Namangha rin si Faizal sa laki ng banyo nang makapasok siya roon. Napakaraming hanay roon ng mga maliit na cubicle na may mga harang na kurtina, kung saan pwedeng maligo ang mga kalahok.
Kakaunti lamang ang natirang manlalaro na galing Sektor nila, kaya naman halos wala ring nag-aagawa sa mga paliguan. Bitbit ang kaniyang uniporme ay agad siyang naghanap ng paliguan na walang tao, pumasok roon, saka isinara ang plastik na kurtina.
Isa-isa niyang hinubad ang lahat ng kaniyang kasuotan at isinabit iyon sa isang nakausling maliit na bakal sa pader na sabitan talaga ng mga kasuotan. Pinihit niya ang shower at lumabas mula roon ang maligamgam na tubig. Hindi siya makapaniwala roon. Gaano na ba katagal noong makapaligo siya ng maligamgam na tubig... gaano na ba katagal noong makakita siya ng ganito karaming tubig na gagamitin lamang sa paliligo?
Napakatagal nang umiiral ng taglamig sa mga Sektor sa labas ng higanteng pader ng Siklo. Kaya naman matagal na ring nagyeyelo ang mga ilog at ang ilan pang likas na yamang-tubig na maaari nilang pagkuhanan ng malinis na tubig na maaaring mainom sa araw-araw, at magamit pa sa ilang bagay, tulad na nga lamang ng paliligo at paglalaba ng mga kasuotan.
Dahil sa kawalan ng tubig, nagkaroon pa ng pagkakataon na kinailangan nilang dalawa ni Corbin na magtiktik ng nagyelong ilog gamit ang palakol ng kanilang ama. Ang mga nakuha nilang yelo ay ilang beses na pinakuluan upang kanilang mainom. At upang hindi iyon muling magyelo sa kanilang banga dahil sa lamig ng panahon, sinisigurado nilang palaging malapit ang banga sa kanilang lutuan, upang lagi rin itong naiinitan.
Isa rin talaga ang klima sa labas sa mga salik na pumapatay sa mga mamayan sa iba't ibang Sektor.
Ngunit heto ang Siklo, kay yaman sa tubig at talagang hindi dama ang kahirapan at kakulangan sa pader. Totoo nga palang ito ang pader ng pribilehiyo. Kaya nito ginagamit ang mga may pangangailangan na tulad niya, at tila hayop na isa-isang pinapatay. Hindi niya lubos maisip kung ano ba ang makukuha ng Siyudad sa pagpatay sa mga taong-labas na wala na ngang makain at ang iniisip lamang ay maisalba ang kani-kanilang mga pamilya? Sino ba ang nagpapatakbo ng Palarong ito? Kapag siya ang naging Kampeon ay gusto niyang makausap kung sinuman ang taong iyon at tanungin ito kung may natitira pa ba itong kaluluwa.
Mabilis niyang tinapos ang paliligo. Kinuskos niya ang lahat ng tilamsik ng dugo sa kaniyang katawan, lalong-lalo sa kaniyang paa. Halos mabalot kasi ng dugo ang mga iyon dahil sa pagtakbo. Pagkatapos niyon ay sinuot ang kaniyang uniporme. Saktong-sakto lamang iyon sa kaniya pati na rin ang sapatos. Nang matapos magsintas ay ilang segundo pa siyang napatitig sa mga suot niyang sapatos. Sana man lamang ay may salamin sa lugar na iyon kahit maliit lang. Para naman makita niya ang sarili niya kahit sa huling pagkakataon.
Ipinangako nga niya sa sarili at sa pamilya niya na siya ang magka-Kampeon. Ngunit pagkatapos ng unang laro, hindi na niya alam kung mangyayari pa ba iyon. Hindi niya alam kung ilang laro mayroon doon, at hindi niya alam kung hanggang sa pang ilang laro siya magtatagal.
Gusto niyang makita ang sarili niyang repleksyon bago man lamang siya mamatay.
Nang lumabas siya sa paliguan ay nakita niya ang ilang mga manlalaro na tinitiklop ang mga pinaghubaran nitong mga damit, at inilalagay iyon sa hanay-hanay na mga hitsurang locker na gawa sa bakal. Ang pinagkaiba nga lang ay walang takip ang mga iyon. Walang maliit na pintuan na kailangan pang lagyan ng kandado. Para lamang iyong maliliit na kuwadradong shelf. Ganoon din ang ginawa niya. Itiniklop niya ang kaniyang mga pinaghubarang damit ay pinatong iyon sa pinakababang sulok na kuwadrado, saka lumabas na mula sa banyo.
Doon lamang niya napansin na hindi niya kasama si Elizeo. Kumunot ang kaniyang noo. Agad na gumuhit ang pagtataka sa kaniyang mukha. Hindi ba ito nakasunod sa kaniya? Tinakbo niyang muli ang banyo at nakipagsiksikan sa mga taong papalabas naman doon. Hinanap niya sa loob niyon at sa mga paliguan si Elizeo ngunit wala roon ang binata. Muli siyang lumabas mula sa banyo at kasunod niyon ay ang isa-isang pagsara ng mga pintuang iyon sa pader. Natapos na rin ang oras sa napakalaking telebisyon. Tuluyan na iyong namatay nang maging zero ang oras doon.
Napalinga-linga siya. Hinanap ng kaniyang mga mata sa kumpol ng mga tao sa Elizeo. Ngunit dahil pare-parehas na ng kulay ng kasuotan ang lahat ng mga manlalaro ay hindi niya makita ang hinahanap. Saan na kaya nagpunta ang isang iyon? Tanong ng kaniyang isip.
Isang malakas na hampas sa kaniyang likod ang nagpatigil sa pagmumuni-muni niya. Agad niyang nahawakan ang nasaktang likod at nang humarap siya sa humampas sa kaniya ay nakita niyang si Elizeo iyon. Tumatawa pa ito sa ginawa nito sa kaniya.
"Saan ka nanggaling?" Agad na tanong niya. Nakauniporme na rin si Elizeo, at mas presko ang hitsura, hindi tulad kanina na halos mapuno ng dugo ang kalahati ng katawan nito. Maayos na rin ang benda sa ilong, lalo na sa braso nito. Totoong cast na iyon at hindi na ang pinunit niyang purtamunedang gawa sa manipis na tela.
"Hinatak ako ng isang guwardiya kanina. Akala ko nga ay kung saan ako dadalhin. Iyon pala ay sa isa pang kuwarto. Dinala roon ang mga kalahok na sugatan at ginamot. Tingin ko nga ay mas magiging maayos na braso ko ngayon," mahabang paliwang nito.
Kung ganoon ay malasakit pa rin pala ang Siklo at tinutulungan ang mga nasusugatan nito. Pagak siyang natawa sa kaniyang isip. Hindi ba't nakatatawa iyon? Ang salitang malasakit at Siklo ay hindi magandang pagsamahin sa iisang pangungusap. Kung talagang may malasakit ang Siklo ay hindi sana nito tinaasan ang pader. Matagal na sana nitong tinulungan ang mga nasa Sektor at hindi hinayaang mabulok sa hindi rin kaaya-ayang klima sa labas.
Hindi na siya sumagot sa sinabi ni Elizeo. Maya-maya pa ay inanunsiyo nang magsisimula na isang oras na pahinga. Kaniya-kaniya nang higa ang mga manlalaro sa napakalawak na sahig. Ang iba ay sumandal sa mga pader at naghanap ng mahandang puwesto upang nakaupong makatulog, samantala ang ibang manlalaro naman ay nagsimula nang makipagkaibigan sa iba pang manlalaro at humanap ng madidikitan at makakampihan sa mga susunod pang laro.
Naglakad siya patungo sa pinakasulok ng kuwarto at doon naupo. Isinandal niya likod sa pader. Gagamitin niya ang oras na ito upang makabawi ng tulog dahil hindi niya iyon nagawa sa tren kanina. Nakakaramdam na rin kasi siya ng antok. Mula sa sulok na iyon ay malaya niyang naoobserbahan ang lahat. Nakikita niya ang bawat galaw ng mga ito, at ang iba pa ngang mga manlalaro na malapit lamang sa pwesto niya ay nakikita niya ang ekspresyon, maging ang galaw ng bawat mga labi, lalo na iyong mga mukhang nagpaplano.
Si Elizeo naman ay nakasunod lamang sa kaniya. Nang umupo siya ay umupo rito ito hindi kalayuan sa kaniya. Para makakalap silang dalawa ni Elizeo ng impormasyon tungkol sa susunod na laro, kinakailangan nilang dumikit sa mga Game Repeater at Grand Repeater. Ngunit ngayon, hindi niya alam mula sa dagat ng mga tao kung sinu-suno ang mga repeater maliban kina Santiago, Zita, at sa lima pang katao na napansin niya kanina.
Hinanap ng kaniyang mga mata ang limang katao na sigurado siyang mga Game Repeater. Ang lalaking may malaking dragon na tattoo ay nakaupo rin sa sahig at nakasandal sa pader tulad niya. Kahit medyo nakatungo ay kita niyang nakapikit na ang mata nito. Nakita niya sa uniporme nito na galing ito sa Sektor Siyete.
Ang dalawang babaeng parehong nakatirintas ang buhok ay magkatabing nakahiga sa sahig malapit lamang sa lalaking may dragon na tattoo. Mukhang nag-uusap pa rin ang dalawa. At dahil nakatalikod ang isa sa mga ito mula sa direksyon niya ay doon niya nabasa sa likod nito na galing ang mga ito sa Sektor Tres. Mukhang group of two lamang ang mga ito at hindi kumakampi sa kahit sinong manlalaro.
Ang matandang lalaki na nakita niya kanina ay mabagal na naglalakad papunta sa pwesto nito kanina. Muli itong nahiga roon. Tulad ng dalawang babae ay sa Sektor Tres din ito nanggaling.
Habang ang batang babae ay hindi niya makita. Sa limang ito, tingin niya pinakamagandang kumampi sa lalaking may malaking dragon na tattoo. Tingin niya, malakas ito at may katangian ng pagiging isang lider. Malaki ang tiyansa na maka-survive sila kung ito ang kakampi nila. Ngayon ang problema na lamang niya ay kung paano ito kakausapin para maging kakampi ito. Tingin naman niya, kung kakausapin niya ito ng maayos ay papayag itong maging kakampi siya. Ngunit si Elizeo? Hindi siya sigurado, lalo pa at bali ang braso nito. Paniguradong magdadalawang isip ang lalaking iyon na tanggapin si Elizeo bilang kagrupo nito.
"Faizal, may kailangan akong sabihin sa iyo."
Naputol ang kaniyang pagmumuni-muni dahil sa sinabing iyon ni Elizeo. Nang lingunin niya ito ay seryosong-seryoso ang ekpresyon nito.
"Ano iyon?" Tanong niya.
"Tungkol sa susunod na laro..." tumingin ito sa kaniya. "Tingin ko... Tumbang-preso ang sunod nating lalaruin."