"PROBLEMA mo?” asik ni Amere sa lalaking basta na lang tumapak sa paa niya. Sa halip namang masindak ay tumawa pa ito at inilibot ang paningin sa mga kasamahan nitong nakapalibot sa kanila. Noon lang niya napansing occupied na pala lahat ng Tatami. Naidlip na siguro siya kaya hindi niya narinig ang pagdating ng mga ito. “Lipat ka malapit sa pinto, dali! Mga kasama ko ang mga iyan,” maangas nitong sabi sa kaniya habang itinuturo ang mga kasama gamit ang pinatulis nitong nguso. “Iyan na ba ang pinakamagalang mong paraan ng pakikiusap?” tanong niya rito, pero muli ay nagtawa lang ito. “Huwag mo nga akong andaran at baka tadyakan kita sa sikmura nang makita mo ang hinahanap mo!” banta nito habang nakangisi. Inilibot ni Amere ang tingin sa mga kasama ng mayabang na lalaki at mabilis niyang

