry! Wala ka bang kapatid na babae para mag-enjoy ka sa paglalaro sa akin? At ikaw naman, Razy, bilang babae ay hindi ka na nahiya sa sarili mo! Sigurado ka bang hindi ka rin paglalaruan ng mga kabaro ng lalaking ito?”
“Opah, mali ang iniisip mo,” aniya sabay hawak sa braso ng dalaga pero tinabig siya nito at galit na binalingan.
“Huwag mo ‘kong kakausapin, Amere! Namumuhi ako sa’yo! Mula sa araw na ito ay huwag mo na akong lalapitan! Ni huwag mo akong titingnan dahil wala kang karapatan! Ang kakapal ng mga mukha ninyong manakit ng damdamin ng iba! Mga walang puso!”
Paglabas ni Opah ng opisina ay nakuyom niya ang palad at naihampas iyon nang malakas sa kaniyang mesa. Nagulat si Jerry at napatili naman si Razy. Shock na nakatingin ang mga ito sa kaniya.
“Pare…sorry, hindi namin alam na narito pala si Opah,” hinging-paumanhin ni Jerry. Tinangka siyang hawakan nito sa balikat pero sinalag niya ang kamay nito.
“Guys, hindi ninyo alam kung anong damage ang ginawa ninyong ito,” aniya habang pigil na pigil ang sariling sumabog.
“Sorry din, Amere. Pero okay lang iyan dahil lilipas din ‘yan,” sagot naman ni Razy.
Ilang beses siyang napailing. “Hindi niyo naiintindihan eh. Mali ang ginawa natin. Nasaktan ko si Opah nang sobra-sobra.”
Tinapik siya ni Razy sa braso. “Opah is a brave woman; she will survive, so no worries.”
“No, Razy. I mean…si Opah…si Opah…”
“Ano ba si Opah?” magkapanabay na tanong ng dalawa.
Makahulugan muna niyang tiningnan ang dalawa bago niya sinagot ang tanong ng mga ito. “I think, this is what you’ve been telling me, guys. In love na yata ako kay Opah.”
Umalingawngaw sa loob ng opisina ang magkasabay na ‘what’ at ‘ano’ ng dalawa habang naihilamos naman niya ang kaniyang mga palad sa mukha tanda dala ng labis na inis sa mga ito.