Chapter 2

4345 Words
ANIM NA ARAW NA ang nakalipas mula nang mangyari sa akin ang bangungot na iyon. Pumapatak na ang oras pero wala man lang ni isang milagro ang nangyari sa amin. Ni hindi ko alam kung makakalabas pa ako ng buhay rito sa lugar na ito. Medyo hindi na rin masakit kahit papaano iyong sugat at pasa ko. Pero nandoon pa rin iyong bahagyang hapdi kapag nasagi ito. Hindi nga lang katulad noong una na parang bubuka iyong mga sugat ko sa tuwing gagalaw ako. Kinuha nila kasi ako noong nakaraang araw. Ginamot ni lalaking may aretes iyong pasa ko. Akala ko pa nga noong una ay pagsamantalahan niya ako. Kesa hindi ba sa mga palabas uso iyong mga ganon. Na gagamitin muna iyong babae bago ibigay sa bagong amo? Tuwing naiisip ko iyong mga ganoong senaryo ay abot langit ang kaba ko. Todo takip pa ako sa katawan ko noong oras na iyon. Paano, hindi ko na mabilang kung nakailang ulit ako sa pag - iisip ng ganon. Basta nalang niya ako hinatak doon sa kulungan. Ni wala siyang ibang sinabi. Kinuha lang niya ako, pinalabas, inaalalayan lumakad. Dumaan ang ilang segundo ay sinampay na niya ako sa kanyang balikat. Ikaw ba naman parang lantang gulay. Mahapdi igalaw iyong sugat ko sa panahon na iyon kaya wala talaga akong lakas para maglakad. Nahalata niya siguro iyon kaya binuhat na niya ako. Iyon nga lang nakuha ko pang sumigaw bago ako makarating sa kabilang kwarto. Sino bang hindi matatakot. Basta lang niya akong pinalabas. Iyon pala ay gagamutin lang niya ako. Muntik pa ako sampalin ng gagong iyon dahil sa bunganga ko. Sinipat ko iyong latay ng latigo na kanang braso ko. Nakita kong may dumikit na dumi at buhangin. Hinihipan ko iyon. Tinanggal ko rin ng dahan - dahan iyong ibang nakadikit. Nang makita kong medyo okay na ay napatingala ako. Nahaplos ko iyong buhok ko. Hindi ko na kasi alam kung paano ako tatagal sa lugar na ito. Isa sa mga kasamahan ko rito ay nakaalis na sa kulungan. Tikop ang aming bibig at tainga nang pwersahan siyang kinuha sa kuwartong ito. Maging ako ay hindi na umimik. Masama man ang ginawa ko sa oras na iyon ay mas pinili ko nalang na manahimik at hindi na manlaban sa oras na iyon. Hindi pa nakabawi ang katawan ko mula sa latigo. Ayaw ko munang madagdagan ang pasa ko kaya naging duwag ako sa panahong iyon. Kahit nagmamakaawa man na humingi ng tulong sa amin ang dalagang nagsumbong sa akin. Mas pinili ko nalang na maging pipi. Sarili ko na ang iniisip ko sa oras na iyon. Kung saan man siya dinala ay hindi ko na alam. Dalangin ko lang sana ay mabili nalang siya kaysa patayin. Mas gusto ko pang mabili nalang siya ng mga mayayaman kaysa katayin siya ng parang hayop sa kamay ng kalbong iyon. Oo, ganito ang nasa isip ko. Alam ko ang kinahahantungan namin ngayon. Masama man pakinggan pero mas gusto ko pang mabili nalang siya. Para kahit papaano ay makaranas man lang siya na maging mayaman. Oo, alam kong may pwersahan pa ring magaganap pero kung gusto mo pa talaga mabuhay sa mga ganitong sitwasyon. Wala ka talagang ibang magagawa kung hindi makiayon sa agos ng buhay. Hula ko pa nga ay kakatungtong pala niya ng dise - otso. Kawawa nga siya kung tutuusin. Kay bata niya pa para makaranas ng dahas. Na kung tutuusin ay sa ganoong edad ay nag - aaral pa sana ang katulad niya. Sa ganoong mga edad ay madalas sa kanila ay pinuproblema ay ang grades at ang project. Kung hindi man ay jowa nilang nowhere to be seen. Kung may pag - asa lang sana na may magliligtas sa amin sa sitwasyong ito ay hindi ako makapagbitaw ng ganitong salita. Kaso naalala ko, may takip pala ang mata ng mga pulis kapag hinainan na sila nang sanlimpak na pera. Hindi ko man nilalahat, pero madalas talaga sa kanila ay ganoon ang gawain kapag may mataas na posisyon ang nakaharap nila. Kay sarap din sanang isipin na sana lahat ng pulis ay hindi ganoon ang mentalidad. Kaso pera na ang pinag - uusapan. Sa hirap ng buhay ngayon, halos lahat ay hindi tatanggi sa pera. Kaya iniisip ko, sinong Ponciong Pilato ba ang magliligtas sa amin? Mukha lang ang ambag namin dito. Nakasangla na nga lang sa hinayupak na kalbong iyon. Peste! Napatingin ako sa tatlo ko pang kasamahan. Sa aming lahat, ako lang ang gising sa oras na ito. Napapikit ako. Pambihira! Kahit oras man lang ay hindi ko alam. Hindi pa pumasok iyong kalbo rito. Buti nalang at may kaunti pang natirang kabutihan sa hinayupak na iyon. Sumasagot kapag tinatanong ko kung anong oras na. At ang mga kumag, pinailaw na rin ang bombilya rito. Buti tinubuan ng konsensiya. Dahil kung hindi, baka masanay na iyong mga mata namin dito sa dilim. Isa sa mga kasamahan ko ay kapareho kong nakasandig sa semento. Katulad ko rin ay nakabuhaghag na rin ang buhok nito na napansin kong may pagkakulot. Nakapusod naman ito pero may hibla pa rin nakatakas. Nakaupo rin siya sa sahig. Nakasandal sa pader ang ulo niya at ang mata niya ay natabunan na nang buhok. Nakabukaka pa iyong dalawa niyang paa. Tinitigan ko siya nang mariin. Wala ba siyang balak mag - iba ng pwesto? Alam kong tulog siya pero ako iyong nangangalay sa posisyon niya habang natutulog. Iniwas ko na ang paningin ko. Bahala siya, total katawan din naman niya iyan. Napatingin ako sa gilid ko. Hinanap ng mga mata ko iyong pinagkainan ko kanina. Magkatabi ko kasing nilapag ang mga iyon, kasama na rin ang inumin ko. Nang makita ko na ito na nasa aking kaliwa ay napataas ang kilay ko. Sa totoo lang, nauuhaw ako. Gusto kong uminom ng tubig pero iyong tubig na para sa akin ay wala ng laman. Meron pa sanang natira kanina na kalahati. Hinawakan ko iyong botilya ng tubig na sana ay para sa akin lang. Diniinan ko iyon nang hawak at saka ay tinignan. Malamang may uminom nasa share ko. Nakatulog kasi ako at hindi ko namalayan na may gumalaw pala sa tubig ko. Napabuntonghininga ako. Tubig na nga lang ang masasandalan ko, inagawan pa ako. "Pst." Nahiwalay sa botilya ang paningin ko. Hinanap ng mga mata ko iyong pinanggalingan ng ingay. Binalingan ko iyong dalawang babae na natutulog. Malabo naman na sila ang may gawa niyon. "Pst." Napadpad ang paningin ko sa babaeng pinagmasdan ko kanina. "Uhaw ka?" tanong niya sa akin. Medyo nag - aalangan pa ako noong una na sagutin siya. Kung hindi ako nagkamali. Siya ang unang babaeng nakapag - usap sa akin simula nang makulong ako rito. Tumango ako. "Medyo." Napatingin ako sa hawak ko. "May laman pa kasi ito kanina. Hindi ko alam kung sino ang gumalaw." "Oh!" Binato niya sa akin ang botilya niya. Sa takot na matamaan ang pasa ko ay mabilis ko itong sinambot. Napatingin ako sa kanya nang makuha ko na ito. "Inumin mo." Iniwas na niya ang paningin sa akin. "Nauhaw iyong isang babae kanina." Tinuro niya iyong babaeng nakahandusay sa may kanan niya. "Kinuha niya iyang tubig mo. Pagpasensiya mo na. Baka hindi na niya nakayanan at kinuha niya ang tubig mo." Napatango ako kahit may gusto pa akong sabihin. Sinasarili ko nalang. Binuksan ko iyong botilya at saka ako tumingala. Nanginginig pa iyong kamay ko habang marahan kong binubuhos iyong tubig sa bibig ko. Hindi ko kasi iyon tinungga. Nakakabastos kaya iyong magsalitan kami ng laway. Binigyan na nga niya ako siya pa ba ang mag - aadjust. Nang matapos ay kaagad ko iyong tinignan kong nasa kalahati pa ba ang likido. Nang makita kong okay na ay kaagad ko iyon sinara at binato pabalik sa kanya. Nasambot naman niya iyon kaya napanatag na ako. Nagtira ako kahit papaano. Imposibleng hindi siya uuhawin mamaya kaya hindi ko inubos ang laman. Ayoko magmukhang patay - gutom. Lalo na't kami lang ang nandito. Kailangan namin magtulungan dito gusto pa namin maka - survive. "Salamat sa tubig," sinsero kong ani sa kanya. Tumango siya. "Hmmm. Wala iyon." Umalis siya sa kanyang pagkakasandal at umayos ng upo. Pinagkrus niya ang kanyang mga binti. Pinatong naman niya sa tuhod ang kamay niya. Ngayon ko lang nasipat nang maayos ang itsura niya. Inayos niya kasi sa pagkakatali ang kanyang buhok. Parang biglang nanubig iyong bibig ko. Posibleng ba itong ganito? Alam ko naman na may babae talaga na mapapalingon ka sa ganda nila. Iyon bang mga tipong nasa kanila na iyong lahat. Ilang beses na akong nakakita nang ganoong mga tipo sa pinagtrabahuan ko. Pero itong babaeng ito. Teka muna. Napatagilid ko iyong mukha ko. Habang inoobserbahan ko siya ay napagtanto kong may punto ang iniisip ko. Babae siya. Oo, babae pero ito iyong tipong babae na mapapaisip ka kung anong kasarian ang niyayakap niya. Siya iyong tipong mga babaeng ang angas gumalaw at manamit. Katulad ngayon. Nakasando lang siya na kulay brown kaya lumantad iyong tattoo niya sa kaliwang braso. Kung hindi ako nagkamali, mahilig magsuot ng mga army necklace iyong mga babaeng katulad niya. Basta iyong mga kwentas na mataas. Pagkatapos niyang ayusin iyong buhok niya ay may nakita akong kakaiba. Saka ko lang nalaman na naka - under cut pala siya. Pina - blade pa niya iyong nasa baba ng magkabilang tainga niya nang kurting kidlat. Muntik na akong mapasipol kung hindi ko nakabig iyong sarili ko. "Nice haircut." Komento ko sa kanya sabay tango. Napahawak siya sa kanyang ulo. Pagkatapos ay napatingin sa akin. "Thanks." "Bagay sa'yo." Napangiti ako pero dahan - dahan kong winala iyon. Baka kako maweweirduhan siya sa inaasta ko. "Oh?" manghang sagot niya sabay tango sa akin. "Trip mo?" Ayaw ko na sanang humaba ang usapan kapag ganito ang topic. Minuwestra ko nalang iyong kanang kamay ko. Pinabilog ko iyong dalawang daliri ko at pinatayo iyong natirang tatlong daliri. "Ganyan sana ang hair cut ko kung walang magagalit sa akin." Doon napataas ang kilay niya. "At sino naman magagalit? Lalaki?" Ngumiti lang ako. "Akala ko natutulog ka," pag-iiwas ko sa usapan. Napatingin ako sa dalawang natutulog. Baka nalakasan ko iyong boses ko at maistorbo ko iyong tulog nila. Naisip ko baka mainis sila at magreklamo. May ganoon kasing tao na kaunting kaluskos lang ay maiingayan na kaya todo alala ako. Buti naman ay parang wala lang sa kanila. Hindi naman sila gumalaw o nag - iba ng posisyon. "Medyo pero mababaw lang." Tinuro niya ang bote. "May narinig kasi ako kanina na ingay kaya nagising ako." Napangiwi ako." Sorry." Blangko siyang tumingin sa akin. "Nainis ka." Napakurap ako sa sinabi niya. Papaano niya nalaman iyon. "Nakita mo?"takang tanong ko. "Hindi naman." Nagkibit - balikat siya. "Hinulaan ko lang." Tinuro niya ang bote na nasa kaliwang banda ko. "Hindi naman siguro mayuyupi iyan kung hindi mo diniinan nang hawak." Natagilid ko iyong mukha ko sa pagkamangha. Nahalata niya pala iyon? Napatingin ako sa bote. Hindi naman masyadong nakayupi iyon pero nalaman niyang diniinan ko nang hawak kanina. Pero sabi niya ay nagising siya sa ingay. Siguro masakit sa tainga iyong ginawa ko kaya nagising siya. Napalakas ata iyong pagkahawak ko, lalo pa at natures spring bottle ang pinisa ko. Sobrang lambot lang ang bote na iyon at sarado lahat dito sa kuwarto. Nakagat ko iyong ilalim ng labi ko. Paniguradong napalakas ang echo ng ginawa ko. "Sorry ulit." "Tch. Nakadalawang sorry kana." "A-ano... Ahm--" Nakagat ko ilalim ng pang - ibabang labi ko. "Ayaw ko kasi sa lahat ay iyong ginagalaw iyong akin nang walang pahintulot." "Halata naman na. Pero paano ba iyan." Napatingin siya sa kasamahan natin."Preso tayo rito." Napabuntonghininga ako. Tama siya. Ano pa ba ang magagawa namin. Preso lang kami rito. Kung magrereklamo pa kami, makakatikim lang kami ng sakit. "Tiyagaan mo nalang muna. Malay mo, makalabas na tayo rito," sabi pa niya. Nagliwanag ang mukha ko. Pero nang maisip ko kapag nakalabas kami rito ay biglang nawalan ako nang pag -asa. "Makakalabas nga tayo rito pero hindi naman natin alam kung mabubuhay pa ba tayo." Malungkot akong ngumiti sa kanya sabay iwas ng tingin. "Huwag mo munang isipin iyon. Isipin mo muna kung paano tayo makalabas dito," sagot niya sa akin. "Ipagdasal mo na sana ay may titingin ulit sa atin." Doon napukaw ang atensiyon ko. Tama siya. Kapag may titingin sa amin, ibig sabihin may gustong bumili sa amin. Makakalabas kami rito nang mas mabilis. Iyon lang ang tanging pag - asa na meron kami. Pero kapag nakalabas ako rito. Ayoko naman na may mag - aangkin sa akin. Gusto ko bumalik sa tinitirhan ko. Sa bahay ko. "Ayaw kong magpabili." Napailing ako." Hindi pwede. May nag- aantay pa sa akin." "Kung ako sa iyo ay piliin mo nalang iyon kaysa magkahiwalay iyang katawan mo," suhestiyon pa niya. " Napailing ako. "E-ewan ko." Napatingin ako sa paligid ko. "Baka naman may iba pang paraan." Nakagat ko iyong kuko ko. "B- baka may lagusan dito na tinakpan nila. Hanapin natin." "Malabo." Ngumuso siya sa pader. "Tignan mo nga iyang nakapalibot sa iyo. Iyang bintana na iyan." Tinuro niya ito. " Iyan lang ang butas na meron dito. Maniwala ka sa akin. Mas mauna ako kaysa sa'yo rito." Napabuntonghininga ito." Kinapkap ko na isa - isa ang mga iyan. Wala ka talagang makikita na ibang butas. Kung ayaw mong maniwala. Sige, subukan mo. Hahanga ako sa iyo kapag may nakita kang ibang lagusan maliban sa bintana na iyan." Napabusangot ako. Gusto ko lang naman makalabas pero ang bakit ang dami na niyang sinasabi. Nag- susuggest lang naman ako kung ano ang pwede naming gawin. Mababaliw ako kapag mas lalong napatagal ako rito. Hindi ko na alam kung ano na ang kalagayan ni Nathaniel ngayon. Namimiss ko na siya. Baka wala na iyon makain doon. Baka iniisip niya na nilayasan ko na siya at iniwanang mag - isa. Huwag naman sana. Paniguradong hindi na iyong mapakali. Nagsimulang namuo sa gilid ng mata ko ang luha. Hindi pa man iyong pumatak ay pinunasan ko na iyon. Tumagilid ako nang kaunti; nagbabasakaling hindi mahalata nang nakausap ko ang pag- iyak ko. "Oo nga pala." Pagsimula ko ulit. "Anong pangalan mo?" Nakita kong natigilan siya. Iniwas niya pa ang paningin niya sa akin. Mayamaya pa ay tumikhin siya sabay harap ulit sa akin. "Ano, ahmm." Naikiskis niya iyong dalawang palad niya sa kanyang hita. " Ahmm-- " Napataas ang kilay ko sa kanya. Huwag nalang siguro. Baka nabigla siya na tinanong ko iyong pangalan niya. Baka ayaw niyang magpapakilala. "Okay lang kung ayaw mo." "Ha? Hindi no... Kuan .."Ikinikiskis na naman ang palad niya pero sa pagkakataong ito ay iyong dalawang palad na niya ang ipinangkiskis. "N- N- Nathalia, Nathal-ia! Iyon! Iyon ang pangalan ko!" Hindi kaagad ako nakatugon. Pangalan lang iyong tinatanong ko pero ang dating sa kanya ay parang buong sikreto na ng angkan. Mahirap na ba sabihin ang pangalan ngayon. "Nabigla lang ako," dugtong niya. "Ano kasi, sa pinagtrabahuan ko. Nasanay akong kilala nang lahat, ganon." Dahan - dahan akong napatango. "K-kaya pala." "Hmmm. Ikaw? Anong pangalan mo?" Napatingin ako sa mga mata niya." Elena," pagtugon ko. Nilahad niya iyong kamay niya sa akin. "Ikinagagalak kitang makilala." Nag - aalangan pa ako noong una na tanggapin iyon. Bukod sa masakit pa ang sugat ko ay natatakot din ako. Pero naisip ko na baka mag - iba iyong pakikitungo niya sa akin kaya nakipagkamay nalang ako. Dahan - dahan kong inabot ang kamay niya. Sinusubukan ko rin na huwag ngumiwi. Kailangan ko pa kasing bumaliktot nang kaunti para maabot ko iyong kamay niya. "A- ako rin." Binawi ko kaagad ang kamay ko kaya napatawa siya. "Masyado bang madumi ang kamay ko?" "H-hindi nu. G-gusto ko lang bawiin k- kaagad, ganon." Napaamang siya. Sabay kaming napalingon sa pintuan nang marinig namin ang pagbukas ng isa pang pinto. Sumunod niyon ang tinig nang isang yapak ng tao. Nagkatinginan kaming dalawa. Sumungaw sa maliit na bintana iyong mukha ni Kalbo. Naalala ko tuloy iyong paglatigo niya sa akin. Dalawang beses lang iyon pero parang kinagat ng isang batalyong langgam ang epekto niyon. Hanggang ngayon ay masakit pa ang mga pasa ko. Ni hindi ko pa nga magalaw ng kusa ang katawan ko sa takot ko na bubuka iyong nasa likod ko. Binuksan niya iyong pintuan. Sa takot ng mga kasamahan ko ay dali - dali silang bumangon at sumuksok sa gilid. Kami lang ni Nathalia ang hindi natibag mula sa pinag - upuan namin. Naglikha iyon nang napakatulis na ingay. Ayon na naman ang hukluban. Parang kung sino the almighty ang tirada na nakatayo sa b****a ng pintuan. Kung hindi lang niya ako sasaktan ay lumapit na ako sa kanya para tadyakan iyang itlog niya eh. Kasura iyong itsura parang parating naliligo sa mantika ng baboy iyong mukha. "Hoy ikaw! Tumayo ka," sabi niya sa amin. Nilaruan ng dalawa niyang kamay iyong mga susi. Nakatuon din ang paningin niya roon kaya hindi ko alam kung sino iyong tinatawag niya. Nilingon ko naman si Nathalia. Nagtatanong iyong mga mata ko kung sino iyong ipinupunto ni hukluban. Nagkibit- balikat lang siya. Pagkatapos ay tumingin siya sa likod namin. "Hindi ka naman siguro bingi ano," dugtong pa niya. Saka tumingin sa akin. Tinuro ko iyong sarili ko." A-ako ba?" "Malamang! Sino pa ba?" pagalit na sagot niya sabay pameywang. "Ano? May angas ka na ngayon? Baka nakulangan ka pa sa latigo ko?" Napakagat ko iyong ilalim ng labi ko. Saka ako napatingin sa sahig. Asan ang sinasabing niyang angas doon? Hayop na lalaki. Kahit na nanginginig ang katawan ko ay sinikap kong hindi ipakita sa mga kasamahan ko ang takot ko. Kaso traydor ang katawan ko. Pagkatukod nang dalawa kong kamay sa sahig para humugot nang lakas ay kusang nanginig ang mga braso ko. Nawalan ako nang balanse kaya napahiga ako sa sahig. Kaagad naman lumapit si Nathalia sa akin para tulungan ako. "Aba! May takot ka rin pala. Nasaan na iyong sinabi ni Bogart na matapang ka raw?" Napahalakhak pa siya. Nanlamig ang katawan ko. Iba ang epekto sa akin ng tawa niya. May naalala ako sa nakaraan ko kaya nagdilim ang paningin ko. Parang biglang akong tinakasan nang lakas dahil lang sa tinig na iyon. Ang pagtawa ni Kalbo ang siyang dahilan kung bakit naalala ko ang karanasan na iyon. Umeecho sa tainga ko ang tawa niya dahilan para maalala ko iyong taong nang - iwan sa akin ng peklat apat na taon na ang nakararaan. Lumugdo nang napakabilis ang puso ko dahil sa ala - alang iyon. "Ele--- tsk." Malakas na tinapik ni Nathalia ang pisngi ko. "H- Hoy, Inday! tayo!" Pagpukaw pa niya dahilan para maputol ang ala - ala na iyon. Dahan - dahan akong tumayo kahit na alam kong kailangan ko pa nang tulong. Alam ko ang nangyayari sa akin ngayon. Isa ito sa pinakatakutan ko. Ayaw ko rin na may nakakita sa akin sa ganitong estado. Kaya pinilit kong tibayin ang katawan ko kahit na tinatraydor ako nang isip ko. "Ano? Hindi mo pa kaya? Aba! Tayo ineng dahil may bisita ka!" Pagsigaw pa ni Kalbo. Kinalabog pa niya iyong bakal na pinto kaya mas lumugdo ang puso ko. Hudyat din iyon para tuluyang dumilat ang mga mata ko. Napatingin ako kay Nathalia. Tinanguhan niya ako at sinubukan akong itayo. Lito man ang isip ay sumunod ako kay Nathalia. Una kong itinukod ang aking mga paa sa sahig. Nang maramdaman ko ang pagkawalan ng lakas niyon ay napatingin ako kay Nathalia. Napalakas ang pagkahawak ko sa kanya dahilan para muntik na naman ako mawalan ng balanse. Kung hindi lang siya naging maagap baka kaming dalawa na ang napabulagta sa sahig. Pagkalapat nang dibdib ko sa kanyang ang braso ay nahalata niya ang malakas nang pagtibok niyon. Dahilan para namilog ang mga mata niyang napatingin sa akin. Pero iyong mga mata ko ay nagsimula na namang lumikot. Lalo na nanang mahagip ng mga mata ko ang mukha ni Kalbo. Ang pag - ekis ng kilay at pagpameywang niya. Iba ang dulot sa akin. Parang sinasabi na naman niyang malilintikan na naman ako. Na baka makakatikim na naman ako sa kanya kung hindi ako sumunod. Nag - iba na naman ang pakiramdam ko. Nahalata iyon ni Nathalia kaya niyugyug niya ang balikat ko. "Boss, baka pwedeng ako nalang ang magpalabas sa kanya," mahinahon niyang pakiusap kay kalbo. "Medyo nanginginig pa iyong tuhod niya eh. Baka kako hindi niya makayanang maglakad mag - isa." "Anong magpalabas? Aakayin mo iyan? "Tinuro niya ako. "Aba! Hindi pwede! Ano iyan special treatment?" "Kaysa madapa po iyan sa unahan, Boss," pangatarungan pa ni Nathalia. "Sige ka. Baka hindi na siya kukunin." "Ay, hindi!" Lumapit si Kalbo sa akin. Marahas niyang kinuha ang braso ko na hinawakan ni Nathalia." Umayos ka! Tonta!" Nang sinubukan kong tumayo ay wala talaga akong lakas. Muntik na naman akong mapasubsub. Nasambot nga lang ako ni Nathalia kaya nakabitin sa ere ang kalahati ng katawan ko. Sasampalin na sana ako ni Kalbo pero iniwas ako ni Nathalia. Sumigaw rin iyong dalawang babae na kasama namin. Napatigil sa ere ang kamay ni Kalbo. "Boss, huwag na po. Kita na nga pong takot na eh." "Huhmm! Dapat lang!" "Oo na boss." Narinig kong umimpit na rin ang boses ng kasama namin na nasa likod. Itinago ko nalang iyong ulo ko sa likod ni Nathalia. Para kahit papaano ay maikalma ko na ang sarili ko. "Boss! Promise. Hindi po ako tatakas. Tutulungan ko lang po itong babaeng ito." "Ha! Kung hindi ko lang alam na pinaparusahan ka ng kapatid mong si Bogart ay hindi kita pagkakatiwalaan." Doon napamulagat ang mga mata ko. "Oh sige! Alalayan mo iyan! Kapag iyan nakatakas alam mo na ang mangyayari sa iyo." "Yes, Boss." "Huhmm!" "Halika na." Naramdaman kong hinila ako ni Nathalia. Napilitan akong magpatangay sa kanya. Pagkalabas namin ng kuwarto ay kusang umangat ang ulo ko. Pinilit kong humiwalay kay Nathalia pero hinigpitan niya ang pagkakahawak sa bewang ko. Napatingin ako sa paligid ko. Nang sinubukan ko na naman ilayo ang katawan ko sa kanya ay inawat na naman niya ako. Pinasampay niya pa sa kanyang leeg ang braso ko. "Boss, Saan po natin siya ilalagay?" "Paliguan mo iyan. Bigyan mo nang bagong damit. Kailangan maayos ang itsura niya bago humarap sa bisita natin." "Narinig mo iyon, Inday?" Pukaw ni Nathalia sa akin. Ngumisi siya nang nakakaloko. Nakurot ko ang bewang niya dahil sa galit. Tinulak ko na siya nang pagkalakas. Nakita ko na siyang ngumiwi. Nakita ko na siyang masaktan. Pero ang lintek! Hindi niya pa rin niya ako binitawan. Peste! Gusto kong umalis! Gusto kong tumakbo! Nagsisimula na namang sumungaw sa mga mata ko ang aking luha. Gusto ko ring sumigaw pero pagod na ako. Nasa harap lang namin si Kalbo. Gusto ko lang makaalis sa yakap ng babaeng ito. Gusto kong magwala! Potang - ina! Hindi ako nagkakamali sa narinig ko kanina. Itong babaeng ito? Kapatid ni Bogart? Peste! Huwag lang nila sabihin na iyong Bogart ay iyong kasamahan ni Kalbo! Dahil kung totoo man ang hinala ko. Napapikit ako. Kung totoo talaga iyon. Ang laking tanga ko na babae. "No problema, Boss! Ako na ang bahala,"sabi pa ni Nathalia. "Sige." Humarap sa amin si Kalbo. Napatigil kami sa paglalakad. Tinignan niya pa kami ng mariin. "Dalhin mo na siya sa paliguan. Dapat mabango ang babaeng iyan. Naintindihan mo?" "Oho, Boss!" Inakay na niya ako pero nagmamatigas pa ako. "Dali na." Hinila na niya ako. Gusto ko pa sanang magprotesta pero nakatingin pa si Kalbo sa amin. Nagpanggap nalang ako at sumunod na rin ako sa umakay sa akin. Noong naalala ko naman iyong pinag - usapan namin ni Nathalia kuno. Napatingin ako sa kanya. Parang gusto kong suntukin iyong ulo ko. Nakaraan ang ilang minuto ay nakarating na kami sa banyo. Pumasok kami ni Nathalia roon. Dumiretso kami sa kaliwang bahagi ng cr. Pagkabukas niya ng pinto ay bumungad sa amin ang isang bath tub na may kalumaan na ang kulay. Pinaupo niya ako roon. Sinubukan niyang hubarin ang damit ko pero winaksi ko iyong kamay ko. Tagis ang bagang na tinignan ko siya. "Huwag mo akong hawakan!" gigil na utos ko. "Woah, chill!" Itinaas niya ang kanyang mga kamay. "Niligtas na nga kita ah." Nalukot ang kilay ko."Niligtas?" Tumayo ako kahit na hirap na hirap ako. Nakipagpantayan ako ng mukha sa kanya. "Pinaikot mo kamo." "Tch." Pinag - krus niya ang kanyang mga braso. "Nahimasmasan ka na pala." Umangat ang gilid ng labi ko. "Ano kamo?" "Huwag ka nang magpanggap." Pinagpagan niya ang balikat ko na para bang may dumi roon. "Alam ko ang nararamdaman mo kanina. Kaya kung ako sa'yo. Huwag kana makipagtigasan." "Ah ganon?" Humakbang ako ng isang beses. "Eh kung ganoon?" Tinignan ko siya sa mata." Ano? Isusumbong mo ako? Kakaladkarin mo ako, ganon?" Tinulak niya ako dahilan para mapaatras ako. "Huwag mo akong angasan." Blangko niya akong tinignan. "Huwag mo akong pakitaan ng tapang mo dahil alam kong balat - kayo lang iyan." Parang binuhusan ako ng isang timba na puno nang naglalakihang mga yelo. Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Walang lumabas na tinig mula sa bibig ko. "Ano, natahimik ka?" Gamit ang isang daliri ay diniinan niya ang kanang balikat ko. "Huwag ako. Ganito man ang itsura ko. May alam ako tungkol sa mga taong katulad mo. Kaya kung ako sa iyo." Buong pwersa niyang pinahubad sa akin ang blosa ko. Napangiwi ako sa ginawa niya. "Sumunod ka nalang." Tumalikod siya. Binuksan niya ang pintuan. Hahakbang na sana siya palabas nang tumigil siya saglit. Napako sa hawakan ng pinto ang paningin niya. "Gusto mong makatakas hindi ba? Tumingin siya sa akin. Napalunok naman ako. "Kung gusto mong makatakas kailangan mong sundin ang utos ko. Ngayon." Sinipat niya ang bath tub. "Ayusin mo iyang sarili mo. Iiwanan kita rito. Maligo ka. Aantayin kita sa labas. Subukan mong tumakas. Baka magbago pa ang isip ko." Saka siya tuluyan lumabas. Napapitlag pa ako dahil padabog niyang sinara ang pinto. Parang tinakasan naman ako nang ulirat. Dahan - dahan akong napaupo at napahawak sa gilid ng bath tub. Sus ko! Ano ba ito nangyari sa buhay ko!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD