“Hindi ka papasok?” Nagtatakang tanong ni Silvia kay Max nang mauna siyang magising dito. Mataas na kasi ang araw pero hindi pa rin ito naghahanda sa pagpasok. Hinapit ni Max ang beywang niya at pinulupot ang kanyang braso.
“Hindi, I’m tired. Wala din naman akong schedule ngayon na importante. Saka may pupuntahan tayo nakalimutan mo na ba? Birthday ni Mommy ngayon.”
Napaisip si Silvia sa sinabi nito. Ngayon lang din niya naalala na birthday ng ina nito. Lihim na nagtampo si Silvia. Mabuti pa ang magulang niya. Hindi niya nakakalimutan ang birthday nito samantalang siya na asawa ay palagi na lamang nakakalimutan ni Max.
“Hon? Ayaw mo bang pumunta? Hindi pwede baka magtampo si Mommy alam mo naman yun. Nagtampo na nga yun nang lumipat tayo ng bahay eh.” Dagdag pa nito. Walang imik siyang tumayo at iniwan si Max sa kama. Wala pa siyang suot na damit kaya nagtungo muna siya sa kabinet.
“Hon…”
Nilingon niya ito dahil nag-iintay parin sa kanyang sagot.
“Magluluto na ako para makapag-almusal na tayo. At nang makapaghanda na rin ako sa pagpunta sa kanila.” Wika ni Silvia sa kanya pagkatapos niyang magbihis ay lumabas na rin siya. Alam ni Max na napilitan lang ang kanyang mga magulang na tangapin si Silvia dahil yun ang ipinakiusap niya. Ang buong akala kasi ni Silvia ay gusto din siya ng mga magulang niya dahil mabuti ang trato nito sa kanya. Pero ang totoo naawa lang ang kanyang magulang para kay Silvia. At nang malaman nila mula kay Max na si Silvia ang gusto niyang pakasalan humadlang ang mga ito. Dahil mas gusto nila si Ava at matalik din na kaibigan nito ang Ate niya. Pero gusto niyang dumating sa punto na matangap din si Silvia ng kanyang pamilya.
Tahimik si Silvia sa paghahanda ng almusal nang maramdaman niya ang presensya ni Max.
“Maupo ka na diyan malapit nang maluto itong niluto kong fried rice at tapa.”
Pero imbis na sundin si Silvia ay lumapit sa kanya si Max at niyakap siya nito mula sa likuran.
“Ang bait talaga ng Hon ko.” Nakangiting sambit ni Max sabay suksok ng kanyang mukha sa leeg niya. Hindi na lamang niya pinansin ang paglalambing nito dahil nagtatampo pa rin siya dito.
Pagkatapos nilang kumain ay naligo na rin siya at nagsuot ng simpleng bistida sa pagpunta sa bahay ng mga magulang ni Max. Higit bente minutos din ang magiging byahe kaya dadaan muna sila sa tindahan ng bulaklak para ibigay sa Mommy ni Max.
Itinigil ni Max ang kotse at siya na rin ang namili ng bulaklak. Dalawang bouquet ang binili niya isang tulips na pink na paborito ni Silvia at yellow roses naman para sa kanyang ina.
“For you…” Nakangiting sambit ni Max sabay abot ng tulips bouquet sa kanya.
“Bakit? Para saan ito?”
Nagtatakang tinignan siya ni Max.
“Hon, kahit walang okasyon binibigyan kita ng bulaklak.”
“Noon yun Max, noong nililigawan mo pa lang ako. Pero ngayon bihira na or minsan naman hindi na.”
Kinuha ni Silvia ang bulaklak at inamoy ito. Napabuntong hininga na lamang si Max. Naiintindihan niya ang pinangagalingan ng tampo nito sa kanya. Kaya gusto niyang makabawi.
Pagpasok sa malaking gate ng bahay nila ay pinarada muna ni Max ang kotse. Siya na rin ang naunang bumaba para buksan ang pinto ni Silvia. Magkahawak kamay silang pumasok sa loob.
“Max! Kuya!” Salubong sa kanya ng Mama niya at kapatid na bunso.
“Mabuti naman nakarating ka.” Wika ni Mommy Eleonor. Napatingin din siya sa akin kaya binati ko na din siya at nakipagbeso-beso ako sa kanya.
“Happy Birthday Ma.” Nakangiting bati ni Silvia.
“Mabuti naman sumama ka Ate Silvia.” Bati sa kanya ni Mary ang bunso niyang kapatid na fifteen years old na.
“Where’s Papa and Ate?” Takang tanong niya. Nagulat na lamang si Silvia nang may marinig siyang pamilyar na boses.
“Max! Mabuti naman nandito kana ikaw na ang tumikim nitong cupcake na binake ko for Tita!”
Lumapit si Ava at basta na lamang sinubo ang cupcake sa bibig ni Max. Walang nagawa si Max kundi tangapin yun dahil mukhang wala namang reaksyon ang kanyang Ina at mga kapatid.
“Masarap ba?” Tanong pa nito sa kanya. Pinahid ni Max ang natira sa kanyang labi na icing. Hindi akalain ni Silvia na dadating ulit ito. Pero simula ng maging mag-asawa sila ay palagi na lamang kasali si Ava sa lahat ng pagtitipon ng pamilya. Malapit kasi si Ava sa mga ito dahil magkasosyo ang kanilang mga Ama sa negosyo inaanak din ng Ama ni Ava si Mary. Bukod doon ay magkaibigan din si Ava at si Maricel ang Ate ni Max.
“Kanina pa yan nangungulit si Ava sa akin na magbabake daw ulit siya ng cake. Dapat nga pupunta yan sa Canada pero kinancel niya para lang pumunta dito.” Si Mama Eleonor ang nagsalita.
“Tita makakalimutan ko ba naman ang birthday niyo? Saka isa pa palagi ko na po itong ginagawa kahit noong kami pa ni Max diba?”
“Ava…” Saway ni Max sa kanya.
“Ito naman, nagbibiro lang. Alam mo naman mahal na mahal ko si Tita Eleonor dahil para ko na rin siyang Ina.”
Pigil ang hiningang nagkibit balikat na lamang si Silvia. Kung sa restaurant ay magagawa pa niyang sagutin ito. Hindi niya kaya sa harapan ng pamilya ni Max. Kahit sa totoo lang may karapatan siya dahil asawa siya ni Max. Pero may respeto siya sa Ina nito at hindi siya gagawa ng bagay na ikakagalit at ikakatampo nito.
“Wala namang sinabi si Ava na masama eh, walang dahilan para magalit si Silvia.” Sabat naman ng kanyang Ate Maricel.
“Siya! Tama na yan at mabuting ipahanda ko na ang pagkain para makakain tayo.” Putol ng kanyang Mama at umalis na para maghanda sa kusina. Naiwan silang dalawa sa sala. Dahil humabol pa ang mga ito para tumulong.
“Gusto ko sanang tumulong sa paghahanda pero baka hindi na nila ako kailangan.”
“Silvia, hindi sa ganun. Wag mo na lamang pansinin si Ava okay?”
Hinawakan niya ang kamay nito at mahigpit na pinisil.
Maya-maya pa ay nasa isang mahabang dining table na silang lahat. Magkatabi si Max at Silvia sa kabilang dulo. Ang Mama at Papa naman niya ay nasa kabilang dulo. Nasa kanan ni Max si Silvia at nasa kaliwa nito si Ava. Magkatapat naman si Maricel at Mary.
“By the way Silvia, wala pa rin ba kayong nabubuo ni Max?”
Napatigil sa paghiwa ng karne sa plato si Silvia sa kanyang narinig.
“Ma…” Putol ni Max sa kanyang Ina.
“I’m just asking hindi mo kailangan magalit sa akin.” Mahinahon na sabi ng kanyang Ina.
“Hindi ako galit, wag na lang natin pag-usapan yan sa ngayon okay?”
“Max, concern lang ang Mama mo. Tumatanda na kami tapos itong Ate mo wala ata balak mag-asawa. Paano naman kami makakapag-alaga ng apo niyan.”
“Kung hindi kaya ng matres ni Silvia bakit hindi na lamang kayo kumuha ng surrogate?”
Hindi na napigilan ni Max ang pangingi-alam ni Ava. Kaya naibagsak niya ang kutsara at tinidor niya naglikha pa ito ng ingay. Mabilis na pinigilan ni Silvia ang braso ni Max upang pigilan ito sa pagsasalita kaya napatingin si Max sa kanya.
Bahagyang ngumiti si Silvia kay Max at nakangiting tinignan si Ava.
“Ayaw kasi ni Max, saka hindi naman kami nagmamadali. Pero sinusubukan pa din naman namin diba Hon?” Mahinahon at malambing na sabi ni Silvia sa asawa. Kitang-kita niya ang pagtaas ng kilay ni Ava bago niya ibaling ang matamis niyang ngiti kay Max.
“Yes Hon.” Nakangiting Sagot naman ni Max sa kanya kinintalan pa siya nito ng halik sa noo na ikinapikit niya.