Tuluy-tuloy ang pag-agos ng aking mga luha. Tango ako nang tango kay Mio. Hindi na ako makapagsalita sa sobrang luha at tuwa.
Kahit naman siguro wala pa akong naaalala ay ayos lang na tanggapin ang proposal niya. Kahit ang mga magulang ko at si Minari ay boto sa kanya, ibig sabihin ay talagang mabuti si Mio.
"Pangako ko na aalagaan kita nang buong puso. Gagawin ko ang lahat para maging ligtas ka lang. Hindi kita pababayaan, Minlei. Sobrang mahal lang talaga kita kaya ayokong patagalin pa ito," wika pa ni Mio.
"Mahal na mahal din kita, Mio. Tinatanggap ko ang alok mo na magpakasal tayo. Kahit wala akong maalala, magri-risk ako dahil alam ko sa sarili ko na mahal talaga kita," sagot ko sa kanya.
"Yes! Yes! Thank you, Minlei! Makaaasa ka sa akin. Mahal na mahal kita," naluluhang sabi niya.
Napatayo si Mio sabay excited na yumakap sa akin. Ramdam ko pa ang panginginig ng kanyang katawan.
Nagulat ako nang naghiyawan ang mga kasamahan namin. Hindi ko napansin na narito rin pala sila.
Kinuha ni Mio ang singsing. Inilahad ko ang kaliwang kamay ko sa kanya para isuot niya ang singsing.
Nang mailagay na niya ito, tumulo na naman ang aking mga luha. Ang sarap pala sa pakiramdam na ma-engage sa lalaking mahal ko.
Sobrang ganda ng singsing. Kumikislap-kislap pa ito kapag nasisinagan ng ilaw. Parang customized niya lang ito para maging partner sa suot kong kwintas na galing din sa kanya.
"Napakaganda nito, Mio. Sobra-sobra na naman ang effort mo sa akin. Paano na naman ako makababawi niyan?" mangahang sabi ko habang hindi maialis ang tingin sa singsing.
"Dapat noong birthday mo ako magpo-propose. Kaso naisip ko na baka hindi pa tama ang panahon at mabigla ka. Partner talaga iyan ng kwintas mo. Ako rin ang nagdisenyo ng singsing na iyan. Gusto ko ay maging memorable ang araw na ito at lagi mo akong maisip kapag tinitingnan mo iyan. Ganiyan ako ka-selfish sa pagmamahal at atensyon mo," ika niya.
"Iyong-iyo na ako, Mio. Binibigay ko na ang buong ako sa iyo. Ikaw lang ang mamahalin ko, pangako ko iyan sa iyo," madamdaming sabi ko sa kanya.
Hinalikan niya ang aking noo at yumakap na rin nang mahigpit sa akin. Ganoon na rin ang aking ginawa. I feel safe when I'm with him.
Napatingin ako kay Mom at Dad na parehong nagpipigil ng mga luha. Si Minari ay talagang napaluha na sa tuwa. Alam kong siya ang katulong ni Mio na mag-set up nito.
"Thank you, Mio. Swerte ko na ako ang napili mong babae para makasama mo habang buhay," naluluha kong sabi.
Siguradong-sigurado na talaga ako kay Mio. Hindi ko ma-imagine ang aking sarili na nagmamahal pa ng ibang lalaki.
"Ako nga ang dapat magpasalamat sa iyo. Mas maswerte ako na ikaw ang makakasama ko. Sa wakas, dumating din ang araw na mapapasagot kita ng oo," masayang saad niya.
Biglang nagkaroon ng maraming fireworks. Sunud-sunod ito kaya naman mas naging maliwanag ang lugar namin. Ang paligid ay na-emphasise lalo ang kagandahan.
Kita ko na rin ang mahabang table na may mga nakalagay na handa. Ang paligid ay puno rin ng mga bulaklak at kakaibang mga ilaw.
Kailan kaya ako makapag-e-effort sa kanya na ganitong kabongga? Palaging siya na lang ang gumagawa ng ganito.
"Bakit sa rami ng problema na kinahaharap ko, ako pa rin ang napili mo?" seryosong tanong ko sa kanya.
Ngumiti siya sa akin. Sagot niya, "Kung mahal mo talaga, kahit anong problema pa ang kaharapin niya, dapat nga dadamayan pa. Hindi ko magagawang iwan ka. Kung ano ang problema mo, tutulungan kita sa abot ng aking makakaya. Ganiyan kita kamahal. Wala akong pakialam kung iba't ibang ugali pa ang ipakita mo sa akin. Ipaglalaban kita hanggang sa huli."
Mas lalo akong natuwa. Matured talaga siyang mag-isip. Kahit anong nangyari sa nakaraan ko, narito pa rin siya na nagtitiyagang alagaan ako. Hindi ko siya maalala, pero hindi siya lumihis ng landas.
Maraming babaeng mas maganda, magaling, matalino, sexy at kung ano pa. Ako pa rin ang pinili at pipiliin niya kahit anong mangyari. Sino ba namang hindi swerte sa lalaking ito?
"Ganiyan din ang aking gagawin. Ipaglalaban kita hanggang sa makakaya ko. Hindi kita susukuan. Ngayon pa ba tayo bibitaw? Pareho tayong lumalaban at may magandang samahan. Kapag kinasal na tayo, wala na sanang hiwalayan na magaganap," saad ko.
"Kaya nga gusto ko ring makasal sa iyo para hindi na tayo maghiwalay pa," natatawang sabi niya.
Kinurot ko siya sa kanyang pisngi. Well, ako rin naman ay ganoon ang maiisip. At dahil babae ako, nahihiya ako na ako ang mag-propose sa kanya. Masaya ako na maaga pa lang ay ginawa niya na agad ito.
Lumapit na kami sa aming pamilya. Kanina pa sila nanonood at naghihintay sa amin.
"Congrats sa inyong dalawa!" masayang bati nila.
Nagpasalamat naman kami ni Mio. Inisa-isa ko silang pasalamatan dahil sila rin pala ang katulong ni Mio rito. Nagawa nilang itago ang surpresa na ito sa akin. Ang galing nila sa ganito.
"Kaya mahal ko kayo e, hindi ninyo pinapalampas ang mga ganitong pagkakataon para mapasaya ako. Sobrang saya ko talaga ngayon," wika ko.
Yumakap ako sa kanila. Ang pagtanggap pa lang nila sa kasal namin ay magandang basbas na mula sa kanila.
"Plano talaga iyan ni Mio. Tinulungan lang namin siya para mapabilis ang pagdekorasyon. Nagustuhan mo ba?" saad ni Minari.
"Oo naman. Grabe nga ang effort na ito. Tiyak na ang dami rin ninyong nagastos. Kahit simple lang naman ay ayos lang sa akin. Masyado ninyong ginagalingan sa pagdekorasyon. Ang mahalaga sa akin ay kumpleto tayo at lahat tayo ay masaya," sagot ko.
Pagkatapos naming kumain ay naglakad kami ni Mio sa dalampasigan. Pareho kaming nakayapak. Hindi ako makapaniwala na masaksihang umiilaw ang mga buhanging inaapakan namin. Nasanay lang ako na nakatanaw lang dito.
"Umiilaw pala ang mga buhangin kapag naaapakan? Akala ko iyong wave lang ang nagkakailaw dahil sa reflection. Dito pala talaga iyon?" manghang tanong ko.
"Oo. Kaya napakaganda ng lugar na ito para sa akin. Naisip ko na matutuwa ka rito at hindi magsasawa na manirahan dito kasama ako," sagot niya.
Napatingin ako sa kanya. Sumimangot pa ako. Saad ko, "Bakit naman ako magsasawa kasama ka? Kung nasaan ka, gusto ko ay doon din ako. Kahit anong klaseng lugar pa iyan, basta kasama ka, hindi na ako hihiling ng iba pa. Ikaw ang magandang tanawin para sa akin."
Nanlalaki ang kanyang mga mata. Alam kong hindi siya sanay sa pagiging sweet ko. Gusto kong maging sweet sa kanya dahil hindi ko naman alam kung paano ako makitungo noon.
"Mukhang gulat na gulat ka ah?" natatawang tanong ko.
"Aba, oo naman. Nagulat ako na mas naging sweet ka ngayon. Masarap pakinggan ang mga mabubulaklak mong salita. Huwag kang magsasawang maging sweet sa akin," saad niya.
Humarap ako sa kanya. Seryoso akong tumingin sa kanyang mga mata.
Hinila ko siya papalapit sa akin. At dahil mas matangkad siya, tumingkayad ako. Hinalikan ko siya sa kanyang labi sabay ngiti.
Natulala siya kaya tumakbo ako palayo sa kanya. Nahihiya ako sa aking ginawa pero hindi ko iyon pinagsisisihan.