NAKAPANGALUMBABA si Shan habang pinapanuod si Rayleigh na inaayos ang samapayan niya. Iyon ang unang-unang hinarap nito para daw maarawan ang mga naluom niyang damit. Napagpasyahan niyang iwan muna ang sinusulat niya dahil nahihiya siyang iwan mag-isa si Rayleigh. Gusto niya sanang karirin ang pagiging amo niya at ito ay utusan pero ayaw niyang isipin nito na wala siyang puso. Pangit na nga ang tingin nito sa kanya, hindi siya papayag na pati ugali niya ay mapintasan nito.
“May mga hanger ka ba?” tanong nito. Tapos na nitong ayusin ang mga sabitan. “Pakiabot naman.”
“Sandali.”
Tumayo siya at pumasok sa bahay para kunin ang mga hanger niya na nakalimutan niya ng nag-e-exist pa pala. Pagbalik niya ay bitbit niya na ang mga iyon pati ang mga damit niya na tinanggal niya kanina sa kanyang indoor samapayan. Tumulong na rin siya sa paglalagay niyon sa hanger.
“Talaga bang hindi mo ugali ang maglinis ng bahay?” narinig niyang tanong ni Rayleigh.
Saglit niya itong sinulyapan bago binalik sa ginagawa ang atensyon niya. “Oo. Masyado kasi akong busy sa trabaho ko kaya hindi ko na masyadong nahaharap ang mga gawaing bahay.”
“I see,” tumango-tango pa ito. “I heard you’re a romance novelist? Nice. Ngayon lang ako nakakilala ng isang tulad mo.”
“Ah.”
Iyon lang ang nakaya niyang sabihin dahil hindi gumagana ang isip niya at ayaw niya ring mag-effort na mag-isip dahil tinatamad siya. Ayaw niya kasing nag-iisip masyado tuwing hindi siya nagsusulat. Baka kasi sa mental na siya abutan ng mga kaibigan at kamag-anak niya. Kaya as much as possible, iniiwasan niyang mag-isip masyado. Mas gusto niyang mag-observe lang sa mga bagay na nasa paligid niya kaysa magsalita dahil minsan ay nagagamit niya ang mga nangyayari sa paligid niya para sa mga nobela niya.
Mukhang nahalata rin ni Rayleigh na hindi siya mahilig magsalita kaya hinayaan nalang siya nito. Tahimik lang silang dalawa habang nagsasampay sila ng mga damit niya. Madali rin nilang natapos iyon dahil hindi naman gano’n kadami ang mga damit niyang nakakalat sa sala kaya saglit lang nila iyong ginawa. Nililigpit niya ang mga laundry bin na pinaglagyan nila at mga sobrang hanger nang marinig niyang magsalita uli si Rayleigh.
“Pati `yung garden mo, mukhang gubat na,” napapalatak ito. “Pero uunahin ko munang linisin ang loob ng bahay mo bago ko ayusin ang garden.”
“Ikaw ang bahala.”
Pumasok siya sa loob ng bahay bitbit ang mga laundry bin. Naramdaman niya ang pagsunod ng lalaki sa kanya. Nang makarating sila sa sala ay namewang ito at inilibot ang tingin sa sala niya. Nakamasid lang siya dito kaya hindi niya mapigilang hangaan ang lalaki. Simpleng walking shorts, black v-neck shirt at tsinelas lang ang suot nito pero hindi niya pa rin maikakaila ang gandang lalaki nito. Hindi nakaayos ang may alon-alon nitong buhok at ang iba sa mga iyon ay bahagyang tumatabing sa mga mata nito. From that angle, he could pass as a model. Idagdag pa ang tangkad nito at ang magandang built ng katawan nito na nahahalata niya kahit may suot itong damit. Pwedeng-pwede niya talaga itong gawing hero sa nobela niya.
“Maglilinis na muna ako dito,” maya-maya ay sambit nito. “Balikan mo nalang muna ang trabaho mo. Ayoko kasing may tumitingin sa `kin kapag nagtatrabaho ako.”
“Okay.”
“Tatawagin nalang kita kapag handa na ang hapunan.”
“Okay.”
“Wala ka na bang ibang alam sabihin kundi “okay”?”
“Ha?”
“Wala. Sige. Bumalik ka na sa kwarto mo. Nasaan nga pala ang mga cleaning tools mo?”
Tinuro niya ang kinalalagyan ng mga gamit niyang panlinis pagkatapos ay ipinasya niyang umakyat na sa second floor kung saan nandoon ang kwarto niya. Umupo siya sa swivel chair niya at pinilit niyang ibalik ang atensyon niya sa sinusulat niyang nobela. Nagtagumpay naman siya kaya ilang sandali lang ay engross na uli siya sa pagsusulat.
Hindi niya na namalayan kung gaano na siya katagal na nagsusulat nang maramdaman niya ang pagkalam ng sikmura niya. Automatic na napatingin siya sa orasan sa tabi niya. Alas diyes na pala ng gabi. Ano na kaya ang nangyari kay Rayleigh? Umalis na kaya ito?
Ipinasya niyang bumaba na para maghalungkat ng makakain. Sa kusina siya nagtuloy at nakita niyang may mga nakahain ng pagkain doon. Luminga-linga siya sa paligid pero hindi niya natagpuan si Rayleigh. Nagkibit-balikat siya. Baka umalis na ito. Umupo na siya at sinimulan ng lantakan ang mga pagkain na nandoon. Nakakapagtaka. Sinabi ng lalaki na tatawagin siya nito kapag tapos na itong maghanda ng hapunan pero umalis ito ng hindi nagpapaalam sa kanya. Nagkibit-balikat nalang siya. Oh, well. Siguro ay may importante itong kailangang asikasuhin kaya umalis nalang ito at hindi na siya nito inistorbo.
Pagkatapos niyang kumain at hugasan ang pinagkainan niya ay ipinasya niyang bumalik na uli sa kwarto niya para ipagpatuloy ang pagsusulat. Paakyat na siya ng hagdan nang mapansin niya na parang umaliwalas na ang bahay niya. Hindi niya tuloy mapigilang manibago. Sanay kasi siya na mas magulo pa sa utak niya ang bahay niya. Hindi naman pala masamang maging malinis ang paligid niya paminsan-minsan.
Aksidenteng napalingon siya sa sofa niya. Napakunot-noo siya nang may mapansin niyang gumalaw doon. Lumapit siya doon at napailing nalang siya nang makita niya si Rayleigh na mahimbing na natutulog doon. Mukhang hindi ito komportable sa sitwasyon nito dahil matangkad ito kaya hindi kumasya ang katawan nito doon kahit nakabaluktot na ito. Marahil ay napagod ito ng husto kaya nakatulog ito doon.
Hindi niya mapigilang mapangiti habang pinagmamasdan niya ang natutulog na lalaki. Napakaamo ng hilatsa ng mukha nito kapag tulog. Parang hindi na ito ang antipatikong lalaking nanginsulto sa kanya ilang araw na ang nakakaraan. Oo nga pala. Ininsulto siya ng lalaking ito ngunit wala na siyang makapang kahit anong galit sa puso niya para dito. Hindi naman kasi siya ang klase ng tao na nagtatanim ng galit sa mga taong nagkakasala sa kanya. Ang Diyos nga nagpapatawad. Siya pa kayang ordinaryong tao lang?
Umupo siya at nakapangalumbabang pinanuod ang pagtulog ng lalaki. He looked so adorable sleeping uncomfortably in her couch. Lalo lang tuloy nag-sink in sa lutang niyang utak kung gaano ito kagwapo ngayong ilang hibla nalang ang layo ng mga mukha nila sa isa’t isa. Halos perpekto ang hugis ng ilong nito, makakapal at malalantik din ang pilikmata nito, at kakaenganyo ang makorte nitong mga labi. May manipis itong bigote at lalo lang iyong nakadagdag sa appeal nito sa kanya. Hindi niya gusto sa lalaki ang may bigote dahil sa tingin niya ay ang pangit niyong tingnan pero iba ang dating ng manipis na bigoteng iyon kay Rayleigh. It somehow looked… sexy in her eyes.
Ilang sandali siyang nanatiling nakamasid sa natutulog na si Rayleigh nang magpasya siyang gisingin na ito. Naaawa kasi siya dito dahil hindi ito komportable sa sitwasyon nito. Magaang niyang tinapik ang pisngi nito para gisingin ito. Hindi naman siya nahirapan dahil nagising din ito agad. He stirred to life and his eyes focused on her. Pakiramdam niya ay may bumundol na kung ano sa dibdib niya. Her heart was experiencing unfamiliar emotions… mga emosyong hindi niya mapangalanan. Hala! Anong nangyayari sa kanya?
“Shan,” inaantok pang boses nito. Naghikab ito at bahagyang kinusot ang mga mata.
Wala sa sariling lumayo siya dito nang bumangon ito. Nag-iwas siya ng tingin at sinubukan niyang kalmahin ang nagwawala niyang puso. Bakit ba naapektuhan siya sa simpleng titig lang ni Rayleigh? Kung pagbabasehan niya ang mga nobelang sinusulat niya, isa lang ang ibig sabihin ng kakaibang rekasyon niyang iyon nang magtama ang mga mata nila ng lalaki. Could it be that she liked him? Pero imposible iyon. Hindi siya ang klase ng taong madaling ma-attract sa opposite s*x. She couldn’t have liked him in an instant. Masyado lang siguro siyang nadadala sa mga sinusulat niyang nobela kaya gano’n ang nararamdaman niya.
Tama. Tama. Side effects lang ito ng mga love story na sinusulat ko. Pati tuloy ako, naa-adapt na rin ang mga nararamdaman ng heroine ko.
Tumikhim siya bago magsalita. “Ano… p-pasensya na kung naabala ko ang pagtulog mo. Napansin ko kasi na hindi ka komportable sa puwesto mo kaya ginising nalang kita para makauwi ka na sa bahay mo at makatulog ka ng maayos.”
“Oh,” sinuklay nito ang mga hibla ng buhok gamit ang kamay nito. Damn! He looked really cute. “Sorry. Nakatulog pala ako. Hinihintay ko kasing mag-alas siyete bago kita puntahan sa kwarto mo. Mukhang busy ka pa kasi. Hindi ko namalayang nakatulog na pala ako sa sofa mo.”
“Okay lang.”
“Kumain ka na ba? Naghain na ako.”
“Yeah. Salamat.”
Tuluyan na itong tumayo. “I should go. Gabi na pala. Babalik nalang uli ako.”
Hinatid niya ito hanggang sa pinto at bago ito makalabas sa bakuran niya ay wala sa sariling tinawag niya ito. He turned to her with a questioning look on his face. Naumid niya ang dila niya. Ano bang pumasok sa utak niya at tinawag niya pa uli ang lalaking ito? Tuluyan na itong bumaling sa kanya. s**t! Hindi gumagana ang utak niya. His sexy sleepy eyes were distracting her.
Magsalita ka, Shanela! `Wag mong ipahiya ang lahi natin! “A-ano… ingat.” Iyon lang ang nakayanan niyang sabihin.
“Thanks.”
Nang tuluyan na itong makalabas sa bakuran niya ay gusto niyang batukan ang sarili niya. Sinara niya na ang pinto at umakyat na uli siya sa kwarto niya. Something weird happened to her today. She was being painfully conscious on Rayleigh’s presence. Normal pa ba iyon?
“`Yan ang napapala mo, Shan,” kausap niya sa sarili niya. “Hindi ka kasi nakikipaghalubilo masyado sa mga tao kaya kapag may nakasama kang tao, naiilang ka na.”
Siguro ay panahon na para mas madalas siyang lumabas sa lungga niya. Medyo nagiging abnormal na kasi siya dahil hindi niya na napagtutuonan ng pansin ang social life niya. She was too focused on her work, to the extent na nababalewala niya na ang ibang aspeto ng buhay niya. Pati tuloy kay Rayleigh ay nako-concious na siya.
“Hay naku. Makapagtrabaho na nga lang uli.”