PAINFUL LOVE 01
Isang malaking salo-salo ang naganap sa pagitan ng dalawang pamilya. Puno ng saya at tawanan ang mga ito, samantalang isang babae ang nakatayo sa labas at mag-isang nakatingin sa kalawakan. Kung ang mga tao sa loob ng bahay ay puno ng kasiyahan, siya naman ay puno ng kalungkutan.
Pinagmamasdan niya ang mga bituin kung paano ito kumislap sa langit. Habang ang isa niyang kamay ay nakataas at tila kukuhanin ang mga ito. Ang bituin at buwan ay napakaliwanag sa gabing kay dilim. Siya ay walang ginawa kung hindi ang umiyak at magmukmok sa gilid.
"Astriece." Isang boses ng babae ang kanyang narinig. Hindi naman tumingin si Astriece sa dalaga at nakatingin pa rin ang mga mata sa kalawakan.
Naramdaman na lamang niya ang paghawak nito sa kanyang balikat at inalis naman ito ni Astriece. Wala siya sa mood at ayaw niyang kausapin ang mga tao sa kanyang paligid. Basta masama ang loob niya sa araw-araw at hindi na iyon mababago pa.
"Talaga bang gan'yan ka na lang araw-araw?" tanong ni Farrah kay Astriece.
Ang babaeng humawak sa braso ni Astriece ay si Farrah Chanel. Matalik silang magkaibigan simula pa lang ng sila ay mga bata pa. Si Farrah ay galing din sa isang mayamang pamilya tulad ni Astriece, kaya naman imbitado siya sa naganap na okasyon sa hacienda ng pamilya ni Astriece. Matatalik din naman kasi ang mga pamilya nila at hindi pwedeng wala siya rito.
"Gusto kong magpahinga," mahinang sambit ni Astriece at tumingin sa kanyang kaibigan.
"Pwede naman, pero bakit hindi ka pa kasi makipagdivor-" hindi naituloy ni Farrah ang nais niyang sabihin ng bigla siyang makarinig ng sigaw mula kay Astriece.
"Kahit kailan, hindi ko hihiwalayan si Persius!" sigaw ni Astriece at buti na lang ay malayo sila sa mga bisita at hindi naman sila narinig.
Bumuntong hininga si Farrah sa sinabi ng kaibigan. Wala siyang magawa, kahit na palagi niya itong pinagsasabihan. Si Astriece Euryce Belarine ay kasal kay Persius Syd Fourth. Ang dalawang ito ay napakalabong maging magkasundo at hindi naman kasi si Astriece ang gusto ni Persius.
Galing sila sa parehas na mayamang pamilya, kaya naman ikinasal sila. Labag sa kalooban ni Persius ang pakasalan ang taong hindi naman niya gusto, pero ayaw niyang mawala sa kanya ang mana. Pinakasalan niya si Astriece kahit na may iniibig siyang iba at mayroon siyang kasintahan.
Matagal ng may gusto si Astriece kay Persius, simula pa lang ng sila ay mga bata pa, malalim na ang pagtingin niya. Samantalagang sumang-ayon naman ang panahon sa kanya at kinasal sila. Pero sa hindi niya inaasahan, hindi naging maganda ang takbo ng kanilang pagsasama. Akala niya ay mamahalin siya nito at kalilimutan ang taong tunay niyang mahal.
Naglakad si Astriece sa hacienda ng kanilang bahay. Sobrang laki nito at talagang mahihirapan kang maglakad kung lalakarin mo papasok. Kanina kasi ay nakatayo siya sa gilid kung saan maraming bulaklak na iba't ibang klase at kulay. Hinawi niya ang kanyang buhok at umupo sa bench. Habang si Farrah ay nakasunod lamang sa kanya at pinagmamasdan ang mga kilos niya.
"Astriece!" sigaw ng ama ni Astriece na si Ashton Belarine. Bigla naman nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Astriece at ngumiti ito.
"I'm coming!" sagot ni Astriece sa ama. Pinagpag niya ang suot na dress at naglakad papunta sa loob. Habang naglalakad si Astriece, ang mata ng mga bisita ay nakatingin sa kanya. Kakaiba naman kasi ang ganda nito at parang wala ng makakapantay sa kagandahan nito.
Halos lahat ata ng bisita nila ay may gusto kay Astriece. Iniisip tuloy nila na napakaswerte ni Persius at naging asawa niya ito. Pero ang hindi nila alam, sa likod na mga ngiti nila ay puno ng lungkot at pagsisisi. Ngumiti si Astriece sa mga bisita at pagkatapos no'n ay pumikit siya. Hindi niya ugaling bumati ng mga tao at lalo na wala siya sa mood.
"Iha! Talaga namang napakaganda mo," puri ng ina ni Persius na si Lyme Fourth.
"Salamat po," pagpapasalamat ni Astriece sa ina ni Persius.
Sakto naman na dumating si Persius at parang mahuhulog ang puso ni Astriece. Hindi siya nagsasawa sa mukha nito, lalo na mahal na mahal niya si Persius. Para kay Astriece ay si Persius na ata ang pinakagwapong lalaki na kanyang nakilala. Napakaganda ng suot nitong tuxedo at umupo ito sa upuan na katabi ng upuan ni Astriece.
Isang ngiti naman ang pinakawalan ni Persius at nagsama-sama sila buong pamilya. Habang si Astriece naman ay hindi alam ang gagawin at napipilitan na lang din. Pero ginagawa niya ang lahat para maisalba ang kanilang pagsasama.
"Anak? Kailan n'yo kami bibigyan ng apo?" tanong ng ina ni Astriece na si Eumi Belarine.
Nagkatinginan naman si Astriece at Persius at ngumiti sila ng tipid, sabay tingin sa buo nilang pamilya, "Wala pa kaming balak, siguro kapag handa na kami."
Tumango naman si Astriece sa sinabi ng asawa at isinara niya ang kamao at nagpipigil ng galit. Pilit siyang ngumiti at panay lamang ang sangayon sa asawa, kahit tutol siya. Lumunok ng laway si Astriece habang siya ay nakatingin sa pagkain.
"Tatlong taon na kayong nagsasama, pero wala pa rin kayong anak." Natigilan si Astriece sa sinabi ng kanyang inang si Eumi. Hindi alam ni Astriece kung ano ang sasabihin sa ina, lalo na ang daming tao sa buong hacienda.
"Kapag ready na kami, h'wag kayo mag-alala," masayang sabi ni Astriece at tumayo sila ni Persius dahil tapos na silang kumain. Si Persius ay lumabas ng hacienda at naiwan siya, kaya naman sinundan niya ito at pinagmasdan ang likuran.
Ngumiti ng tipid si Astriece at tamang isip lang siya ng mga masasayang bagay. Sobrang lungkot ng kanyang buhay at parang wala ng planong maging masaya. Naglakad siya papunta kay Persius at nakita niya ang asawa na nakatayo sa gitna ng mga magagandang halaman at hindi man lang siya nito matignan.
Kumirot ang didbib ni Astriece sa pinapakita ng asawa at halatang hindi ito interesado sa kanya. Hinawakan ni Astriece ang braso ng kanyang asawa pero hinawi lang niya ito, dahilan na mas lalong sumama ang loob ni Astriece at hindi niya maiwasan ang hindi maiyak. Tinignan niya ang asawa at nagawa niya itong paharapin sa kanya, pero walang saysay at walang emosyon ang kanyang mga mata.