IKASIYAM

1800 Words
Isa... Dalawa... Tatlo. Tatlong guwardiya. Tatlong guwardiya pa ang kailangan nilang malampasan. Napatingin si Faizal sa labasang gate. Dumarami na ang mga nakakatawid roon. At bawat manlalarong nakatatawid ay may ngiting tagumpay sa labi. Kung hindi iyon ngiting tagumpay, kita sa mukha ng mga ito ang kakampantehan. Tila nabunutan ang mga ito ng tinik sa dibdib. "Hindi tayo pwede magtagal dito. Baka maipit tayo ng Patotot." Kumunot ang noo niya sa narinig. Napalingon siya kay Santiago. "Ano?" "Patotot." Itinuro nito ang guwardiya sa pinakadulong linya. Ito ang taya na nakakalakad sa gitnang linya. "Nakakatawa man sa pandinig pero iyon talaga ang tawag sa taya na iyon." "Bakit ba ang dami mong alam sa larong ito. At bakit mo alam na ito ang unang lalaruin?" Kanina pa niya iyon gustong itanong sa misteryosong lalaking. "Tss." Tinawanan siya nito. "Napakadami mong tanong. Ngayon na lang uli ako nakatagpo ng baguhan na napakadaldal," hindi siya sumagot sa komento nito. "Game Repeater ang tawag sa akin, sa amin ni Zita. Iyang mga manlalaro na nakatawid nang walang kahirap-hirap sa itim na linya? Repeater din ang mga iyan. Ibig sabihin, ilang beses nang nakasali sa Grandiosong Palaro. Ang iba pa sa mga iyan ay dati nang naging Kampeon. Grand Repeater ang tawag sa mga naging Kampeon na noon na muling sumali sa Palaro. Kaya iyang nakikita mong mga kalahok na durog na ang katawan at halos hindi na makilala? Asahan mo nang baguhan ang lahat ng mga iyan." Sa sinabing iyon ni Santiago, mas dumami lamang ang mga katanungan sa isip niya. Kung gayon ay pwede pala iyon? Ang umulit sa pagsali? Ngunit sino ang baliw na sasaling muli sa patayang laro na ito? Oo, ang kaharap lamang niya at ang mga taong nakatawid na sa linya. "Kung gayon ay naging Kampeon ka na rin dati?" Kaya ba maning-mani na lamang dito ang pagtakbo ng mabilis? Hindi ito sumagot sa tanong niya basta't tumawa lamang ito nang malakas, at hindi niya alam ang ibig sabihin niyon. "P-pero, kung alam mo naman pala na ganito ang nangyayari sa laro, na pinapatay ang mga kalahok, bakit umuulit ka pa nang pagsali?" "Bakit hindi? Nasisiyahan akong makakita ng mga baguhan na isa-isang namamatay dahil lang sa hindi kayang sundin ang simpleng mekaniks ng isang larong pambata." Malaking ngiti ang ibinigay nito sa kaniya, at gumapang ang kilabot sa buong katawan niya dahil sa ngiti na iyon. Nakaramdam siya ng takot sa lalaking kaharap. Nababaliw na ang lalaking ito. "Tignan mo na lamang ang mga sira-ulong iyon." Agad siyang napalingon sa tinitingnan ni Santiago. "Iyan ang mga halimbawa ng sinasabi ko." Isang grupo iyon ng mga manlalaro na tila nag-uusap-usap. Napakabilog ang mga ito at nakatayo sa halos gitna ng mga bangkay. May isang lalaki roon na tila nagmamando, sinasabihan ang mga kagrupo nito ng dapat gawin. Mukhang ito ang lider ng grupong iyon. May mga sinasabi ang lalaki sa grupo na tinatanguan lamang ng mga ito. Ngunit dahil masyadong malayo ay wala silang naririnig kahit ano sa mga iyon. Inobserbahan lamang nila ang mga galaw nito. Napapalatak si Santiago. "Akala siguro ng mga baliw na iyan, matatapos na ang laro nila kapag lumabas sila ng linya. Mas lalong lang nilang ipinahamak ang mga sarili nila." Napapailing na sa sabi nito. "Hangga't nasa loob ka ng bulwagang ito, hindi natatapos ang laro mo." Napatingin siya sa guwardiya. Nakatingin ito sa direksyon nila ni Santiago. Ngunit ligtas naman sila dahil malayo sila sa linya. Muli siyang napatingin sa grupo. Nahati ito sa dalawang grupo. Ang unang grupo ay isa-isang lumabas sa linya. Kasama roon ang lalaking tumatayo bilang lider ng mga ito. Ngunit naging mabilis ang guwardiyang nagbabantay. Nang lingunin nito ang grupo, dalawang palaso ang iniligay nito sa napakalaking cross bow at sabay na pinatama iyon sa dalawang kalahok. Akala siguro nang mga ito paisa-isang palaso lamang ang kayang patamain ng malaking guwardiya. Nagsigawan ang mga kababaihan sa grupo dahil sa takot. Kung gaano kabilis sa pagtakbo ang mga manlalaro pabalik sa sakop ng linya ay mas mabilis pa roon ang paglalagay ng palaso ng guwardiya. Ang lahat ng mga lumabas sa linya ay isa-isang namatay. Ang iba ay nakatawid pa sa linya, at kabilang na roon ang lider na iniwan na ang kaniyang mga kasamahan upang unang maisalba ang sarili. Kasunod niyon ay ang pagtakbo ng Patotot sa gitnang linya. Isa-isa ring bumago ng pwesto sa kauna-unahang pagkakataon ang mga guwardiyang may malalaking katawan. Na-trap na ang mga manlalaro sa kabilang parte ng bulwagan. "Bakit? Bakit hindi na tayo binabantayan ng mga taya?" Punung-puno ng pagtataka na tanong niya habang nakatingin sa nangyayari sa kabilang parte ng bulwagan. Kung tutuusin ay pwedeng-pwede na silang tumakbo ni Santiago hanggang sa dulo ng linya. "Dahil mas marami ang mga manlalaro sa kabilang parte ng bulwagan. Ano pa ang kaunting pagpapatakas, kumpara sa mas maraming matataya? Pero huwag pa ring pakampante. Alalahanin mo, hindi pa rin tayo nakakalampas sa pinakamalaking linya." Nilingon niya si Santiago. "Bakit hindi natin tulungan ang ibang manlalaro?" "Gusto mo na bang mamatay? Napakasimple lang ng mekaniks ng larong patintero. Kahit anim na taong gulang na bata kayang-kayang laruin iyon. Alam ng mga iyan na pandaraya ang paglabas sa linya." Napaatras siya nang unti-unti siyang lapitan ni Santiago at mahigpit na hinawakan ang kaniyang mga balikat. "May mga pagkakataon na hindi ka dapat tumulong. Sa loob ng bulwagan na ito, hindi mo maililigtas ang lahat. Palagi mong unahing isipin na mailigtas ang sarili mo." Marahas nitong binitawan ang balikat niya. "At isa pa, umaandar ang oras." Itinuro nito ang malahiganteng screen kung saan lumabas ang mukha nina Pahimakas at Tadhana kanina. Natigilan siya. Noon lamang niya napansin ang oras na tumatakbo roon. Apat na minuto na lamang ang natitira sa orasang iyon. Sabi ni Pahimakas kanina, trenta minutos ang itatagal ng laro nilang iyon. Hindi niya alam na trenta minutos lamang pala talaga ang limit ng laro. Ngunit ano ang mangyayari kung natapos ang oras na iyon nang hindi pa niya nararating ang dulong linya? Animo'y nabasa ng kaharap ang tanong niya sa kaniyang isip. "Kapag tumigil at naubos na ang lahat ng oras sa screen na iyon at hindi ka pa nakatatawid sa linya, ay magagaya ka lamang sa mga manlalarong iyan na nalulunod na sa sarili nilang mga dugo. Masasayang ang lahat ng paghihirap mo na makaabot sa kinatatayuan mo ngayon." Tinalikuran na siya nito. "Sa loob ng Siklo, hindi magandang katangian ang pagpapakabayani." Iyon lamang ang huli nitong sinabi bago mabilis na tumakbo hanggang sa ligtas nitong marating ang kahuli-hulihang linya. Naikuyom niya ang kamao, ngunit segundo lamang din ang lumipas nang pakawalan niya ang higpit niyon. Mariin siyang napapikit. Bago walang lingon-likod na tinakbo ang mga linya hanggang sa marating niya ang pinakadulo. At eksaktong naituntong niya ang mga paa sa kabilang parte ng itim na linya ay isang malakas na tunog ang bumalot sa buong bulwagan. Iyon ang hudyat na tapos na ang trenta minutos na ibinigay para sa unang laro. Kasunod rin niyon ang ang unti-unting pagbukas ng labasang gate na bato. Halos masilaw siya sa liwanag na nagmumula roon. Dapat ay masaya siya o kampante man lamang, hindi ba? Dahil ligtas na siya. Ligtas niyang naitawid ang unang laro. Ngunit hindi niya maramdaman miski isa sa mga iyon. Takot na takot siya at tagaktak ang pawis. Habang naririnig niya ang sigaw ng kamatayan ng mga manlalarong hindi nakaabot sa oras, nanginginig ang mga tuhod niya. Ang mga paa niya at mga binti ay may bahid ng dugo. Dugo na pagmamay-ari ng iba't ibang mga tao. Parang gusto niyang masuka dahil doon. Ni hindi siya makasunod sa mga manlalarong lumalabas na sa malahiganteng gate. Natulos siya sa kinatatayuan. Naging mararahas ang paghigit niya nang malalalim na paghinga. Ngunit kahit anong pagpupumulit niya na pakalmahin ang kaniyang sarili ay tila mas lalo lamang sumisikip ang paghinga niya. Mahigpit niyang nahawakan ang parte ng dibdib niya kung nasaan ang kaniyang puso at napatungo. Naramdaman niya ang pagtapik-tapik ng kung sino sa kaniyang likuran. Unti-unting naging kalmado ang kaniyang paghinga. At nang maging maayos na muli iyon ay saka lamang niya napansin na duguan rin ang mga paa ng taong nasa tabi niya. Kaya naman unti-unti rin siyang nag-angat ng tingin at si Elizeo ang bumungad sa kaniya. Mas malala pa ang hitsura nito kaysa sa hitsura niya. Halos puno ng dugo ang kalahati ng mukha nito. Tulad niya, pati ang mga paa nitong nakayakap na ay may dugo rin. At alam niyang dugo rin iyon ng mga namatay na manlalaro. Wala na ang benda sa kamay nito at halos lumaylay ang bali nitong braso. Maging ang maliit na telang may gasa sa ilong nito kanina ay wala na rin kaya labas na putok nitong sugat. Ngumiti ito sa kaniya. "Hinubad ko ang mga sapin ko sa paa dahil nadudulas ako." Garalgal ang tinig na sabi nito, at segundo lamang ang lumipas ng magsimulang tumulo ang luha nito. Napahagulgol ito kahit patuloy pa rin sa pagtapik sa kaniyang likod. "Akala ko namatay ka na." Pinilit niyang tumawa sa harap nito. Niyakap niya ito at tinapik-tapik rin ang likod. "Akala ko nga mamamatay na ako. Buti na lang sinundan kita." Natawa na lamang siya at pinutol na ang yakap na iyon. Sinundan pa rin pala siya nito kahit itinaboy na niya ito kanina pagbaba mula sa tren. Kinuha niya ang wala nang laman na purtamunedang tela na isinipit niya sa bewang niya kanina. Pinunit niya iyon nang pinunit hanggang sa humaba, pagkatapos ay maingat na pinambenda iyon sa braso ni Elizeo. Pinaikot niya sa leeg nito ang mahabang parte niyon saka ibinuhol sa isa pang dulo. Mabuti na lamang talaga at nakikinig siya sa mga life-saving na seminaryo sa dati niyang buhay. Iyon kasi ang hilig noon ni Noel. "Tara na." Pagyaya niya. "Ligtas na tayo sa ngayon." Nauna na siyang maglakad at sumabay sa mga lumalabas na manlalaro. Mabilis na humabol sa kaniya si Elizeo. "Hindi ako makapaniwala na kalahating oras pa lamang ang lumipas mula nang pumasok at lumabas ako sa lugar na ito. Pakiramdam ko ay tatlong taon akong naglaro." Kahit siya ganoon rin ang nararamdaman. Pakiramdam niya, ay halos kalahati na kaagad ng buhay niya ang nawala sa una pa lamang na laro. Paano pa kaya ang mga susunod? Ilan pa kaya ang mga susunod? At gaano pa kahirap ang mga susunod? Saglit siyang napatigil sa paglakad. "Elizeo." Natigil din ito sa paglalakad. "Bakit, Faizal?" Inakbayan niya ito. "Kailangan natin mangalap ng impormasyon." Hindi pwedeng wala pa ring silang alam sa mga susunod na laro. Hindi sila pwedeng mapag-iwanan ng mga Game Repeater. "Handa ka bang tulungan ako?" Determinado niyang tanong. Bumakas din ang determinasyon sa mukha ng kaniyang kausap. Sunud-sunod na pagtango ang naging sagot nito. "Oo, Faizal. Tutulungan kita." At mula roon, nabuo ang alyansa nilang dalawa ni Elizeo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD