MAINGAT na tinalunton nina Amere at Opah ang masukal na daan palabas ng komunidad na iyon, pero mula sa pinagkukublihan ay nakita nilang naglipana ang mga Mira sa paligid. Ilang oras lang ang hihintayin at tiyak na sisikat na ang araw. Madali silang makikita ng mga ito kung may liwanag na.
“Paano tayo makakatakas dito, Amere? Paano kung mahuli na naman nila tayo, ano’ng gagawin natin?” bulong ni Opah na hindi maikakaila ang panginginig sanhi ng takot. Hinigpitan niya ang hawak sa kamay nito at saka ito matiim na tinitigan.
“Huwag kang matakot. Basta kasama mo ako, walang masamang mangyayari sa’yo, okay.”
Tumango ang dalaga at hinatak na niya ito patungo sa isang masukal na lugar kung saan maraming mga malalaking puno at halaman. Doon sila itinuturo ng kaniyang mga perception. Malakas ang kutob niyang may lagusan palabas sa direksiyon na iyon.
Sa gitna ng dilim na tanging liwanag lang ng buwan ang tumatanglaw ay tila may malabong usok na bigla na lang lumitaw mula sa kung saan, animo itinuturo nito ang daan kung saan sila maaaring magpunta. Sa kaniyang paningin ay isa iyong diyosa na binubuo ng iba’t-ibang kulay at tila nagsasayaw sa hangin.
Nakakailang liko na sila at mahaba na rin ang kanilang natatakbo nang marating nila ang dulo ng daan. Kapwa sila napalinga nang makitang mataas na tila burol na ang bahaging iyon.
“Amere, dead end!” nangangambang bulalas ni Opah habang hindi mapakali sa pagtingin sa paligid.
Tiyak na lalo itong kakabahan kung malalaman nitong sa mga sandaling iyon ay kasama na ni Alex ang mga tao nito upang hanapin sila. Ilang metro lamang ang layo ng grupo sa kinaroroonan nila ngayon.
Saglit siyang pumikit upang mag-isip, pero pinaghahampas ni Opah ang braso niya. “Amere, naririnig mo ba ‘ko? Nakuha mo pang matulog, masusundan na nila tayo!” nagpa-panic nitong sabi sa kaniya.
“Hindi puwede eh...she led us here,” bulong naman niya habang inaanalisa sa isip ang gustong ipahiwatig ng naglahong usok.
‘Puno...burol...dayami...saan kami pupunta?’ paulit-ulit niyang bulong sa hangin, habang nakatitig sa dayaming nakapalibot sa isang mayabong na punong nakasandal sa burol na iyon.
“Sino ba ang tinutukoy mo? Amere! Ano pa ba’ng itinatayo natin dito? Halika na, dali!” Mahigpit siyang hinawakan ni Opah sa kamay at pilit na hinahatak sa kung saan, nang biglang gumalaw ang mga dayami.
“Wait...” niya rito habang hindi maalis-alis ang pagkakatitig sa dayami.
“Nariyan na sila! Look!” Tumuro ang kamay nito sa likuran na kahit hindi naman niya lingunin ay alam niyang ang grupo ni Alex. Abala ang isip niya sa pagsusuri sa mga dayaming sa paningin niya ay gumagalaw. “Opah...Opah!” tawag niya sa dalagang tila mawawala na sa katinuan sa matinding takot. Kinailangan niyang isigaw ang pangalan nito para makuha ang atensiyon ng dalaga. “Opah!” malakas niyang sabi.
Lumingon naman ito sa kaniya at nagtatanong ang mga mata nito. Itinuro niya ang dayami sa dalaga. “Oh, ano? Ano’ng gagawin natin diyan?” tanog nitong nalilito.
Bilang tugon ay idiniin niya ang kamay sa ibabaw ng dayami. Namulos iyon na tila nakapatong sa isang malambot na bagay. “Come on, let’s go...”
“What? Saan? Diyan?” tanong nitong biglang nanlaki ang mga mata.
Kinabig niya sa baywang ang dalaga at saka ito binuhat, bago humakbang sa mga dayaming iyon. Malakas na tili ni Opah ang sumunod niyang narinig.
“OUCH...” daing ni Opah habang hawak ang balakang. Nakahiga siya sa sahig habang ito naman ay nakahiga sa ibabaw niya. Nang mapansin iyon ng dalaga ay agad itong bumangon. “Sorry, sorry,” anito sabay baling sa kaniya. “Okay ka lang ba?”
Inalalayan siya nito upang bumangon habang pinakikiramdaman niya ang sarili.
“Si Amere pa ba?” pabiro niyang sabi rito na sanhi upang tumawa ang dalaga.
Ilang sandali pa ay kapwa na sila nakatayo habang pinapagpagan ng alikabok at dayami ang mga sarili.
“Amere, nasaan tayo?” tanong ni Opah na kusa nang pumulupot sa braso niya. Magkaagapay silang lumakad patungo sa mumunting liwanag na nakikita nila.
“Para itong tunnel na ginamit sa panahon ng digmaan. Nasa isang yungib tayo, kung tama ako.” Tumingala siya at pinagmasdan ang kabuuan ng yungib. Siguro ay tatlumpung talampakan ang taas niyon, triple ng taas ng lugar na kinahulugan nila.
“Ano ito? Bakit may ganito dito sa Sinugban? At paano mo itong nalaman?”
“Opah,” tawag niya sa pangalan nito. Agad naman itong tumingala sa kaniya. “Puwede bang mag-request?”
“Ano iyon?”
“Puwede bang huwag mo na munang itanong sa akin kung paano kong nalalaman ang mga nangyayari sa paligid? We need to talk less, dahil tiyak na pasunod na sila dito. Ang mahalaga ay makatakas muna tayo.”
Tila napahiya naman ang dalaga nang ngumiti. “Okay. Pasensiya na sa pagiging matabil ko. Marites nga eh,” nakatawa naman nitong sabi.
Tumango siya rito habang nakangiti. “Tabi ka muna, may gagawin lang ako.” Iginiya niya si Opah sa isang sulok ng yungib, habang siya naman ay naghahanap ng bagay na maikakanlong sa butas na nilusutan kanina, pero wala siyang makita. Noon niya nahagip ng tingin ang usok na sinusundan nila kanina. Napangiti siya sa usok, at bumulong ng pasasalamat dito bago pumikit at isinagawa ang pakay niya.
“Tayo na,” aniya sa dalaga nang masiguradong nakaharang ang pinatigas niyang usok sa butas na dinaanan nila kanina. Confident siyang ano man ang gawin ng mga taong nakasunod sa kanila ay hindi magagawa ng mga itong pumasok sa yungib.
Tinalunton nila ang kahabaan ng yungib at nang makakita ng isang safe na bahagi niyon ay ipinasya niyang saglit munang magpahinga. Pinaupo niya si Opah sa sulok kung saan maaari itong sumandal nang paupo o kaya ay mahiga.
“You can sleep for at least an hour or two. I’ll be here with you. Babantayan kita,” aniya sa dalaga nang makita ang pag-aalinlangan sa mga mata nito.
“Pero ayokong matulog.”
“It’s all right. Hindi na nila tayo masusundan dito. I promise, okay?” Hinaplos niya ang pisngi ng dalaga at tumango naman ito.
Mayamaya ay naidlip na nga ito habang nakasandal sa malaking bato, habang siya naman ay nakabantay dito at nag-iisip ng mga susunod nilang hakbang. Maaari silang mamahinga ng kahit dalawang oras doon, at saka na lang nila ipagpapatuloy ang paghahanap ng lagusan.