CHAPTER 1

1418 Words
DAHLIA POINT OF VIEW Masaya akong naglalakad pauwi habang hawak ang plastik na may lamang isda at dalawang kilong bigas. Galing iyon sa sahod ko sa part-time kong trabaho sa maliit na tindahan ni Mang Nestor sa kanto. Hindi man kalakihan ang kinikita ko, malaking tulong na rin iyon sa pamilya namin. Habang papalapit ako sa aming maliit na bahay na yari sa pinagtagpi-tagping kahoy at yero, hindi ko maiwasang mapangiti. Alam kong matutuwa sina Nanay at Tatay kapag nakita nila ang dala ko. Kahit papaano ay may ulam na kami at may kanin na sapat sa loob ng dalawang araw. Pero habang papalapit ako sa pintuan ng bahay, napansin kong may kakaiba. May naririnig akong mahihinang boses mula sa loob. Parang… nagtatalo sila. Bahagya akong napahinto sa paglalakad. Unti-unti akong lumapit sa pintuan at maingat na sumandal dito upang marinig ang kanilang usapan. “Hindi na natin kayang pag-aralin si Dahlia…” mahina ngunit mabigat na sabi ni Tatay. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. “Mahina na ang kita sa construction na pinapasukan ko kaya nagbawas sila ng empleyado… at isa ako sa natanggal.” Napayuko ako habang hawak pa rin ang plastik na dala ko. Alam kong mahirap ang trabaho ni Tatay sa construction, pero hindi ko inakala na matatanggal siya. “Tiyak na malulungkot nang sobra ang anak mo kapag nalaman niya,” sagot ni Nanay na puno ng pag-aalala ang boses. “Alam mo naman kung gaano niya kagustong makapagtapos.” “Anong gagawin natin, Lucia?” tanong ni Tatay. Narinig ko ang mabigat niyang buntong-hininga. “Sapat ba ang kinikita natin? Ikaw na lang ang may trabaho ngayon. Sa paglalabada at pagbebenta mo sa palengke, sapat lang iyon sa panggastos dito sa bahay.” Tahimik akong nakikinig habang unti-unting bumibigat ang dibdib ko. Alam kong hirap na hirap na rin si Nanay. Araw-araw siyang naglalaba ng mga damit ng kapitbahay. Kapag may natitirang oras pa siya, nagtitinda siya ng gulay o kung anu-anong paninda sa palengke. Pero kahit ganoon, kulang pa rin ang kinikita niya. May mga utang pa kaming kailangang bayaran. May mga bayarin pa sa kuryente at tubig. At siyempre, ang pagkain namin araw-araw. “Gagawan ko ng paraan, Albert,” matatag na sagot ni Nanay. “Kailangan lang makapagtapos si Dahlia. Naniniwala akong kapag nakapagtapos siya, siya ang makakatulong sa atin balang araw. Siya rin ang tutulong para mapag-aral natin si Anton.” Napangiti ako nang bahagya kahit na may kirot sa dibdib ko. Si Anton ang kapatid kong dalawang taong gulang pa lamang. Mahal na mahal ko ang batang iyon. Napabuntong-hininga ako. Wala nang trabaho si Tatay, at hindi pa sigurado kung kailan siya muling makakahanap ng trabaho. Wala siyang natapos na pag-aaral kaya mas mahirap para sa kanya ang maghanap ng bagong mapapasukan. Si Nanay naman ay halos mapagod na sa kakatrabaho araw-araw. At ako? Tatlong libong piso ang tuition ko bawat buwan. Malaking halaga iyon para sa isang pamilyang tulad namin. Saglit akong napapikit habang iniisip ang lahat. Hindi nila alam na naririnig ko ang usapan nila. Ayokong makita nila akong nasasaktan. Ayokong isipin nilang pabigat ako sa kanila. Kaya mabilis kong inayos ang sarili ko. Pinunasan ko ang bahagyang luha sa gilid ng aking mata at saka kumatok nang bahagya sa pintuan bago ito binuksan. Pumasok ako sa loob na parang ngayon lang dumating. Agad na napatingin sina Nanay at Tatay sa akin. Pareho silang mukhang nagulat. At parang… kinakabahan. Para bang iniisip nila kung narinig ko ba ang pinag-uusapan nila. “Bakit parang nakakita kayo ng multo?” biro kong tanong habang nakangiti. “Kanina ka pa ba, anak?” agad na tanong ni Nanay. Bahagya akong umiling. “Hindi pa naman po. Kadarating ko lang,” sagot ko. “Bakit po?” Nagkatinginan sina Nanay at Tatay bago muling tumingin sa akin. “Ah… wala naman,” sabi ni Nanay habang pilit na ngumiti. “Ano ‘yang dala mo?” Ngumiti ako at itinaas ang plastik na hawak ko. “Sumahod po ako kay Mang Nestor,” sabi ko. “Pinambili ko po ng isda at dalawang kilong bigas para may ulam at kanin tayo sa loob ng dalawang araw.” Sandaling natahimik ang dalawa. Kitang-kita ko ang lungkot sa kanilang mga mata. Pero higit doon… naroon ang pagmamalaki. Lumapit si Nanay sa akin at marahang hinawakan ang pisngi ko. “Napakabuti mong anak, Dahlia,” sabi niya. Ngumiti ako. Pero sa loob-loob ko, may isang desisyon na unti-unti nang nabubuo sa isip ko. Kung kinakailangan… Gagawin ko ang lahat para makapagtapos. Kahit pa kailangan kong magsakripisyo nang higit pa kaysa sa inaakala nila. Tahimik kaming kumain ng hapunan nang gabing iyon. Simple lamang ang ulam namin pritong isda at mainit na kanin ngunit para sa akin ay sapat na iyon. Habang kumakain kami, paminsan-minsan ay naririnig ko ang mahinang hagikhik ni Anton habang pinapakain siya ni Nanay ng dinurog na kanin. Si Tatay naman ay tahimik lamang na kumakain, paminsan-minsan ay sumusulyap sa akin na parang may gustong sabihin ngunit pinipigilan. Alam kong pareho silang may iniisip. Alam kong tungkol iyon sa narinig kong usapan kanina. Matapos kaming kumain, ako na ang nagligpit ng mga plato at hinugasan ang mga ito sa maliit naming lababo sa likod ng bahay. Habang ginagawa ko iyon ay naririnig ko ang mahina nilang pag-uusap ni Tatay sa loob. Pagkatapos kong matapos ay pumasok na ako sa loob ng bahay. Nakaupo si Tatay sa lumang silyang kahoy habang karga si Anton na inaantok na. Si Nanay naman ay tila may iniisip habang nakatingin sa sahig. “Anak…” mahinang tawag niya. Napatingin ako sa kanya . “Bakit po, Nay?” “Pwede ba kitang makausap saglit?” sabi niya. Tumango ako at naupo sa tabi niya sa mahabang bangkong kahoy. Sandali siyang nanahimik, tila naghahanap ng tamang salita. Hinawakan niya ang kamay ko. “Dahlia… may gusto sana akong sabihin sa’yo.” Ngumiti ako nang bahagya. “Ano po iyon, Nay?” Napabuntong-hininga siya. “Anak… tungkol ito sa pag-aaral mo.” Bahagyang kumabog ang dibdib ko, pero pinilit kong manatiling kalmado. “Napag-usapan namin ng Tatay mo kanina…” patuloy niya. “Sa ngayon kasi, medyo mahirap ang sitwasyon natin. Wala pang trabaho ang Tatay mo at hindi pa natin alam kung kailan siya makakahanap ulit.” Napayuko siya habang nagsasalita. “Iniisip ko sana… kung pwede kang magpahinga muna sa pag-aaral.” Napahinto ang mundo ko sa mga salitang iyon. “Kahit isang taon lang,” dagdag niya agad. “Kapag nakahanap ulit ng trabaho ang Tatay mo, ipagpapatuloy mo naman agad.” Tahimik akong nakatingin sa kanya. Nakikita ko sa mga mata niya ang lungkot at pag-aalala. Alam kong ayaw niya ring mangyari iyon. Pero kailangan niyang sabihin. Dahan-dahan kong hinawakan ang kamay niya. “Nanay…” mahina kong sabi. Tumingin siya sa akin. “Wag na po kayong mag-alala tungkol sa tuition ko.” Napakunot ang noo niya. “Ano’ng ibig mong sabihin?” Ngumiti ako upang pagaanin ang sitwasyon. “Ako na po ang bahala sa gastos sa pag-aaral ko,” sabi ko. “Anak…” agad niyang sagot. “Paano mo naman gagawin iyon? Hindi naman sapat ang kinikita mo kay Mang Nestor.” “Maghahanap pa po ako ng ibang trabaho,” sagot ko. Bahagya siyang napailing. “Hindi madali iyon, Dahlia.” “Alam ko po,” sagot ko. “Pero gusto ko pong makatapos.” Unti-unting nag-init ang mga mata ko habang nagsasalita. “Pangarap ko pong makapagtapos, Nay. Hindi lang para sa sarili ko… kundi para sa inyo rin.” Napatingin ako kay Anton na mahimbing nang natutulog sa mga bisig ni Tatay. “Gusto ko pong balang araw… hindi na kayo mahirapan.” Naramdaman ko ang pagpisil ni Nanay sa kamay ko. “Pero anak” “Please, Nay,” putol ko sa kanya. “Hayaan niyo po akong subukan.” Sandali siyang natahimik. Tumingin siya sa akin na para bang sinusukat ang determinasyon ko. Sa huli ay napabuntong-hininga siya. “Napakatigas talaga ng ulo mo,” sabi niya ngunit may halong ngiti. Napangiti rin ako. “Mana lang po sa inyo.” Mahina siyang natawa bago ako niyakap. “Mag-iingat ka palagi, anak,” bulong niya. Yumakap din ako pabalik. Hindi nila alam na sa isip ko ay may nabubuo nang plano. Kung kinakailangan… Maghahanap ako ng kahit anong trabaho. Kahit pa iyon ay sa lugar na hindi nila gugustuhin. Dahil gagawin ko ang lahat para lamang maipagpatuloy ang pangarap kong makapagtapos.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD