IKALABING-ANIM

1400 Words
Magaan sa pakiramdam ang makatawid sa itim na linya bago pa man tumayo ang lata. Sa loob ng ilang segundo, iyon ang naramdaman ni Faizal. Para siyang naging isang malayang ibon na ang mga kamay na animo'y nagmistulang pakpak ay nakaangat pa sa ere. Ilang segundo... iyon ang problema. Sa loob ng palaruang ito, ilang segundo lamang siya maaaring sumaya. Dahil pagkatapos ng ilang segundong iyon ay pinabalik siya sa realidad ng pagsigaw ni Mayta, kasabay ng malalakas na putok ng baril. Hindi na lamang ang mga nasa labas ng linya na inabutan ng pagtayo ng lata ang isa-isang nangangamatay, kundi maging ang ilan sa mga manlalaro sa loob ng itim na linya. Napaatras siya. Hindi na ligtas ang loob at labas ng linya. Isang m*****r. Tila ba walang katapusan ang ingay na iyon; ang bawat matamaan ay isa-isang bumabagsak. At isa na roon si Malena. Inabot ng baril ang mga binti nito. Bumubulwak ang dugo sa mga binti nito habang pilit na hinahatak ni Mayta. Saglit na natigilan ang lahat. Hindi makapaniwala na ang isa sa maliliksi nilang manlalaro ay bumagsak na. Kita sa mukha nito ang sakit na nararamdaman. "TULUNGAN NINYO AKO!" Ang sigaw ni Mayta na iyon ang nagpabalik sa kaniyang lumipad na huwisyo. Nagmamadali niyang tinulungan si Mayta. "Kailangan natin mapatigil ang pagdudugo," anito na pinipilit maging kalmado. Napatingin siya sa mga napuruhang binti ni Malena. Kumakalat na sa sahig ang dugo na nanggagaling sa mga iyon. Itinaas ni Mayta ang parte ng pants sa magkabilang binti nito. Lumusot ang bala sa isa sa mga iyon, habang sa isa ay dalawang bala ang tumama. Mahigpit niyang hinawakan ang isang binti nito upang mapaampat ang pagdudugo niyon. Nakita niya kung paano napaigtad si Malena sa sakit. Aksidenteng nakagat ng babae ang ilalim ng labi nito dahilan upang magdugo rin iyon. Napuno ng dugo ni Malena ang kaniyang mga kamay. Nakita ni Faizal kung paano sinira ni Mayta ang laylayan ng damit nito at ibinalot iyon sa butas na binti ni Malena. Ngunit hindi iyon sapat dahil manipis lang iyon. Kailangan pa nila ng maraming tela. Nabigla siya nang mahigpit na hinawakan ni Malena ang bandang leegan ng damit niya. "T-tumatakbo ang oras," nahihirapang sabi nito. Mabigat ang paghinga ng babae nang pilit itong magsalita. Agad siyang napatingin sa napakalaking telebisyon dahil sa sinabi nito. At tama si Malena, tumatakbo ang oras. Lagpas kuwarenta 'y singko minutos na ang nakalilipas, at kuwarenta 'y singko minutos na lamang rin ang natitira sa kanila upang tapusin ang larong iyon. Tama si Drago. Ngayon ay naiintindihan na niya. Ang lahat ng mga nangamatay sa loob ng itim na linya ay ang mga manlalarong walang ginawa kundi ang manood sa nakalipas na mga minutong iyon. Ni hindi niya namalayan na ganoon kahabang oras na pala ang lumipas. Tila paiksi kasi nang paiksi ang oras nila habang naglalaro. Nalalagas na rin sila. Padami nang padami ang nangangamatay na manlalaro, at ang naiiwan ay ang mga sugatan. Pangalawang laro pa lamang. Sugatan na si Malena. Paano pa sila makaliligtas sa mga susunod na laro? Ni walang nakakaalam kung ilang laro pa ang susunod sa Tumbang Preso. Ang pag-asang maging Kampeon, unti-unti nang naglalaho. Tila nga nalimutan na ng lahat na ang pag-asang iyon ang dahilan kung bakit sila naglalaro. Ang lahat ay abala sa pagsalba ng kani-kaniyang buhay. Pakiramdam ni Faizal, ang ilang oras nilang paglalaro sa Bulwagan ay katumbas na ng ilang taong paghihirap na dinanas nila sa labas ng matataas na pader ng Siklo. Hindi, mas malala pa ang dinadanas nila ngayon. Pakiramdam ni Faizal, ginamit siya ng Siklo. Ginamit ang desperasyon at kamangmangan niya. Hindi, hindi lamang basta pakiramdam. Dahil iyon talaga ang nangyari. Kung ni isa man sa kanila ay may nakakaalam na ganito ang magiging takbo ng kanilang kapalaran, na ganito umiikot ang Grandiosong Palaro, may maglalakas ng loob pa kayang sumugal? "Kulang ang tela," narinig niya sabi ni Mayta. Tumingin ito sa kaniya. "Dito ka lang. Huwag mo siyang iwan," narinig niyang sabi ni Mayta. Kapwa butil-butil ang pawis sa kanilang mga noo. "Diinan mo ang sugat niya at subukan mong paampatin ang dugo. Gagawa ako ng paraan." Sunud-sunod na pagtango ang isinagot niya sa babae. Tila sa sasaglit na sandaling iyon ay nalimutan nila na nasa gitna sila ng isang malagim na kamatayan. Nalimutan nila ang mga Preso sa kabilang linya, at ang tanging nasa isip lamang ay kung paano mapapatigil ang pagdudugo ng mga binti ni Malena. Lumapit na rin sa kanila si Zita at tinulungan siyang paampatin ang dugo. Kalmado lamang ang babae. Ngunit kita at ramdam niya ang mumunting panginginig sa mga kamay nitong may bahid na rin ng dugo. Tila napansin naman nito na napansin niya ang panginginig na iyon. "Ngayon lang kasi siya nagkaganito," mahinang sabi nito. Sa mga nakalipas na oras, nagkaroon na kaagad si Faizal ng ideya sa ugali ni Zita. Kahit gaano pa katapang si Zita, may takot pa rin ito sa kaloob-looban nito na pilit nitong tinatabunan ng lakas ng loob. Kahit gaano pa ito katapang, tao pa rin ito na nakakaramdam ng takot at pangamba. "Isa siya sa pinakamagagaling na manlalaro. Kung ito nangyari sa kaniya, paano pa kaya..." Akala niya ay siya lamang ang nag-aalala, pati rin pala ito. Hindi na nito naituloy ang sasabihin habang nakatingin kay Malena na nawalan ng malay. Game Repeater din si Zita. Malamang, alam na nito kung paano tumatakbo ang laro. Malamang, alam na rin nito kung paano maglaro sina Malena at Mayta. Alam na nito kung sino ang magagaling sa hindi. Alam niya ang iniisip ng babae ngayon. Kung isa nga sa pinakamagaling na manlalaro, natamo ang ganito kagrabeng pinsala, paano pa sila... siya? Ipinilig niya ang ulo. Sinubukang alisin ang hindi magandang ideyang kumakain sa isip niya. "Mananalo tayo," aniya. Kahit pa ang tunog niyon ay tila pinapaniwala lamang niya ang kaniya sarili, hindi ba't mas maganda na iyon kaysa magpalamon siya sa mga negatibong ideya. Nagtama ang mga mata nila Zita nang mag-angat ito ng tingin sa kaniya. "Mananalo tayo," pag-uulit niya. Bumalik ang determinasyon sa mukha ng babae at sunud-sunod ang naging pagtango. "Mananalo tayo," paggaya nito nito sa sinabi niya. Segundo lamang ang nakalipas nang bumalik sa pwesto nila si Mayta dala ang ilang damit na hinubad pa nito mula sa mga namatay nang manlalaro. Pinagtulungan nilang tatlo na punitin ang mga iyon at mahigpit iyong itinali sa mga binti ni Malena. Kahit papaano ay napaampat na niyon ang pagdurugo. "Kailangang mabantayan ang mga sugat niya," sabi ni Mayta. "Kailangang hindi siya maubusan ng dugo hanggang sa matapos ang Tumbang Preso." Binuhat ni Mayta ang kapatid palayo sa kanila. Sa nakalipas na mahigit kinse minutos, lahat ng mga manlalaro sa loob ng itim na linya ay tila pare-parehong wala sa sarili. Ang karamihan ay nakatulala lamang sa kawalan. Matapos ang nangyari kay Malena, kahit si Mayta ay saglit na nawala sa tamang pag-iisip. Para bang ang lahat ay nawalan nang pakialam sa tumatakbong oras sa malaking telebisyon sa pader. Maging ang mga preso sa kabilang linya ay ganoon rin. Ang mga mukha ng mga ito ay pare-parehong nababalot ng kawalan ng pag-asa. Ang mukha ng mga ito ay mukha ng mga taong sumuko na sa buhay. Tila ba tinanggap na ng mga ito na pare-pareho silang mamamatay. Sa hindi kalayuan ay nakita ni Faizal si Santiago na nakaupo sa sahig at tila malalim ang iniisip. Lumapit dito si Zita at tila kinakausap ito. Samantala si Drago naman ay walang tigil sa paghatak at pagbuhat ng mga bangkay sa loob ng itim na linya. Katulong nito si Tatang sa paghatak ng mgabangkay. Iniipon iyon ng dalawang lalaki sa isang parte ng bulwagan upang hindi makasagabal sa ibang manlalaro. Nayakap niya ang kaniyang mga tuhod. Hindi niya mapigilan ang mapatitig sa mga kamay na may dugo ni Malena. Natuyo na ang dugo sa kaniyang kamay. Mula roon ay nakarinig siya ng tunog ng palakpak. Kumunot ang kaniyang noo at napatingin sa pinanggagalingan ng tunog. Natigilan siya nang makitang si Elizeo iyon. Sa lahat ng mga Preso, ito lamang ang nananatiling determinado pa rin ang mukha. Mas lumakas pa ang palakpak nito dahilan upang mapatingin rito ang iba pang Preso na nasa loob ng puting linya. Para bang inagaw ng palakpak na iyon ang atensiyon ng lahat. Nagising ang mga natutulog na diwa ng mga manlalaro. Hanggang sa ang iba pang mga Preso ay isa-isa na ring nagsipalakpakan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD