CHAPTER 2

1458 Words
DAHLIA – POINT OF VIEW Alas-sais pa lang ng umaga ay umalis na ako ng bahay matapos maligo at magbihis. Tahimik pa ang buong bahay kaya hindi ko na ginising sina Nanay at Tatay. Tanging mahina lamang na hilik ni Anton ang naririnig ko habang natutulog siya sa tabi ni Nanay. Hindi na rin ako kumain ng almusal. Kailangan kong maabutan ang taong gusto kong makausap. Habang naglalakad ako sa makitid na daan palabas ng baryo namin, hindi ko maiwasang ulit-ulitin sa isip ko ang desisyon na ginawa ko kagabi. Matagal ko iyong pinag-isipan. At ngayon… sigurado na ako. Tatanggapin ko na ang trabahong inaalok ni Ms. Caty. Ilang beses ko na iyong tinanggihan noon. Sa tuwing nagkikita kami sa palengke o sa tindahan ni Mang Nestor, palagi niya akong tinatanong kung gusto kong magtrabaho sa lugar na pinapasukan niya. Pero palagi kong sinasabing hindi. Dahil alam kong hindi iyon basta-bastang trabaho. Pero ngayon… wala na akong ibang pagpipilian. Alas-siyete kasi ang uwi ni Ms. Caty mula sa trabaho niya sa gabi. Kaya sigurado akong maaabutan ko siya kung maaga akong pupunta sa bahay nila. Eksaktong alas-sais y medya nang makarating ako sa tapat ng gate ng bahay niya. Medyo malaki ang bahay nila kumpara sa mga bahay sa baryo namin. Huminto ako sa tapat ng gate at sinilip ang bintana ng sala mula sa labas. Mukhang wala pa siya. Wala pang ilaw sa loob. Napabuntong-hininga ako at napaupo sa maliit na semento malapit sa gate habang naghihintay. Makalipas ang ilang minuto ay may dumaan na nagtitinda ng lumpiang gulay. “Lumpia! Mainit na lumpia!” sigaw ng matanda. Bigla kong naalala na hindi pa pala ako kumakain. “Manong, pabili po ng tatlo,” sabi ko habang inilalabas ang barya sa bulsa ko. Iniabot niya sa akin ang lumpia na nakabalot sa papel. “Salamat po,” sabi ko. Unti-unti kong kinain ang lumpia habang naghihintay. Pantawid-gutom na rin. Pero habang ngumunguya ako, hindi ko maiwasang kabahan. Tama ba ang ginagawa ko? Tama ba ang trabahong papasukin ko? Kapag nalaman ito nina Nanay at Tatay, siguradong magagalit sila. Baka hindi nila ako maintindihan. Pero kailangan kong gawin ito. Pinilit kong kumbinsihin ang sarili ko. Hindi nila kailangang malaman. Hindi hanggang sa makapagtapos ako. First year college pa lang naman ako. Sa ngayon ay hindi pa gaanong mabigat ang gastusin ko sa school kaya kahit papaano ay nakakaipon pa ako mula sa sahod ko kay Mang Nestor. Pero hindi iyon sapat. Lalo na kung darating ang susunod na semester. Kailangan kong mag-ipon habang maaga pa. Habang malalim ako sa pag-iisip ay may narinig akong paparating na tricycle. Agad akong napatingin sa kalsada. Huminto iyon sa tapat ng bahay ni Ms. Caty. Mabilis akong tumayo at pinagpag ang damit ko. Bumaba si Ms. Caty mula sa tricycle habang inaabot ang bayad sa driver. Paglingon niya ay nakita niya ako. “Oh, Dahlia?” takang tanong niya. “Anong ginagawa mo dito?” Napakamot ako sa ulo ko sa hiya. Sino ba naman kasing mag-aakala na matapos kong ilang beses tanggihan ang alok niyang trabaho… ay ako rin pala ang lalapit sa kanya ngayon? “Ahm… Ms. Caty…” nahihiya kong sabi. “Tungkol po sana sa trabaho na sinasabi ninyo.” Bahagya siyang napangiti. “Ahh… yun ba?” sabi niya habang nakatingin sa akin. “Interesado ka na ba?” Agad akong tumango. Hindi na ako nagdalawang-isip. Bigla niyang hinawakan ang kamay ko at hinila papasok sa loob ng gate. “Halika, pumasok ka muna,” sabi niya. Pagpasok namin sa loob ay pinaupo niya ako sa sofa sa sala. “Dito tayo mag-usap sa loob,” sabi niya habang natatawa. “Baka may makakita sa atin sa labas. Mamaya sabihin ng mga chismosa dito sa baryo… binubugaw kita.” Napangiti na lang ako sa sinabi niya. Tama nga naman. Kapag nakita kami ng mga tsismosa sa labas na seryoso ang usapan, kung anu-ano na naman ang ikakalat nilang kwento. Umupo siya sa tapat ko at pinagmasdan ako sandali. “Bakit naman bigla kang naging interesado, Dahlia?” tanong niya. Sandali akong nag-isip bago sumagot. “Nawalan po kasi ng trabaho si Tatay,” mahina kong sabi. “Hindi naman po sapat ang kinikita ni Nanay para sa pag-aaral ko.” Napayuko ako. “Kaya naisip ko po… tanggapin na lang.” Tahimik siyang tumango. “Ganoon ba…” sabi niya. Sandali siyang napaisip bago muling tumingin sa akin. “O siya, tama naman ang naisip mo. Pero gusto ko lang malaman…” Seryoso na ang tono ng boses niya ngayon. “Handa ka ba sa papasukin mong trabaho?” Bigla akong kinabahan sa tanong niya. Sa totoo lang… wala naman talaga akong idea kung ano ang eksaktong ginagawa sa trabaho niya. Alam ko lang na sa bar siya nagtatrabaho. Pero dahil sa desperado akong makapagtapos… Pakiramdam ko ay kakayanin ko naman. “Ano po bang ibig ninyong sabihin?” tanong ko. Bahagya siyang napabuntong-hininga bago sumagot. “Sa bar ako nagtatrabaho, Dahlia,” sabi niya. “At sa bar na iyon… maraming lalaki ang pumupunta gabi-gabi.” Napakunot ang noo ko. “Pero… hindi po ba sinabi ninyo na manager kayo doon?” tanong ko . Tumango siya. “Oo. Manager na ako ngayon,” sagot niya. “Pero bago ko nakuha ang posisyon na iyon…” Sandali siyang tumigil. “…dumaan muna ako sa parehong trabaho na inaalok ko sa’yo ngayon.” Naramdaman kong bumilis ang t***k ng puso ko. Tumingin siya sa akin nang diretso. “Sa lugar na iyon,” mahinahon niyang sabi, “kailangan mong makisama sa mga lalaki. Makipag-usap sa kanila. Samahan sila sa pag-inom.” Napahigpit ang hawak ko sa mga kamay ko. “Hindi kita pipilitin,” dagdag niya agad. “Gusto ko lang na malinaw sa’yo kung ano ang papasukin mo.” Tahimik akong nakaupo habang iniisip ang sinabi niya. Sa isang banda… natatakot ako. Pero sa kabilang banda… Naalala ko ang pagod na mukha ni Nanay. Ang lungkot sa mata ni Tatay. At ang pangarap kong makapagtapos. Unti-unti akong tumingin muli kay Ms. Caty. “Kung iyon po ang kailangan kong gawin para makapag-aral…” sabi ko. Huminga ako nang malalim. “…handa po akong subukan.” Tumingin si Ms. Caty sa akin nang mabuti, para bang pinag-aaralan niya ang bawat ekspresyon sa mukha ko. Ilang segundo siyang tahimik bago bahagyang ngumiti. “Wag kang mag-alala, Dahlia,” sabi niya sa mahinahong boses. “Hindi kita ilalagay sa ganoong sitwasyon.” Napakunot ang noo ko. “Alam kong hindi ka pa handa,” patuloy niya. “At alam ko rin na ginagawa mo lang ito para makapagtapos ka.” Bahagya siyang napabuntong-hininga bago muling nagsalita. “Sa totoo lang, humahanga ako sa’yo.” Nagulat ako sa sinabi niya. “Hindi lahat ng tao ay kayang gawin ang ginagawa mo ngayon,” dagdag niya. “Yung kumapit sa patalim para lang maabot ang pangarap.” Napayuko ako sandali dahil sa hiya. Hindi ko alam kung paano ako magrereact sa sinabi niya. “Ano po bang ibig ninyong sabihin?” nagtatakang tanong ko. Ngumiti siya at may kinuha mula sa loob ng kanyang bag. Isang maliit na card. Iniabot niya iyon sa akin. Kinuha ko iyon at pinagmasdan. May nakasulat na pangalan ng isang bar at address nito sa bayan. “Pumunta ka diyan mamayang alas-sais ng gabi,” sabi niya habang nakatingin sa akin. “Doon ko ipapaliwanag sa’yo kung ano ang magiging trabaho mo.” Napatingin ako muli sa card. Hindi ko pa alam kung anong klaseng trabaho ang hinihintay ko roon, pero pakiramdam ko ay ito na ang simula ng bagong yugto ng buhay ko. Unti-unti akong napangiti. “Salamat po, Ms. Caty,” sabi ko nang taos-puso. “Sigurado ka ba sa desisyon mo?” tanong niya. Tumango ako. “Opo. Para po sa pag-aaral ko.” Sandali niya akong pinagmasdan bago muling ngumiti. “Mag-ingat ka mamaya,” sabi niya. “At tandaan mo, kapag hindi mo nagustuhan ang trabaho, pwede kang tumigil anumang oras.” Lalong gumaan ang pakiramdam ko sa sinabi niya. “Salamat po talaga,” sabi ko muli. Tumayo na ako mula sa kinauupuan ko at maingat na inilagay ang card sa bulsa ng aking bag. “Kailangan ko na pong umalis,” sabi ko. “May pasok pa po ako kay Mang Nestor.” Tumango siya. “Sige, ingat ka.” Ngumiti ako at nagpaalam bago tuluyang lumabas ng bahay niya. Habang naglalakad ako pabalik sa kalsada, muli kong inilabas ang maliit na card at tinitigan ito. Mamayang alas-sais ng gabi… Hindi ko alam kung anong klaseng mundo ang naghihintay sa akin doon. Pero isang bagay ang sigurado. Handa akong gawin ang lahat… para lang maipagpatuloy ang pangarap kong makapagtapos.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD