Prologue
Akesia's POV
Hindi ko alam kung anong nararamdaman ko ngayon habang naglalakad sa harap ng altar. Suot ang napakaganda at napakaputing gown na nagniningning sa taglay nitong diamante. Bumuntong hininga ako dahil sa kaba at lubos na kasiyahan na bumabalot sa aking puso.
Kitang-kita ang isang lalaking nakatayo at tila kinakabahan sa unahan ng altar. Nginitian ko ito at binigkas ang tatlong salita na walang tono. Habang papalapit nang papalapit ako sa kaniya. Hindi ko maaninag ang mukha nito. Kaya pinaningkitan ko ang aking mata upang makita siya.
Nang nasa harapan ko na siya gulat akong napatingin sa kaniya. Wala pa ring mukha ito.
“B-bakit….wala kang m-mukha!” sabi ko na nauutal na dahil sa kaba. Nagtayuan ang aking mga balahibo ng biglang tumawa ang mga tao sa aking paligid. Naguguluhan akong tumingin sa kanila. Napaatras ako dahil sa pagkagulat. Tumingin ako kay Father na nakalabas na ang sipon sa kakatawa. Tumingin ito sa’kin at binigkas ang….
“Tiktilaooooook!” sabi niya. Ano? Teka! Bakit?! Natatanga na ‘ata si Father. Hindi ko alam kung tatawa ba ako o matatakot sa sinabi niya.
“Tiktilaooook!” ulit niya. Taena!!
Napabalikwas ako ng bangon mula sa aking higaan. Hayst. Bumuntong hininga ako. Pinahid ko ang aking noo gamit ang kamay. Grabe si Father.
Napatingin ako sa aking kapatid na mahimbing ang tulog habang yakap-yakap ang kaniyang unan. Iisa lang kasi ang aming kwarto at pinagkakasya pa namin ang aming sarili sa isang kama.
Napadako naman ang aking tingin sa aming bintana at doon ko lang napansin ang isang tandang. Kung hindi lang ako mabait baka makatay ko na ang isang 'to. Naku! Gisingin ba naman ako. Tse!
Alas-kwatro ng umaga. Kinasanayan ko nang magising ng ganiyang kaaga dahil kailangang kumayod para sa pangpaaral ng aking kapatid. Tumayo na ako at dumeretso sa kusina upang magsaing at magluto ng ulam.
Habang nagluluto, narinig ko ang yabag mula sa aking likod. Nilingon ko ito at isang napakapangit na nilalang ang aking nakita. Ang sama ng araw ko. Nakapamewang ito at inis na nakatingin sa’kin.
“Anong ginawa mo kagabi? ‘Di ba sabi ko labhan mo ang mga damit ko!” inis na sabi niya sa’kin. Siya lang naman ang pinsan ko. Magkasing-edad lang kaming dalawa pero katulong pa rin ang tingin niya sa’kin.
“ Pasensiya na. Nakatulog kasi ako kagabi dahil sa sobrang pagod,” malumanay na dahilan ko. Maghapon kasi akong nagtrabaho sa palengke at ginabi na ako. Kailangan kasing mapaubos ang mga tinda ko upang may kitain. Tumaas ang kaniyang kilay at matalim na tumingin sa‘kin.
“ At nagdadahilan ka pa!” sigaw niya. Hindi ko naman kasi kasalanan. Nalimutan ko lang dala ng sobrang pagod. Amoy palengke pa rin nga ako hanggang ngayon dahil hindi ako nakapagpalit ng damit kahapon.
“ Anong nangyayari dito Mia?!” sigaw ni Tiya habang naglalakad papunta sa kinaroroonan namin. Kaisa-isang anak lang siya ni Tiya. ‘Yong Ama naman niya na asawa ni Tiya hiniwalayan dahil daw sa sobrang bungangera nito. Totoo naman!
Tumingin si Tiya sa’kin ng masama at namewang katulad ng kaniyang anak.
“Mommy si Isang kasi hindi nilabhan 'yong mga damit ko,” maktol na sabi ni Mia sa kaniyang Ina habang may papadyak-padyak pang nalalaman. Ang galing talaga niyang umarte. Ang tapang niya lang kanina pero ngayon para siyang batang inagawan ng lollipop.
“ Ano?! At bakit mo hindi nilabhan ang damit ng anak ko aber!” sigaw ni Tiya. Napayuko ako dahil dito. Aaminin ko natatakot ako sa kaniya dahil sa mga sinapit ko sa kaniya no’ng bata pa ako.
“Sorry po Tiya. Nalimutan ko po kasi dahil sa sobrang pagod,” sabi ko. Nakayuko pa rin ako at hindi na ninanais pang makita ang mata ni Tiya. Nakakatakot kasi ang mata nito kapag galit.
“Sumasagot ka na ngayon ha! Hindi porquet nagbibigay ka ng kaunting pera sa‘kin ay sasagutin mo na ako ng gan’yan babae!! Baka nakakalimutan mo ako ang nagpapalamon sa inyo kaya ayusin mo ang pananalita!” sigaw niya habang dinuduro-duro ako. Ganiyan parati ang linya ni Tiya araw-araw.
Kita ko naman sa gilid ng mga mata ko ang ngising aso ni Mia habang pinapanuod ako.
“Sorry po.”
“ Hala sige! Labhan mo na ang damit ng anak ko! Bilisan mo ayoko ng pakupadkupad!” sigaw niya sa mukha ko. Tumango na lang ako at umalis. Nadatnan ko naman ang aking kapatid na naluluha na. Siguro ay narinig niya ang pagsigaw sa akin ni Tiya.
“Magandang umaga,” masiglang bati ko sa kaniya na may malawak na ngiti. Hindi naman niya ako nginitian kaya naglaho na rin ang ngiti ko. Lumapit ako sa kaniya at niyakap siya.
“Ayos lang ako. ‘Wag kang mag-alala,” sabi ko sa kaniya habang tinatapik nang mahina ang kaniyang likod. Pansin ko naman ang pagpunas niya sa kaniyang mga mata.
“ Pangako Ate. Magtatapos ako ng pag-aaral tapos aalis na tayo sa bahay na’to,” sabi niya sa’kin. Napangiti naman ako sa kaniyang sinabi at humarap sa kaniya.
“Ikaw talaga!” sabi ko sa kaniya na natatawa. Kahit kailan talaga siya lang ang nagpapasaya sa‘kin. Siya lang kasi ang pamilya ko dito bukod sa Tiya ko at pinsan na hindi naman kami tinuturing na kadugo.
Kita ko naman ang kaniyang pagnguso kaya lalo akong tumawa.
“Kumain ka na at maligo. Baka malate ka,” sabi ko. Tumango naman siya. Dumeretso na ako sa poso upang maglaba. Kailangan ko kasing matapos agad ng maaga para marami akong mabenta mamaya.
Napabuntong hininga naman ako sa aking nadatnan sa poso. Isang tambak na labahin ang bumungad sa‘kin. Napailing na lang ako at nagsimula nang magkusot. Mukhang tatanghaliin ako nito.
Mula nung namatay kasi sina Inang at Itang, katulong na ang turing nila sa’min. Pinapahirapan nila kami sa bahay na tila ba sila ang may-ari. Hayst. Pinagpatuloy ko na lang ang aking ginagawa upang matapos agad.
“Ate aalis na ako!” sigaw ng kapatid ko habang nagsasampay ako ng mga damit. Lumingon ako ‘tsaka ngumiti. Nakasuot na siya ngayon ng kaniyang pinaglumaang uniporme. Hiningi ko lang kasi sa aming kapitbahay ang suot niya dahil may anak itong nagtapos noong isang taon.
“Pasensiya ka na at 'yan lang ang baon mo,” malungkot na sabi ko. Ngumiti naman siya sa akin.
“Ayos lang Ate. Titipirin ko na lang ito,” malawak na ngiti niya. Buti na lang may kapatid akong tulad niya.
Napaka-alalahanin at napaka-tipid. Kahit kailan hindi siya humiling sa‘kin kahit na anong mamahalin na gamit.
Grade 12 na ang kapatid kong si Ayesia Pearl Mendoza. 18 years old. Buti nga at nakakaya niya kahit wala kaming magulang.
Pagkatapos ko maglaba naglinis muna ako ng bahay at nagbihis. Hindi naman puwede akong maligo dahil sa sobrang pagod. Hindi rin ako kumain dahil ubos na ang niluto ko kanina. Sa palengke na lang siguro ako kakain. Sanay naman ako sa gano'n.
Nagpaalam na ako kay Tiya ngunit irap lang ang kaniyang sinukli at habilin na kailangan nang magbayad sa kuryente. Muntik ko nang makalimutan ‘yon. Kailangan kong kumayod ng malaki ngayong maghapon. Bumuntong hininga ako at nagtawag ng sasakyan patungo sa palengke.
“Magandang umaga Isang,” bungad sa’kin ni Aling Pasing. Isang matandang babae na hanggang ngayon wala pa ring asawa. Nginitian ko lang siya at nagpatuloy sa paglalakad.
Wala akong ganang makipagtsismisan sa kaniya. Sobrang pagod ko at malamang madadagdagan pa ito mamaya. Pumwesto na ako sa aking pwesto at nagsimula.
“Bili na Ate. Alam mo murang-mura lang ito at sariwa pa katulad mo” pang-uuto ko sa isang matabang babae. Binigyan ko siya ng malawak na ngiti upang kapani-paniwala ang sinabi ko. Kailangan ko kasing gawin ‘to upang manghimok ng mamimili. Kung hindi malulugi ako.
Tiningnan niya naman ang aking mga binebentang mga isda. Sinusuri niya ito. Talaga namang sariwa ang aking mga binebenta. No’ng isang araw lang naman ito.
“ Sariwa ba ‘yan?” tanong niya sa‘kin na nakataas ang isang kilay. Ngumiti lang ako sa kaniya.
“ Oo naman Ate. 200 lang ang kilo n’yan,” panghimok ko sa kaniya. Napangiti naman siya. May nauto na naman ako ngayong araw.
“ Sige. Dalawang kilo na,” masayang sabi niya. Laking tuwa ko nang marinig ‘yon. Agad akong kumuha ng isda saka tinimbang. Inabot ko ito sa kaniya ng may ngiti sa labi.
“Maraming salamat po Ate. Sobrang ganda niyo talaga ngayon. Ano po ba ang gamit niyong sabon?” pangtsi-tsismis ko sa kaniya habang inaabot ko ang dalawang kilong isda. Inayos naman niya ang kaniyang buhok. Mukhang naniniwala siya.
Ang totoo niyan. Sobrang taba niya at maitim. Inilalarawan ko lang ang katauhan niya ha. Hindi ko siya nilalait. Nagsasabi lang ng totoo. ‘Wag kayong ano d’yan. Humawak siya sa kaniyang bewang tulad ng ginagawa ng mga model.
“ Natural na 'to,” tanging sabi niya sa‘kin. Napangiwi naman ako sa aking narining. Hindi siya gumagamit ng sabon? Umalis na siya matapos sabihin iyon.
Napakaraming tao dito sa palengke. Napakaingay at napakalansa sa paligid dala na rin sa mga isda. Malaki kasi ang palengkeng ito bukod sa ibang palengke sa ibang baryo.
“ Isang ko!” sigaw ng isang lalaki mula sa aking likuran. Nilingon ko ito at kunot-noong tumitig sa kaniya. Nakaambang siya ng yakap sa’kin ngunit pinigilan ko ito gamit ang kamay at tinaklob ang mukha niya.
Umirap ako sa kaniya at namewang. Isa siyang kargador dito sa amin. Matagal niya na akong nililigawan pero hindi ako pumapayag dahil wala naman akong oras sa mga gano’ng bagay.
“Ano na naman ang kailangan mo Tomas?” mataray na wika ko. Siguradong mangungulit na naman ito sa ‘kin.
Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa habang nakataas ang isang kilay. Nakashort siya at nakasando lang. Magkasing-tangkad lang kami at may kalakihan din ang kaniyang katawan dahil siguro sa araw-araw niyang pagbubuhat ng mabibigat. Hindi ko itatangging may kaguwapohan din ang isang ‘to. Kayumanggi siya at medyo may kahabaan ang itim na buhok. Kahit gano'n kaibigan lang talaga ang turing ko sa kaniya.
“ Grabe ka naman Isang ko. Hindi mo man lang ako binati ng magandang umaga,” pag-nguso niya sa‘kin. Tsk. ‘Di naman bagay sa kaniya. Napairap na lang ako sa kaniya at bumalik na sa ginagawa ko.
“May ipapagawa ka ba sa ‘kin Isang ko? Alam mo na lagi akong nandito sa tabi mo,” sabi niya sa akin. Kita ang paggalaw ng muscle niya. Bumuntong hininga ako dahil sa kakulitan na taglay niya. Napakalas ng boses niya at halos lahat ng malapit sa aming tao napapatingin sa amin.
“ Wala! Umalis ka na nga rito. Baka wala akong mabenta,” pagtataboy ko sa kaniya. Sabihin niya nang mataray ako pero ganito naman ako kahit kanino. Sanay na nga sa ‘kin ang ibang nagtitinda rito.
“ Sige! Basta kapag kailangan mo ako. Just call my name if you need me,” sabi niya. Napailing na lang ako sa kalokohan niya.
Akala niya ba hindi ko naiintindihan 'yon?! Nakatapos kaya akong ng High School ‘no.
Hindi ko siya nilingon at pinagpatuloy pa rin ang aking ginagawa. Kita naman ang pag-alis niya sa gilid ng aking mata. Kahit kailan talaga ‘yong kolokoy na 'yon.
“ Isang napakalakas talaga ng tama sa iyo ni Tomas!” rinig kong sabi ni Aling Pasing. Malapit lang kasi ang puwesto niya sa pwesto ko. Lumingon ako sa kaniya at ngumuwi.
“ Naku Aling Pasing! Kahit anong gawin niya hindi niya ako mapapaibig,” sabi ko. Hinawi ko ang mahaba kong buhok. Tumawa naman siya nang malakas saka umiling. Naloloka na ‘ata ang matanda ‘to.
“ Baka tumanda kang dalaga n’yan ha! Alam naman ng lahat dito na maraming napapa-ibig sa 'yo. Kaso hindi mo lang sila pinapansin,” sabi niya. Bumuntong hininga ako dahil sa sinabi ni Aling Pasing. Ang dami ko na kasing lalaking nire-reject. Wala lang kasi akong oras sa mga gano’ng bagay. Ganito na ba ako kaganda?
Hindi na lang ako umimik sa kaniya at ipinagpatuloy ang pag-aayos ng aking binebenta. Rinig ko naman ang biglang lakas ng mga boses ng tao rito sa palengke.
“ Nariyan na ang isa mo pang tagahanga Isang. Ang haba talaga ng buhok mo!” bungisngis ni Aling Pasing. Lumingon naman ako kung saan siya nakatingin. Kita ko ang pagsunod ng tingin ng mga tao sa kaniya.
Sadyang agaw-pansin ang lalaking iyan. Dahil sa suot niya napakaputi. Ano bang nakain ng isang ‘to? Magsusuot ng puting damit sa gitna ng palengke. Napairap na lang ako sa hangin.
Mukhang malas talaga ang araw ko ngayon. Tumingin ako sa kaniya habang papalapit siya sa ‘kin. Tinaas ko naman lalo ang aking isang kilay. Naiinis ako sa ngiti niya.
“ Good morning Darling,” sabi niya. Agad namang nanindig ang aking balahibo. Nakakasuka kung pa’no niya ako tawagin. Ilang tao naman ang nakikipagtsismisan sa ‘min.
“ Wala na ang ganda ng umaga ko Carl,” sabi ko. Hindi pa rin nawawala ang ngiti niya sa 'kin. Isa siya sa pinakamayaman sa aming Barangay. At Ina niya rin ang nagmamay-ari ng palengkeng ito. Ang Tatay naman niya ang Mayor sa lugar namin.
“ Bakit naman Darling?” tanong niya. ”Gusto mo bang dalhin kita sa Hospital NAMIN.”
Bukod sa mayaman siya mayabang din ang isang 'to. Marami na ngang babaeng nagkandarapa sa kaniya dahil sa mayaman ito pero ibahin n’yo ‘ko. Tumataas ang aking dugo kapag may nakikita akong mayabang na tulad niya.
“ Oo. May masamang nangyari,” makahulugang tingin ko sa kaniya. Humalakhak naman siya nang makuha niya ang pinupunto ko. Bwisit talaga ang isang ‘to!
“Namimiss mo lang 'ata ako,” aniya. “By the way Darling, kaya ako nandito dahil iniimbitahan kita sa kaarawan ni Daddy.” Inabot niya ang isang papel sa ‘kin. Tinitigan ko lang ito at inirapan.
Sa kaniya pa lang nga surang-sura na ako paano pa kaya sa daan-daang tulad niya. Baka sumabog ako! Nilapag niya ang papel sa harapan ko.
“ Alam ko naman na gusto mo rin ako,” saka kumindat. Muntik na akong masuka sa sinabi niya. Tumalikod na siya kasama ang kaniyang naglalakihang bodyguard.
“ Jackpot ka do’n Isang!”
“Oo nga! Ba't hindi mo na lang sagutin si Carl?”
“Siguradong mamumuhay ka ng prinsesa sa kaniya.”
“Makakaalis ka na sa poder ng Tiya mo.”
'Yan ang mga komento ng nasa paligid ko. Hindi ako umimik sa kanila. Bakit hindi na lang sila ang sumagot sa kaniya. Mukha namang gusto nila ang isang ‘yon. Hindi ko kailangan ng tulad niya.
Ayoko talaga sa isang 'yon. Kumukulo agad ang aking dugo kapag nakakasalamuha ko ang tulad niyang mayayaman. Mayabang, nagmamataas at ignorante pero siyempre hindi ko naman nilalahat may ilan ding mabait na mayayaman kaya lang iilan lang sila. Tsk.