"Ano?" Tanong ni Faizal kahit narinig naman niya sa unang beses ang sinabi ni Elizeo.
"Tumbang-preso. Tingin ko iyon ang susunod na laro. Pagkagaling ko kasi sa kuwartong pagamutan ay narinig ko ang pinag-uusapan ng dalawang iyon." Itinuro nito ang dalawang babaeng nakatirintas pareho ang kani-kaniyang buhok. "Narinig ko na sabi ng isa na kailangan daw mapatumba sa malayo ang lata. Ang sagot naman ng isa ay siya na raw ang bahalang sumipa nang malakas. Iyon lang ang narinig ko. Hindi ko na narinig ang iba pa nilang pinag-uusapan dahil nahuli nila ako na pasimpleng nakikinig sa pinag-uusapan nila. Anong gagawin ko, Faizal? Hindi ako magaling umasinta ng lata."
"Huwag kang mag-alala. Hindi mo naman kailangan asintahin ang lata." Natigilan sila pareho ni Elizeo nang marinig ang boses na iyon ni Santiago. Kasunod nito si Zita na walang kahit anong ekspresyon sa mukha. Hindi nila napansin pareho ni Elizeo na nakatayo na pala ang dalawa sa harapan nila. "Ang kailangan mo lang gawin ay tumayo nang tuwid at magdasal," sabi pa ni Santiago kay Elizeo.
Nag-indian seat si Santiago malapit sa kaniya, samantala si Zita ay umupo rin sa sahig at sumandal sa pader.
Bumaling sa kaniya si Santiago. "Maganda kang pumili ng lugar ah. Alam mo bang paborito ko ito. Kita ko ang lahat mula rito," may ngiti sa labi na sabi nito. "At tama ka, iho na bubog-sarado ang mukha. Tumbang-preso nga ang sunod na laro. Kaya kung ako sa inyo, natutulog na ako, dahil mas mahirap iyon kaysa Patintero. Bakit ba sinasayang ninyo ang mga lakas ninyo. Dapat nirereserba ninyo, dahil hindi ninyo alam kung kailan uli ang susunod na pahinga."
"Nag-iisip lang," maiksing sabi niya.
"Nag-iisip?" Tila hindi makapaniwala na sabi ni Santiago. "Aba, ngayon ko na lang uli narinig ang salitang iyan sa isang baguhan. Zita, narinig mo ba iyon? Sa wakas, may nakilala na rin tayong baguhan na nag-iisip."
Hindi niya alam kung iniinsulto ba siya nito o ano. Kumunot ang kaniyang noo.
"Kilala mo ba ang mga tanong iyan?" Pabulong na tanong sa kaniya ni Elizeo.
"Iyang lalaki, Santiago raw ang pangalan. Zita naman ang pangalan ng babaeng kasama niya. Mga Game Repeater sila. Nakasali na sila dito dati." Paliwanag niya. "Si Santiago ang tumulong sa akin na makaligtas sa Patintero kanina."
"Kung gayon ay hindi na tayo mahihirapang humanap ng impormasyon kung may mga kaibigan ka naman palang Game Repeater, hindi ba?" Tanong ni Elizeo.
Agad niyang pinabulaanan ang sinabi nito. "Hindi ko sila kaibigan," aniya, ngunit hindi iyon pinansin ng katabi. Inilahad pa nito ang isang kamay sa kaharap nilang lalaki.
"Elizeo Zuro ang pangalan ko. Ikinagagalak ko ho kayong makilala. Kaibigan ako nitong si Faizal—"
”—Hindi rin kita kaibigan." Pagputol niya sa sasabihin nito.
"—Ako si Santiago, at ito naman si Zita." Tinanggap pa rin ni Santiago ang kamay ni Elizeo.
"Mawalang galang na ho. Kakapalan ko na ang mukha ko dahil hindi ko gustong mamatay sa sunod na laro. Pero anong ibig sabihin mo sa sinabi mo kanina na kailangan ko lang tumayo nang tuwid?" Punung-puno ng kuryosidad na tanong ni Elizeo.
"Syempre. Tumbang-preso. Ang mga sugatan ang preso. At kapag hindi namin kayo nailigtas, kayo ang itutumba."
Nagkatinginan silang dalawa ni Elizeo dahil sa sinabing iyon ni Santiago. Mas lalo lamang silang nalito sa sagot na iyon ng lalaki. Nakita naman ni Santiago ang kalituhang iyon sa kanilang mga mukha kaya naman napilitan itong magpaliwanag.
"Nakikita ninyo ito?" Itinuro nito ang sariling leeg. Nakita niyang may mahabang peklat ang leeg nito. "May mahabang chip sa loob ng leeg na ito. Ibig sabihin, markado ako. Kapag sinabi ko sa inyo ang lahat ng nalalaman ko, segundo lang ang lilipas at itong leeg ko?" Itinaas nito ang kamao pagkatapos ay ibinuka iyon kasabay ng pagsabi ng salitang "Boom." Muli nitong ibinaba ang kamay. "Sasabog. Hindi na ninyo makikita ang buong ulo ko. At ganoon din ang lahat ng mga Game Repeater sa buong kuwartong ito. Lahat kami, markado."
"Wala rin pala tayong ibang magagawa kundi ang mag-obserba," sabi niya nang hindi tumitingin kay Elizeo, ngunit parang ang kaniyang sarili ang mas kausap niya nang sabihin niya iyon. "Baka maituring na panlalamang ang paghingi natin ng mga impormasyon sa Game Repeaters. Maaalis tayo sa laro kapag nagkataon. Ididispatsa tayo nang wala sa oras."
"Magaling ka, bata. Mabilis gumana ang utak mo. Yan ang gusto ko, iyong hindi nangangalawang ang kukote," natigilan siya sa papuring iyon sa kaniya ni Santiago. Tinapik-tapik pa nito ang balikat niya. "Ngunit ang manlalaro na nagtatanong kung ano lalaruin ay hindi maituturing na panlalamang sa kapwa niya manlalaro. Thinking skills ang tawag doon. Isipin mo nga, kahit ang isang bata, hindi agad sasali sa grupo ng mga naglalaro hangga't hindi niya alam kung ano at kung paano nilalaro ang laro ng mga ito, hindi ba? Ang ibang bata, tumitingin muna, ang iba naman, pinag-aaralan ang laro nang hindi muna nagtatanong."
Sabay silang napatango-tango ni Elizeo. "Ganoon din dito. Ang maituturing na panlalamang ay kung malalaman na ninyo kung paano tumatakbo ang buong Grandiosong Palaro. Kaya inilagay ang mga ito sa leeg namin. Para mapigilan iyon. At isa pa, binabago rin naman nila taon-taon ang Grandioso. Iba-iba ang dami ng laro. Napakasuwerte na natin kung anim o pito lang ang laro ngayong taon. Malas kung aabot o lalagpas sa sampu. Tulad na lang nang nakaraang taon. Sampu ang laro at halos walang natirang baguhan. Si Drago ang Kampeon noong nakaraang taon."
Itinuro ni Santiago ang lalaking may malaking dragon na tattoo. "Ilang taon na iyang Game Repeater, at noong nakaraang taon lang siya naging Grand Repeater. Iyang peklat niya? Nakuha niya sa huling laro noong unang taon ng pagsali niya. Noong ikalawang taon na sumali siya, may malaki na siyang tattoo na dragon. Kaya Drago ang naibansag sa kaniya."
Itinuro naman nito ang matandang lalaki. "Iyang si Tatang, iyan ang pinakaiiwasan ninyo. Tuso ang matandang iyan. Ginagamit ang katandaan para magpaawa sa ibang manlalaro at makuha ang gusto niya. Sa apat na oras ng paglalakad sa tunnel kanina, ni isang segundo sa mga iyon, wala siyang nilakad gamit ang mga paa niya. Nagpapasan siya sa ibang manlalaro, at ang manlalarong iyon na napagod ang naiwan sa tunnel."
Apat na oras? Kung gayon ay apat na oras silang naglakad sa madilim na tunnel na iyon kanina na ang tanging ilaw lamang ay ang liwanag na nanggagaling sa sulo ni Charon. Sandali, kung apat na oras silang naglakad, tatlumpung minutong naglaro ng Patintero, at binigyan ng sampung minutong palugit upang magpalit ng uniporme, ibigsabihin ay mag-aalas singko na ngayon ng umaga, at ilang sandali na lamang ay sisikat na ang araw sa Silangan. Kung gayon, kapag inawas pa ang isang oras na ibinigay sa kanila upang magpahinga, nasa mahigit labing-walong oras pa silang maglalaro.
"Iyang sina Mayta at Malena," itinuro nito ang dalawang babaeng nakatirintas ang mga buhok. "Magaling mag-isip ng estratehiya, pero hindi kumakampi sa ibang manlalaro. Game Repeater pero hindi pa nagiging Kampeon. At iyon," itinuro nito ang batang babae na puting-puti ang kulot na buhok. "Si Kapalaran. Anak ni Pahimakas. Weirdo ang isang iyan katulad ng ina niya. Wala pang naging kakampi iyan. Pero napakatalino ng batang iyan. Kaya niyang manalo mag-isa."
Anak ni Pahimakas? Ngayon alam niya kung bakit ganiyon rin ang buhok ng batang babae. Malamang ay namana iyon ng bata sa ina nito. Ngunit hindi niya maintindihan kung bakit isasali ng game master ang anak nito sa karumal-dumal na larong iyon kung alam na nito ang mangyayari, at pwedeng mangyari sa anak nito? Hindi niya iyon lubos maintindihan.
"Kung ako sa inyo, magiging wais ako sa didikitan ko," ang sinabing iyon ni Santiago ang sinabi rin niya sa sarili magmula pa noong nasa tren pa lamang siya.
May mga tanong pa rin sa isip ni Faizal. Ngunit hindi niya alam kung ano iyon, nasa dulo iyon ng dila niya. Marami siyang gustong malaman, ngunit hindi niya alam kung paano iyon iisa-isahin kay Santiago. Isa pa, limitado lamang ang pwede niyang itanong kay Santiago. Dahil isang maling tanong lamang niya na aksidente nitong masagot, paniguradong lilipad ang ulo nito sa ere.
"Basta ito ang tandaan ninyo. Sa pagitan ninyong dalawa, mas nanganganib ka." Itinuro nito Elizeo, at agad namang namutla ang binata. "At ikaw," itinuro naman siya nito, "ikaw lang ang makakapagligtas sa kaniya. Depende na lang kung may ibang magmamagandang-loob na ilabas siya mula sa kulungan. Kapag tumumba na ang lata, bilisan mo kaagad ang pagtakbo at hablutin mo si Elizeo."
Kulungan? Kung gayon, may literal na preso? Tanong ng isip niya. Ang sabi ni Santiago, kailangan niyang hablutin si Elizeo. Kung tama siya nang naiisip, imbes na tsinelas o sapin sa paa ang hahablutin, isa pang manlalaro ang kailangan nilang makuha. Kung gayon, ano ang ipangtutumba nila sa lata? Iyon ang tanong na hindi niya lubos maisip ang sagot.
"Ibig sabihin, may kapareha dapat ang bawat manlalaro sa larong ito?" Tanong niya.
Nagkibit-balikat lamang si Santiago bago nahiga sa sahig. "Pag-isipan mong maigi, Faizal. At kapag tapos ka nang mag-isip, umamot na kayo ng tulog. Mahigit isang oras ang itatagal ng pangalawang laro at mas nakakapagod iyon kaysa kanina." Tumagilid na ito at tinalikuran sila.
Saglit silang nagkatinginan ni Elizeo. Bakas ang pag-aalala sa mukha nito ngunit wala nang salitang namutawi mula sa bibig nito. Bagkus naghanap na lamang din ito ng kumportableng posisyon para makatulog. Nang makahiga ay tumagilid din ito at tumalikod mula sa kaniyang direksyon.
Habang siya ay nanatiling nakaupo at pinag-iisipan ang lahat ng mga sinabi ni Santiago. Baka sakaling mapagplanuhan niya ang susunod na laro kapag naisip na niya ang twist niyon.