Chapter 36

1118 Words
PIPINDUTIN na lang ni Opah ang Log out tab ng PhaseBook account nito nang biglang mag-pop-out ang mukha ni Becka sa screen ng laptop nito. Nag-chat ang kaibigan at napangiti ang dalaga nang mabasa ang mensahe. Nag-half day kasi si Becka nang araw na iyon kaya naisip nitong marahil ay nangungumusta ang kaibigan. ‘hi, Opah…’ Nag-type ito ng ‘hi’ din at agad na pinindot ang Enter sa keyboard. ‘how r u coping up from Amere?’ Napakunot ang noo ng dalaga. Hindi naman kasi ma-chika si Becka sa sss, kompara kay Chiqui na kahit ano ay napag-uusapan nilang dalawa. Gayon man ay sumagot pa rin ito. ‘ok n q. I’m moving 4ward.’ ‘pls don’t.’ ‘huh?’ ‘I mean, hu knows? bka luv k nman tlg ni Amere…’ ‘I dnt tnk so. ‘bkt nman?’ ‘manloloko siya, Beckz. pgbalik m, kkwento ko sau kng panu nya ko nloko ng bongga.’ Napabuntong-hininga si Opah pagkatapos i-type iyon. Ang totoo ay wala naman itong balak na ipakipag-usap kahit kanino ang tungkol kay Amere sa ngayon. Kaya lang ay tila nasa mood mangulit si Becka kaya iyon ang ginawa nitong sagot. ‘he loves u, Opah…’ Muling napakunot-noo ang dalaga. ‘Weird…’ bulong ng isip nito. ‘tlg b? bkt mo nman nsabi?’ ‘alam ko kc cnabi nya sakin. mhal k nya, Opah.’ ‘tlg lng ha?’ ‘Oo nga, mahal ka niya tlg. Promise.’ ‘sure k?’ ‘Oo nga, Opah. Maniwala k n kc. I luv u.’ Nanlaki ang mga mata ni Opah nang mabasa ang huling message na iyon. Mabilis itong napatayo at napalinga. Noon nito nakita ang kung sinong nakayuko sa table ni Becka. Agad itong lumapit at mabilis na hinablot ang suot na cap ng taong nanggogoyo rito. Walang iba kung hindi si Amere! “HANGGANG dito ba naman ay bibilugin mo pa rin ang ulo ko, Amerito?! Wala ka na talagang gagawin ikatutuwa ko, hinayupak kang lalaki ka!” Tila manunuwag sa galit ang hitsura ni Opah habang nanlalaki ang mga mata kay Amere. Awtomatiko naman niyang naitaas ang mga braso para salagin ang mga hampas at palo nito. “Sorry na, Opah! ‘Yung narinig mo kanina, inaamin kong totoo ang mga iyon. Nagpustahan nga kaming tatlo bago tayo magpunta ng Iligan. Pero pinagsisisihan ko na ‘yon. Patawarin mo na kami, Opah! Patawarin mo na ako, please!” “Hindi kita mapapatawad, Amere. Sinira mo ang tiwala ko! Ang akala ko ay seryoso ka sa akin, iyon naman pala ay--” “Seryoso naman akong talaga! Lahat ng sinabi ko sa’yo kahapon sa opisina, totoong lahat iyon! Mamatay man ako dito, ipinapangako kong nagsasabi ako nang totoo sa’yo!” “Shut up! Lumayas ka sa harap ko at naaalibadbaran ako sa’yo!” Tinalikuran siya nito pero mabilis niyang hinagip ang braso ng dalaga. “Opah naman, please…Huwag mo na ‘kong pahirapan. Ano pa ba ang gusto mong gawin ko para maniwala kang seryoso ako sa’yo?” “Wala! Wala akong gustong gawin mo kung hindi ang maglaho ka sa paningin ko ngayon. Ngayon as in ngayon na! Alis!” “Please naman Opah, bigyan mo ako ng pagkakataong magpaliwanag. Mahal kita!” “Mahal? Kahapon lang ay sinabi mong gusto mo lang ako, ngayon ay mahal mo na ‘ko agad? Hindi kaya namali ka lang nang basa sa script mo, Mr. Amerito Alta?” “Siguro nga ay magkaiba ang kahulugan noon para sa’yo pero iyon na rin ang ibig kong sabihin nang sinabi kong gusto kita!” “Ewan ko sa’yo!” wika ni Opah sabay bira ng talikod sa kaniya. Agad naman niya itong hinabol at ipinatong ang mga kamay nito sa kaniyang balikat. “Opah naman! Maniwala ka naman sana sa akin. Tama ka, maangas ako! Bagyo nga ako para sa’yo, ‘di ba? Pero gaya ng kahit anong bagyo, siguro naman ay may karapatan akong magbago ng ihip. Nagbago na ‘ko, Opah. Maniwala kang mahal kita…” Napansin niyang tila natigilan si Opah, tila pina-process ang mga salitang binitiwan niya. Sinamantala niya iyon para sabihin lahat ng nasa loob niya. “Posibleng totoo ang iniisip ng lahat laban sa akin na hindi ako nagseseryoso sa pakikipagrelasyon noon, pero noon iyon. Guilty as charged. Natatakot kasi akong mabiktima ng love-love na ‘yan eh! Inisip kong pahirap lang ‘yan sa mga taong tinatamaan. At saka siguro ay talagang hindi pa ako nakakaranas ng totoong pagmamahal noon kaya ganoon. Pero wala eh, nagbago ang lahat nang makasama kita. Hindi ko iyon pinlano at wala akong idea na iba na ako after Sinugban Project, Opah. I remained single up to this point pero handa akong tapusin iyon ngayong nariyan ka na.” “Bakit mo sinasabi sa’kin ang mga ‘yan? Ano naman sa akin kung single ka?” tugon ni Opah na ilang ulit na napalunok. Dama niya ang mabilis na t***k ng puso nito habang hindi niya maiwasang mapatitig sa mapupula nitong mga labi. “Single ako dahil choice ko ‘yon pero kung mananatili pa rin akong single mula sa araw na ito ay depende na ‘yon sa’yo, Opah.” “Bakit sa’kin? Ako ba ang may hawak ng PhaseBook mo?” tanong nito na unti-unti nang napangiti. Alam niya, nabuwag na niya ang depensa ng dalaga. Lumambot na ang puso nito para sa kaniya. Dahil sa ngiting iyon ay lumakas ang loob ni Amere. Hinawakan niya ang kamay ni Opah, itinaas iyon at hinagkan. Mayamaya ay naramdaman niyang tila nanigas ang likod nito nang unti-unting bumaba ang mga labi niya upang gawaran ito ng masuyong halik. “Opah, sss status has nothing to do with us. It has nothing to do with my feelings with you, either. Pero kung papayag ka, handa akong gumawa ng PhaseBook account at i-announce sa buong mundo na committed na ako sa’yo. Promise, I’d be glad to do it. I love you, Opah,” wika niya nang matapos ang matamis na halik na iyon. “Sigurado ka bang mahal mo ‘kong talaga?” paniniguro pa rin nito. Isang kintal ng halik sa noo ang iginawad niya rito. “Posibleng hindi ako seryoso sa ibang bagay sa buhay ko pero seryoso ako sa’yo, Opah. At siguradong-sigurado akong mahal kita.” “Wala ng ibang kabute?” Natawa siya nang maalala ang kalokohan ng magkaibigan sa Iligan. “Walang kahit anong kabute.” “Promise?” Sa halip na sagutin ay niyuko niya ang dalaga upang muling hagkan. Isang mahaba at madamdaming halik ang pinagsaluhan nila ni Opah na sigurado siyang tulad niya ay ramdam din nitong totoo. Nang matapos ang halik na iyon ay yumakap nang mahigpit sa kaniya ang dalaga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD