Hindi ko namalayan na tapos na pala ang gabi. Parang lumipas lang siya sa isang kisapmata. Lutang ako buong program, kahit sa gitna ng mga ilaw, tugtugin, at palakpakan. Lutang ako kasi alam kong naroon siya. Si Xandro.
Hindi ko siya kinausap. Hindi rin ako sigurado kung totoo ba siyang naroon o guni-guni lang ng pusong matagal nang nauuhaw sa kahit anong presensiya niya.
Hanggang sa tinawag ang pangalan ko.
“Congratulations to our Queen of SJ College... Hannah Lopez from the Tourism Department!”
Naghiyawan ang mga tao. Lalo na ang supporters ng department namin—mga kaklase, professors, at siyempre, sina Inay, Itay, Sanjoe at Arlene.
Pero sa gitna ng ingay, parang slow motion ang lahat sa pandinig ko. Wala akong marinig kundi ang t***k ng puso ko. Hinahanap ng mga mata ko si Xandro.
Wala siya. O baka naroon, pero tinatakpan ng damdamin kong magulong-magulo.
Pagkatapos ng awarding, lumabas kami ng venue. Inay at Itay agad ang sumalubong. Si Arlene, siyempre, daldal agad.
“Grabe ka, bes! Hindi mo lang ginandahan, kinabog mo silang lahat!” sabay sabit ng sash sa balikat ko, kahit suot ko pa ang gown ko.
“Ang ganda mo anak, parang prinsesa,” dagdag ni Inay habang pinunasan ng panyo ang mukha kong may konting pawis. “Sobrang proud kami ng Itay mo. Halos mapasigaw nga ‘to kanina!”
Napangiti ako. Pero ramdam ni Sanjoe ang iba.
Tahimik lang siya sa gilid. Pero ‘yung tingin niya… alam ko. Kilala niya ako. Ramdam niya kapag may bumabagabag sa’kin.
Nag-offer siyang ihatid kami. Hindi na tumutol sina Inay, lalo na’t late na at hirap akong maglakad sa heels ko. Inihatid muna namin si Arlene, tapos kami na ang dumiretso sa bahay.
Nauna nang pumasok sina Inay at Itay. Ako, naiwan sa harap ng gate kasama si Sanjoe.
Tahimik kami sandali.
Hanggang sa siya na ang bumasag sa katahimikan.
“Hannah…” sabay hawak sa kamay ko. Mainit ang palad niya, pero malamig ang ihip ng hangin. “Masaya ako para sa’yo. Proud ako. Pero ‘di ko mapigilang mainis kanina…”
Napakunot-noo ako. “Bakit?”
“‘Yung mga lalaking sumisigaw ng pangalan mo. Paulit-ulit. Para silang mga uhaw na gustong sunggaban ka. At ako… wala akong karapatan kahit magreklamo.”
Huminga ako nang malalim. Pilit kong iniwasan ang mga mata niya.
“Sanjoe… alam mo na kung nasaan tayo. Hindi ko na kailangang ulitin ‘di ba?” mahina kong sabi.
“Alam ko. Pero ilang taon na rin akong naghihintay ng sagot, Hannah. At kahit isang salita, wala ka pa ring sinasabi.”
Napatingin ako sa kanya. May kirot sa puso ko. Ayokong saktan si Sanjoe. Isa siyang mabuting lalaki. Maalaga. Matalino. Responsable. Lahat na yata. Pero hindi siya si Xandro.
“Please, Sanjoe. Hindi sa’yo ang problema. Ako. Ako ‘yung hindi buo. Hindi ko kayang magpanggap. Ayokong paasahin ka.”
“Hindi ba pwedeng subukan natin? Kahit isang hakbang lang?”
Umiling ako. “Baka lalo lang kitang saktan.”
Tahimik siya. Tumango lang. Pero kita sa mata niya ang lungkot.
“Pumasok ka na, baka giniginaw ka na rin,” sabay tanggal ng coat niya para isuklob sa akin. Pero tumanggi ako. Umalis akong hindi lumilingon.
Pagdating sa kwarto, hindi pa rin ako mapakali. Binuksan ko ang bintana. Tumingala ako sa langit. Wala kaming kisame, kaya diretso ang tanaw sa bubong—at sa mga bituin.
Pero kahit ang langit, parang malungkot.
Biglang nag-vibrate ang cellphone ko. Isang text.
"Babe, please lumabas ka." – X
Napaupo ako bigla sa kama. Para akong nabuhusan ng malamig na tubig—o baka mainit. Hindi ko maipaliwanag.
"Xandro? Hindi pwede. Bukas na lang tayo mag-usap. Baka makita ka nina Itay."
"Hihintayin kita. Kahit hanggang umaga."
"Ano ba, Xandro. Ala-una na ng madaling araw."
Wala na siyang reply.
Pagkalipas ng ilang minuto, bumuhos ang malakas na ulan. Parang kasabay ng bigat ng dibdib ko.
Tumayo ako. Hindi ko mapigilang silipin ulit ang bintana. Sa ilalim ng punong kahoy malapit sa kalsada, may bulto. Tao.
Hindi ko na kinaya. Lumabas ako. Tahimik kong binuksan ang pinto, bitbit ang payong.
At ‘di ako nagkamali. Nandoon si Xandro. Basang-basa.
“Xandro! Ano bang ginagawa mo dito?!” halos pasigaw kong tanong. “May kotse ka naman! Bakit ‘di ka sumilong?!”
Tumingin siya sa akin, walang imik. Pero ‘yung mata niya… puno ng emosyon. Lungkot. Saya. Takot. Lahat na.
Bigla niya akong niyakap. Nabitiwan ko ang payong. Basang-basa kaming dalawa.
“Xandro…”
Hinila niya ako papasok sa kotse. Binuksan ang heater. Tahimik kami. Parehong nanginginig—hindi sa lamig, kundi sa bigat ng damdamin.
“Sorry, nabasa ka na rin,” mahina niyang sabi. “Pero Hannah… salamat. Salamat kasi lumabas ka.”
Hindi ako makatingin sa kanya.
“Xandro, hindi kita maintindihan. Lilitaw ka, tapos bigla kang mawawala. Para akong laruan sa oras mong walang ginagawa.”
“I’m sorry. Alam kong wala akong karapatang magpakita ngayon. Pero mahal kita, Hannah. Hindi ko kayang palampasin na hindi kita makita ngayong gabi. Hindi mo alam kung gaano ako ka-proud kanina.”
“Hindi ‘yon sapat.”
Napayuko siya.
“Hindi ko alam kung kaya kong ibigay ang sarili ko sa isang tulad mo, Xandro. Baka pagsisihan mo lang. Iba tayo ng mundo. Baka ako lang ang challenge sa’yo. Pagkatapos mo akong makuha, iiwan mo rin ako.”
“Bullshit,” biglang sabi niya sabay hampas sa manibela. Nagulat ako.
“Hannah, hindi ako gano’n. Oo, nagkamali ako noon. May mga nasaktan akong babae—pero wala akong pinangakuan. Ikaw lang. Sa'yo lang ako naging totoo.”
Tahimik ako. Pero ang puso ko… umaalingawngaw.
“Kung hihilingin mong umalis ako, aalis ako. Pero hihintayin pa rin kita. Kahit ilang taon. Kahit matapos ka na sa college. Kahit walang kasiguraduhan.”
Nag-init ang mata ko. Hindi ko na napigilan ang luha.
“Handa kang maghintay?” mahina kong tanong.
Tumango siya. “Handa ako. Basta ikaw.”
Bigla niya akong hinalikan. Hindi basta halik. ‘Yung halik na parang gusto niyang ipasa lahat ng emosyon niya sa akin—lungkot, takot, pagmamahal. At hindi ko alam kung bakit… pero sinagot ko ang halik niya. Buong puso.
Pagbalik ko sa bahay, tulog pa rin sina Inay. Hindi nila napansin ang pag-alis ko. Pagpasok ko sa kwarto, nanginginig pa rin ako—pero hindi na dahil sa lamig. Kundi sa init ng damdaming hindi ko inaasahang mararamdaman ko pa ulit.
Humiga ako. Tumitig sa kisame na wala naman talaga. Langit lang. Parang sumasayaw ang ulan sa bubong namin.
Biglang tumunog ang phone.
"Good night, Hannah ko. Hihintayin kita, kahit gaano katagal. – Love, X"
At doon, tuluyan na akong umiyak. Hindi ko alam kung sa tuwa, sa takot, o sa pag-asa. Pero isang bagay ang malinaw—hindi pa ito ang katapusan.
Simula pa lang ‘to ng isang kwentong hindi ko alam kung saan hahantong.
Pero sa gabing ‘yon, sa gitna ng ulan, luha, at halik…
Nagising muli ang pusong matagal nang natulog.