CHAPTER 8

1178 Words
DAHLIA POINT OF VIEW Maaga akong nagising kahit na halos alas-onse na ng gabi ako nakauwi kagabi mula sa bar. Mabigat pa ang mga mata ko at parang kulang pa ang tulog ko, ngunit nasanay na rin akong gumising nang maaga dahil sa pagpasok ko sa paaralan. Kahit gusto ko pang humiga at ipikit muli ang mga mata ko, pinilit kong bumangon. Hanggang alas-onse lamang kasi ako sa bar kagabi. Iyon ang bilin ni Ms. Caty sa akin kailangan ko raw matulog nang maaga dahil may pasok pa ako kinabukasan. Agad ko naman iyong sinang-ayunan. Ayokong umabot ng madaling araw ang uwi ko dahil siguradong magtataka sina Nanay kung saan ako galing. Ayaw na ayaw nilang pumasok ako sa bar. Para sa kanila, lahat ng babaeng nagtatrabaho roon ay marumi mga babaeng ginagamit lamang ng kung sinu-sinong lalaki. Kaya pinili kong huwag na lang ipaalam sa kanila ang trabaho ko. Mas mabuti nang hindi nila alam kaysa mapilitan akong tumigil sa pag-aaral. Huminga ako nang malalim habang inaayos ang sarili ko. Kinuha ko ang tuwalya at mabilis na naghilamos upang mawala ang antok. Habang nag-aayos ako, narinig ko ang mga tunog mula sa kusina ang kalansing ng kawali, ang paghiwa ng gulay, at ang mahina ngunit pamilyar na pag-ubo ni Nanay. Sigurado akong siya iyon, abala sa paghahanda ng almusal tulad ng ginagawa niya tuwing umaga. Napangiti ako nang bahagya. Lumabas ako ng kwarto at dahan-dahang lumapit sa kusina. Pagpasok ko roon, nakita ko si Nanay na nakatalikod habang nagluluto sa kalan. Amoy pa lang ng niluluto niya ay alam kong pritong itlog at tuyo iyon simple lang, pero paborito namin. Hindi ko napigilan ang sarili ko. Lumapit ako sa kanya at niyakap siya mula sa likod. “Good morning, Nay,” malambing kong bati habang nakapatong ang baba ko sa kanyang balikat. Nagulat siya sandali bago bahagyang napatawa. “Ay, Dahlia! Ginulat mo naman ako,” sabi niya habang pinapatay sandali ang apoy sa kalan. “Pasensya na, Nay,” sabi ko habang mas lalo siyang niyakap. Hinawakan niya ang kamay ko at marahang tinapik. “Ang aga mong nagising, ah. Wala ka bang pasok mamaya?” tanong niya. “Meron po,” sagot ko. “Nasanay lang po siguro akong maagang gumising.” Hindi niya alam na kahit pagod ang katawan ko mula sa trabaho kagabi, pinipilit ko pa ring maging normal sa harap nila. Para sa akin… Mas mahalaga ang makita silang masaya kaysa malaman nila ang sakripisyong ginagawa ko para sa pangarap ko. “Hindi ka ba napuyat kagabi?” Napabitaw ako sa yakap ko sa kanya at umupo sa isang maliit na bangko sa gilid ng kusina. “Medyo lang po, Nay,” sagot ko habang pinagmamasdan siya. Ilang sandali kaming natahimik habang abala siya sa pagluluto. Maya-maya ay inilapag niya ang pritong itlog sa plato at saka ako nilingon. “O siya, kumusta naman ang unang araw mo sa trabaho?” tanong niya. Napatingin ako sa kanya sandali. Halos nakalimutan kong sinabi ko pala sa kanila na naghanap ako ng trabaho para may pandagdag sa gastos sa eskwela. “Okay naman po,” sagot ko, pilit na ngumiti. “Hindi ka ba nahirapan?” tanong niya ulit habang naglalagay ng kanin sa mga plato. “Hindi naman po, Nay. Madali lang po yung ginagawa ko,” sagot ko. Tumango siya, pero tila may iniisip. “Gabi ba talaga ang pasok mo?” tanong niya bigla. Napahinto ako. Saglit akong natigilan at hindi agad nakasagot. “Ah… opo,” sagot ko matapos ang ilang segundo. “Hindi ba pwedeng umaga ang schedule mo?” tanong niya ulit. “Mas maganda sana kung umaga ka magtrabaho tapos gabi ang pahinga mo.” Napababa ang tingin ko sa mesa. Kung alam lang niya kung saan talaga ako nagtatrabaho… siguradong hindi niya ako papayagang bumalik doon. “Ganun po talaga ang schedule doon, Nay,” sagot ko, pilit na pinapakalma ang sarili ko. Hindi pa rin siya tumigil sa pagtatanong. “Saan ba ang trabaho mo? Anong klaseng tindahan?” Napahigpit ang hawak ko sa gilid ng mesa. Pakiramdam ko ay bumibilis ang t***k ng puso ko. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Hindi ko kayang sabihin sa kanya ang totoo. Hindi ko kayang makita ang pagkadismaya sa mga mata niya. Huminga ako nang malalim bago muling tumingin sa kanya. “Sa… grocery store po, Nay,” sagot ko. “May maliit na grocery store po na tumanggap sa akin bilang tindera.” Sandali siyang napatigil sa ginagawa niya bago tumango. “Ganun ba?” sabi niya. “Mabuti naman kung ganoon.” Napabuntong-hininga ako nang mahina. Hindi niya alam… Na ang totoo, ang trabaho ko ay malayo sa sinabi ko. At ang kasinungalingan na iyon… Ang unang lihim na kailangan kong dalhin para lang matupad ang mga pangarap ko. Maya-maya ay lumapit si Nanay sa akin. Napansin ko agad na parang may gusto siyang sabihin, ngunit tila nag-aalangan siya. Nakahawak siya sa gilid ng mesa habang nakatingin sa akin na parang nag-iisip kung paano sisimulan ang sasabihin. “Ahm… anak,” mahina niyang tawag. “Po, Nay?” sagot ko habang tumingin sa kanya. Sandali siyang natahimik bago nagsalita muli. “Alam mo naman na wala pang trabaho ang tatay mo…” sabi niya habang bahagyang ibinababa ang tingin. “Opo… bakit po?” tanong ko. “Kung maaari sana… dahil may trabaho ka na bukod sa pagtulong mo kay Mang Nestor sa tindahan… kung may extra ka, pwede ba na sagutin mo muna ang ibang bayarin dito sa bahay?” mahina niyang sabi. Napangiti ako sa sinabi ni Nanay. Para siyang batang nahihiyang humingi ng permiso, na tila natatakot na baka magalit ako sa kanya. Agad kong hinawakan ang kamay niya at ngumiti nang mas malapad. “Nay, kahit hindi niyo naman sabihin ‘yan, magbibigay ako sa inyo,” sabi ko nang malumanay. “Responsibilidad ko rin naman kayo. Pamilya tayo dapat nagtutulungan.” Tumingin siya sa akin, halatang nagulat sa sagot ko. “Ako na po ang bahala sa ibang bayarin dito sa bahay simula ngayon,” dagdag ko. Ngunit agad siyang umiling. “Ah, anak… kapag may extra ka lang naman,” sabi niya. “Nag-aaral ka pa kasi. Hindi pwedeng kada sahod mo ay ilalaan mo lahat sa gastusin dito sa bahay.” Mas lalo akong napangiti sa sinabi niya. Kahit na hirap kami sa buhay, iniisip pa rin niya ang kapakanan ko. “Nay, malaki-laki naman po ang masasahod ko sa isa ko pang pinapasukan,” sagot ko habang pilit na pinapakalma ang sarili ko. “Lalo na at panggabi nga po ang trabaho ko.” Hindi ko sinabi kung gaano kahirap ang ginagawa ko para lang kumita ng pera. Hindi ko sinabi kung gaano ako kinakabahan gabi-gabi sa bar. Ang mahalaga sa akin ay makita silang hindi na masyadong nag-aalala sa mga bayarin sa bahay. Kung ang kapalit man nito ay ang pagod ko… at ang pagtatago ko ng lihim na trabaho… Handa akong tiisin iyon. Dahil para sa pamilya ko Kaya kong gawin ang lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD