Ang kuwarto na kanilang napasukan ay singlaki ng puting kuwarto kanina. May mga kakaibang simbolo rin ito sa mga pader. Hindi iyon kasingputi na kuwartong pinanggalingan nila. Bagkus, ang pinta sa pader ng mga iyon ay hitsurang lansangan. At ang sahig na kinatatauan niya ay kakulay at kaparehas ng texture ng isang kalsada. Syempre, hindi mawawala roon ang malaking telebisyon.
Tama nga ang naisip niya kanina. May dalawa ngang linya sa sahig at may pinakagitna niyon. Isang puting linya at isang itim na linya, samantala ang bilog sa pinakagitna ay kulay pula naman. Mukha nang basketball court ang lugar na palaruang iyon. Muling pinagmartsa ang mga sugatan na manlalaro patungo sa kabilang linya at pinaayos ng paghanay roon. Para itong mga hitsurang piyesa sa larong chess. Ang pinakamaliit ang nasa unahan, at dahil may katangkaran si Elizeo ay nasa dulo ito.
Kumunot ang kaniyang noo nang makitang napakalawak mg kanilang palaruan. Oo nga at napakarami nilang mga manlalaro, ngunit tila dehado na yata ang Taya? Bukod sa marami silang maaaring magpatumba sa lata, napakalaki rin ng dapat takbuhin ng Taya sakaling lumayo ang pagtutumbahan ng lata. Ibig sabihin, mas mahaba ang magiging oras nila na makapagligtas ng mga Preso na nasa kabilang linya, bago pa man maitayo ng Taya ang lata.
Parang may mali sa nangyayari. Hindi maganda ang pakiramdam niya doon. Ano ang pakulo ng larong ito?
Bumukas ang malaking telebisyon at ang nakangiting mukha ni Pahimakas ang bumungad sa kanila. "Mga mahal naming manlalaro, ang inyong ikalawang laro ay Tumbang-Preso. Malamang, ang iba sa inyo, nalaman na mula sa ating mga Game Repeater at Grand Repeater na iyon ang inyong lalaruin, kaya naman hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Ang lahat ng manlalaro na nasa loob ng itim na linya ay magkakakampi. Isang oras ang palugit na ibinibigay sa inyo para iligtas ang mga preso. Makakalabas lamang kayo sa linya ninyo kapag napatumba ninyo ang latang ito."
Isang malakas na tunog ng kung ano ang kanilang narinig. Lahat sila ay napatingin sa pinanggalingan niyon: ang kisame. Unti-unti iyong bukas at mula roon ibinaba ang lata na tinutukoy ni Pahimakas. Umawang labi niya nang makita iyon. Hindi lamang iyon isang lata, kundi isang napakalaking lata! Halos kasing taas siguro iyon ng isang basketbolista. Nasa anim o pitong talampakan ang taas niyon at ang taba ay kasing laki ng taba ng isang drum.
"Huwag kang mag-alala. Madali lamang mapatumba ang latang iyan," naramdaman niya ang pagtapik ni Santiago sa balikat niya. Malamang ay nakita nito ang pag-aalala sa mukha niya. "Ang dapat mong alalahanin ay ang Taya."
Tama, ang Taya. Hinanap niya kung may guwardiya malapit sa malahiganteng lata. Kung ganoon kalaki ang lata, ibig sabihin ay maraming kailangan magtulungan na magtayo doon kapag natumba na iyon, hindi ba? Malamang ay marami din ang magiging taya. Marami ang maaaring humabol sa kanila. Ngunit wala siyang nakita na kahit sinumang nakatayo malapit doon.
Ang higanteng lata lamang ang nakatayo sa gitna ng bulwagan; sa gitna ng pulang bilog.
"Wala kang mahahanap na Taya sa tabi ng lata," narinig niyang sabi ni Zita na nakatayo sa kaniyang tabi. "Dahil ang Taya, nasa likuran natin." Unti-unti siya napalingon sa kanilang likuran dahil sa sinabing iyon ni Zita. Pati ang iba pang manlalaro na nakarinig sa sinabi nito ay napalingon rin sa likuran. "Tingin sa pader." Muling sabi nito habang ang mga mata ay nakatutok sa lata.
Sa itaas ng malaking pintuan na pinanggalingan nila ay dalawang malaking baril na nakatutok sa direksyon nila. "Iyan Taya. Sa bawat manlalarong hindi makakabalik sa itim na linya kapag naitayo nang muli ang lata ay iyan ang magdidispatsa."
Umugong ang bulungan. Lahat ay natatakot sa maaaring mangyari. Lahat ay nag-aalala para sa sari-sariling mga kaligtasan.
"Ang latang ito ay gawa sa magaan na bakal ang ilalim. Samantala ang bilog naman ay may maliliit at libo-libong magneto na kusang magpapabalik sa bakal sa loob ng bilog," muling sabi ni Pahimakas. "Kapag natumba na ang bakal, saka lamang kayo maaaring lumabas mula sa Manuhan, at tumakbo sa puting linya upang magligtas ng Preso. Paalala lamang, ang pagliligtas sa mga Preso ay depende sa kanilang linya. Unang ililigtas ang nasa unang linya, sunod ang ikalawa, at sunod pa. Hindi maaaring maunang iligtas ang mga nasa hulihang linya, dahil ang bawat linya ay nakabatay sa kung gaano kalala ang sugat nila. Ang mga nasa unang linya ay ang mga kalahok na maaaring may kakaunti o hindi malalang sugat."
"Kapag nailigtas ninyo ang lahat ng Preso sa loob ng palugit na oras, bibigyan namin kayo ng isang napakagandang gantimpala." Mukhang ang gantimpalang iyon ay ang tinutukoy ni Zita kanina na isa at kalahating oras na pahinga at pagkain. "Ngunit kapag nanalo ang aming Taya, maaaring manganib ang buhay ng mga kalahok na nasa puting linya.
Ngayon lumilinaw na sa kaniya ang lahat. Ngunit may isang bagay pa rin siyang gustong malaman. May isang bagay pa rin ang hindi nagdudugtong sa lahat...
"Ang pangalawang laro ay simulan na!" Nawala na sa telebisyon si Pahimakas, at ang isang oras na palugit para matapos ang laro ay nagsisimula na, ngunit wala pa rin miski isa sa mga manlalaro ang kumikilos. Ang iba ay nagtitinginan, hinihintay na maunang gumalaw ang iba pa.
At sa gitna ng dagat ng mga litong manlalarong iyon, dalawang pigura ang umangat. Buong lakas na binuhat ni Mayta ang kakambal nitong si Malena. Lumipad sa ere ang payat na katawan nito. Ang direksyon nito ay ang lata, at nang tumama ito sa lata, una ang paa. Buong lakas nitong sinipa ang napakalaking lata dahilan upang tumilapon iyon sa hindi kalayuan. At nang bumagsak ito sa sahig ay parang isa itong pusa.
Namilog ang mga mata ng lahat. Maging siya. Awang ang labi niya nang sa wakas ay mapagtanto nilang sila mismo ang mga pamato, at ang kailangang magpatumba sa lata. Eksaktong pagkaapak na pagkaapak ng mga paa ni Malena sa sahig ay ang pagsigaw ni Mayta. "NGAYON NA!"
Napagkaliksi ni Malena. Ngayon lamang siya nakakita ng taong ganoon kabilis tumakbo. Mas mabilis pa itong tumakbo kaysa kay Santiago. Tila segundo lang ang lumipas nang takbuhin nito ang puting linya, humatak lamang ng kahit sinong tao roon at mabilis na bumalik sa itim na linya. Gumana rin ang reaction time nina Santiago at Zita. Mabilis na lumabas ang mga ito sa itim na linya, tinakbo ang puting linya, at humablot ng Preso. Eksaktong tumayo ang lata sa bilog ay nakabalik ang mga ito sa Manuhan nang ligtas.
Tatlong preso kaaga ang naligtas doon. Iyon nga lamang ay nasa mahigpit singkwenta na mga Preso yata ang kailangan nilang mailigtas. May pintong tao pang natitira sa unang linya. At kailangan nilang mailigtas ang pitong iyon bago pa man mailigtas ang susunod na linya, at ang susunod pa, at ang susunod pa...
Kita niya kung paano malakas, at nakangiting pinaghampas nina Mayta at Malena ang palad ng mga ito. Kita rin niya kung paano maluha-luhang nagpasalamat ang mga naligtas na tao sa mga ito, pati na rin kina Zita at Santiago. Walang nasaktan sa mga ito; kung pwed lang na wala nang iba pang masaktan sa laro na iyon, ngunit alam niyang napakalabo naman na mangyari niyon. Hanggang ngayon inisiip pa rin niya kung ano kaya ang nakukuha ng Siklo sa Palarong iyon.
Dahil sa nakita ng ibang manlalaro ang ginawa nina Mayta at Malena, ginaya iyon ng iba pang mga manlalaro. Nakita niya kung paano nagkatinginan ang dalawang babae. "Teka, saglit lang—" hindi na napigilan ng mga ito ang apat na lalaki na ginaya ang ginawa ng mga ito.
Pinagtulungang buhatin ang tatlong lalaki ang isa pang lalaki na may medyo malalaking pangangatawan. Sakto naman ito sa direksyon ng lata. Iyon nga lamang ay hindi tumumba ang lata nang sipain iyon ng lalaki.
Nakita niya kung paano nagkatinginan sina Zita at Santiago. Samantala sina Malena at Mayta naman pareho lamang napailing.
Kasunod niyon ay ang malakas na tunog ng pagputok ng baril. Agad na napasigaw ang ibang manlalaro dahil sa lakas ng tunog na iyon. Segundo lamang pagkatapos niyon nang bumagsak ang katawan ng lalaki. Wala nang buhay iyon at dilit pa ang mga mata. Butas na ang gitna ng noo nito at tagusan sa ulo nito ang bala. Agad na dumaloy ang dugo nito sa sahig na kakulay ng kalsada.
Napaatras siya roon. Maging ang tatlong lalaki na kasamahan nito ay napaatras rin, hindi makapaniwala sa nangyari. Kita ang pagkahilakbot sa mukha ng mga ito habang pare-parehong nakatitig sa patay na nitong kasamahan.
"Tsk, tsk." Napapailing na pumalatak si Santiago. "Hindi muna naghanap ng tiyempo bago sumugod. Iyan tuloy ang nangyari," mahinang sabi nito.
"Tiyempo?" Tanong niya nang hindi tumitingin dito.
"Oo. Syempre, kababalik lang ng kata sa bilog. Ibig sabihin, napakalakas pa ng pwersa ng paghatak ng magneto sa ilalim niyon. Kailangan munang maghintay ng ilang minuto bago iyon matumbahin muli," paliwanag nito. Tumango-tango lamang siya roon.
"Sa susunod na pagtumba ng lata, kailangan makuha natin ang pitong iyon," tinuro ni Zita ang pitong Preso na naiwan sa pinakaunang linya. "Kapag dumami ang bangkay sa paligid ng lata ay mahihirapan na tayong masipa iyon palayo sa bilog."
"Kailangang mas mapalayo ang lata sa pulang bilog, para magawa natin iyon. Kailangan, tatlong katao ang sisipa roon, at kailangang mapagtulungang buhatin ang tatlong tao na, bigyan ng mahabang salida, nang sa gayon, mas maging malakas ang pwera ng pagsipa sa lata." Nakikinig lamang siya sa pinag-uusapan nina Santiago at Zita ngunit itinatatak niya ang bawat salita ng mga ito sa kaniyang isip.
Binali ng pag-upo ni Santiago sa sahig ang kaniyang mga iniisip. "Ano ang ginagawa mo riyan?" Puno ng pagtataka na tanong niya rito.
"Ano pa ba? E 'di nakaupo. Nakikita mo naman siguro," sarkastikong sagot nito sa kaniya. Kumunot na lamang ang kaniyang noo bago naihilamos ang kaniyang mga palad sa kaniyang mukha.
"Nasa gitna tayo ng laro," iyon lamang ang sabi niya ngunit napakarami nang kahulugan niyon.
"Wala akong pakialam. Kahit nasa gitna pa tayo ng paggunaw ng mundo. Wala rin namang mangyayari sa larong ito hangga't may kani-kaniyang pang mga mundo ang bawat kalahok." Prente ngang nahiga si Santiago sa sahig. Bumaling ito kay Zita na nakatayo sa hindi kalayuan dito. "Zita, gising mo na lang ako pagkatapos ng laro," talagang wala ngang pakialam na sabi nito.
Nakaramdam siya ng galit dahil sa kaniyang narinig. Walang sabi-sabi niyang hinablot ang kuwelyo ni Santiago na siya namang ikinagulat nito.