"Zita, gisingin mo na lang ako pagkatapos ng laro," talagang wala ngang pakialam na sabi ni Santiago. Unti-unting kumuyom ang mga kamao ni Faizal dahil doon. Tila nagpanting ang kaniyang tenga dahil sa narinig.
Hindi pa nagtatagal sa pagkakahiga si Santiago ay yumukod na siya rito at hinablot ang parteng leegan ng uniporme nito. Buong puwersa niya itong pinatayo. Halata naman ang gulat nito sa ginawa niya. Mayroon itong hindi makapaniwalang reaksyon sa mukha habang nakatingin sa kaniya.
"Ano ba ang problema mo?" Tanong nito. Hindi ito galit. Hindi lamang makapaniwala ang tono nito.
"Nasa kabilang linya si Elizeo." Mariin ang bawat salita niya. Bawat salitang iyon ay hindi direktang ipinaparating na kailangan nila itong matulungan.
"Akala ko ba ay hindi mo kaibigan ang isang iyon?" Pilit nitong inalis ang mga pagkakahawak niya sa uniporme nito. "Hindi ba at grabe naman na ang sugat ng taong iyon? Bali pa ang isang braso niya at hindi mapakinabangan. Mabuti nga at nakarating pa siya sa pangalawang laro. Mas maganda kung dito na siya mamamatay para hindi na siya mahirapan sa mga susunod na laro!" Tumawa nang malakas ang lalaki pagkasabi niyon. Galit naman ang kaagad niyang naramdaman doon.
Kaya naman hindi siya nakapagpigil at binigyan ito ng isang napakalakas ng suntok sa mukha. Ah, kailan ba? Ang huling pagkakataon na nakasuntok siya ng isang tao? Hindi na niya maalala. Pumipintig ang kaniyang kamao. Pumipintig ang kaniyang mga buto roon. Nabahiran pa iyon ng dugo.
Napaigik ito at napaatras dahil sa lakas ng pagtama ng kamao niya sa pisngi nito. Hindi nito inaasahan ang pagsuntok niya. Dahil doon, pumutok ang parte niyon at agad na tumulo ang dugo. Tuluyan na niya itong binitawan. Wala nang salitang namutawi mula sa bibig niya. Malaki pa naman ang paniniwala niya na matutulungan siya ni Santiago dahil sa pagtulong nito kanina sa kaniya sa Patintero. Ngunit naalala niyang isa nga lamang din pala ito sa mga manlalaro na walang pakialam sa mga kapwa nito manlalaro.
Ano nga ba ang dahilan kung bakit ito umuulit nang umuulit sa pagsali sa Grandiosong Palaro? Ah, tama. Naalala na niya. Iyon ay ang makita ang mga baguhang katulad nilang dalawa ni Elizeo na makagawa ng katangahan at isa-isang mamatay. Bakit ba niya saglit na nalimutan iyon?
Napaismid siya. At ang kamao niyang ipinansuntok dito ay mas humigpit pa. Sisiguraduhin niyang baguhan ang magiging Kampeon ngayong taon. Kung ayaw siya nitong tulungan, siya na ang mag-isang gagawa ng paraan para tulungan si Elizeo. Walang lingon-likod na tinalikuran niya ang mga ito at sumiksik sa iba pang manlalaro. Kung kinakailangang magmakaawa siya sa lahat ng mga Game Repeater ay gagawin niya.
Hindi na niya narinig ang pag-uusap nina Santiago at Zita. "Parehong-pareho kayo ng ugali nang baguhan ka pa lang din dito, Zita." Umikot lamang ang mga mata ng babae dahil sa sinabi ni Santiago. "Pwede naman niyang direktang sabihin na kailangan niya ng tulong natin," dugtong pa nito.
"Bahala kayo sa mga buhay ninyo. Labas ako riyan," sabi ni Zita kahit ang mga mata ay nakatitig sa papalayong pigura ni Faizal.
"Tss, ang sungit mo talaga." Napapailing na lamang na sagot ni Santiago.
May tiwala ako sa iyo.
Marahas na humugot ng malalim na paghinga si Faizal nang maalala ang mga salitang iyon ni Elizeo. Dahil sa sinabing iyon ng binata para talagang nagkaroon siya ng responsibilidad na iligtas ito. Habang ang mga manlalaro ay nahihilian kung sino ang susunod na magpapatumba sa lata, siya ay nakatayo roon, hindi alam ang gagawin.
"H-hindi ninyo ako mapapasipa sa latang iyan. Hindi ako a-aalis sa linyang ito hangga't hindi ninyo naililigtas ang mga taong iyan." Iyon ang malakas na sabi ng isang lalaki sa hindi kalayuan. Mukhang pinipilit ito ng tatlo pang lalaki na patumbahin ang lata upang iligtas rin ang isa pa sa mga kasamahan nito na nasa loob ng puting linya.
Tama, pwede namang ganoon na lang din ang gawin niya, hindi ba? Ang hayaan ang iba na maging sakripisyo at hintayin na matapos ang laro. Pwede naman siyang maghintay na mailigtas ng ibang tao ang mga manlalaro na nasa loob ng puting linya.
Ngunit hindi ba, isang kaduwagan din iyon? Tanong ng kaniyang isip. Hindi ba't kaduwagang maituturing kung papanoorin niyang isa-isang mamatay ang iba pang manlalaro doon habang siya ay naghihintay at walang ginagawa?
"Huwag mo nang tangkaing gayahin," ani ng malaki at malalim na boses. "Kaya nga team play ang larong ito. Ibig sabihin kailangan ng teamwork. Hindi porke marami tayong magkakakampi ay may karapatan na ang isang manlalaro na tumayo sa sulok. Makalipas ang ilang minuto, ang lahat nang hindi tumulong, maeelimina." Napaatras siya nang makitang pagmamay-ari pala ni Drago ang boses na iyon. Tila ba nabasa nito ang iniisip niya. "Bantayan mo ang bawat kilos mo. Pinapanood nila tayo."
Hindi niya naintindihan ang huling sinabi ni Drago, at nang akmang tatanungin niya ito kung ano ang ibig sabihin niyon ay nabulabog ang buong paligid ng malalakas na putok ng baril. Napaluhod siya, mariing napapikit, at tinakpan ang kaniyang tenga. Halos lahat ng mga manlalaro ay ganoon ang ginawa; natatakot na baka isa na sa kanila ang sunod tamaan ng mga iyon... Natatakot na baka sila na ang sunod na sasabog ang ulo sa sahig.
Naghahalo ang tunog ng mga putok ng baril at sigaw ng mga takot na manlalaro. Ngunit sa kabila niyon ay nakita niyang tila naghahanda si Drago, nag-inat-inat saka inayos ang suot nito ng sapatos. Samantala, walang takot namang na tumakbo sina Malena at Mayta palabas ng linya at kapwa buong lakas na itinulak ang lata. At nang bumagsak iyon palayo sa pulang bilog ay pwersahan iyong pinagulong ng dalawa palayo.
"HUWAG KAYONG TUMUNGANGA RIYAN!" Sigaw ni Mayta. Tila kusang gumana ang mga paa niya. Tumakbo siya palabas sa itim na linya upang tulungan ang dalawang babae. Halos madapa pa siya sa mga nagkalat na bangkay ngunit mabilis din siyang tumayo at tumulong sa pagpapagulong ng malaking lata. Ramdam niya ang kung anong pwersa na pumipigil sa kanila na mapagulong iyon. Kaunti lamang ang layo nila mula sa pulang bilog, at hinahatak ng mga magneto roon ang lata.
Halos dumulas ang kaniyang mga paa dahil sa buong pwersang pagtulak sa lata. Tumulong na rin ang iba pang manlalaro sa pagtulak sa lata palayo sa bilog. Kaya naman hindi na lamang siya, kundi pati na rin ang nagtutulong-tulong na mga manlalaro ang pare-parehong dumudulas nang paunti-unti ang mga paa. Samantala ang iba, kahit takot na takot ay lumabas na rin mula sa itim na linya upang humablot ng mga Preso.
Sa hindi kalayuan, nakita niya si Drago na may pasan-pasan na dalawang bata sa magkabilang balikat nito. Tumatakbo ito mula sa puting linya patungo sa itim na linya.
At makalipas ang sampung minuto, tatlong linya na ng mga sugatang Preso ang nailigtas nila. Mas lumakas pa ang pwersa ng lata. Tagaktak na sila ng pawis, at ang karamihan sa mga manlalarong pumipigil sa malaking lata ay dumulas na ang mga paa.
"BALIK SA MANUHAN!" Buong lakas na sigaw ni Mayta. Malamang ay naramdaman na rin nito na hindi na nila kayang pigilan pa ang lata sa pagbalik nito sa bilog.
Agad na nagsitakbuhan ang mga manlalaro patungo sa itim na linya, at kasunod niyon ay ang halos paglipad ng lata pabalik sa bilog dahil sa pwersa niyon. Mabilis na gumana ang mga paa niya. Mabilis niyang tinakbo ang itim na linya, at ganoon rin ang ginawa nina Malena at Mayta. Malakas ang kabog ng kaniyang dibdib. Eksaktong narinig niya ang malakas na tunog ng pagtayo ng lata sa pulang bilog ay natawid niya ang linya.
Parang saglit siyang nabingi. Hindi niya naririnig ang sunud-sunod na pagbaril sa mga manlalaro at sa mga Preso na naiwan sa labas ng linya. Para siyang isang mananakbo na nanalo sa marathon. Ang kaniyang mga kamay ay nasa ere nang matawid niya ang linya.
Ngunit eksaktong pagtapak muli ng kaniyang mga paa sa sahig, doon bumalik ang kaniyang pandinig. Doon na niya narinig ang mga sigawan at ang mga putok ng baril.
At doon na rin niya narinig ang malakas na pagsigaw ni Mayta. "MALENA!"
Para siyang nagbalik sa realidad nang makita si Mayta na hinahatak ang kapatid nito patungo sa itim na linya. "Malena!" Umiiyak na sabi ni Mayta. Sumisirit ang dugo mula sa magkabilang binti ng babae. Natulos siya sa kinatatayuan. Hindi lamang siya kundi maging ang iba pang mga manlalaro.
Hindi na makatatakbo ang pinakamaliksi nilang kakampi.