Chapter 26

1823 Words
MAY KUNG ilang sandaling nasa ganoong puwesto lang sina Amere at Opah. Ang plano niya sana ay makalapit sa ritwal na ginagawa ng mga naroon, upang mas madaling makapagmatyag, pero paparami ang mga tao at hindi nila alam kung saan sila magkukubli upang makalapit. Hindi naman nila magawang umatras dahil may mga tao ring paparating. For a while, kailangan nilang manatili sa puwestong iyon hanggang masiguro niyang ligtas na silang makaaalis roon. Mayamaya ay sumulyap siya at kinalabit sa braso ang dalaga. Isinenyas rito sa pamamagitan ng mga kamay na patayin nito ang hawak nitong cellphone. Inilabas nito ang gadget upang patayin iyon pero hindi na pala kailangan dahil wala na rin namang malilikhang tunog ang mekanismo. Dead ang signal nito. Nang mapansin niyang wala nang dumarating na mga tao at tila nagsisimula na ang seremonyas ay sinenyasan na niya si Opah na kailangan na nilang umalis roon. Maingat silang gumapang patungo sa isang ligtas na lugar kung saan maraming puno at mayayabong na halaman. Pagdating doon ay saka sila tumayo. Inalalayan niya si Opah at hawak ang cellphone ay nagpagpag ng sarili ang dalaga. Humanap sila ng isang puwesto kung saan malaya pa rin nilang mapapanood ang mga nangyayari sa ritwal. Patingkayad silang nagkubli sa makakapal na dahon ng punong kinasisilungan. Ang mga matataas namang d**o ang nagkukubli sa mga paa nila. Tumingkayad si Opah sa pagkakaupo upang maipamulsa ang cellphone pero laking gulat nito nang dumausdos ang mga paa nito sa kinatutuntungan. Mabilis nitong natakpan ang bibig upang hindi makalikha ng ano mang ingay pero nawalan nang saysay iyon nang muling gumuho ang malambot na lupang kinaroroonan nito. Napatili ito nang malakas nang dire-diretsong nahulog sa isang mababaw na palaisdaan. Sindak siyang napatingin sa dalagang ngayon ay nasa gilid ng mababaw na palaisdaan. Maitim na putik o burak ang kinaroroonan nito at nang tangkain nitong tumayo ay bigo lang itong muling bumagsak pasalampak sa kinaroroonan. Siya naman ay halos malaglag na ang puso dala ng takot dahil halos alam na niya ang mga sumunod na mangyayari. Sa pagitan ng siwang ng mga halamang pinagkukublihan nila ay kitang-kita niya kung paanong ang lahat ng mga taong nagsasagawa ng ritwal ay nakalingon na ngayon sa kinalalagyan nila. “Tumakbo ka na, Amere!” anito sa kaniya. “Sabihan mo ang mga kasama natin tungkol dito at saka niyo na lang ako balikan! Dali!” sabi ni Opah na tinatangka pa ring umahon mula sa kinalulubugan nitong burak. “No! I can’t leave you here!” aniya rito sabay lahad ng isang kamay upang abutin ang dalaga. Mabilis niyang iniabot ang kamay kay Opah at pilit na iniahon ito sa tubig. Kasabay noon ay ang maliksi nilang pagkilos upang lumayo sa lugar na iyon subalit nakakatatlong hakbang palang sila nang bigla silang matigilan. Isang grupo ng mga kakabaihan ang ngayon ay nakatayo sa kanilang harapan. Madilim ang anyo ng mga ito habang titig na titig sa kanilang dalawa ni Opah. “ANO ang ginagawa ninyo rito? Hindi ba at sinabi ko nang bukas nang alas-otso tayo magkikita sa bungad ng Ibayo?” sita ni Ditas sa kanila ni Opah. Bagaman nagliwanag ang mukha nito at tila nasiyahan nang makita siya ay hindi pa rin maikakaila ang takot sa mga mata ng dalagita. “Hindi na kasi kami makapaghintay na makausap si Apo Lakay. Pero ano ba ang nagawa namin? Bakit kailangan nila kaming igapos?” tanong niyani Opah at basta na lang itinulak papasok sa dampang iyon ng mga babaeng nagdala sa kanila. “Hindi kayo dapat naparito. Isang sagradong lugar ito na dapat ay kaming mga Mira at mga tauhan lang ng Apo ang nakaaaalam.” “Anong Mira?” usisa ni Opah. Nakakatawang sa gitna ng situwasyon nilang iyon ay nagagawa pa rin nitong pairalin ang pagiging mausisa. Gusto sana niyang biruin na ‘marites’ na rin ito, ang terminong gamit sa mga tsismosa, pero wrong timing kaya itinikom na lang niya ang bibig. “Mira ang tawag sa mga babaeng iniaalay kay Apo Ali. Lahat kami ay iniaalay sa kaniya oras na tumuntong kami sa edad na labingtatlo.” Kahit nakatalikod ay alam niyang nanlalaki ang mga mata at ilong ni Opah sa narinig buhat kay Ditas. Tila kinompirma lang nito na totoong may kulto sa Sinugban! Hindi lang basta sabi-sabi ang mga usapin tungkol dito. Hindi lang iyon basta myth gaya ng pilit niyang itinatanim sa isip ng dalaga. “Pero bakit? Bakit kailangang alayan ang Apo? At bakit pumapayag naman kayo na ginagawa nila iyon sa inyo?” sunud-sunod na tanong ng dalaga kay Ditas. “Wala kaming magagawa. ‘Yan ang tradisyon dito noon pa. Kapag umangal kami ay mamamatay naman kaming lahat sa gutom.” “Dahil ipagsusungit nila ang yaman ng dagat, kung hindi kayo susunod, ganoon ba?” Napatingin si Ditas kay Amere at masuyong ngumiti rito. “Ang talino mo, pogi,” anitong nakangiti na tila nang-aakit. “Tama ka.” Naramdaman niya ang pilit na pagharap sa kaniya ni Opah. “Bakit mo alam iyon? May hindi ka ba sinasabi sa akin, Amere?” Sinikap niyang abutin ng kamay ang palad nito at mahigpit iyong hinawakan. Tumahimik si Opah sa signal niyang iyon. “Kung tutuusin ay hindi ka naman totoong minor. Beinte na ang edad mo, hindi ba?” tanong niya kay Ditas na bahagyang nagulat. “Paano mong nalaman iyan? Pinanatili ng kabibe ang kutis at ganda ko, paano mong nalaman na beinte anyos na ako?” Naramdaman niya ang pagkalito ni Opah, pero muli niyang pinisil ang palad nito sa posisyon nilang iyon na magkatalikod. Pumikit siya at bumulong sa isip. ‘Trust me, Opah...just trust me...’ Naramdaman ni Amere ang tila paninigas ng mga kamay ni Opah nang sa wari ay matanggap ng isip nito ang mensahe ng isip niya. “Huwag kayong maingay. Huwag ninyong ipapahalata sa kanilang kilala ko kayo. Kapag sinuwerteng nagpahinga nang maaga ang Apo ay hindi niya kayo gagalawin pero kapag minalas, wala na akong magagawa ha.” “Anong minalas? Ano’ng ibig mong sabihin?” pabiglang tanong ni Opah sa dalagita. Makahulugan muna siyang tinitigan ni Ditas bago ito bumaling sa dalaga at saka nito itinuloy ang pagsasalita. “Ikaw Miss, kapag minalas ay iaalay ka din sa Apo. Ikaw naman Amere, ikaw ang itatakdang Amiro ko pagsapit ng takdang ritwal.” Tila papanawan ng ulirat sa narinig si Opah, at ramdam na ramdam niya iyon. Ang pag-aalay daw na tinatawag ay nangangahulugang sisipingan ng Apo ang Mira upang mabigyan ng isang anak. Bawat ritwal daw ay nag-aalay ng tatlong birheng Mira sa Apo at dahil bihag siya ay siya ang pangunahing gagawing Mira sa gabing iyon. Si Ditas naman ang isa sa tatlong Mirang iaalay at si Amere naman ang magiging Amiro na sisiping dito. “Sandali Ditas, nagkakamali kayo ng akala dito sa kasama ko. Hindi ito babaeng birhen dahil lalaki ito,” biro niya na ikinagalit ni Opah. Naramdaman niya ang kurot nito sa kaniyang balat. “Walanghiya ka, Amere! Makawala lang ako dito ay malalagot ka sa aking lalaki ka!” angil nito sa kaniya. Nang makalabas si Ditas ay tuluyan nang napaiyak ang dalaga. Hindi raw nito matatanggap ang sasapitin nito sa kamay ng kultong ito. “Tumahan ka na riyan. Ang kailangan ay mag-isip tayo ng paraan,” sabi niya rito. “Kalmadong-kalmado ka ah! Siguro ay gusto mo rin talagang maging Amiro ng Ditas na iyon, kaya ganyan lang ang pagtanggap mo sa sasapitin natin. Paano naman ako?” “Bakit ka nagagalit sa akin? Hindi ba dapat ay ikaw pa nga ang sisihin ko. Sinabi ko na kasing umuwi na tayo kanina eh.” Lalo nang napaiyak ang dalaga sa sinabi niya. Tinablan yata ito sa ginawa niyang paninisi. Pero totoo naman kasi iyon. Kung hindi ito makulit na nagpilit sumunod kay Ditas ay nasa bahay na sana sila ngayon, hindi ganitong nakagapos sila at naghihintay ng aabutin nilang kapalaran. Hindi naman pala totoo ang sinasabi ng mag-asawang Paeng tungkol sa mababangis na hayop roon. Gawa pala ng tao ang problema ng Sinugban. Gayon man ay alam niyang wala naman silang pagpipilian. “Sige na, tama na iyan,” aniya rito. “Kahit naman nakauwi tayo, hindi pa rin natin sigurado ang mangyayari sa atin lalo at alam na natin ngayon na may kinalaman pala si Mang Paeng sa mga nangyayari dito.” “Oo nga,” anang dalaga habang nagpapahid ng luha nito. “Ibig sabihin, posibleng hindi na pala nakakabalik ang mga itinu-tour ni Mang Paeng. Grabe, bakit hindi natin iyon nakutuban man lang?” Iyon na nga, sa isip ni Amere. Gusto rin niyang sisihin ang sarili. Nang dahil sa prinsipyo niya ay napahamak sila. Kung hindi dahil sa amor propio niya ay hindi sana umabot sa ganito. Dapat ay nakilatis niya agad si Mang Paeng at si Aling Edna. Kung bakit b-in-lock niya lahat ng perception na nare-retrieve noon. Inakala niya kasi na ang hindi magandang kutob niya tungkol kay Mang Paeng ay may kinalaman lang sa lalaking may kaugnayan sa buhay ni Opah. Kung pinakinggan lang sana niya ang special abilities niya, sana ay wala sila sa situwasyong iyon. “Amere?” mayamaya ay untag ni Opah sa kaniya. “Hmmm?” “Ano ‘yung nangyari kanina? Hindi ko maintindihan...” “Aling nangyari?” pagmamaang-maangan niya, gayong alam naman niya ang gusto nitong tukuyin. She was referring to the mental telepathy that they did earlier. Natahimik si Opah kaya kumilos siya upang gumalaw ang upuan at mapansin nito. “Ano?” asik nito. “Bakit natahimik kang bigla?” usisa niya. “May kakaiba eh. You must be really different,” anitong nakatulala sa hangin. “Ayos ka lang ba?” kuwa’y balewala naman niyang sabi rito. “Noong una ay ‘yung nangyari sa biyahe natin papunta rito. Natatandaan kong nang pumasok ang mga isdang itim sa bangka ay parang biglang bumilis ang mga pangyayari. Naramdaman ko ang pagtayo mo at nakita ko ang pagtilapon ng pulang sintas na inilagay ni Becka sa mga kamay natin nang kumilos ka. Then, all of a sudden, andon na agad tayo sa kabilang dulo ng bangka...” Muli itong nanahimik na tila nag-iisip, bago dinugtungan ang sinasabi nito. “Tapos ay nagtalunan ang mga isda papunta sa paanan natin, at bigla na lang napigil ang pagtaob ng bangka. Can you just imagine na ang totoo ay hindi naman dahan-dahan ang pagtaob ng isang bangka, Amere? It was supposed to be sudden. Paanong parang tila nag-slow mo sa paningin ko ang mga pangyayari pero sa kabaligtaran ay alam ko namang mabilis iyon? Tapos ngayon ay heto...may narinig akong mensahe mo sa loob ng utak ko, pero sure naman akong hindi ka nagsalita. What’s really happening, Amerito Alta? Care to share it with me?” Saglit siyang natigilan at hinagilap sa isip ang kung ano mang excuse ang maaari niyang sabihin kay Opah, ngunit bigo siyang makaisip ng bagay na paniniwalaan nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD