Chapter 13: Goodbye
“GUSTO mong turuan kitang mag-jetski?” tanong ni Leon. Nandito kami sa boardwalk dahil inaya niya akong pumunta rito pagkatapos naming kumain.
Siya pa nga ang nagligpit nang pinagkainan naming dalawa at kahit gusto kong tumulong ay ayaw niya. Hindi niya nga ako pinahawak ng plato. Maliban na lamang kanina na tumulong akong naghain sa hapag.
“Ayoko,” pagtanggi ko. Mukhang hindi naman siya mamimilit, eh. Wala rin naman kasi akong balak matuto ng ganyang klaseng sasakyang pandagat.
“Okay. Mas okay iyon. Dahil baka kapag magaling ka na nito ay susubukan mong mag-jetski nang mag-isa. Ayos na iyon. Pero gusto mong umangkas na lang sa akin?” muling tanong niya at napatango ako. Napangiti rin siya at naglahad na naman siya ng kamay.
Sa puntong ito ay hindi ko na siya hinayaan pa na maghintay para lang ibigay ko rin sa kaniya ang aking kamay. Binigyan siya ng isang lalaki na dalawang life jacket at isinuot niya sa ’kin ang isa. Kahit kaya ko naman itong isuot nang mag-isa ay kailangan pa talaga niya akong tulungan.
Inalalayan niya akong makasampa sa jetski at sa damit niya lang ako kumapit. Nahihiya pa rin akong yakapin siya katulad nang ginawa ko noong umangkas ako sa motor.
Tinanggal niya ang kamay ko at dinala niya iyon sa baywang niya. “Hindi naman ako mahuhulog, ha,” aniko at tatanggalin ko na sana ang mga braso ko nang hinawakan niya iyon nang mahigpit.
“Hindi ka sigurado riyan, Dainara. Marunong ka bang lumangoy kung sakaling mahulog ka?” tanong niya.
“Alam ko kung paano lumangoy. Sa tagal kong manatili sa Isla Hari ay alam ko na iyon,” sabi ko at hindi ako nagmamayabang ha.
“Si Inang Yanel ba ang nagturo sa ’yo?” tanong niya.
“Basic lang ang itinuro niya sa akin. Iyong lumulutang ka lang sa dagat,” sagot ko.
“Paano mo namang nagagawa iyon?” Napanguso ako sa dami ng tanong niya.
“Una, ipunin mo muna ang hininga mo sa dibdib. Tapos saka mo iyon ilalabas kasabay na dahan-dahan mong palulutangin ang katawan mo. Madali lang iyon, ano,” sabi ko at naramdaman ko ang pagtango niya.
“Pero kailangan mo pa ring kumapit sa akin nang mahigpit. Hindi ko hahayaan na mahulog ka sa dagat. Baka masaktan ka pa,” wika niya at wala naman akong nagawa kundi ang sumunod ulit sa kaniya.
Idinikit ko ang pisngi ko sa likod niya at hinigpitan ko ang pagkapit ko sa baywang niya nang pinaharurot na niya ang jetski. Napapikit pa ako dahil tumalsik ang tubig dagat sa mukha ko.
“Sana palagi tayong ganito,” mahinang sambit ko at kampante ako na hindi niya iyon maririnig.
TOTOO pala ang kasabihan na kapag kasama mo ang isang tao na gustong-gusto mong makasama nang matagal ay mabilis ang pagpitik nang oras at matatapos agad iyon.
Babalik na naman siya sa Manila. Kahit tatlong araw lang siya rito ay wala kaming ginawa kundi ang magsaya. Nilibot namin ang isla gamit ang speedboat. Pinagkamalan pa kami ng ibang tao na magkasintahan kami dahil malapit ang loob namin sa isa’t isa.
Kaya lang ay malulungkot na naman ako dahil uuwi na siya at maiiwan na naman ako sa isla kasama si Inang Yanel. Maghihintay na naman ako sa pagbabalik niya at alam kong matatagalan na naman siya.
“Turuan mo ako kung paano bumiyahe sa Manila, Leon,” aniko na ikinatingin niya sa ’kin.
“Tama ba ang narinig ko, Dainara?” tanong niya at tumango ako.
“Gusto ko ring bisitahin ka roon. Marami na akong naipon na pera, kaya mayroon na akong pamasahe. Hindi kita hihingian,” sabi ko.
“Ano naman ang gagawin mo roon sa Manila?” tanong naman niya.
“Gusto ko lang naman na bisitahin ka roon para maging patas tayong dalawa. Na hindi lang ikaw ang puwedeng bumisita sa ’kin,” pagdadahilan ko at tumaas ang isa niyang kilay.
“Ang totoo. Ano ba talaga ang gusto mo?” seryosong tanong niya at napabuntong-hininga na lamang ako.
“May kuryusidad din ako kung ano ang hitsura ng Manila. Na kung paano ang takbo ng buhay mo roon, Leon. Gusto ko rin talagang makapunta sa lugar niyo,” pag-amin ko.
“Dadalhin kita roon sa susunod, Dainara. Huwag kang mag-alala. Hindi lang kita puwedeng isama roon sa ngayon. Dahil alam mong mainit pa ang balita tungkol sa nangyari sa Mindanao.” Seryoso pa rin ang boses niya.
“Buwan na ang nakalipas, Leon. Ang sabihin mo ay may itinatago ka lang doon kaya ayaw mong makapunta ako sa Manila, ’no?” akusasyon ko sa kaniya at muntik na siyang matawa. Hinampas ko siya sa balikat niya. “Umalis ka na lang. Nabubuwisit na ako sa ’yo,” supladang sambit ko.
“Aalis na nga lang ako. Pagtatarayan mo pa ba ako?” Astang aalis na sana ako nang magsalita na naman siya.
Muli akong humarap sa kaniya. Nakasukbit na ang backpack niya. Naghahanda na talaga siya sa pag-alis niya.
“Kailan ka babalik dito?” marahan ang boses na tanong ko sa kaniya.
“Sa susunod na taon na siguro ako makababalik,” sagot niya at mariin na nakatikom na lamang ang bibig ko.
Nagbaba ako nang tingin at marahan kong pinadyak-padyak ang sapatos ko na bigay niya noong nasa Mindanao pa kami. “Bakit sa susunod na taon pa?” malungkot na tanong ko at hindi ako nag-angat nang tingin. Baka kasi makita niya sa mukha ko ang lungkot sa kaalaman na matatagalan na naman siya sa pagbabalik dito. Kung puwede lang sana na isama na lamang niya ako pero hindi naman puwede.
Naiintindihan ko rin naman kasi siya. Malaki na ang utang na loob ko kay Leon at kapag pati sa Manila ay sasama pa ako ay magkakaroon pa siya ng responsibilad sa ’kin.
Hindi katulad ang pananatili ko sa isla ay puwede akong mabuhay nang mag-isa lang. May magaan akong trabaho sa resort at nagkakaroon ako ng sahod.
Kahit ang mga perang iyon ay hindi ko nagagalaw. Maliban na lang kung may gusto akong bilhin.
“Basta, babalik ako kapag may oras ulit ako. Mag-iingat ka rito at ang mga habilin ko sa ’yo ay huwag na huwag mong kalilimutan. Manatili ka rito sa isla dahil dito ka lang mas ligtas, Dainara. Hindi naman kita bibiguin. Kapag may maganda na akong balita ay pupunta agad ako rito para makita mo ulit ang mama mo,” mahabang sabi niya at doon lang ako napatingin sa mga mata niya.
“Sige, maraming salamat. Mag-iingat ka na lang doon, Leon,” paalam ko sa kaniya. Humakbang pa siya palapit at hinawakan ang ulo ko.
Sobrang tangkad ni Leon at nahihirapan akong tingalain siya. “See you soon,” sambit niya at sa pangalawang pagkakataon ay muli niya akong tinalikuran.
Ang papalayong speedboat na lamang nila ang madalas kong nakikita. Matatagalan na nga siya sa pagbabalik niya rito. Tama nga ang hinala ko dahil buwan na naman ang lumipas at wala pa siya. Magbibilang na naman ako sa kalendaryo ni Inang Yanel.
“Halika na, hija. Marami tayong bisita ngayon,” pag-aaya ni Inang Yanel. Tumango ako at inayos ko ang sarili ko.
Kulay asul ang suot kong blusa at puting palda. Tsinelas lang din ang suot kong panyapak. Maaga pa lang ay talagang pumupunta na kami roon sa resort. Malapit lang ito sa bahay ni Inang kaya agad kaming nakarating.
Nang papasok na sana kami sa resort nang mahagip nang tingin ko ang pamilyar na pigura ng isang tao. Nanlaki ang mga mata ko dahil si Leon iyon. Pero. . .may kasama siyang ibang babae.
Nakakapit ito sa braso niya. Sa hindi malaman na dahilan ay nakaramdam ako nang kirot sa dibdib ko.
May nobya na nga si Leon. Kaya siguro ayaw niya rin akong papuntahin sa Manila at kung kailan pa siya babalik dito ay ang hindi ko naman inaasahan. Tapos may kasama pa siyang babae.
“Si Leon po ’yon, ano Inang?” tanong ko kay inang at tiningnan niya rin ang direksyon nito.
“Oh! Tama si Leon nga ’yan, hija. Kilala ko ang kasama niya. Pinsan niya ’yan,” sabi nito at natigilan naman ako.
Ha? Pinsan lang ito ni Leon? Akala ko pa naman ay kasintahan na niya ito.