Hemira III 32

3485 Words
Hemira III 32 - Bayan ng Krikor ~Tagagapagsalaysay~ Tatlong malalakas na katok sa bakal na pintuan ang umalingawngaw sa harap ng tinatawag na Gintong daan. May isang maliit na parihabang bakal sa gitna ng pintuang iyon ang iginilid ng taong nasa loob upang masilip nito kung sino ang taong kumatok doon. Tumambad sa kanya ang mukha ng isang lalaking estranghero na batid niyang gumawa ng malalakas na sapagkatok na iyon. Lumayo ito nang kaunti kaya naobserbahan niya na ang suot nitong puting roba na napakamaamos gawa ng mga buhangin. Nakita na rin niya ang mga kasama nitong isa pang lalaki at isang babae na ganoon din ang mga kasuotan. Nakatalukbong ang ulo ng binibini at nakayuko kaya ang tanging nasisilayan niya rito ay ang nakalugay nitong mahabang buhok. Iyon ang nagpabatid sa kanya na isa itong babae. Pare-parehas ang mga itong maaamos ang kasuotan na tila ba nagpagulong-gulong ang mga ito sa buhangin upang umamos ang mga ito nang ganoon. Mayroon ding tatlong kabayo na nasa likuran lamang ng mga ito. "Ilan ang dala ninyong ginto?" tanong ng taong tagapagbantay matapos na silang mausisa sa tingin. "Tatlong daang piraso ng ginto." seryosong sabi ng lalaking itim ang buhok at pagkakisig. Nanlaki nang kaunti ang mga mata ng tagapagbantay ngunit pagka ay kumurap-kurap saka nabahiran na ng pagdududa ang tingin sa kanila. "Kung tunay na mayroon kayong ganoong karaming ginto ay sabihin ninyo kung saan ninyo iyon nakuha." utos nito. Lumapit ang kasama nitong lalaki na mayroon namang puting buhok at isa pa ring pagkakisig na binata. "Kami'y kabilang sa grupo ng asong lobo. Marami na kaming naipagbili sa leon na mga tagapag-aliw at alipin kaya naman mayaman kami sa ginto." Seryosong-seryoso ito at walang bahid ng pagsisinungaling ang mahihimig sa tinig nito. Nang marinig na kabilang ang mga ito sa grupo ng asong lobo ay nanlaki ang mga mata ng tagapagbantay. "Asong lobo?! Paumanhin mga ginoo! Hindi ko batid na kayo'y kabilang sa grupo ng asong lobo! Sige at kayo'y akin nang papapasukin!" Nagmamadali ito at narinig nila ang pag-ingit ng bakal na pinto sa pagbubukas nito ngunit bigla muling sumara iyon nang malakas. "Sandali lamang! Bakit mo sila kaagad papapasukin?! Naipakita na ba nila sa iyo ang kanilang mga ginto?! Paano kung nililinlang ka lamang pala nila?!" sigaw ng isa sa loob na mukhang isa ring tagapagbantay. Natigilan ang tatlong estranghero at napansin nilang ibang tao na ang sumilip sa kanila mula sa parihabang silipan. "Kayo, ipakita n'yo muna ang inyong mga ginto bago namin buksan ang pintong ito." maawtoridad na sabi nito habang inuusisa rin sila ng tingin. "Mga pangahas!" malakas na sigaw ng lalaking may itim na buhok at bakas ang galit doon. "Ano ang karapatan mo para pagdudahan kami! Hindi pa ba sapat na sinabi namin na kasali kami sa grupo ng asong lobo?! Kapag nalaman ito ng aming pinuno ay paniguradong buhay ninyo ang kapalit!" Puno ng damdamin nitong sabi at mayroong kakaiba sa punto nito (accent). Hindi naman nasindak ang tagapagbantay na nakasilip sa naging sigaw nitong iyon. "Paumanhin ngunit ang daan na ito ay nasa ilalim ng pamumuno ng matsing. Kahit na kami'y inyong iwika nang masama sa asong lobo ay hindi mangyayari ang ibinabanta ninyo dahil miski ang lobo ay batid ang palatuntunan sa daang ito. Ngayon ay ipasilay na ninyo ang inyong ginto upang padaanin na namin kayo." Labis na ang pagdududa nito sa kanila. Hindi nakaimik ang dalawang binata ngunit nakabawi agad ang lalaking may itim na buhok sa hamong iyon. "Ikaw!" duro nito sa kasama nitong lalaki. "Ipakita mo na nga sa kanila ang daan-daan nating ginto nang ang pangahas na iyan ay paraanin na tayo!" nagmamalaking sigaw nito at nangunot naman ang noo ng kasama nitong may puting buhok. Tila natuod na rin ito sa kinatatayuan nito dahil doon. Sinenyasan siya nito na ipakita na ang ginto kaya naman wala itong nagawa kundi ang sumunod. Tinanggal nito sa pagkakasakbit sa likod ang lagan nitong naroroon. Ipapakita na sana nito ang laman niyon nang biglang tumakbo palayo ang binibining kasama ng mga ito. "TULONG!" malakas na sigaw nito ngunit napatigil ito sa pagtakbo dahil sa lubid na nakakabit sa paa nito na hawak ng binatang itim ang buhok. Napadapa ito sa buhangin at pilit na sumusubok tumakas ngunit dahil sa lubid sa paa ay hindi magawa. "Oy! Kunin mo 'yung babaeng 'yon! Hindi siya puwedeng makatakas!" utos ng binatang may itim na buhok sa kasamahan nito na may pagmamadali. Tumango naman kaagad iyon at nagmamadaling pinuntahan ang binibini saka hinila ito sa braso upang makatayo ito. "Hindi ka pa rin makakatakas!" sigaw nito. Doon ay hinila na nito ang kaawa-awang binibini papunta muli sa kanila. Kumakawala ang babae ngunit mahigpit ang hawak sa kanya ng binata. Ang tanging nagawa lamang nito ay ang lumapit sa pintuang bakal at pinagkakakatok iyon nang malakas kaya napaurong ang tagapagbantay na nakasilip doon sa gulat. "Pakiusap! Tulungan n'yo ako! Naglalakbay lamang ako sa kontinenteng ito sakay sa aking kabayo ngunit binihag ako ng mga taong ito! Pakiusap! Tulungan n'yo ako!" pagmamakaawa nito at nangingiyak na nang labis. "Manahimik ka!" Isang malakas na suntok ang natamo nito sa sikmura mula sa binatang may puti ang buhok at doon ay nawalan na ito ng malay. Kaagad naman itong nasalo sa mga bisig ng marahas na lalaki at binuhat ito. Sumilip na ulit ang istriktong tagapagbantay. "Ano ang nangyayari sa kanila?" Pilit ding nakikisilip ang isa na nauna nilang makausap ngunit nanaig ang istriktong tagapagbantay. "Ano ang nangyari? Ang binibini bang iyan ay inyong bihag?" nauusisang tanong nito. "Tsk! Oo! Ang babaeng iyan ang may dahilan kung bakit ganito na kadumi ang mga damit namin!" naiiritang saad ng binatang may hawak sa tali ng binibini. "Dahil sa kanyang paulit-ulit na pagtakas ay nagpagulong kami sa buhanginan mahabol lamang siya. Wala nga sanang dapat makaalam dahil siya ang magiging surpresa namin sa mga kasali sa subastang magaganap sa Krikor kaya ipinasuot namin ang katulad ng suot namin sa kanya pero ngayon ay nasira na! Iyon din ang dahilan kung bakit gagamitin namin ang daang ito. Upang makarating kaagad doon bago ba simulan ang subasta." Lalo pang pagkausisa ang nabakas sa mga mata nito. "Kung siya'y isang surpresa, paniguradong labis ang kagandahan ng binibining iyan." Hindi napigilan ng binatang may buhat sa binibini ang mapangisi. "Kung masisilayan n'yo lamang kung gaano kaganda at kaakit-akit ang nabihag naming ito, siguradong pilit na hahanap-hanapin ng inyong mga mata ang kanyang kagandahan sa buo ninyong buhay." Nakadagdag pa iyon upang labis pang mausisa ang tagapagbantay. "Tunay ba iyon?!" hindi napigilan nitong mabulalas at mapapasin ang pagngiti nito sa paniningkit ng mga matang nakatutok lamang sa binibini. Inayos ng binatang may itim na buhok ang talukbong sa ulo ng babae upang maitago iyon nang maayos. "Nakasisigurado nga rin kami na mag-uuwi kami nang nasa libong ginto sa pagbebenta sa kanya. Posible pang mas labis pa roon ang aming makamtan sa kagandahang tinataglay ng binibining ito." Lubos ang pagmamalaki sa tinig ng binata. Hindi na nagawang maialis ng istriktong tagapagbantay sa binibining walang malay ang tingin nito at ilang sandali lamang ay isinara nito ang silipan. Hindi inaasahan iyon ng dalawang binata ngunit nang umingit na ang bakal na pinto dahil sa pagbubukas niyon ay unti-unti na silang napangising dalawa. "Infiltration success..." May mapagtagumpay na ngiting bulong sa sarili ng lalaking may itim na buhok. Pumasok na sila kasama ang tatlong mga kabayo nila na hawak din ng lalaking iyon at kaagad ding isinara ang bakal na pintong iyon. ~Yohan~ Nagawa na naming malagpasan ang gate ng Gintong daan dahil sinunod namin ang plano ni Hemira. Doon ay nakita na namin ang loob ng lugar na binansagan sa kontinenteng 'to na Gintong daan. Halos mapanganga kami ni Eugene nang makita ang maaayos na mga nakahalerang mga estatwa na hugis tao at gawa sa ginto sa lugar na 'to. Matatag na nakatayo ang mga 'yon sa buhanginan. Ang pagkakahalera rin n'on ay kaunti lang ang pagitan sa isa't isa papunta sa isang malaking kuweba na gawa rin sa ginto at kahit hindi ko pa nalalapitan, halatang sa purong ginto 'yon gawa. Kumikinang pa 'yon sa tama ng sikat ng araw kaya literal na nakakasilaw. Titingnan ko sanang mabuti kung sino 'yung taong nakaukit do'n sa estatwa nang mapansin ko sa gilid ng tingin ko na tatanggalin na ng isang tagapagbantay dito ang talukbong sa ulo ni Hemira na buhat ni Eugene. Agad na hinawakan ko ang guard na 'yon sa braso niya para pigilan siya sa gagawin niya. Gulat na napatingin naman siya sa 'kin at nakakasigurado ako na siya ang unang tagapagbantay na nakausap namin kanina. Halatang nagulat din si Eugene sa 'min dahil nasa mga estatwa rin ang atensyon niya kanina. "Paumanhin ngunit sa tingin ko ay hindi puwede ang iyong balak gawin." Pinapalalim ko talaga ang tagalog ko katulad ng kina Eugene para naman hindi sila magduda sa 'kin. Ngumiti lang siya. "Nais ko lamang naman silipin kung nagsasabi kayo ng totoo na napakaganda ng binibining ito." Umiling-iling ako habang nakangiti para sabihin na hindi pa rin puwede at nanlumo naman siya. "Tumabi ka nga riyan!" Tinabig siya ng isa pang tagapagbantay at nakilala ko sa mga mata niya na siya 'yung ayaw magpapasok sa 'min kanina. Inayos niya 'yung suot niyang mahaba ring robe katulad sa 'min pero kulay brown at nakita ko sa ilalim n'on na may armor siyang suot. Parehas silang dalawa ng suot at mukhang iyon ang uniform nila. Tumingin ulit ako sa paligid kung may iba pang guards sa paligid pero wala na akong nakita. Mukhang silang dalawa lang ang nandito ngayon. Hindi siguro nila kailanman naisip na may magtatangkang pumasok dito nang sapilitan dahil nasa ilalim 'to ng pangalan ng matsing kaya dalawa lang ang nilagay nilang guards. 'Yun ang inaakala nila. May tumikhim kaya napunta ang atensyon ko sa guard na istrikto na kaharap ko ngayon. "Bago muna tayo magbayaran ng ginto sa inyong pagdaan dito, nais ko sanang masilayan ang mukha nitong inyong bihag. Ano ang inyong malay? Baka doblehin ko ang gintong dala ninyo ipagbili n'yo lamang ito sa akin," sabi niya na nang-eenganyo Napanting ang tenga ko dahil 'ito' ang tawag niya kay Hemira na parang natukoy lang siya sa isang bagay at hindi tao. Alam kong gano'n din si Eugene pero hindi namin ipinahalata 'yon. Itinuro niya sa 'min ang isang dereksyon at nakita ko roon ang may kataasang bundok ng mga ginto na paniguradong mga bayad sa kanila ng mga dumaan dito. Nahilakbot naman sa sinabi niyang 'yon 'yung isang guard. "Batid mo ba ang iyong sinasabi?! Ang mga gintong iyan ay sa matsing! Kapag nalaman niya na binawasan natin iyan ay paniguradong lalagutan niya tayo ng hininga!" sigaw na pabulong nito sa kanya na sobra ang pagtutol. Nangunot naman ang noo niya. "Hindi niya naman mapapansin kung kukuha ako nang kaunti... puwera na lamang kung may magbabanggit niyon sa kanya..." Nagbabanta ang tingin niya sa kasama niya at napatikom naman 'to ng bibig. Tumingin na ulit siya sa 'min at ngumiti nang malawak. "Ano? Payag na ba kayo? Kung nais ninyo ay dadagdagan ko pa iyon." Nagyayabang na siya na pakiramdam niya, sa kanya 'yung mga gintong 'yon kung mang-alok siya. Nagkatinginan kami ni Eugene. Hindi 'to ang plano natin. kausap ko sa kanya sa tingin Kung gayon ay ano na ang ating gagawin? tanong niya naman "Sa inyong hindi pagsagot ay iisipin kong pumapayag na kayo ngunit bago iyon..." Napatingin ulit kami sa kanya. "Nais kong makita kung karapat-dapat ba talaga ang bihag na ito sa mga gintong ibabayad ko sa inyo." Lumapit siya kay Eugene at inilapit niya ang mukha niya sa buhat nitong si Hemira para silipin ang mukha nito. Nang makita niya na ang mukha nito ay nanlaki ang mga mata niya dahil paniguradong lumagpas pa sa inaakala niya ang kagandahan na nakita niya kay Hemira pero ang hindi niya inaasahan ay ang bigla-biglang pag-umpog nang malakas ng noo nito sa noo niya. "Boogsh!" hindi ko naiwasang lagyan ng sound effect dahil sa lakas ng tunog n'on na kung siguro kung sa 'kin ginawa, nabiyak na panigurado ang bungo ko. Napasigaw siya sa sakit at dahil sa pagkahilo ay napaupo siya sa buhanginan habang sapo ang nasaktang noo niya. Napasinghap 'yung isang guard sa nangyari. ""Pangahas! Bakit mo ginawa sa kan—— Sinuntok ko na kaagad sa mukha 'yung guard na 'yon para hindi siya makaeskandalo at napahiga siya sa buhangin dahil sa pagkawala ng malay niya. "A-ahhh..." reklamo pa rin n'ong guard na hinead bang ni Hemira at hindi magawang makatayo. Bumaba na si Hemira mula sa pagkakabuhat ni Eugene sa kanya. Lumapit siya ro'n sa guard na 'yon at napatingala naman 'to sa kanya. "IKAW!" nanggigil na sigaw nito at nanlalaki pa ang mga mata. Napansin namin ang dugo na umagos mula sa sugat sa noo nito na gawa niya. "Salamat at pinapasok mo kami." May pagkasarcastic na pagkakasabi ni Hemira at doon ay isang malakas na sipa sa mukha ang natanggap ng manyak na tagapagbantay na 'yon. "K.O!" May tono pa talaga ng street fighter 'yung pagkakasabi ko n'on nang bumagsak ang katawan n'on sa buhanginan katulad ng kasama nito. "Nagtagumpay tayo sa iyong plano Hemira!" tuwang-tuwang bulalas ni Eugene at ako rin, sobrang natutuwa at humahanga sa bilis ng utak ni Hemira sa pagpaplano. Tumingin siya sa 'min. "Magaling ang naging pag-akto ninyong dalawa kaya nagtagumpay iyon." Ngumiti siya sa pagpuri sa 'min. Nang makita ko na ulit ang ngiti niyang 'yon, lahat ng pagod, uhaw at gutom ko, biglang nawala at parang nasa alapaap ako ngayon. Siguradong ganito rin ng nararamdaman ni Eugene ngayon. "P-patawarin mo ako Hemira kung napalakas ang pagsuntok ko sa iyong sikmura... Kung hindi lamang talaga kailangan iyon sa ating plano ay hinding-hindi ko gagawin iyon sa iyo." mahinang sabi ni Eugene at hindi makatingin kay Hemira. "Ayos lamang. Ako naman ang nagsabi niyon sa iyo kaya wala kang dapat na ihingi ng tawad sa akin." Lalo siyang ngumiti para palubagin ang loob ni Eugene at doon naman ay mas lalo kaming natulala sa kanya. Bakit gano'n? Akala ko, sobra-sobra na ang kagandahan niya pero nadadagdagan pa rin 'yon sa bawat araw na nakikita ko siya. Nauungusan niya na ako ah! "Ngayong nakapasok na tayo rito sa Gintong daan, siguradong maaabutan pa natin ang subasta kina Euphemia sa Krikor." Sumakay na siya sa kabayo niya at dahil din doon ay napabalik kami sa mga sarili namin ni Eugene. "Oo nga. Isang araw na lang at isusubasta na sila kaya kailangan na nating magmadali." Sumakay na rin ako ng kabayo ko. "Siguradong labis na ang takot na nararamdaman nila Serafina sa kamay ng mga ganid na taong iyon." Sumampa na rin si Eugene sa kabayo niya. "Ang takot na iyon ay matatapos na kasama ang buhay ng mga taong nangbihag sa kanila." Sumeryoso na naman nang sobra si Hemira at sinipa ang tagiliran ng kabayo niya. "HIYAAAAH!" Tumakbo na papaalis ang kabayo niya. Pinatakbo na rin namin ni Eugene ang sa amin. Nadadaanan namin ang hale-halerang mga estatwa at kahit mabilis ang takbo ng kabayo ko, kitang-kita ko ang detalyadong nakaukit sa mga 'yon. Isang lalaki 'yon na may magarang damit at may mahabang buhok na pamilyar na pamilyar sa 'kin. Lahat ng estatwang 'yon ay pare-parehong 'yon ang nakaukit. Nangunot ang noo ko at naniningkit ang mga mata ko sa pilit na pagkilala sa taong nakaukit doon. Teka. Parang kilala ko 'to ah. Doon ay nakapasok na kami sa loob ng gintong kuweba at maliwanag ang loob dahil sa mga gintong lamparang may sindi na nakasabit sa gilid. Doon na may nagflash sa isip ko na isang mukha na kamukhang-kamukha n'ong mga estatwa sa labas. "Sabihin ninyo, sino sa inyong dalawa ang naging hadlang sa pagpayag ng babaeng ito na maging isa sa aking mga asawa?! SINO?!" Nanlaki ang mga mata ko at agad akong napatingin kay Eugene na kapareho ko ay nanlalaki rin ang mga mata na nakatingin sa 'kin. Iisa lang ang natanto at nasa isip naming dalawa. Ang b*llsh*t palang lalaking 'yon sa hotel na pagpapahingahan sana namin ang matsing na kasamahan nila Vargo! *** ~Tagapagsalaysay~ Halos isang araw rin ang ginugol nila Hemira sa Gintong daan at doon ay nakalabas na sila sa lugar na iyon. Ang bayan kaagad ng Krikor ang lugar na sumalubong sa kanilang tatlo. Maraming tao sa paligid at buhay na buhay ang bayang iyon kumpara sa mga lugar na kanilang mga nadaanan dahil nagkalat ang mga nagbibili at mga taberna na iba't-ibang uri sa lugar na iyon. Magagara at mga silkang damit din ang kasuotan ng mga tao doon na mga mahadlika sa kontinenteng iyon. Bumaba na sila Hemira sa kabayo nila at tumingn siya sa paligid. Bumalik sa kanya ang lahat-lahat ng alaala niya sa lugar na iyon kaya napapikit siya nang mariin. Napakalinaw pa ng mukha ng taong labis na nagmalupit sa kanya sa lugar na iyon na si Vargo. Dahil doon ay unti-unting nasisidlan ng galit at nais na paghihiganti ang kanyang puso nang mayroong humawak sa kanyang kamay. Napamulat siya at tiningnan kung sino iyon. Ang nakangiting si Yohan ang kanyang nasilayan sa kanyang tabi. "Naaalala mo pa ba no'ng kinuwento mo sa 'kin 'yung nangyari sa 'yo rito sa lugar na 'to? 'Yung bago natin mahanap si Serafina." Tinitingnan nito sa kanya kung naaalala niya pa iyon. Tumango-tango naman siya. "Oo naaalala ko pa iyon. Nasa isang lawa tayo noon." "Kung gano'n, ang naiisip mo lang ngayon habang nakatingin sa lugar na 'to ay 'yung unang dalawang halik ko sa 'yo, tama?" Nakangiti ito nang mapaglaro. Hindi niya naiwasang mamula nang maalala na nga ang buong pangyayari na nais nitong matandaan niya. "Kapag naaalala mo ang malungkot na nakaraan mo sa bayang 'yon, hindi na dapat si Abun o 'yung Vargo na 'yon ang maaalala mo... kundi ang halik ko na sa 'yo... at panghabangbuhay na 'yon." Nakalimutan na kaagad niya ang galit na muntik nang mamuo sa loob ng kanyang dibdib dahil lamang sa pinaalala nitong iyon. Batid niya naman na nais nitong pagaanin ang kanyang loob sa ganoong paraan. Ngumiti siya rito. "Salamat Yohan..." pagpapasalamat niya dahil doon. Ngumiti rin naman ito nang malawak sa kanya. "You're always welcome." "Ginoo, maaari bang magtanong?" narinig nilang tanong ni Eugene sa isang nagbibiling ginoo kaya napunta pareho ang atensyon nila sa mga ito. "Saan po ba rito sa Krikor gaganapin ang subasta ngayon araw?" tanong nito kaya naman agad silang lumapit sa mga ito. Napatingin naman ito sa kanila at nabakas ang panghihinayang sa mukha nito. "Naku! Binata! Huli na kayo! Tapos na ang subastang iyon ilang oras na ang makalipas! Naipagbili na rin ang lahat ng bagong bihag!" Sabay-sabay na nangunot ang kanilang noo at labis na hindi makapaniwala. "Ano po?! Pero po 'di ba, dapat mamaya pa 'yon! Sabi n'ong nakausap namin, dalawangpu't apat na oras pa ang lilipas bago simulan 'yon. Inabot lang naman po kami ng dalawangpu't dalawang oras sa paglalakbay kaya may dalawang oras pa po bago ang subasta!" Tumataas na ang boses ni Yohan sa pakikipagtalo. Napailing-iling naman ang ginoo. "Tama nga na dapat ay mamaya pa iyon ngunit mas maagap na nadala ng asong lobo rito ang mga bagong bihag at hindi na rin makapaghintay ang nais bumili sa mga iyon kaya sinimulan na nila iyon kanina lamang." paliwanag nito. Nakuyom na ni Hemira ang kanyang mga kamao at napapikit nang mariin si Eugene dahil hindi nila matanggap na hindi umaayon sa gusto nila ang nangyayari. "F*cksh*t talaga!" nanggigitil na sabi ni Yohan dahil hindi nila inaasahan iyon. Aalis na sana ang ginoong nagbibili... "Sandali lang po." pigil ni Yohan dito. "May nais ka pang malaman binata?" tanong nito. "Sino po ang nakabili sa diwata ng karikitan, isang asas at isang bata na makulay ang damit? Kilala n'yo po ba kung sino?" Lubos na umaasa si Yohan na malaman kung sino ang nakabili sa tatlong binibini na kanilang mga kasamahan. Napaisip naman ito. "Hindi ko napanood ang subasta ngunit ang aking narinig sa usapan ng iba ay ang matsing ang nakabili sa diwata ng karikitan. Sa ibang iyong nabanggit ay hindi ko na alam." Natigilan sila Yohan nang marinig ang salitang matsing. Hindi nila inaasahan na sasali ito sa subastang iyon at bibilihin pa si Euphemia. "Saan namin matatagpuan ang matsing na iyon?" malamig at seryosong-seryosong tanong ni Hemira kaya napatingin sa kanya ang ginoo. "Kayo'y magpunta lamang sa kalapit bayan nitong Krikor, ang Mirang. Bayan iyon ng mga abang inaapi ng malupit na matsing na iyon at siguradong doon niya ipinaparada ang kanyang mga bagong biling alipin kasama na ang diwatang inyong hinahanap upang ipagmalaki ang kanyang sarili!" Pagkatapos marinig ang lugar kung nasaan si Euphemia ay tumakbo kaagad si Hemira papunta sa kanyang kabayo at sumakay roon. "Maraming salamat po ginoo!" pagpapasalamat ni Eugene sa ginoong iyon at tumakbo na rin sila ni Yohan papunta sa kanilang mga kabayo. Doon ay umalis na silang tatlo nang may pagmamadali.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD