Chapter 3: Dainara Ortega
“ANG mga gamit na ito? Sa iyo ba ang lahat ng ito?” tanong pa rin sa akin ng lalaki at titig na titig talaga siya sa mga mata ko. Ako ang nakararamdam nang pagkailang sapagkat hindi humuhupa ang mabilis na t***k ng puso ko.
Hindi ko nga rin magawang salubungin ang mabibigat at malalamig niyang tingin. Bakit kaya ganito rin kabigat ng presensiya niya?
Na para bang naka-i-intimidate?
“Sa tingin mo ay sino ang nagmamay-ari niyan kung hindi ako? May iba pa ba kayong dinukot maliban sa ’kin?” tanong ko at napatakip sa mga bibig nila ang dalawang lalaki na hanggang ngayon ay nakatayo pa rin.
“Pasensiya ka na sa ginawa ng kasama ko. Mga baguhan lamang sila,” sambit niya at ibinalik niya ang laman ng paperbag saka niya inabot sa ’kin. Walang pagdadalawang isip na kinuha ko ito.
“Sorry din, miss. Akala namin kasi ay parte ka ng sindikato na pinamumunuan ni Cynthia Ortega,” sabi pa ng isang lalaki na singkit ang mga mata niya. Umiling ako.
“Ang alam ko ay isang mabuting Kapitana si Mamu Cynthia,” pahayag ko kahit na sa likod nito ay mayroong kasamaan.
Wala akong puso kung isusuplong ko ang taong kumupkop sa amin simula pa lamang pagkabata namin. Kahit masama pa ang naging trabaho nito ay matuturingan kaming walang utang na loob. Mas mabuti na ang ilihim ang mga nalalaman ko at itikom ang aking bibig. Ikapapahamak ko rin naman kapag may sinabi ako. Kasi dawit ako sa kasalanan ni Mamu.
“Sorry. Hindi ka naman siguro nasaktan kanina?” Hindi ako sumagot. Wala akong pisikal na sugat na natamo, ngunit natakot pa rin ako noong sapilitan nila akong ipinasok sa sasakyan nila.
“Kailangan ko nang umuwi sa amin,” paalam ko at tumayo pa ako.
“Boss?”
“Ako na ang maghahatid sa kaniya,” pagpresenta ng kanilang boss at naunang naglakad patungo sa sasakyan. Binuksan pa niya ang pintuan sa tabi ng drayber.
Walang imik na lamang akong naglakad at kahit bumibilis ang t***k ng puso ko dahil lang sa presensiya niya ay ipinagsawalang bahala ko na lamang iyon.
Pagsakay ko nga ay nakita ko pa ang pagtanggal ng kamay niyang nasa bubong at maingat niyang isinara ang pintuan. Napahinga ako nang malalim at pilit kong pinapakalma ang dibdib kong nagwawala talaga.
Ikinabit ko ang seatbelt. Hindi na bago sa ’kin ang makasakay ng ganitong klaseng sasakyan. Sanay na ako.
Mas tumindi lang ang pagkailang na nararamdaman ko kasi naghari pa ang katahimikan sa pagitan namin.
“Ihatid mo na lamang ako sa may palengke,” sabi ko habang nagmamaneho na siya.
“Alam kong may alam ka tungkol sa sindikato,” sabi niya at kahit nagulat ako ay hindi ko iyon ipinahalata pa sa kaniya.
Mabilis ko lang siyang sinulyapan. “Paano mo naman nasasabi iyan?” tanong ko.
“Hindi ko mararating ang kinatatayuan ko kung isa lamang akong mangmang at hindi mahusay mangilatis ng isang tao,” mariin na paliwanag niya at mariin kong naitikom ang bibig ko.
Isa nga siyang pulis at hindi basta-basta. Pero ano ang gagawin niya kapag isa rin ako sa mga nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot noong bata pa lamang ako? Na iyon na ang aming hanapbuhay?
“Sabihin mo na lang ang gusto mong sabihin,” sabi ko.
“Sino si Cynthia Ortega? Isa lang ba talaga siyang mabuting kapitana o isa ring namumuno sa sindikato na puro mga bata ang nagiging biktima niya para lang maibenta ang mga droga niya?” tanong niya at sa mga katulad ni Mamu ay halatang malaki ang galit niya. Kung sabagay nga naman, alagad siya ng batas. Mga ganoong klaseng tao ang hinuhuli nila.
“Hindi ko alam at wala akong kinalaman,” pagtanggi ko at sa mariin na boses pa. Wala akong sasabihin kahit na ano. Manigas siya riyan, dahil wala siyang mapapala.
“Kung ganoon. Ito na lang ang sagutin mo,” sabi pa niya. Muli akong nagpakawala nang hininga at mahigpit na ang yakap ko sa paperbag.
“Magtanong ka na,” giit ko. Bago pa man ako maubusan ng pasensiya sa lalaking ito.
“Sino si Dainara Ortega?” tanong niya at napatingin na ako sa kaniya. Ilang sandali pang nagtama ang mga mata namin.
Paanong. . .nalaman niya ang buo kong pangalan? Dahil lang ba na pinaiimbestigahan na niya si Mamu?
Hindi ako nakasagot sa tanong niya kasi hayon na naman ang malakas na kalabog sa aking dibdib. Hindi na rin naman ako kinulit pa ng lalaki at hinayaan na niya akong manahimik. Nahulog lamang ako sa malalim na pag-iisip.
Napansin ko na lamang na nasa palengke na kami. “Bababa na ako,” sambit ko at sumunod naman siya.
Pinarada niya ito sa gilid na wala kaming maaabala na paninda ng mga tao. Tinanggal ko na ang seatbelt sa aking katawan at bubuksan ko na sana ang pinto nang hindi ito mabuksan. Nilingon ko siya. Napadila pa siya sa pang-ibabang labi niya at itinuro ang mga paa ko. Mahaba naman ang bestida ko kaya alam kong wala siyang makikita.
“Wala kang suot na panyapak,” sabi niya. Nakalimutan ko na nga na wala na akong suot na tsinelas.
“Salamat sa dalawang kasama mo,” patay malisyang sambit ko. Nalukot pa ang matangos niyang ilong at umiling pa siya. “Buksan mo na,” mahinang utos ko kasi sinadya niyang isarado ito para lang ituro ang paa ko na nadudumihan na ng putik. Talaga namang maputik ang kinaroroonan nila kanina.
Ano naman kaya ang ginagawa nila sa may bukid na iyon? Akala ko naman ay nasa pasyalan lang sila pero ang totoo naman ay nag-iimbestiga sila.
“Sandali lang,” sabi niya at nauna na ring bumaba. Pagsara niya ang pinto ay sinubukan ko pa rin itong buksan pero ayaw talaga. Mas lumalim ang gatla sa noo ko.
Paanong hindi ko ito mabuksan mula sa loob? Gayong nandito naman ang saraduhan? Ano’ng klaseng sasakyan ang mayroon siya?
Nakita ko pa siya na lumapit sa may tindahan at talagang iniwan niya ako rito. Hindi ba niya alam na nandito pa ako? Napahawi na lamang ako sa buhok ko at nagpakawala nang marahas na hangin sa bibig.
Bumalik din siya mayamaya at napaigtad pa ako nang tumunog ang kotse niya kasabay nang pagbukas nito. Napatingin ako sa hawak niyang panyapak. Hindi iyon tsinelas. Isang magandang uri ng sapatos at kulay asul ito. Isang doll shoes kung tawagin at may bulaklak pang nakaburda.
“Bakit nag-abala ka pa?” tanong ko na punong-puno ng kuryusidad sa boses ko. Nagkibit-balikat lamang siya at basta na lamang lumuhod sa harapan ko. “Ano’ng—ako na. Kaya ko naman isuot iyan. H-Hindi mo na kailangang mag-abala,” sambit ko kasi hinawakan na niya ang talampakan ko. Ang kulit!
Naramdaman ko tuloy ang mainit at magaspang niyang kamay. Isinuot niya iyon sa mga paa ko at ako ang nahihiya. Mabuti na lamang ay suot ko na ulit ang balabal ko. May mga tao rin kasi ang dumadaan at napapatingin sa amin. Natatakot akong makilala nila ako at magsusumbong sila kay Mamu. Ayaw na ayaw pa naman ni Mamu na lumalapit-lapit ako sa ibang tao at sa isa pang lalaki na hindi ko naman kilala.
“Kasya,” tipid na sabi niya at doon lang siya tumayo saka siya naglahad ng kamay pero hindi ko na iyon tinanggap pa. Napataas pa tuloy ang isa niyang kilay.
“Salamat,” sambit ko at basta ko na lamang siyang tinalikuran. Sana lang ay huwag na niya akong subukan pang sundan.
Tumingin pa ako sa likuran ko at hindi naman siya nakasunod kasi wala na roon ang kotse niya. Marahil ay umalis naman agad siya roon.
***
“ANG tagal mo namang bumalik, Nana! Nakapagsaing na ako. Nauna pa ang bigas na dumating kaysa ikaw? Pero maiba ako. May ipinag-utos sa iyo so Cynthia?” may kuryusidad na tanong ni Nanay Malia. Umiling ako.
“Wala naman po. Regalo niya lamang at itong mga damit,” sabi ko. Sinamahan pa nga ng underwear at iba pang mga gamit. Pero naalala kong nahawakan na ng guwapong lalaking iyon.
“Talagang hindi ka uutusan ni Cynthia. Ikaw yata ang pinakapaborito niyang alaga sa lahat,” nakangiting sambit niya. Minsan ay gusto ko ring isipin. Na ginagamit din ako ni Nanay Malia pero ayokong mag-isip ng negatibong mga bagay-bagay.
“Dadalhin ko lamang po ito sa aking silid. Baka may matipuhan kayo rito, Nanay Malia?” tanong ko at inagaw niya nga sa akin ang paperbag.
“Para sa iyo talaga ito, hija. Titingnan ko lang,” sabi niya at isa-isa niyang sinuri ang mga ito. “Hindi ito binili sa ukay-ukay. Branded lahat. Amoy pa lang,” komento niya at nagkibit-balikat na lamang ako.
“Hindi po mahalaga sa akin kung saan niya iyan binili. Basta po ang importante ay may maisusuot ako,” pangangatwiran ko pa at tinalikuran ko na si Nanay Malia.
Tinupi ko na muna ito bago ko inilagay sa maliit kong kabinet. Malinis na ang higaan namin pero ewan ko kung saan na nagpunta ang mga batang iyon. Baka rumaraket na naman sila.
Ang iba sa amin ay namamalimos talaga sila pero madalas ay pagkain ang naiuuwi nila.
Ganitong klase talaga ang buhay na mayroon kami. Mahirap ngunit kinakaya pa rin ang lahat para lang mabuhay kami.