“BLIND ITEM.”
“Uy, tsismis!”
“Anong pauso iyan, Ree?”
“Sinech itey na kapitbahay natin ang namataan kagabi na lumabas mula sa lungga ng isang magandang babae ng disoras ng gabi?”
“Clue!”
“Gwapo siya!”
“Ay, lahat naman ng lalaki dito sa village natin ay gwapo.”
Hindi pinansin ni Shan ang usapan ng mga sira-ulo niyang kapitbahay at dumiretso nalang siya sa counter ng Coffee Corner. Ngayong araw niya kasi naisipang simulan ang bagong adhikain niya sa buhay---ang makipag-interact sa ibang tao para hindi siya masyadong napa-praning kapag may isang partikular na tao ang nakakasalamuha niya. Pagkatapos niyang um-order ng makakain ay naghanap siya ng bakanteng mesa at umupo siya doon.
Hindi pa man nag-iinit ang pang-upo niya sa kinauupuan ay lumapit na sa kanya si Ree kasama ang iba pa niyang babaeng kapitbahay na nakatambay rin sa coffee shop ni Ree. Naki-share ang mga ito sa kanya ng table kahit na marami namang bakanteng lamesa sa shop at okay naman ang pwesto ng mga ito kanina. Oh, well. Okay na rin iyon. Para may makausap siya habang nagpapalipas ng oras.
“Ikaw, Shan,” baling sa kanya ni Ree. “Hindi ka ba makikisali sa panghuhula kung sino iyong nasa blind item?”
“Next time nalang, Ree. Hindi ako updated sa mga happenings dito sa village, eh.”
“Madali lang ang sagot!” ayaw paawat na hirit ni Ree. “His name starts with letter ‘R’ and ends with letter ‘H,’ and of couse, you know him.”
“O, sige. Sirit na,” sumusukong sambit niya. As usual, tinatamad nanaman siyang mag-isip. “Sino ba `yang tinutukoy mo?”
“Si Rayleigh,” naging mapanukso ang ngiti nito. Hindi niya mapigilan ang sarili niyang mapakunot-noo. “Anong namamagitan sa inyo, ha? May nag-timbre sa `kin kagabi na nakita daw nila si Rayleigh na palabas sa bahay mo. So? Safe pa ba ang ‘Bataan’?”
“Ikaw, ha?” si Ella. “The last time we saw you, magkagalit kayo ni Rayleigh. The next thing we knew, nasa bahay mo na siya. Anong nangyari? Share naman diyan.”
“Oo nga,” segunda ni Jajing. “May ginagawa ba kayong milagro, ha?”
Napailing nalang siya. Numero unong tsismosa talaga ang mga ito kahit kailan. Oo nga pala. Hindi pa nito alam ang tungkol sa napagkasunduan nila ni Rayleigh. Ang huling beses kasi na pumunta siya sa café nito ay noong araw na nagkabangga sila ni Rayleigh kaya wala siyang panahon para magkwento dito.
“Walang namamagitan sa `ming dalawa. Tumutupad lang siya sa kasunduan namin.”
“Kasunduan?” tanong ni Carmela. “Anong kasunduan?”
“Naalala niyo nung nagkasagutan kami?” tumango-tango ang mga ito. “Dahil na rin sa sulsol niyo, hinabol niya ako at humingi siya ng tawad sa `kin. Tinanong niya rin kung anong pwede niyang gawin para mapatawad ko siya. I asked him to kiss my feet, he refused. So I asked him to clean my house for two weeks instead. Dadalhan niya rin ako ng rasyon ng pagkain araw-araw.”
“So, ginawa mo siyang maid?” hindi maipinta ang mukha ni Ree habang nakatingin sa kanya. “At kaya siya nasa bahay niyo kagabi ay dahil pinagluto ka niya ng pagkain at nilinis niya ang bahay mo?”
“Yeah.”
“Ay, ano ba `yan! Akala pa naman namin, magkaka-love life ka na! Walang kwenta!”
“Oo nga. Nagpustahan pa naman kaming apat kung magkakatuluyan kayo o hindi,” pumalatak si Ella. “Sayang!”
Kita mo `tong mga taong `to. Paminsan-minsan nalang nga siyang lumabas ng bahay niya, pagpupustahan pa siya. Napailing nalang tuloy siya. Maya-maya ay naalala niya kung bakit siya lumabas ng lungga niya ngayon. Tinitigan niya isa-isa ang mga ito.
“Oo nga pala,” panimula niya. “Parang gusto kong makipag-date ngayon. May mairereto ba kayo sa `kin? Natutuyo na kasi ang utak ko sa pakikipagtitigan sa monitor ng compter ko, eh.”
“Meron,” nakangising sambit ni Ree na tila may interesanteng bagay na nakita sa likuran niya. “Gusto mo ba siyang makilala?”