Sa gitna ng mapanglaw na atmospera sa loob ng Bulwagan, isang palakpak ang umani ng atensyon. Mahina lamang iyon. Ni hindi alam ni Faizal kung lahat ba ay maririnig iyon sa napakalaking lugar na iyon. Ngunit siya, dinig na dinig niya ang tunog ng bawat paghampas ng mga palad ni Elizeo sa isa't isa. May determinasyon sa mukha nito kahit pa pilit nitong itinatago ang sakit na nanggagaling sa bali nitong braso.
Kahit sina Drago at Tatang ay natigilan sa paghatak ng mga bangkay. Ang iba pang manlalaro na malalamlam na ang mga mukha ay napatingin din; nagtataka.
Hanggang sa ang iba pang Preso ay nagsimula na ring magpalakpakan. Mayroon pang sumisipol. Pinaingay ng palakpak ng mga Preso ang kabuuan ng napakalaking lugar-palaruan na iyon. Para bang ang bawat palakpak ay pagbati sa mga nailigtas at mga nanligtas, at alay naman para sa mga nasawi.
Maging si Drago ay nakipalakpak rin, ganoon rin si Mayta, si Tatang... siya. Hanggang sa ang bawat manlalaro na kanina ay halos lumong-lumo na, ngayon ay nangunguna pa sa pagsipol. Muling nabuhay ang kaninang nauupos nang deteminasyon.
"Kaya niyo iyan!" Malakas na sigaw ng isa sa mga Preso sa kabilang linya.
"Oo nga! Kaunti na lang, matatapos na ang laro!"
"Walang susuko!" Sigaw ni Elizeo. Nang magkatinginan sila ay malaki ang ngiti ng kaniyang kaibigan. Halos labas na ang lahat ng mga ngipin nito sa sobrang tuwa. Iniangat nito ang mga kamay sa direksyon niya na parehong na parehong naka-okay sign. Iniangat rin niya ang kaniyang kamay sa direksyon nito at nag-okay sign dito.
"Tama! Tulungan!"
"Kaya natin ito!"
Ang mga sumunod pang sigawan ay pulos tungkol sa hindi pagsuko. Pinaliwanag muli ng suportang moral ng mga manlalaro sa isa't isa ang kanina'y matamlay nang atmospera.
Mula sa hindi kalayuan ay nakita niya si Santiago na naiiling na lamang na napatayo, kahit ang labi nito ay may ngiti. Patungo ito sa direksyon niya at kasunod nito si Zita. Ibinaba naman niya ang mga kamay.
"Iba talaga ang kaibigan mo," sabi sa kaniya ni Santiago nang makalapit ito.
Muli siyang napatingin sa kabilang linya. Nakita niya si Santiago na tinatapik-tapik ang balikat ng iba pang mga Preso sa kabilang linya. Nakikipag-apir din ito, at mukhang pinalalakas ang loob ng iba pang sugatan na manlalaro. Kita niya iyon sa ekspresyon ng kaibigan kahit pa hindi niya naririnig kung anuman ang lumalabas na salita sa galaw ng labi nito.
Tumango-tango siya kay Santiago kahit ang kaniyang mga mata ay nakatuon pa rin sa mga Preso sa kabilang linya. "Oo, kakaiba nga si Elizeo," sagot niya.
Kailangan ba siya huling nakakilala ng isang taong tulad ni Elizeo? Iyong kahit bugbog-sarado na at akala mo'y puro kamalasan ang dala sa katawan pero hindi marunong mawalan ng pag-asa. Iyong kahit nasa hindi na magandang sitwasyon ay puno pa rin ng determinasyon.
Oo, may kakilala siyang ganoon dati. Dalawang libong taon na ang nakararaan, noong David pa ang pangalan niya...
"Ano ka ba naman, David! Alam mo naman kung ano inabot ko para lang maihanap ka ng ka-blind date, hindi ba?" Narinig ni David na reklamo sa kaniya Elizar.
"Ayoko ngang magpunta doon, Eli," sagot niya at pinagpatuloy ang pagdio-drawing sa drawing tablet niya na kabibili lamang niya isang buwan na ang nakararaan. "Busy ako."
"David naman e. Sayang naman itong bukol na natamo ko kung hindi ka pupunta," halos iduldol nito ang noo sa kaniya na may namumulang umbok. Pikon kasi ang mga nakalaro nito, hindi makapaniwala na natalo ang mga ito ng isang baguhan. Hayun at ilang kutos at natanggap ni Elizar. At dahil ito ang nanalo, napunta rito ang babaeng makikipag-date sa mananalo, na kasama rin sa pustahan. Ngayon naman, siya ang pinipilit nitong makipagkita sa babaeng iyon.
"Buti nga iyan lang ang natamo mo. Sino ba kasi ang may sabi sa iyo na makisali ka sa bilyar nang may tayaan, e ilang beses ka pa lang naman nakapaglaro niyon."
"E kung hindi ako sumali doon, edi wala akong isang libo ngayon, at wala ka ring ka-date! Kaya pumunta ka na sa blind date. Bukas ha, agahan mo, sa may town square."
Saglit niyang itinigil ang ginagawa at sinulyapan ito. "Bahala ka sa buhay mo. Saka sinabi ko naman sa iyo, hindi ba? May kliyente ako. Kailangan ko tapusin iyong komisyon ko. Masyado na ko maraming isip." Malapit na rin kasi ang deadline ng mga komisyon niya. Ipapa-frame pa niya ang ang mga guhit-kamay at ihahatid sa mga kliyente. Matagal na talaga niyang libangan ang pagguhit at pagpinta. Ngayon ay napagkakakitaan na rin niya iyon.
Ginagamit niya ang kinikita niya roon pandagdag panggastos sa eskwelahan. Ang sumosobra ay iniipon niya. Graduating na kasi siya ng senior high school sa susunod na taon, at siguradong malaki ang gastos pagpasok sa kolehiyo. May gusto pa naman siyang unibersidad na mapasukan, ngunit hindi niya gustong humingi nang humingi ng pera sa mga magulang niya. Lalo pa ngayong nanganganib magkatanggalan sa pinagtratrabahuhan ng kaniyang ama.
"E kaya nga kita pinapapunta sa blind date para mabawasan isipin mo." Natigilan sila pareho nang tumunog ang cellphone nito. "s**t, si Mama. Nalimutan ko, hinihintay nga pala ako niyon. Sunduin ko muna siya sa palengke." Inilagay nito ang cellphone sa bulsa ng hoodie na suot saka tinapik-tapik ang balikat niya. "Una na ako, iyong blind date ha. Magpunta ka," itinuro pa uli nito ang bukol bago tuluyang lumabas mula sa kuwarto niya. Napailing-iling na lamang siya roon.
Kumaway pa sa kaniya si Elizar nang madaanan nito sa labas ng bintana niya sakay ng bisikleta nito. Nang tuluyan itong mawala sa paningin niya ay saka niya ibinalik ang tingin sa kaniyang drawing tablet...
Ngayong biglang sumagi sa isip ni Faizal ang alaalang iyon ng huli nilang pagkikita ng matalik niyang kaibigan, saka rin niya napagtanto na malaki ang pagkakapareho ng ugali nito at ni Elizeo. Halos wala nga itong pinagkaiba kung ugali lamang ang pagbabasehan.
Ang pinagkaiba lang ng dalawa, nalalagpasan ni Elizeo ang kamalasan na dumadating dito. Hindi ganoon si Elizar. Tila kay higpit ng ng kapit ng kamalasan sa balat nito.
Malas si Elizar.
Dahil noong araw na umalis ito mula sa bahay niya, iyon na rin pala ang araw na dadatnan ito ng kamalasan; ang huling araw na makakausap niya ito. Nabundol ito ng rumaragasang truck sa intersection at hindi na nakarating sa palengke upang sunduin ang nanay nito. Hindi na ito nadala sa ospital dahil wasak na wasak at halos hindi na makilala ang katawan nito. Direct hit ang nangyari dito. Wasak pati ang luma nitong bisikleta.
At nalaman niya ang nangyari dito, kinabukasan na. Nang eksaktong makarating siya sa Town Square, doon niya natanggap ang malungkot na balita mula sa ina nito. Pakiramdam niya ay tumigil sa pag-inog ang mundo niya nang mabasa ang text ng ina ng matalik niyang kaibigan. Humigpit ang hawak niya sa kaniyang cellphone at tila ba bawat letra ng mensaheng iyon ay natatatak sa kaniyang utak. Hindi siya makagalaw. Parang napako siya sa kinatatayuan.
At ilang minuto lamang pagkatapos niyon, inanunsiyo na ang nalalapit na pagguho ng mundo. Hindi na niya nakilala pa ang ka-date na sinasabi ni Elizar dahil dali-dali rin siyang nagpunta sa bahay nito. Nang makarating siya sa bahay kung saan nakatira ang kaibigan ay mga abo na lamang nito ang nadatnan niya. Kinailangang i-cremate ng bangkay nito dahil grabe ang natamo nito sa aksidente. Ang nadatnan niya ay ang umiiyak nitong pamilya sa harap ng nakangiti nitong larawan. Ang urn na lamang ang ibinurol ng mga ito.
Kung alam lang niya na iyon na ang huling araw na makakausap at makikita, sana ay umoo siya una pa lang nang sabihin nito ang tungkol sa blind date. E di sana'y maaga itong nakaalis mula sa kanila, maagang nakarating sa palengke, at hindi nahagip ng truck.
Malas si Elizar.
At pakiramdam niya, siya ang nagdulot ng kamalasan na iyon. Mali pala, siya pala ang naging malas sa buhay ng kaniyang kaibigan. Sinisi niya ang sarili sa nangyari dito.
Ang pagtapik-tapik ni Santiago sa kaniyang balikat ang tila nagpabalik sa lumipad niyang isip. Napatingin siya rito. Para bang alam nito na saglit na nilipad ng hangin ang isip niya.
"Faizal, ano ang plano natin?"
Natigilan siya sa nang marinig ang boses na iyon ni Zita. Bakit siya ang tinatanong nito? Gayong hindi rin niya alam ang sagot sa tanong na iyon. Ngunit hindi lamang si Zita ang nagtatanong. Isa-isang lumapit sa kanila ang iba pang mga manlalaro.