HINDI pa rin halos makapaniwala si Opah habang nakatitig sa kaharap na lalaki, habang tahimik lang na nakamasid si Amere sa mga nangyayari. Kung gayon, malinaw na ang Apo Ali na tinutukoy ni Ditas at ng iba pang mga taong bayan roon, kabilang na ang mag-asawang Paeng at Edna, ay walang iba kung hindi ang dating kasintahang ni Opah! Ang lalaking kunwa’y kaibigan lang nito pero ang totoo ay ang taong siyang dahilan kung bakit ito nalulungkot sa pagpunta sa lugar na iyon. Ang dating kasintahan ni Opah na tumalikod rito ilang araw bago ang nakatakdang kasal ng mga ito!
Bigla ay ang pagdating ng percetion sa harap ni Amere. Malinaw niyang nakikita ang mga pangyayari sa pagitan ng lalaking ito at ni Opah.
Huling araw iyon ng bakasyon ni Opah sa Sinugban, kapiling ang lalaking nakatakda nitong mapangasawa, si Alex Samartino. Malungkot na malungkot ang dalaga at panay ang yakap sa kasintahan nito. Nagbibilin ito ng kung anu-ano na tila ba iyon na ang huling araw nito sa mundo. Panay din ang bigkas nito ng mga salita ng pagmamahal kaya naman hindi nito halos mapaniwalaan nang talikuran ito ng lalaki.
Sumalit din sa nakikita niyang eksena ang sinabi ng mga magulang nito nang araw na puntahan ng dalaga ang bahay ni Alex upang hanapin ang kasintahan. Iyon ay ilang araw matapos na hindi na nito ma-contact ang nobyo.
“Wala kaming magagawa kung iyon ang kapalaran niya, Opah. Sana ay patawarin mo ang aming anak sa kaniyang piniling landas.”
Kaya naman pala lumarawan ang pangamba sa anyo ng mag-asawang Paeng at Edna nang banggitin ni Opah ang pangalan ng dating nobyo nito ay dahil kilala talaga nito ang tinutukoy ng dalaga. May lihim palang pagkatao ang Alex Samartino na ito at ang pinuno ng lihim na komunidad na iyon ng Sinugban ay walang iba kundi ito mismo! Ang Apo Ali na sinasamba at inaalayan ng mga Mira! At ngayon, nakatakda nitong kunin ang iniingatang pagkabirhen ni Opah dahil sa isang ritwal na hindi pa niya maunawaan sa ngayon ang tunay na kabuluhan. Dahil doon ay umahon ang galit sa dibdib niya para sa estrangherong ito.
“A-Alex? B-bakit?” Halos hindi nanulas sa mga labi ni Opah ang tanong na iyon. Tila hinang-hina ito habang nakatingala lang sa lalaki. Maging si Alex ay tila hindi rin nakahuma nang makita ang dalaga. Marahil ay hindi nito inaasahan na ito ang pangunahing Mira na iaalay para sa gabing iyon.
“O-Opah, ano ang ginagawa mo rito?” pagkuwa’y tanong nito na sa dalaga na biglang nagdilim ang anyo.
“Ikaw? Ano ang ginagawa mo rito? Ang akala ko ba ay mangingibang-bansa ka? Bakit narito ka?”
“Opah…”
“Pagkatapos mo akong talikuran ay ito ba ang naging buhay mo? Tumalikod ka sa kasal natin dahil dito? Dahil gusto mong maging Apo? Dahil gusto mong magkaroon ng marami at mga batang babae?!” Hindi na nito naiwasan ang pagdaloy ng luha sa mga pisngi nito. Biglang nanumbalik ang poot nito sa dibdib patungkol kay Alex. Biglang nagbalik sa isip nito ang hindi malilimutang hinanakit sa mga mata ng mga mga magulang nang ibalita nito na hindi na matutuloy ang kasal.
“Hindi mo alam ang sinasabi mo,” tugon nito habang napapailing. “Hindi niyo alam ang tunay na lihim ng Sinugban.” Napaluhod ito sa harapan ng dalaga.
“Ano pa ba ang hindi ko naiintindihan? Anong klaseng trabaho ang sinasabi mong ito, Alex? Sinisira mo ang buhay ng mga batang ‘yan! Sa halip na nasa paaralan sila para mag-aral ay pinaniniwala mo sila sa kaparusahang gawa-gawa mo lang! Sinasamantala mo ang kahinaan ng mga tao rito at ang kawalan nila ng edukasyon para mamulat sa katotohanan ng buhay! Napakasama mo palang tao!”
Kapwa sila nagulat nang walang kilatis na lumapit si Ditas sa kanila at malakas nitong sampalin si Opah. “Ano ang karapatan mong kausapin ang Apo sa ganiyang kataas na tinig, ha? Hindi mo alam ang ginagawa mo! Isusumpa ka ng aming mga ninuno sa pag-aalipusta mong ito! Isusumpa ka ng dagat!” sigaw nitong galit na galit kay Opah.
“Gumising ka sa katotohanan, Ditas! Ginagamit niya kayo para sa pansarili niyang interes! Hindi totoo ang kaparusahang sinasabi niya dahil isa lang din siyang mortal na tao gaya natin!” ganti niyang sigaw dito.
“Tama na! Isang pagkakamaling nagbalik ka pa dito sa Sinugban, Opah! Sa ginawa mo ay winalang saysay mo lang ang pagsasakripisyo ko sa damdamin ko para sa’yo. Minahal kita, Opah. At magpahanggang ngayon ay mahal pa rin kita, kaya mas pinili ko ang miserableng buhay na ito kaysa malagay ka sa peligro.”
Biglang natahimik sa narinig si Opah. Mataman itong nakatingin kay Alex at tila sinusuri ang katotohanan sa sinasabi ng lalaki. Siya naman ay walang malamang sabihin dahil nababasa niya ang katotohanan sa anyo ni Alex. Nararamdaman niya iyon, bagaman hindi niya ma-retrieve ang buong perception na inilalabas ng isipan nito.
“Sumama ka sa akin, Opah. Ipagtatapat ko sa iyo ang lahat ng gusto mong malaman. Gagawin kitang reyna ng komunidad na ito. Tayo lang, tulad ng dati, at wala nang iba.”
Ilang sandali pa ay namalayan na lang niyang kinakalagan na ng mga babaeng kasama ni Alex si Opah. Noon lang niya naunawaan ang nagaganap. Nakatakdang kunin ng mga ito ang dalaga habang ang huli naman ay tila biglang natulala at ni hindi magawang tumutol sa mga nagaganap. Mukhang nawalan ito ng lakas nang sabihin ni Alex ang tunay na damdamin para rito.
“Hoy, saan mo siya dadalhin?” aniya sa lalaki nang humakbang na ito patungo sa pinto akay ang dalaga, pero mabilis siyang hinarap ng mga Mira. May isang pumuwesto sa likuran niya, habang ang dalawa ay lumuhod sa kanyang paanan. “Tumayo nga kayo diyan! Ano ba’ng pinaggagagawa niyo?” aniya sa tatlong babae na tila wala namang naririnig. Daig pa ng mga ito ang wala sa sarili kung kumilos.
Naisip niya si Opah. Saan ito dadalhin ng Apo Ali na iyon at ano ang gagawin nito sa dalaga?