IKALABINTATLO

1400 Words
Isang malakas na tunog ang bumalot sa buong kuwarto. Iyon ang alarma ng nakalipas na kuwarenta 'y singko minutos. Maging si Faizal ay napabalikwas rin. Nagising ang natutulog niyang diwa. Ni hindi niya namalayan na nakaidlip siya. Mula pa kagabi kasi siya walang tulog kaya naman hinanap na iyon ng katawan niya. Sabi niya kanina ay pag-iisipan niya ang mga sinabi ni Santiago; na mag-iisip siya ng plano kung paano sila makakaligtas pareho ni Elizeo sa susunod na laro. Ngunit heto siya, hindi nakapag-isip ng plano, bagkus nagising mula sa isang masarap na idlip. Napakagaling mo namang mag-isip ng plano, Faizal. Sarkastikong kastigo niya sa kaniyang sarili. Natapos na ang malakas na tunog ng alarma pagkalipas ng dalawang minuto. Sina Santiago at Elizeo ay parehong nagising nang matapos ang maingay na alarma ay pareho ring bumalik kaagad sa pagtulog. Kinse minutos na lang ang natitira at magsisimula na ang susunod na laro. Nag-inat-inat siya pagkatapos niyon. Nangalay ang likod at ang leeg niya dahil sa biglaang pagkatulog habang nakaupo. Nakita niyang ganoon rin ang ginagawa ng ibang mga manlalaro. Ang iba ang nag-iinat, naglalakad, at gumagawa ng mga simpleng ehersisyo, samantala ang iba naman ay nag-uumpisa nang magdasal ng kaligtasan mula sa Itaas. Kita sa mukha ng iba na hindi ito mapakali. Kahit siya, hindi mapakali ang kaloob-looban ngunit pinipilit niya iyong itago. Pinakakalma niya ang sarili sa anumang maaaring mangyari. Mas hindi maganda ang magiging sitwasyon kung paiiralin niya ang takot kaysa tamang pag-iisip. Kapag gayon, ang mga natatakot ang unang mapapatay. At hindi siya maaaring mapatay sa susunod na laro, at sa mga susunod pa. "Alangan naman umuwi ako sa amin at maghanap pa ko ng kapalit kong maglalaro," natatawa niyang pabulong na biro sa kaniyang sarili. Idinaan na lamang niya sa biro ang nararamdamang kaba. Ngunit dahil din sa birong iyon ay unti-unti siyang natigilan. Parang may mahalaga sa sinabi niya na hindi niya lubos mapagtanto kung ano. Inulit niya ang biro na sinabi niya kanina. Pinaulit-ulit niya iyon sa kaniyang isip, nagbabaka sakali na mapagtanto kung anuman ang dapat niyang mapagtanto. "Kapalit..." Bulong niya. Parang mahalaga ang salitang iyon. Kumunot ang noo niya. Pilit niyang inisip kung bakit mahalaga ang salitang iyon. "Kapalit..." Pag-uulit niya. Namilog ang mga mata niya nang mapagtanto ang isang bagay. "Tama! Kapalit nga!" Anong kapalit ang makukuha nila sakaling mailigtas nila ang lahat ng mga preso? Iyon ang tanong na gusto niyang itanong kay Santiago kanina. "At talagang inabot ka ng apatnapu't limang minuto bago mapagtanto ang sinabi ng gurang na ito?" Inangatan siya ng kilay ni Zita. "Kapag nakuha natin ang lahat ng preso, may isa't kalahating oras tayo para magpahinga at makakuha ng libreng pagkain. Pero kapag nanalo ang Taya, didiretso kaagad tayo sa susunod na laro," masungit na sabi nito. "Ahh, ganoon pala..." Saglit siyang natigilan sa pagsasalita. "Salamat," kapagkuwan ay sabi niya. "Huwag kang magpasalamat," sabi nito nang hindi tumitingin sa kaniya. "Madaling namamatay sa Palarong ito ang mga taong mapagpasalamat." Tumayo na ito ay nag-inat-inat. "At iyong sinabi mong kapareha? Mali iyon. Lahat tayo magkakakampi sa susunod na laro," sabi ni Zita bago ito naglakad palayo at patingin-tingin sa iba pang manlalaro habang may bored na ekspresyon ang mukha. Tama ito. Team play ang larong Tumbang-preso, kaya naman lahat silang mga manlalaro ang tulong-tulong sa pagpapatumba ng lata. Animo'y nagme-meditate siya sa sobrang lalim ng kaniyang iniisip. Paano ba nilalaro ang Tumbang-preso ng mga bata? Tanong niya sa kaniyang isip. Binalikan niya ang mga panahong nilalaro niya ang larong iyon. Binalikan niya ang lagpas dalawang libong taon niyang alaala noong nalalaro pa ng batang David ang larong iyon. Pagkatapos, binalikan niya ang lahat ng sinabi ni Santiago, saka pinagsama ang dalawang ideya iyon. Tila may mga nabubuong imahe sa utak niya habang nag-iisip. Bumuo siya ng isang imahe ng malawak na kalsada sa isip niya. Ang simpleng mekaniks niyon syempre, may Taya na nagbabantay ng lata na nasa loob ng isang hugis bilog na sinulat sa sahig, malamang, isa sa mga guwardiya ang magiging Taya. Silang mga manlalaro ang nasa Manuhan, ang nagsisilbing ligtas na lugar para hindi habulin ng taya at makapaghagis ng tsinelas. Sa larong ito, dalawa ang magiging linya sa sahig. Ang linya ng manuhan, at ang linya ng mga preso. Sa bawat pagtumba ng lata, kailangan nilang tumakbo sa kabilang linya upang magpalaya ng preso sa pamamagitan ng pag-apir sa kamay nito. Ang lahat ng nasugatan sa Patintero kanina ang magiging preso. Kailangan nilang maunahan ang Taya dahil kapag naitayo na nito ang lata nang wala pa sila sa linya ng manuhan, maaari sila nitong habulin at tayain. Malamang, sa larong ito, hindi maganda ang mangyayari sa matatay. Dadanak na naman ang dugo roon. Kapag sa loob ng itinakdang oras ay napalabas nila ang lahat ng preso, mabibigyan sila ng isa at kalahatin oras, pati na rin pagkain, bago magsimula ang susunod na laro. Kapag kabaliktaran naman iyon ang nangyari at nanalo ang Taya, bukod sa mawawalan sila ng pagkain at palugit na oras para magpahinga, malamang ay... Napatingin siya sa likod ng natutulog na si Elizeo. Malamang, buhay ng mga sugatan ang magiging kapalit. Magiging malagim ang kamatayan ng mga ito tulad na lamang ng nangyari kanina sa Patintero. Tama si Santiago. Sa kanilang dalawa ni Elizeo, mas nanganganib ito. Ngayon, ang nag-iisang tanong na lamang niya ay kung ano ang ihahagis nila na magpapatumba sa lahat. Ano ang maaari nilang ipalit sa tsinelas. Napatingin siya sa kaniyang mga paa. Ang sapatos nilang suot? Napailing-iling siya. Hindi. Hindi pwede ang sapatos na iyon dahil sinabi na ni Pahimakas na hanggang sa huli, kailangang suot nila ang mga uniporme nila. At ang sapatos na iyon ay parte ng kanilang uniporme. Kapag nasagot na niya ang tanong na iyon, mas magdudugtong-dugtong ang lahat ng ideya na nasa kaniyang isip, at kapag nangyari iyon, mas malalaman ang dapat gawin sa susunod na laro. Iyon nga lamang ay kulang na siya sa oras. Nagsisisi tuloy siya na napahaba ang pag-idlip niya kanina. Hindi, hindi naman niya kailangang pagsisihan iyon. Kung hindi siya nakaidlip kanina, malamang ay hindi gumagana ang utak niya ngayon dahil sa sobrang antok. At least, na-recharge ng idlip na iyon ang itak niya. Napatayo siya nang bumukas ang isang malaking pintuan. Hindi rin mapagkakamalang pintuan iyon dahil kakulay na kakulay iyon ng pader. Napatingin silang lahat roon, ngunit saglit lamang iyon dahil bumukas ang malaking telebisyon. "Mga mahal naming manlalaro. Tapos na ang isang oras na ibinigay sa inyo upang kayo ay makapagpahinga. Sa loob ng isang minuto ay sisimulan na ang ikalawang laro," nakangiting sabi ni Tadhana. "Ang susunod na laro ay magsisimula na. Nasa inyong mga kamay ang inyong kapalaran. Nawa'y mapasainyo ang suwerte," iyon lamang sinabi nito at muli nang namatay ang napakalaking telebisyong iyon. Isa-isa silang pinahanay ng mga guwardiya; pinatayo ang mga hindi pa nakatayo at mga wala pa sa linya. Kahit iyong mga manlalarong hindi nagising sa malakas na tunog ng alarma kanina ay sapilitang itinayo ng mga guwardiya at pinapila. Halatang wala pa ang mga ito sa tamang pag-iisip. Tumayo na rin sina Elizeo at Santiago, at segundo lamang ang nakalipas nang simulang paghiwalayin ang mga sugatan sa hindi sugatan. Tinapik-tapik ni Elizeo ang balikat niya bago ito pumunta sa grupo ng mga sugatan. "May tiwala ako sa iyo." Determinadong sabi nito. Magalang din ito na tumango kina Santiago at Zita, at wala namang kahit anong salita na namutawi sa labi ng dalawa. Tinanguhan lamang din ng mga ito si Elizeo. Napatitig na lamang siya sa papalayong likod nito. Huwag kang magtiwala sa akin, Elizeo. Gusto niya iyong sabihin, na walang kasiguraduhan kung matutulungan niya ito. Ngunit gagawin din naman niya ang lahat ng makakaya upang matulungan ito. Nang maayos ang lahat sa linya ay pinagmartsa na sila palabas sa puting kuwartong iyon. Minamanduhan sila ng mga guwardiya kung saan sila dapat pumunta. Nalunok niya ang sariling laway habang nagmamartsa, lumalim ang kaniyang mga pahinga. Mabilis na mabilis ang pagtibok nv kaniyang puso. Kinakabahan siya. Ang kaniyang mga mata ay diretso lamang ang tingin. Ni hindi siya tumitingin sa kaniyang mga paa na nagmamartsa o sa mga manlalarong katabi niya sa pila. Tuloy lang sa paglalakad, walang lingon likod. Nang makalabas na silang lahat mula sa puting kuwarto ay malakas na sumara ang pintuan niyon. At nang tumigil na sila sa pagmartsa, isa lamang ang pumasok sa kaniyang isip: magsisimula na ang ikalawa nilang kamatayan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD