Chapter 32

1005 Words
IBINALIK ng mga Mira sina Amere at Opah sa dampang una na nilang tinuluyan. Doon ay pilit silang pinainom ng tsaa ng mga ito bago magpahinga. Hindi na sila itinali sa pagkakataong iyon at binigyan pa sila ng mga kumot at unan. Magpahinga raw muna sila at maghintay ng oras ng pananghalian, ayon sa isang Mira. Pinahiga niya si Opah sa katreng naroon, at siya naman ay nanatiling nakaupo sa sala-salang kawayan, nakasandal sa lawanit na nagsisilbing dingding ng kubo. Marahil sa pagod ay hindi na rin niya napigilan ang mapahiga at mapaidlip. Pakiramdam niya ay may nakadagan na kung anong mabigat sa kaniyang mga talukap at ilang sandali pa ay nakatulog na siya. Tirik na ang araw nang muling magmulat ng mga mata si Amere. Mabilis siyang napalingon sa katre kung saan niya huling nakitang nakahiga si Opah, ngunit wala na roon ang dalaga. Napabalikwas siya ng bangon. Kanina lang, nang maalimpungatan siya ay naroon pa ang dalaga. Mahimbing pa itong natutulog kaya pumikit siyang muli. Tila ilang sandali lang naman siyang napikit buhat noon pero ngayon ay biglang wala na ito sa kinahihigaan kanina. Tumayo siya at maingat na nanaog sa hagdang kawayan ng dampa. Madilim pa ang paligid at base sa dapyo ng hangin at sikat ng araw sa kaniyang balat, marahil ay alas-nueve na ng umaga. Sinundan niya ang naririnig na ingay at dinala siya ng kaniyang mga paa sa isang dampang nasa gawing dulo ng mga kubo. Lumapit siya roon at sumilip sa maliliit na butas ng dingding nito. Laking gulat niya nang makita niya si Opah. Wala itong malay habang nakahiga sa isang kawayang papag. Dinadasalan ito ng tatlong dalagita at nanlaki ang kaniyang mga mata nang makilala ang isa sa tatlo-si Claire, ang sister-in-law niyang matagal nang nawawala! Ang nag-iisang anak ng kaniyang Mama Claudia, at ang pangunahing dahilan kung bakit niya naisip na i- propose ang Sinugban Project sa mga boss ng CEN. Mula kay Claire ay muli niyang inilibot ang paningin at nakita niya si Alex. Tahimik lang ito habang nakatunghay sa maamong anyo ng natutulog na dalaga. Nang kumilos ang kamay ni Alex at dumama sa pisngi ni Opah ay tila pangangapusan siya ng hininga. Hinaplos-haplos nito ang noo, mga mata, ilong at mga labi ni Opah. Nang muling kumilos ang kamay nito pababa sa dibdib ng dalaga ay tila nagbago ang isip nito. Sinapo nito ang ulo at saka ito umiyak. Mabilis nitong pinalabas ang tatlong dalagita. Saglit siyang nagkubli upang hindi makita ng mga ito. Nang tuluyang makalampas ang mga babae ay muli siyang nagbalik sa kaniyang puwesto upang muling bantayan si Opah. Nakita niyang umiiyak si Alex habang yakap-yakap ang wala pa ring malay na dalaga. Narinig niyang bumulong-bulong pa ang lalaki na tila humihingi ng tawad. Pagkatapos ay umayos ito sa pagkakaupo at saka inabot ang isang maliit na botelya. Naglagay ito ng kaunti sa palad nito at saka dinampian ang ilong ni Opah. Ilang sandali lang ay natauhan na ang dalaga. Tila galing ito sa masamang panaginip na bigla itong bumangon at humihingal na umiyak. Mabilis naman itong niyakap ni Alex at hinagod-hagod sa likod. “Sssshh. Hindi kita pababayaan,” wika ni Alex habang hinahagkan ang ibabaw ng ulo ng dalaga. Tila may isang malaking kamay na dumukot sa puso niya sa nasaksihan. Hindi niya maunawaan kung bakit. Nagkausap na ba nang masinsinan ang dalawa? Nagkabalikan na kaya? Posible kayang may gusto pa talaga ang apo sa dalaga? At si Opah, mahal pa kaya nito ang dating kasintahan? Nang balikan ng tingin ang dalawa ay kitang-kita niyang nakayakap na si Alex kay Opah. Dahil sa nasaksihan ay nawalan na siya ng lakas ng loob na daluhan ang dalaga. Baka naman hindi siya kailangan nito. Mukha namang wala ito sa peligro dahil nakayakap pa ito kay Alex. Laglag ang balikat na tumalikod na lang siya upang muling magbalik sa pinanggalingang dampa. TULUYAN nang hindi na nakalapit si Amere kay Opah. Pinabantayan na ito ni Apo Ali habang siya naman ay pinagbawalang lumabas ng dampa. Gayon man ay ibinalita ni Ditas sa kaniya na nakatakda siyang kausapin ni Alex sa gabing iyon. “Mahal na mahal pa rin siya ng Apo hanggang ngayon.” Napalingon siya sa pinagmulan ng tinig at nakita niya si Ditas na nakatayo malapit sa kubo. Sa wari ay kanina pa siya nito pinagmamasdan habang nakadungaw siya sa bintana. “Ano ang ginagawa nila kay Opah?” tanong niya rito. “Siya ang pangunahing Mira, hindi ba? Suwerte niya dahil hindi lang iyon ang narating niya. Asikasong-asikaso siya ng lahat at kung ituring ay isa ng reyna kahit wala pang ritwal.” “Ano ang plano nilang gawin sa kaniya?” “Pakakasalan siya ni Apo Ali. Iyan lang ang paraan para magtiwala sa kaniya ang reyna ng dagat.” Tila nanlaki ang kaniyang ulo sa narinig. “Pakakasalan? Dito?” Natawa si Ditas sa reaksiyon niya. “Oo. Saan mo ba gusto? Darating ang isa sa mga pinuno namin bukas para basbasan sila.” “Pumayag si Opah?” manghang tanong niya. “Hindi mo lang nakikita pero gustong-gusto ng kasama mo ang mga nangyayari. Sino ba ang tatangging maging legal na Mira ng Apo? Magbubuhay reyna siya rito, Amere. Hindi gaya namin na habampanahon na lang na utusan.” May lumarawang lungkot sa mga mata ni Ditas pero hindi niya pansin iyon. Mas importante sa kaniya ang balitang sinabi nito. Hindi siya makapaniwalang gusto rin ni Opah ang mga nangyayari. Duda siya roon. Sa tingin niya ay napipilitan lang ang dalaga. Kung bakit ay hindi niya alam pero malakas ang kutob niyang may nagtutulak dito para gawin iyon. Kailangan niyang umisip ng paraan. Hindi maaaring makasal si Opah sa Apo Ali na iyon. Magiging komplikado ang lahat at baka higit na manganib ang buhay ng dalaga. Sa unang pagkakataon ay nakadama siya ng matinding takot sa dibdib. Takot na para kay Opah. Paano kung mapahamak ito? Paano kung saktan ito at pagsamantalahan ng mga taong nakapaligid dito? Hindi yata niya makakaya kung mapahamak ang dalaga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD