MULA sa pagdungaw sa isang bintanang yari sa pinatuyong palapa at dahon ng niyog ay nagulat si Amere nang makita si Opah. Ibang-iba na ang ayos ng dalaga mula nang huli niya itong makasama. May nakatapi na itong sarong ngayon sa katawan at isang puting belo na nasa ulo. May kuwintas din itong itim na gawa sa kahoy at tila iyon putol na sungay ng hayop.
“Opah!” hindi niya napigilang mapayakap sa dalaga nang makalapit ito sa kaniya. Tila mapupugto ang hininga niya sa labis na tuwa nang makita ito.
“Amere, makinig ka. Papayagan ka na nilang umuwi bukas nang umaga,” nakangiting wika nito nang kumalas sa kaniyang yakap.
Napangiti siya subalit agad ding napalis iyon nang muli niyang mapagmasdan ang ayos nito.
“Ano ang ibig mong sabihing makakauwi ako? Bakit ako lang? Hindi ba tayo magkasabay na uuwi?”
Matagal na natahimik si Opah. Nagbutil muna ang luha nito bago nito muling nagawang magsalita.
“I’m staying, Amere. Iyon ang kapalit ng paglaya mo.”
“Ano?” Nanlaki ang kaniyang mga mata sa narinig.
Tumango si Opah at muling tumulo ang luha sa mga pisngi.
“Kailangan kong gawin ito. Bawat taong nakararating dito ay hindi makababalik nang walang sakripisyo. Iyon pala ang dahilan kung bakit ayaw ni Alex na magpunta ako dito noon. Sadyang matigas lang ang ulo ko kaya sinundan ko siya kasama si Chiqui nang minsan siyang nagpaalam sa akin na uuwi dito. Dahil pala doon kaya hindi natuloy ang aming kasal. Siya at ang kaniyang kapatid ang naging kapalit namin ni Chiqui. Ngayong tayo naman ang naligaw dito, kailangan din natin ng kapalit pero pumayag siyang pakawalan ka kung susunod ako sa mga sasabihin niya.”
“Hindi ko maintindihan. Bakit nila ito kailangang gawin? Sino ang pinaka-pinuno nila?”
“Ayaw sabihin sa akin ni Alex pero siniguro niyang makapangyarihan at hindi mortal ang mga ito. May mga kasapi rin daw sila na nakatira sa siyudad at umuuwi dito para lang magdala ng alay.”
“Ano ang ibig mong sabihin? Si Mang Paeng? Posible bang--”
“Hindi nila kasapi si Mang Paeng. Si Apo Lakay ang pinuno ng grupo nina Mang Paeng kaya pala doon niya tayo pinapupunta. May sarili man silang tribo ay hindi naman gaya nito na may mga ritwal pa at pag-aalay. Kaya lang, hindi alam ni Mang Paeng na kasapi pala rito ang kaniyang asawang si Aling Edna. Tiyak na wala itong alam sa pag-aalay na ginagawa ng asawa.”
“Nasaan ang mga kasama natin? Dinala na rin ba rito ng Ednang iyon?” tanong niya nang maalala ang grupo.
“Hawak nila sina Rona at Gildo, pero nakatakas daw sina Jerry at Becka. Ang Support Team naman ay nasa bahay ni Mang Paeng.”
Lalo na siyang nalungkot sa narinig. Hindi niya nagawang protektahan ang kanilang grupo dahil pinairal niya ang kaniyang pride. Kung pinakinggan lang sana niya ang masama niyang kutob sa pagpunta roon, sana ay hindi na umabot pa sa ganoon ang lahat.
“Amere...
“Kung wala siyang alam tungkol sa pagiging kasapi ni Aling Edna rito, bakit tikom ang bibig niya tungkol kay Apo Ali? Bakit hindi niya ipinagtapat sa iyo ang lahat nang sabihin mo ang pangalan ni Alex sa kanila?”
“Dahil malalagay din sa panganib maging ang tribo nila kung lalabas ito sa media. Siguro ay hindi inaasahan ni Mang Paeng na mararating natin itong dulo ng Sinugban dahil nakita mo naman kung paano tayong iniwasan ng mga tao rito. Walang isa man ang ibig kumausap sa atin dahil hindi nila tayo gustong idamay sa sinapit nilang buhay dito.”
Biglang napaiyak si Opah habang nagsasalita. Nanginginig ang tinig nito habang ang mga luha ay walang katapusan sa pagbalong.
“I’m sorry, Amere. Kasalanan ko namang talaga. Kung hindi ako nagpilit na pumarito, disin sana ay malaya tayo ngayon. I’m so sorry.”
“Huwag mong sisihin ang sarili mo. Ang totoo ay may sarili din akong dahilan kung bakit ko naisipan ang proyektong ito.”
Napatingala sa kaniya ang dalaga at inilahad niya dito ang tungkol sa sister-in-law niyang nawala matapos sumamang makipagtanan sa nobyo nitong taga-Sinugban. Iyon ang puno at dulo ng lahat kung bakit ninais niyang makarating sa lugar na iyon. Ibig niyang makita si Claire. Ngayong nakita na niya ang kapatid sa ina ay kailangan naman niyang isipin kung paano silang makalalayo roon nang kasama ito. Pero paano niya iyong gagawin kung ganitong ayaw sumama ni Opah at nakalaan itong manirahan doon para lang iligtas siya?
Kinabig niya si Opah at hinayaan itong umiyak sa kaniyang dibdib. Hinagod niya ang likod nito at sinikap itong aluin. Nang tumingala sa kaniya ang dalaga ay tila saglit na nag-usap ang kanilang mga mata. Awtomatikong kumilos ang kaniyang mga kamay upang haplusin ang mukha nito at bigla na lamang siyang nakadama ng kahungkagan nang makita ang anyo nito.
Kusang bumaba ang kaniyang mga labi upang abutin ang naghihintay na mga labi ni Opah. Kapwa sila nangangatal sa samu’t saring emosyon na lumulukob sa kanila.
“Amere…”
“Hindi kita kayang iwan, Opah. Mananatili akong narito sa tabi mo hanggang narito ka,” wika niyang buo sa loob ang sinabi.
“Ano ka ba?! Nasasiraan ka na ba ng bait? Sisirain mo ba ang buhay mo? Mataas ang pangarap mo, hindi ba? Huwag mong ikulong iyon dito dahil malaki ang mundong naghihintay sa’yo sa labas,” wika nang umiiyak na dalaga.
“Hindi maaari, Opah. Magkasama tayong nagpunta rito, kaya hindi kita puwedeng iwan. Hindi ko rin puwedeng pabayaan ang iba pa nating mga kasama.”
“Kaya nga mas kailangan mong umalis dito sa lalong madaling panahon! Bumalik ka sa Maynila at humingi ng tulong, saka mo kami balikan. Ikaw lang ang ipinangako sa akin ni Alex na puwede niyang palayain. Kailangan daw nila ang dalawa nating kasama para dalhin bilang alay sa dagat.”
Mabilis siyang napatingin sa dalaga sa huling sinabi nito. “Iaalay sila sa dagat? Ano’ng ibig mong sabihin, Opah?”
“Hindi ko rin alam, Amere. Iyon lang ang mga impormasyong sinabi sa akin ni Alex. Maging ang mga Mira at iba pa nilang kasapi ay hindi rin alam ang mga bagay na iyan. Mukhang nagkamali tayo ng akala tungkol sa Sinugban. Hindi totoo ang lahat ng ispekulasyon natin sa lugar na ito.”
Gulong-g**o siya sa mga narinig buhat kay Opah. Idagdag pang buong araw nang wala siyang kahit anong perception na natatanggap. Siniguro naman niyang hindi naka-block ang mga iyon, lalo pa at kailangan niya ang ang kaniyang kakayahan upang maligtas sila sa delikadong situwasyong iyon.
Muli sana siyang magtatanong kay Opah nang makarinig ng malalakas na putok ng b***l mula sa labas. Sindak na yumakap sa kaniya ang dalaga at hinatak naman niya ito agad upang magkubli sa isang ligtas na bahagi ng kubo.