Chapter 31

1492 Words
MAKALIPAS nga ang ilang oras ay ginising na niya ang dalaga at muli nilang ipinagpatuloy ang paglalakad. Pasado alas singko na nang umaga at ilang oras na lang ay tiyak na sisikat na ang araw at mas magiging madali na para sa kanila ang paghahanap ng lagusan. Kung susumahin ay halos kalahating kilometro yata ang nilakad nila para marating ang dulo ng yungib. Habang napapalayo sila ay papataas at papalaki ang naturang kuweba. Tila iyon sadyang idinisenyo ng kung sino mang nangangasiwa niyon. “Amere, look! What’s that?” manghang tanong ni Opah habang nakatingin sa isang pabilog na platform na nasa gitna ng yungib. Pinagmasdan niya habang nililigid ang pabilog na platform. Naliliwanagan iyon ng kulay puting tila sikat ng araw na nahahaluan ng bahagyang kulay asul. May mosyon o paggalaw sa repleksiyon ng liwanag na nakikita nilang nagbubuhat sa itaas. Nang tumingala ay nakita nila ang pabilog ring tila salamin na sa kabilang panig ay may umaalon ngang tubig. Tila iyon isang aquarium at pasalit-salit ang mga maliliit na isdang lumalangoy at napapadaan roon. Kung gayon ay doon nga marahil naglalagos ang papasikat na araw na siyang tumatanglaw sa platform. “Nasa ilalim tayo ng dagat, Opah,” aniya nang makompirma ang hinala. “Ha? Paanong nangyari iyon? Hindi ba at nasa ilalim tayo ng burol?” “It’s a man-made hill. Sadyang ginawa para ikubli ang bahaging ito ng lugar. Sa tingin ko ay nakalampas na tayo sa burol at pumasok na tayo sa bahagi ng dagat, kung hindi man ito isang lagoon.” “Kaya pala ako giniginaw. Nasa ilalim pala tayo ng tubig. Amere, natatakot ako!” anito sabay yakap sa sarili. “I told you trust me, okay. And when I ask, I mean it, Opah. Makakalabas tayo rito, huwag kang mag-alala.” Inilahad niya ang kamay sa dalaga at saka ito inalalayang lumapit sa platform. “Para saan ito?” “Meeting area?” pabiro niyang sagot, but he was actually serious. Aktuwal niyang nakikita ngayon ang tila isang pagtitipong ginaganap sa lugar na iyon. Kitang-kita niya ang grupo ni Alex na binubuo ng mga Amiro at Mira na nakaligid sa platform. Nang itutok niya ang mga mata sa pinakagitnang bahagi niyon ay nakita niya ang isang babaeng tila nakasuot ng costume na pandigma. Ang kabuuan ng katawan nito ay nababalutan ng hitsurang kaliskis na kulay matingkad na asul at silver na kumikintab sa pagtama ng liwanag. Bigla ay ang pagdagsa ng mga nakalilitong eksena sa alaala niya. Nakita niya ang sariling lumalangoy sa kailaliman ng dagat. Ang isa namang eksena ay nakikita niya ang isang babaeng mahaba ang buhok na tila pamilyar sa kaniya. Nakikipagpaligsahan ito sa kanya sa paglangoy at nagtatawanan sila nito. Ang isa pang eksena ay siya habang kausap ang isang lalaking may edad na may nakapatong na korona sa ulo at kapa sa likod nito na tinatangay ng alon ng tubig. Kasunod niyon ay ang pagsakit ng kaniyang ulo at mga tainga. Napadaing siya nang mahina kasabay ng paghawak sa kaniyang ulo. “Amere! Ano’ng nangyayari sa’yo?” tanong ni Opah, na hindi na niya halos marinig. “Amere! Ameeeere!” muling sigaw ni Opah, bago siya naupos na tila kandila at tuluyang napahiga sa sahig ng yungib. MASAKIT ang ulo ni Amere nang magkamalay. Natagpuan niya ang sariling nakahiga sa kandungan ni Opah habang ang huli naman ay tila alalang-alalang nakatunghay sa kaniya. “How do you feel? Ayos ka lang ba?” tanong nito na tila hindi malaman ang gagawin. Naroong haplusin nito ang mukha niya, ang leeg at noo. Hinawakan niya ang kamay nito at ngumiti sa dalaga. “I’m fine. Thanks.” Bumangon siya sa pagkakahiga at saka inilibot ang tingin sa paligid. “Nasaan na sila?” tanong niya sa dalaga. “Hindi ko alam pero may naririnig akong ingay na parang mga taong nag-uusap kanina. Imposible naman dahil sabi mo ay nasa ilalim tayo ng tubig, hindi ba?” Mabilis siyang napatayo sa narinig. Tumakbo upang suriin ang bawat sulok ng yungib. Kinatok pa niya ang mga iyon upang matiyak ang iniisip. “Wala sila rito...sa ngayon. Ang narinig mo ay posibleng pag-uusap nila na nasagap ng mga piping tubes na nakakabit sa bawat butas na iyan.” Itinuro niya kay Opah ang maliliit na bilog na butas sa paligid ng yungib. “Pero tiyak na gumagawa na sila ng paraan para makapasok dito.” Naalala niya ang usok na nagawa niyang ikulapol kanina bilang pangharang sa butas na natatakpan ng dayami. Sigurado siyang hindi magagawang tinagin iyon ng isang pangkaraniwang tao. Pero may posibilidad na may iba pang daanan patungo roon at iyon ang kailangan nilang makita. Muling napatingin si Amere sa platform kung saan niya nakita ang imahe ng kakaibang nilalang na ipinakita ng diwa niya kanina. “Opah, we’re not just dealing with ordinary people here. Hindi si Alex ang kalaban natin o ang mga kasapi niya. May higit na makapangyarihang kumokontrol sa kanila.” “Ha?!” gulat na bukambibig ng dalaga. “Pero paano mo ito nalaman eh magkasama lang tayo dito?” Nang maalala ang sinabi niya kanina ay binawi nito ang tanong. “Sorry, oo nga pala at sinabi mong huwag muna akong magtanong. Sobra na kasing nakaka-curious ang mga sinasabi mo eh.” “Ang platform na ito ang pinagdarausan ng pagtitipon ng mga tao ng Apo at dito din nagbibigay ng mensahe o kautusan ang reyna ng dagat.” “Reyna ng dagat?” Tumango siya habang binabalikan ang perception na natanggap niya kanina. Malinaw na iyon ang nakita niya sa diwa niya. Ang hindi malinaw ay kung sino-sino ang mga taong nakita niyang kausap niya at kung ano ang kaugnayan niya sa mga iyon. Bakit tila isa siya sa mga ito at may pakiramdam siyang nakatira siya sa karagatan? “Hindi ko pa kayang sabihin sa iyo ang lahat, dahil ako mismo ay naguguluhan din, Opah. I’m sorry.” Ngumiti ito nang malapad sa kaniya at nagulat siya sa sinabi ng dalaga. “Bakit kasi hindi mo na lang aminin na isa kang mangkukulam? Matatanggap ko naman. Tingnan mo nga ang mga pinagdaanan natin, may hindi pa ba ako maiintindihan?” Ibig niyang matawa sa ideya nito pero ayaw naman niyang mapahiya ang dalaga. Ngumiti na lang siya sa sinabi nitong iyon. “Basta save all your questions and I’ll answer them all when we get back to Manila, okay.” Lalo namang napangiti si Opah. Sa isip nito ay natutuwa ang dalaga dahil nararamdaman nito ang kompiyansa niya na sa lalong madaling panahon ay makakalabas sila doon. Sa loob ng mga sumunod na sandali ay nanatili lang silang nakatingin sa isa’t-isa. Mayamaya ay nakarinig sila ng mga yabag ng mga taong paparating. Nagkatinginan sila ni Opah at magkahawak-kamay silang humanap ng mapagkukublihan. “WALA NA kayong pupuntahan, kaya huwag niyo nang tangkaing tumakas pa!” sigaw ni Alex. Nagkatinginan sila ni Opah. Kasalukuyan silang nakakubli sa isang malaking bato na nasa isang sulok ng yungib. “Opah, lumabas na kayo, please!” muli nitong sigaw. “Patawarin mo ako kung wala akong magagawang tulong sa iyo, pero kailangan mong makipag-cooperate kung gusto mong mailigtas ang mga kasama mo!” Napasinghap ang dalaga, at napapikit naman si Amere. Kaya pala ganoon na lang ang kabog ng dibdib niya ay dahil nasa panganib ang mga kasama nila. Hawak na pala ng mga tauhan ni Alex ang Team Eagle! Naramdaman niya ang pagpisil ni Opah sa kaniyang kamay at nabasa niya sa mga mata nito ang nais nitong gawin. Sinikap niyang pigilan ang dalaga kasabay ng paulit-ulit nitong pag-iling. Pagkuwa’y kumalas ito sa kaniya, at saka lumantad sa humahabol na grupo. Wala siyang nagawa kundi ang sumunod rito. “Sasama na kami sa inyo, pero kailangan kitang makausap nang masinsinan, Alex.” “Tawagin mo siyang Apo Ali, Mira! Wala kang respeto sa aming pinuno!” sigaw ni Ditas sa dalaga. “Ayos lang,” kalmadong saway ni Alex kay Ditas. “Pabayaan niyo siya kung ano ang gusto niyang itawag sa akin.” Kapagdaka ay bumaling ito kay Opah. “Makikinig ako sa ano mang gusto mong sabihin, Opah. Sana lang ay mapayapa kayong sumama sa amin, para wala nang g**o. Please.” Lumingon sa kaniya ang dalaga at tumango ito na tila hinihingi ang pagsang-ayon niya. Marahan naman siyang tumango habang abala ang isip sa pag-aanalisa ng kanilang situwasyon. Kung sasama sila sa grupo ay tiyak na itutuloy lang ng mga ito ang planong pag-aalay sa kanila ni Opah. Ito bilang Mira, at siya bilang Amiro, tulad ng sinabi ni Ditas. “Please, nakikiusap ako. Bilang pinuno ay ayoko ng g**o. Hindi ako matutuwa kung mapapahamak ang mga kasama niyo.” Napahinga nang malalim si Opah habang palipat-lipat ang tingin nito sa lahat ng kaharap. Pinaligiran sila ng mga Mira, marahil upang matiyak na hindi na sila muling tatakas pa. Ilang saglit pa ay magkakaagapay na silang naglalakad pabalik sa komunidad ng mga ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD