Chapter 2: Pagdukot at Unang Pagtatagpo
SA PAGLABAS ko ay humigpit ang hawak ko sa paperbag na dala ko. Iniwan ko kanina ang supot na naglalaman ng asukal at kape. Dadalhin naman iyon ng mga tauhan ni Mamu.
Balik tayo sa nangyayari sa akin sa kasalukuyan. May nararamdaman ako na presensiya ng isang tao. Na parang kanina pa siya nakasunod at ramdam ko ang dalawang pares ng mga mata niyang nakabantay.
Binilisan ko ang paglalakad ko. Kung isa man siya sa mga tauhan ni Mamu ay alam kong wala naman siyang gagawin na masama. Kasi si Mamu mismo ang makalalaban nila kapag sinubukan nila akong lapitan at gawan ng masama.
Nang tumunton ako sa legal kong edad ay isa-isa silang binantaan na huwag na huwag akong gagalawin, ni dulo ng mga daliri ko at buhok. Kaya siguro nasabi ni Marceda na hindi patas ang tingin at turing sa amin ni Mamu. Higit akong nakalalamang sa kanila.
Sinadya ko namang dumaan sa ilalim ng mga punong kahoy upang marinig ko ang yabag nila, gamit lang ang natuyong mga dahon sa lupa.
Mas binilisan ko ang paglalakad at doon na ako lumingon sa aking likuran. Kasabay niyon na may tumakip sa bibig ko dahilan na hindi ako nagkaroon nang pagkakataon upang sumigaw.
Binalot ako nang matinding takot at kaba sa dibdib. Kapag nalaman ito ni Mamu ay alam kong magwawala siya sa galit.
Ang hawak kong paperbag ay gagawin ko sanang panghampas pero mabilis itong inagaw mula sa ’kin. Kahit hindi ako makasigaw ay pinilit ko pa rin ang makawala mula sa pagkakahawak nito. Alam kong lalaki ang pangahas na ’to dahil masyadong matapang ang pabango gamit niya.
“Cerco!” narinig kong sigaw nito at umangat na ang katawan ko. Wala na nga akong nagawa pa nang buhatin niya ako.
Nag-init ang sulok ng mga mata ko at mayamaya lang ay lumandas ang mga luha ko sa aking pisngi. May mangyayari bang masama sa ’kin? Ano kaya ang gagawin nila? Pagsasamantalahan kaya nila ako?
Ipinasok nila ako sa itim na sasakyan at hindi na nga ako nakawala pa. Nagawa ko pang sipain ang bintana pero tumama lang iyon sa mukha ng isa pang lalaki. Tama, hindi lang isang tao. Dalawa sila.
“What the hell?!” sigaw nito sa salitang Ingles.
Umiiyak na ako habang lulan na ako ng kotse nila at hindi ako pinakawalan ng lalaki.
“Patay tayo kay boss, Cerco! Umiiyak ang babae!” sigaw nito sa tabi ko.
“What?! Babae?! Babae ang dinukot mo?! The f**k, bro! Sinasabi ko na nga ba mali ang dumukot na lang tayo ng isa nilang tauhan!” Kumunot ang noo ko sa narinig. Ano ang pinagsasabi nila?
“Pero parte pa rin siya ng sindikato! Baka nga droga iyang laman ng paperbag!” Nanigas ang katawan ko sa narinig.
Sino sila at paano nila nalaman ang tungkol sa sindikato? Huwag nilang sasabihin na alam nila may pinamumunuan si Mamu na isang sindikato?
Tumigil na rin ako sa pag-iyak at dinala nila ako sa kung saan. Huminto lang ito sa lugar na may ipinatayong. . .tent?
“Patay tayo niyan. Wala pa namang order si boss! Nasa labas siya, Cerco!”
“Sinabi naman niya na hulihin natin ang sa tingin natin na kahina-hinala ang mga kilos at isa na ang babaeng ito!”
Bumukas na ang pintuan at naunang lumabas ang dalawa. May pagkakataon na akong makatakas pero hindi pa rin ako nagpadalos-dalos. Hinintay ko lang sila at nakita kong itinuturo nila ang sasakyan.
Isang lalaki na may maganda at malaking pangangatawan ang bumungad sa aking paningin nang binuksan niya ang pinto.
Nagtama ang paningin namin kasabay nang pagbilis nang t***k ng puso ko. Magaganda ang uri ng mga mata niya, makapal ang kilay, matangos ang ilong at mariin na nakatikom ang bibig. Itim na t-shirt ang suot niya, hapit na hapit sa katawan. Ang buhok niya na may nalalaglag sa noo. Noong una ay hindi ko siya nababakasan ng kahit na ano’ng emosyon sa guwapo niyang mukha. Malamig din kasi ang mata niya.
Dahan-dahan na nagsalubong ang kilay niya at maingat pa niyang isinara ang pinto saka niya hinarap ang dalawang lalaking dumukot sa akin.
Sinigawan yata sila dahil napatalon pa sila sa gulat at nag-uunahan na nagtungo ulit sa sasakyan.
“Miss, labas ka na dali!”
“Huwag kang mag-alala. Wala kaming gagawin na masama sa iyo.” Nang hahawakan nila ang kamay ko ay mabilis akong umiwas at sumiksik sa likuran ko.
“Ano ba, miss? Labas na!”
“Mga alagad kami ng batas!” Mas lalo akong natakot sa narinig. Nag-uunahan sa pagpatak ang mga luha ko.
Paalala noon sa amin ni Mamu na lumayo kami sa mga alagad ng batas dahil baka raw hulihin kami at malaman nila ang masama naming trabaho. Kaya paanong napunta ako sa sitwasyon ko ngayon?
Bigla na lang din bumukas ang pinto sa likod ko at muntik pa akong malaglag kung wala lang mga braso ang nakaalalay. Nakapulupot na agad ang malaki nitong braso sa baywang ko at nararamdaman ko na may boltahe ng kuryente ang dumadaloy sa ugat ko, sa paraan lang nang paghawak niya.
Pero kalaunan ay parang kumalma ang sistema ko dahil maingat niya akong ibinaba. Wala na nga akong suot na tsinelas kasi nahubad ko na iyon dahil lang sa pagpupumiglas ko.
“Boss!”
Hindi ko napigilan na mapatitig ulit sa mga mata niya at parang nahihipnotismo ako o tamang sabihin din na nalulunod ako. Sa buong buhay ko ay ngayon lang ako nakakita ng isang katulad niya. Grabe, ang guwapo pala talaga niya. Ganitong klaseng mukha ang ipinapakitang litrato nina Marceda at Carlia.
“Boss, bago mo kami parusahan sa maling pagdukot namin sa babae ay tingnan mo muna ang dala niya. Sa mga kilos pa lamang niya ay kahina-hinala na. Nakasuot pa siya ng balabal—” Mabilis kong inagaw iyon at niyakap.
Sumenyas ang lalaking katabi ko at naglakad siya patungo sa tent na iyon. Sumenyas din sa akin ang dalawang lalaki pero hindi ako gumalaw. Nang tatangkain nila akong hawakan sa braso ay hinahampas ko iyon gamit ang balabal ko at sinasamaan ko sila nang tingin.
Nakatatawang sitwasyon naman ito. Sa halip na matakot ako ay inis at galit ang nararamdaman ko sa mga oras na ito.
“Boss! Ayaw kumilos ng babae!” sumbong niya kaya marahas na bumaling ito sa kaniya.
“Sige na lakad na, miss!” Ang ginawa nila ay marahan nila akong tinulak para lang maglakad.
Pinaupo pa nila ako sa putol na kahoy at kaharap ko ang boss nila. Umupo ang dalawa pero nagsalita ang lalaki.
“I didn’t say anything na puwede na kayong umupo,” malamig na sabi nito. Malamig ang boses niya at masyadong malalim. Tumaas pa nga ang balahibo ko. “Ipaliwanag ninyo sa ’kin ang lahat. Bakit babae ang dinukot ninyo?” seryosong tanong ng lalaki.
Nakaputing t-shirt ang dalawang lalaki at aminado akong may hitsura din silang dalawa. Bata kung titingnan pero malalaki ang pangangatawan nila.
“Nakita namin siya na lumabas sa bahay ng kapitana nila. Under investigation natin ang bahay ng barangay kapitan at kahina-hinala ang mga ikinikilos niya,” sabi nito at nagawa pa niya akong ituro.
“Paanong kahina-hinala?” tanong pa rin ng kanilang boss at nasa timbre pa rin ng boses niya ang inis.
Ang isa naman ay ibinigay ang paperbag ko at inabot naman iyon ng isa.
“Siguro mga droga ang laman na iyan, boss? O baka may baril siya,” sabi pa nito.
Isa-isa nga nilang sinuri ang laman niyon at ang alam ko lang ay mga bestida iyon. Nag-init ang magkabilang pisngi ko nang parehong hawak ng lalaki ang puting bra at ang isa naman ay sanitary napkin.
Natigilan silang tatlo. Kitang-kita namin pareho ang pagpula ng leeg at tainga nito. Parang napapaso niya na nabitawan niya ang kaniyang hawak.
“Ang l-laki naman ng size—” Naputol ang sasabihin niya nang binalingan siya nito at masamang tiningnan.
Humarap ulit sa akin ang lalaki. “Sino ka? Ano’ng ginagawa mo sa bahay ng barangay captain ninyo?” sunod-sunod niyang tanong. May nararamdaman din akong kaba sa aking dibdib at kung hindi ko siya sasagutin. . .
“Bakit ko. . . sasagutin ang tanong mo? Hindi rin kita kilala at sa katunayan ay may atraso pa sila. Pauwi na sana ako sa aming tirahan nang sinusundan nila akong dalawa at basta na lamang ipinasok sa inyong sasakyan. Kung tutuusin, maaari ko kayong isuplong sa mga pulis,” sabi ko at napasapo siya sa noo niya.
“Miss, sinabi na namin sa iyo na mga alagad kami ng batas,” wika ng isa sa kanila.
“Ngunit ano ang kinalaman ko sa inyo? Alagad nga kayo ng batas pero binali ninyo ang isa sa patakaran. Nagawa ninyong manghuli ng isang inosenteng tao,” kunot-noong saad ko at nag-iwas sila nang tingin.
“Ano ang ginagawa mo sa bahay na iyon? Alam mo na may ilegal silang trabaho?” Umiling ako. Kahit alam ko at totoo ang hinala nila ay wala akong sasabihin.
“Isa lamang akong hamak na mamamayan ng barangay na ito at humihingi lamang ako ng tulong mula sa Kapitana namin. Wala akong kinalaman sa mga paratang ninyo sa kanila,” paliwanag ko at bumuntong-hininga siya.