Chapter 6

2405 Words
VIVIAN'S POV: KINABUKASAN ay maaga akong bumangon. Nagulat pa si nanay na makitang alassais pa lang ay gising na ako. Dati-rati kasi ay alasyete na akong bumangon. Kung hindi niya kakalampagin ang pintuan ng silid ko, hindi ako magigising. “Good morning,” nangingiting pagbati ni Migo pagkalapit ko sa kanilang dalawa ni Siobe. Napalapat ako ng labi na nagpipigil mapangiti sa pagbati nito. “Morning,” casual kong pagbati. Napakindat pa itong ikinainit ng pisngi ko na nag-iwas ng tingin dito. “Anong nangyari sa'yo, Vivian? Nagpuyat ka ba kakapanood ulit ng kdrama?” tanong ni Siobe na nakamata sa akin. “Uhm, hindi ah. Paano naman ako manonood e may pasok tayo.” Sagot ko na umangkas na sa motor ni Migo. Sa gitna kasi talaga ang pwesto ko sa tuwing aangkas kami ni Siobe dito. “Talaga? E bakit nangingitim ang palibot ng mga mata mo. Halatang puyat ka,” saad pa nito ipinatong ang mukha sa balikat ko. “Okay ka lang? Hindi ka ba nakatulog, Vi?” tanong ni Migo sa akin na ikinalunok ko. “Uhm– mainit kasi. Madaling araw na nang makatulog ako,” alibi ko. Nangingiti naman ito na nagmamaneho at sa daan nakamata. Pero kitang hindi siya naniniwala sa palusot ko. “Ako rin e. Hindi ako masyadong nakatulog,” pabulong saad pa nito na ikinasinghap ko. Mahina kong nakurot ito sa tyan at nakayapos ang braso ko sa tyan nito. Napahagikhik naman ito na hinawakan saglit ang kamay ko at marahan pang pinisil bago muling humawak sa manibela. Pagdating namin sa school, as usual. Maglilinis muna ang mga estudyante sa paligid ng school. Magwawalis ng mga dahon-dahon sa paligid. At pinupulot ang mga plastic at bottles na nagkalat sa paligid ng school. Matapos maglinis, flag ceremony na muna bago pumasok sa kanya-kanyang classroom. At dahil pareho kaming third year section A nila Siobe at Migo, magkakasama kami palagi. Napangiti ako na habang paakyat kami ng second floor ng school namin ay inakbayan ako ni Migo. Kaliwa't kanan naman ang nagpapa-cute dito na magiliw siyang binabati. Ngumingiti at kaway naman ito sa mga kaklase namin. Siya kasi ang tinaguriang campus heartthrob ng school. Lalo na't class president din namin siya at pinakamatalino sa amin. “Uhm, Vi. Tungkol nga pala kagabi,” bulong nito habang naglalakad kami ng hallway kasabay ang mga kaklase namin. “Ang alin?” painosenteng tanong ko dito. Tumigil naman ito na hinila ako sa gilid nitong hallway na yumuko. “Yong kiss. Hindi ka ba nakatulog dahil naghalikan tayo?” bulong nito. Nag-init ang pisngi ko na napapasulyap sa mga dumaraang kaklase namin. Marami din kasing nakatambay dito sa hallway kung saan katapat ang kani-kanilang classroom na nagchichikahan. Normal na ‘to sa aming mga high school teenage. Saka lang kami papasok ng classroom kapag nandito na ang adviser namin. “Ano ka ba? Mamaya may makarinig sa'yo,” ingos ko na hindi makatingin ng diretso dito na nangingiti. “Ano ngayon? Ikinahihiya mo bang. . . naghalikan tayo?” tanong pa nito na ikinalapat ko ng labing nag-iinit ang mukha! “Hindi tayo naghalikan ha? Ikaw itong humalik sa akin.” Ingos ko na nakurot ito sa tyan. Napahagikhik naman ito na napakagat pa ng ibabang labi. Naiiling akong napaikot ng mga mata na iniwan na ito at naunang pumasok ng classroom namin. Sumunod din naman ito na naupo pa sa tabi ko. LUMIPAS ang mga oras. Magkakasama kaming nagtungo ng garden ng school kung saan kami tumatambay at kumakain ng tanghalian. May mga nakahilera kasing kubo sa likuran ng school kung saan ang garden ng school namin. “Uhm, hindi nga pala ako makakasabay sa lunch natin.” Wika ni Migo. Nagtataka naman kaming napatitig dito na pilit ngumiti at kitang may katext ito. “Okay lang ba?” alanganing tanong nito na tumitig sa akin. Naalala ko naman si Jasmine. Mukhang ito ang katext ni Migo kaya hindi siya makakasama sa amin ni Siobe. “Uhm, sige.” Pagpayag ko. “Babawi ako mamaya,” wika nito na tinanguhan ko lang at hinila na si Siobe. Habang kumakain kami ni Siobe, nakatulala ako na naiisip si Migo at Jasmine. College na kasi si Jasmine. Kaya kailangan pang lumabas ng school ni Migo para mapuntahan ito. “Hoy, ayos ka lang?” untag ni Siobe sa akin. “Oo naman. Wala naman akong karapatang ipagdamot siya e.” Sagot ko. Nangunotnoo naman ito na napatitig sa akin. “Ha? Anong ibig mong sabihin?” nagtatakang tanong nito. Mapait akong napangiti na napailing. Ngayon pa nga lang na mas pinili ni Migo na makasama sa lunch si Jasmine ay para na akong sinasaksak sa puso. Paano pa kaya kapag sinagot na siya ni Jasmine? Sa landi ng babaeng iyon ay kitang hindi na kailangang ligawan ni Migo. Baka nga siya pa ang nanligaw kay Migo e. “May–uhm. May nililigawan na si Migo.” Pag-amin ko ditong nasamid na napaubo. Napainom ito ng tubig na nandidilat ang mga mata dala ng kabiglaan. Napailing ako na matabang napangiti at nangingilid ang luha. “Kaarawan nga no'n kagabi e. Pinuntahan namin sa kabilang bayan. Nakakainis. Nagseselos ako e. Pero wala naman akong karapatan.” Mapait kong turan. Napalunok ito na lumamlam ang mga mata. Kita ang lungkot at simpatya sa mga mata nito na lumipat sa tabi ko at pinasandal ako sa balikat niya. Napalapat ako ng labi na hinayaang tumulo ang luha. Hanggang sa ang tahimik kong pag-iyak ay napunta sa paghagulhol na hindi ko na mapigilan pa. Para akong pinipiga sa puso ko. Hindi ko mailarawan ang sakit na nadarama ko. Daig ko pa ang nabigo sa pag-ibig sa pag-iyak ko at wala nang pakialam kung napapalingon sa amin ang mga kapwa namin estudyante na nakatambay dito sa garden. “E kung magtapat ka na kaya?” pag-aalo pa nito. Umiling ako na nagpahid ng luha at umayos na ng upo. “Napakaganda ng nililigawan niya, Siobe. Mukha namang masaya si Migo e. Eepal pa ba ako? Baka mamaya ay magalit siya o mailang sa akin. ‘Yon pa ang maging sanhi para iwasan niya ako at masira nang tuluyan ang magandang pagkakaibigan namin.” Basag ang boses kong saad. Lumamlam naman ang mga mata nitong hinagod-hagod ako sa likuran. Kita ang awa sa mga mata nito. Pero katulad ko, wala din naman itong magagawa para layuan ni Migo ang babaeng ‘yon at piliin niya ako. Sino ba naman ako? Isang hamak na best friend niya na lihim na nagmamahal sa kanya. Wala akong maipagmamalaki sa kanya. Kahit nga ganda ay walang-wala ako sa kalingkingan ng babaeng nililigawan niya. Ipapahiya ko lang ang sarili ko kapag umepal pa ako sa kanila. LUMIPAS ang mga araw na napapadalas na si Jasmine ang sinasamahan ni Migo tuwing lunch. Inaasahan ko naman na ‘yon. Ang maging girlfriend ni Migo si Jasmine. Mas matanda ito ng 'di hamak sa amin ni Migo dahil nasa third year college na ito. Magkatabi lang din ang school na pinapasukan namin kaya lagi namin itong dinadaanan nila Siobe at Migo. "Kaya pa?" tanong ni Siobe na mahinang binunggo ang balikat ko. Nangilid ang luha kong nakamata kina Jasmine at Migo sa 'di kalayuan. Masayang nagkukwentuhan habang nakasalampak sa damuhan si Jasmine at nakahiga naman si Migo na nakaunan sa lap nito. Magkahawak kamay pa silang panay ang tawanan. "May magagawa ba ako kundi ang kayanin ang nakikita?" balik tanong ko dito. Nagpahid ako ng luha na nag-iwas ng tingin sa dalawa. Napahinga ito ng malalim na hinahagod-hagod ako sa likod. Napayuko ako na hindi na mapigilang mapahikbi. Ang sakit lang. Mas masakit na nasasaksihan mo kaysa naiisip lang. Ano nga namang laban ko sa girlfriend nito? Kahit sinong lalake ay pipiliin ang katulad ni Jasmine na babaeng-babae ang itsura at galaw. Hindi tulad kong napagkakalman pang lesbian. "Magkatapat ka na kasi sa kanya, Vi." Bulong nito na bakas ang awa sa boses. Umiling-iling akong nanatiling nakayukong umiiyak. "H-hindi ko kaya, Siobe. Ngayon pa ba na may iba ng nagpapatawa sa kanya? Hindi ka naman bal-ag para hindi mo makita kung gaano siya kasaya, hindi ba?" sagot ko dito. Mahina itong natawa na pabirong sinabunutan akong natawa na rin at nagpahid ng luha. "Gagi ‘to. Broken hearted ka na nga pero wagas kung makalait hah?" natatawang saad nito. Kahit paano ay naibsan ang bigat na dala-dala ko sa pag-iyak ko. At sa tulong na rin ni Siobe na laging nasa tabi kong handang makinig sa mga saloobin ko. Lalo na pagdating sa nararamdaman ko kay Migo. "Seryoso na, kaya mo pa ba?" seryosong tanong nito na matamang akong tinititigan sa mga mata. Napakagat ako ng ibabang labing pinipigilan ang panunubig muli ng mga mata ko. Pero sadyang makukulit sila na nagsilaglagan na naman sa pisngi kong agad nitong pinahid. Umiling-iling akong niyakap nito at hinagod-hagod sa likod. Napahagulhol akong muli sa balikat nito na maramdaman ang malaking lamat sa puso ko. Lamat na hindi ko alam kung saan, kailan, at paano maghihilom. Hindi ko siya kayang nakikitang masaya at inlove sa iba. Pero hindi ko rin naman kayang iwasan ito. Siya ang bumubuo at nagpapasaya ng araw ko. Kaya paano ko naman siya iiwasan? Kahit anong piliin ko sa dalawa ay para ko lang pinipigaan ng kalamansi ang sugat sa puso kong sariwa pa. "Bakit hindi mo subukang magmahal ng iba, Vi? May mga nanliligaw naman sa'yo a,” anito na pinahid ang luha ko. Pagak akong natawa na napapasinghot. Ramdam ko ang pamumugto na ng mga mata kong mahapdi na rin sa kakaiyak. "Alam mong si Migo lang ang gusto ko, Siobe." Sagot ko. Bapabuntong hininga ito ng malalim na bakas ang lungkot at awa sa mga mata nitong nakatitig sa akin. Pilit akong ngumiti dito para ipakitang kaya ko pa. Kaya pa. "Kung gano'n, ipaglaban mo. Una siyang naging sa'yo. Bakit hindi mo ipaglaban ang sarili mo sa kanya, Vi?” wika nito. "Paano ko ipaglalaban ang sarili ko? Tignan mo nga ‘yong itsura ng girlfriend ni Migo. Nagmukha akong uhugin at madugis na bata kumpara kay Jasmine," sarkastikong saad ko. Napairap ako sa gawi nila Migo dahil patuloy pa rin silang masayang nagkukwentuhan at panakanakang hinahalikan din nito ang kamay ni Jasmine na hawak-hawak niya. "Hindi naman gano'n kakapal ang mukha ko, Siobe. May hiya pa rin naman ako," mahinang saad kong pumiyok sa bandang dulo. Parang may nakabarang bato sa lalamunan ko na hindi ko malunok-lunok. AKALA ko ay masasanay din ako sa nakikitang palaging date nila Migo at Jasmine. Pero nagkamali ako. Hindi masanay-sanay ang puso ko, ang mga mata ko na patuloy nasasaktan sa tuwing magkasama ang mga ito. Hindi naman kami makaalma ni Siobe dahil nakikiangkas lang kami kay Migo sa pagpasok at pag-uwi galing sa school. Kaya wala kaming choice kundi pumayag sa tuwing naglalambing itong samahan namin sila sa date nila ni Jasmine. Napanguso ako habang nakayuko dito sa swing. Nandidito kami ngayon sa cathedral na kalapit ng school namin, kung saan may mini playground dito na naging tambayan na naming apat magmula ng mag-on si Migo at Jasmine. Kahit pinipigilan ko ang luha ko ay lalo naman ang mga itong nag-uunahan sa pagtulo. Hindi naman nagbago ang pakikitungo ni Migo sa amin ni Siobe. Kahit kung paano ito maglambing sa akin. Mas nabawasan na nga lang ang oras nito sa amin dahil kay Jasmine. At kahit ikinadudurog ko ay nagagawa at nakakaya ko pa rin naman itong suportahan sa girlfriend nito dahil bakas dito kung gaano siya kasaya sa girlfriend niya. "Hi," ani ng baritonong boses sa harapan ko. Napaangat ako ng mukha sa nagsalita sa harapan ko. Nangunotnoo ako na mapatingala ditong nakangiti sa akin at hindi ko naman kakilala. "B-bakit po?" tanong ko. Ngumiti itong naglahad ng kamay kaya napatayo na rin ako at alanganing tinanggap ang kamay nito. "Kanina pa kasi kita nasulyapan, day. Isa akong beautician d'yan sa bagong bukas naming salon. Gusto ko sanang gawin kang model sa salon page namin," masiglang saad nito sa binabaeng tono. Kung titignan mo siya ay para siyang barakong-barako sa tikas niya lalo na sa pananamit na parang lalake lang din. "M-model?" alanganing ulit kong tanong na binawi na ang kamay ko dito. "Aha. Model," anito na tumango-tangong may malapad na ngiti sa labi. Napangiwi ako na napakamot sa ulo. Alanganing ngumiti dito at matamis siyang nakangiti sa akin. "Naduduling na ho yata kayo, Ma'am. Ako?" aniko na natatawa sabay duro sa sarili. "Ang mukhang 'to? Hwag na ho kayong mag-abala. Baka magsara kaagad ang salon niyo ‘pag ganto’ng mukha ang gagawin niyong modelo sa page niyo," naiiling biro ko. Napanguso naman itong tinitigan ako mula ulo hanggang paa. "Ikaw na nga, ‘yang looks mong ‘yan ang kailangan kong i-make-over para mas makilala ng bongga ang salon namin. Magtiwala ka, maganda ka, iha." Pambobola pa nito. Parang hinahaplos ang puso kong durog-durog sa compliment nito lalo na't kita ko naman sa kanyang mga mata ang sensiridad sa pagpuri nito sa akin. "Pumayag ka na, Vi. Hayaan mo silang tulungan kang ilabas ang totoo mong ganda. Konting hilod sa balat mo at conditioner sa buhaghag mong buhok eh malalagpasan mo na ang Jasmine na ‘yon," panunulsol ni Siobe sa aking sinang-ayunan ng kaharap namin. "E. . . wala po akong ipambabayad, Ma'am." Nakangiwing sagot kong ikinailing agad nito. "No no no, my dear. Hindi mo kailangan magbayad dahil–ako?" anito na tinuro ang sarili. "Ang salon ko ang magbabayad sa’yo." Sagot nito na napapapilantik ng mga daliri. "Talaga po!?" "Talaga po!?" Nagkatinginan kami ni Siobe na parehas ang naibulalas na ikinatawa ng kaharap namin na tumango-tango. "Aha. Para maniwala kayo sa akin, ladies? Tara sa salon namin d'yan sa tapat. Para masimulan na rin natin ang unang procedure ng makeover glow up mo--?" natigil itong nagtatanong ang mga mata. "Vivian po." "Vivian. Nice. Bagay sa'yo," anito na inakay na kami ni Siobe patawid ng kalsada. “E ikaw, anong pangalan mo, day?” tanong nito kay Siobe pagkatawid namin ng pedestrian lane. "Siobe po," pagpapakilala din nito na ikinangiti at tango nito. "Siobe. . . ako naman si Eric, pero Erica sa gabi," maarteng saad nito na ikinahagikhik namin ni Siobe. "So paano? Tara?" "Sige po," ani Siobe. "Tara," pagsang-ayon kong ikinangiti nito. "Hintayin mo lang, Migo. Kung kailangan kong baguhin ang nakasanayan kong anyo mapansin mo lang? Gagawin ko. Lahat gagawin ko, mapansin mo lang ako."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD