HALOS ay mabaliw na si Amere sa kaiisip habang sinusundan ng tingin ang pintong nilabasan nina Opah at Alex. Ang totoo ay kanina pa kinakain ng pangamba ang puso niya. Pilit lang niyang pinaglalabanan iyon para makapag-isip ng paraan para makatakas sa miserableng situwasyon nila ni Opah. Pero paano niya iyon gagawin kung ganitong hindi man lamang niya alam kung nasaan na ang dalaga? Paano kung ituloy ng Apo ang pag-aalay dito? Paano kung bukod doon ay saktan pa ng mga baliw na iyon si Opah?
Marahil dahil sa ngitngit at pangamba ay bigla niyang nakalag ang taling gawa sa baging. Hindi makapaniwalang tiningnan niya ang mga kamay na may marka pa ng pagkakatali. Pero dagli din niyang inayos ang sarili nang makitang may papasok na tao sa dampa.
Si Ditas. Tumabi ito sa kaniya sa sahig at diretso siya nitong tingnan sa mga mata. Iiwas sana siya pero sinapo nito ang kaniyang pisngi.
“Amiro…”
“Ditas, hindi Amiro ang pangalan ko…”
“Mula sa gabing ito ay magiging Amiro ka na at ako naman ang iyong Mira,” bulong nito sa kaniyang tainga.
Sinikap niyang ilayo ang sarili mula kay Ditas sa abot nang makakaya pero determinado ito sa ginagawa. Halinhinan nitong hinagkan ang kaniyang mga pisngi at tainga. Pinagbuti din nito ang paglilikot ng mga kamay sa kaniyang katawan. Hindi naman niya magawang pigilin ang mga kamay ng dalagita dahil ang alam nito ay nakatali pa siya. Sa ganoong klaseng tagpo sila inabutan ni Opah.
Nakatayo ito sa bungad ng pinto habang nakamasid sa kanila ni Ditas. Tila galit ang anyo nito na mukhang susuwagin ang dalagita.
“Eherm.”
Noon lang ito nakita ni Ditas at tila bahagya naman itong nailang sa paraan ng pagkakatingin ng dalaga. Lumaban ito ng titigan kay Opah.
“Bakit narito ka? Hindi ba at sa silid ni Apo ka matutulog ngayong gabi?” inis na tanong ni Ditas kay Opah.
“Sino naman ang nagsabi sa’yo?” ganting tanong ng huli.
“Dito ako matutulog sa tabi ni Amere. Ikaw? Saan ka?”
“Sino ang nagsabi? Ang lalaking ito?”
Bigla siyang pinukol ng masamang tingin ni Opah kaya mabilis siyang umiling.
“Hindi ako!” mabilis niyang sabi.
“Ako, bakit? Masama ba?” pagtataray ni Ditas rito.
Nanliliit siya para dito. Kung pagmamasdan niya ang patpatin nitong katawan ay tila alam na niya ang aabutin nito kung patuloy nitong gagalitin si Opah. Oo nga at alam niyang hindi na ito menor de edad tulag ng gusto nitong palabasin, pero dahil pinanatili ang mura nitong katawan ay tiyak na walang panalo iyon kay Opah. Kawawa ang aabutin nito sa mga kuko ng masokistang dalaga.
“Oo, masama! Kay bata-bata mo pa ay ganyan na ang inaatupag mo! Tumayo ka nga diyan at tawag ka na ng Apo mo!” singhal ni Opah rito.
Tumayo naman si Ditas pero tila hindi nito mapaniwalaan ang sinabi ng dalaga.
“Ano pa’ng itinatayo-tayo mo diyan? Tawag ka ng Apo mo! Dalian mo!”
“B-bakit? Hindi ba at ikaw ang Mira niya ngayon?” nagtatakang tanong nito.
“Fake news. Wala raw piging ngayong gabi bukod sa pagsisindi ng insenso kaya bukas na raw iaalay ang mga Mira. So, huwag kang excited! Lumabas ka na kung ayaw mong ihagis kitang palabas dito!”
Halata man sa anyo ng dalagita ang inis ay tila nasindak naman ito kay Opah. Tumalikod na ito at tuluyan nang nanaog ng dampa.
“Alam mo, ikaw na ang pinakawalang kuwentang lalaking nakilala ko sa tanang buhay ko,” wika ni Opah nang balingan siya nito.Tila mababasag ang tinig nito habang nagsasalita kaya hindi niya magawang humirit.
“Bakit? Ano na naman ba ang ginawa ko?” maang namang tanong niya.
“Wala! Wala ka ngang ginawa eh! Mari-r**e pala ako at lahat pero wala ka talagang gagawin diyan, buwisit ka!” Pinaghahampas siya ni Opah sa braso kaya umangat ang mga kamay niya para salagin ito. Nagulat si Opah nang makitang malaya niyang nagagamit ang mga kamay niya. Nagtatanong ang mga mata nitong tumingin sa kaniya. “Hindi ka na nakatali?” taka nitong tanong.
“Ikaw naman kasi eh. Hindi mo man lang ako bigyan ng pagkakataong magpaliwanag,” aniya.
“Paanong…”
“Pinilit kong kalagin ang taling ito para mailigtas ka. Bababa na sana ako nang dumating si Ditas. Natural ay kinailangan ko pang mag-isip ng paraan para matakasan siya, at dahil hindi niya alam na kalag na ang tali ko ay kailangan ko pang umarte.”
“Ah, nag-iisip ka ng paraan nang lagay na iyon? Eh halos magkapalit na kayo ng mukha ng babaeng iyon ah! Mukhang kiliting-kiliti ka pa nga sa pinaggagagawa niya sa’yo!”
“Hoy, huwag kang magbintang diyan! Hindi ako tulad ng iniisip mo at kahit hindi ka dumating ay walang mangyayari sa amin!”
Umingos si Opah.
Saglit siyang napahinto upang titigan ito. Somehow, somewhat ay tila may nabago sa pagtingin niya rito. Hindi niya matukoy kung ano pero tila iba talaga ang tingin niya ngayon sa dalaga. Parang mas higit itong gumanda kaysa dati. Parang hindi na rin ito macho sa paningin niya kahit nag-astang amasona pa rin ito kanina sa harap ni Ditas. Parang…parang may magandang pakiramdam nang hatid sa kaniya ang mga tingin nito ngayon. Higit sa lahat ay parang na-miss niya ito.
“Hoy! Bakit ganyan kang makatingin? Binabastos mo ba ‘ko nang lagay na iyan?” sigaw nito.
Natauhan siya nang maramdaman ang sakit ng hampas ng dalaga sa kaniyang braso. Mataman pala itong nakatingin sa kaniya habang siya naman ay titig na titig dito.
“Opah, bakit parang…teka, may nagbago ba sa’yo?” tanong niya nang hindi makatiis.
Bigla namang tila naging conscious ang dalaga. Hinaplos-haplos pa nito ang buhok at pisngi nito. “Anong nagbago? Bakit? May dumi ba ako sa mukha?” tanong nito.
“Meron,” aniyang yumukod pa para mas mabistahang mabuti ang mukha ng dalaga.
“Nasaan? Dito ba? Dito?”
Hinawakan niya ang kamay ni Opah na nasa mukha nito at kunwa ay inilapat iyon sa cheekbone ng dalaga.
“Hayan. O, wala na. Sandali, meron pa pala.” Muli niyang hinawakan ang kamay ni Opah at inilapat naman sa baba nito.
Nang bitiwan niya ang kamay ni Opah ay muli niya iyong hinabol at inilagay naman niya sa sariling mukha. “Ako rin yata. May dumi rin ako sa mukha, ‘di ba? Heto o…heto pa.”
“Ay oo nga! May dumi nga oh…”
Laking gulat niya nang isang malakas na hampas sa pisngi ang pinalasap sa kaniya ni Opah. Halos mabingi siya dahil doon.
“Aray naman…” daing niya habang salo ang pisngi.
“Ang dumi nga, ano? Meron pa ba?”
“Wala na. Malinis na,” sagot naman niya sabay paling ng ulo sa kabilang direksiyon ng kubo.
Narinig niya ang mahinang tawa ng katabing dalaga, pero saglit lang iyon dahil bigla siya nitong hinawakan sa braso. “Wait,” anito.
Saglit siyang natigilan nang biglang maramdaman ang kakaibang kabog na iyon mula sa ng kaniyang dibdib. Alam niyang patungkol kay Opah ang ritmong iyon ng puso niya. Matinding emosyon para sa dalaga na aaminin niyang may mahalaga nang papel sa buhay niya.
Napatda si Amere nang bigla siyang nakaramdam ng lakas, kasabay pa rin ng mabilis na dagundong ng puso niya. Pakiwari niya ay dama niya ang bawat himaymay ng kaniyang laman, ang bawat daloy ng dugo sa kaniyang mga ugat, sa mga sandaling iyon.
Kasunod niyon ay ang muling pagdagsa ng mga perception sa pandama, isip at paningin niya. Pumikit siya upang malayang tanggapin ang mga iyon, habang inookupa ng dalaga ang kaniyang isip.
‘Anong klaseng hiwaga ang ginagawa mo sa akin, Opah? Sino kang talaga?’
“Amere...”
Nagmulat siya ng mga mata at napatingin sa katabi.
“Kailangan nating tumakas!” buong pag-aalalalng sabi nito. “Hindi totoo ang mga sinabi ko kay Ditas kanina. Nagawa ko lang patulugin si Alex dahil sa sleeping pills na lagi kong dala sa bag ko. Mayamaya ay magigising na rin iyon.”
Tumango siya pagkat alam na rin niya ang mga impormasyong sinabi ni Opah. Ang totoo ay nasa silid na ng apo si Ditas, at posibleng ano mang oras ay matuklasan na nito ang ginawa ng nakatakdang Mira.
Matiim niyang tinitigan ang dalaga kasabay ng paghawak sa kamay nito. Tumango siya bilang cue rito at ilang saglit pa ay nagmamadali na silang lumabas ng kubo.