IKAWALO

2410 Words
IKAWALO "Mga mahal naming manlalaro, maligayang pagdating sa Grandiosong Bulwagan!" Umalingawngaw ang malakas na boses ni Charon sa buong tunnel. "Dito na nagtatapos ang paglalakbay ninyo kasama ako. Nawa'y mapasainyo ang swerte!" Kasunod niyon ay ang pagkamatay ng liwanag ng dala nitong sulo. Saglit na nagdilim ang buong paligid, at segundo lamang ang lumipas nang bumukas ang ilaw sa kapaligiran. Wala na si Charon sa tapat ng malaking gate, at umugong ang bulong-bulungan. Ang lahat ay nagsimulang magtanong kung nasaan si Charon, ngunit wala namang makasagot sa katanungang iyon. Isa-isang bumukas ang mga ilaw. Ang buong tunnel ay nagliwanag. Hanggang dulo. Agad na lumingon si Faizal, ngunit agad ding gumuhit ang pagtataka sa mukha niya nang makitang wala na sa tunnel kahit isang katawan ng mga naiwan na manlalaro. Miski isa, miski anino ng mga ito, wala na sa tunnel na iyon. Kumunot ang kaniyang noo. Saan na napunta ang mga taong iyon...? Muli niyang naibalik ang tingin ng sa unahan nang makarinig ng umiingit na tunog. Unti-unti na palang nagbubukas ang malahiganteng batong gate ng Grandiosong Bulwagan. Lahat ng mga mata ay doon nakatuon. Lahat ay awang ang mga labi, lahat ay hindi maitago ang pagkamangha sa ekspresyon. Nang tuluyan iyong bumukas ay nagkatinginan pa ang mga manlalaro sa harapan niya. Tila nagtatanungan ang mga ito kung sino ang unang papasok sa bulwagan. Lahat ay natatakot at kinakabahan. Iyon ang resulta ng kawalan ng ideya tungkol sa laro. Hindi alam ng miski isa man sa kanila ang dapat gawin. Isang may katandaang lalaki at isang dalaga na tila kaedad niya ang nakisiksik sa mga tao. Nanguna ang mga ito sa pagpasok sa napakalaking bulwagan. Nakisiksik rin siya sa mga tao, sinusubukang silipin kung ano ang nangyayari. Nang pumasok ang dalawa ay doon lamang nagsisunuran ang iba pang kalahok. Hanggang sa mangagsitakbuhan ang mga ito. Binilisan din niya ang paglalakad. Sinisigurado niyang nakakasabay siya sa bilis ng dagat ng mga tao. Nang makapasok ang lahat sa bulwagan ay mabilis ding nagsara ang malaking gate niyon. Halos mapaigtad siya sa lakas ng tunog na iniwan niyon. Ngayong nasa loob na sila ng bulwagan, ang unang pumasok sa isip niya ay ang maghanap ng iba pang daan na maaaring labasan. Mas mabuti na iyong nag-oobserba siya. Hindi naman kasi niya alam ang maaaring mangyari. Nahanap niya ang isa pang gate sa kabilang parte ng bulwagan. Katapatan lamang iyon ng gate na kanilang pinasukan. Nakasarado iyon at gawa rin sa malahiganteng bato. Napakalaki ng lugar. Napakatataas ng mga poste na may mga malalaki ring sulat. Anim ang poste roon, at bukod sa may mga kakaiba iyong simbolo, may mga nakasulat rin doon. Harangang-taga. Lumplumpas. Sinibon. Binasa niya sa isip niya ang nakasulat sa tatlong poste sa kaniyang harapan, pagkatapos ay ang mga nakasulat naman sa katapat niyong higanteng poste ang isinunod niya. Sa wikang ingles naman iyon nakasulat. Block the runner. Escape from the hell. Block and catch. Kumunot ang kaniyang noo. Ano kaya ang ibig sabihin ng mga salitang iyon? Napakataas ng bubong ng Grandiosong Bulwagan, at kahit yata magpatong-patong ang bente katao ay hindi iyon maaabot. Gaya ng gate niyon na gawa sa malaking bato, may mga kakaiba ring simbolo sa bubong, sa sahig at sa pader ng bulwagan. Pumailalim ang buong lugar sa isang masayang saliw ng musika. Napalinga ang halos lahat ng manlalaro, hinahanap kung saan nanggagaling ang musikang iyon. Nanggagaling ang musika sa isang malaking telebisyon. Mula roon, lumabas ang mukha nina Tadhana at Pahimakas. "Mga mahal naming manlalaro, sa pagtuntong ninyo sa Grandiosong Bulwagan, isa sa inyo ang may tiyansang manalo ng apatnapu't apat na milyong piso, at habang buhay na panunuluyan sa ating minamahal na siyudad kasama ang inyong pamilya," nakangiti sa screen ang mukha ni Tadhana habang sinasabi iyon. "Masusukat ng inyong unang laro ang inyong liksi at bilis. Talaga namang mapalad ang mga manlalarong nabigyan ng liksi at ligalig." Mukha naman ni Pahimakas ang sunod na ipinakita sa malaking screen. "Ang mga laro ng Siklo ay magsisimula na. Nasa inyong mga kamay ang inyong kapalaran. Nawa'y mapasainyo ang suwerte." Iyon na iyon? Wala man lamang paliwanag kung ano ang kanilang lalaruin? Walang panuto o mekaniks? Kumunot ang kaniyang noo. Ano ba ang nangyayari sa lugar na ito? Kahit simpleng laro ng isang bata may mekaniks, hindi ba? Kung gayon bakit wala man lamang ganoon ang sa kanila? Hindi niya iyon lubos na maintindihan. Binalot ng katahimikan ang buong paligid. Nagkatinginan pa ang ilang mga manlalaro, nakikiramdam. Hinihintay ang mga susunod na mangyayari. Yumanig ang buong sahig. Tumakbo siya patungo sa tabi nang makita ang unti-unting pagbukas ng ilang parte ng mga iyon. Ang ibang manlalaro na hindi kaagad gumana ang reaksyon time ay nahulog sa bumubukas na parte ng sahig. Mula roon, tumaas ang isang plataporma, lulan ang ilang guwardiya na may naglalaking katawan. At hindi lamang malaki, hindi iyon normal. Mas malaki pa ang mga guwardiyang iyon sa mga katawan ng vikings noong sinaunang panahon. Talagang halos pumutok ang ugat ng mga ito lalo na leeg at braso. Nakasuot ang mga ito ng unipormeng tulad ng sa mga guwardiya ngunit halos magkanda-punit ang mga iyon. May maskara rin itong itim na may malaking pulang 'S' sa gitna, na siyang tanda na pagmamay-ari ang mga ito ng Siklo. At imbes na baril ay malalaking cross bow ang dala ng mga ito. Kumunot ang kaniyang noo nang makitang hindi gumagalaw ang mga ito. Nakatayo lamang ito sa puwesto. Nakiramdam siya. Sila. Silang mga manlalaro. Muling bumukas ang malaking screen, at ipinakita roon ang mukha ni Pahimakas. "Ang una ninyong laro ay tatagal ng hanggang tatlumpong minuto. Ang kailangan lamang ninyong gawin ay makatawid sa itim na linya malapit sa labasang gate. Simulan na!" Mabilis na nagtakbuhan ang mga tao sa napakalaking sahig; hindi makapaniwala na ganoon lamang kadali ang kanilang laro. Ngunit siya ay hindi kaagad nakatakbo. Nagtataka siya sa nangyayari. Para siyang natuod sa kalagitnaan ng napakalaking bulwagan na iyon. Nag-unahan sa pagtakbo ang mga manlalaro. Nagbunggo pa siya at nawalan ng balanse, at nang papatayo na siya, isang nakakikilabot na sigaw ang umalingawngaw sa kaubuuan ng bulwagan. Iyon ang unang sigaw ng kamatayan. Matinis iyon at punung-puno ng takot, at mula sa hindi kalayuan, nakita niya ang babaeng sumisigaw, at harapan lamang nito ay halos durog nang katawan ng isang manlalaro. Dinurog iyon ng napakalaking palaso na nagmula sa cross bow ng isa sa mga guwardiya. Dumaloy ang dugo ng namatay na manlalaro sa paanan ng sumisigaw ng babae. Nagsimulang magkagulo ang lahat. Ang lahat ng nahuhuli ng mga guwardiya ay hindi nakaliligtas sa higante nitong mga palaso. Ang sinumang tamaan niyon ay halos madurog ang mga katawan. Hindi siya lalo makatayo. Gumapang ang kilabot sa kaniyang katawan nang makita ang isa-isang pagkamatay ng mga tao sa loob ng bulawagang iyon. Binalot ng dugo ng mga manlalaro ang magandang sahig, at ang katahimikan ay binali ng sunud-sunod na sigaw ng kamatayan. Pinilit niyang itayo ang mga nanginginig na tuhod. Takot na takot siyang baka siya na ang susunod ng matamaan ng palaso. Napako siya lalo sa kaniyang kinatatayuan. Napaatras siya nang makitang dumadaloy na rin pala sa kaniyang paanan ang dugo ng ibang manlalaro. Gusto niyang tumulong. Ngunit wala naman siyang magawa. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari. Ang alam lamang niya, takot na takot siya. Malalim na paghinga ang pinakawalan niya. Pinakalma niya ang sarili. Kailangang may gawin siya. Hindi pwedeng manatili lamang siya sa gitna ng bangungot na iyon. Kapag hindi siya umalis sa gitna ng bulwagan na iyon ay mas malaki talaga ang tiyansa na siya ang tamaan ng palaso. Napatingin siya sa itim na linya na sinasabi ni Pahimakas. Malayo pa iyon sa kaniya. Ano ang dapat niyang gawin upang makatawid doon— "Angh!" Napatigil siya sa pag-iisip nang may malakas na puwersang tumulak sa kaniya. Muling tumama ang katawan niya sa sahig. Kasunod niyon ay ang pagtama ng malaking palaso malapit sa kaniya. Namilog ang kaniyang mga mata. Muntik na siya. Napalingon siya, tiningnan kung sino ang tumulak sa kaniya. Isang lalaki iyon. Napadapa rin ito nang itulak siya nito. Tingin niya ay kaedad iyon ng kaniyang ama. Tulad niya, balat din ng hayop ang suot niyon, ngunit kung pagkukumaparahin sila, hindi hamak na mas malinis ito sa kaniya. "Huwag kang tumunganga riyan! Iyan ang ikamamatay mo!" Malakas na sigaw nito. "Tumayo ka, at tumakbo!" Mabilis itong tumayo at tumakbo kaya naman ganoon rin ang ginawa niya. Sinundan niya sa pagtakbo ang lalaki, kulang na nga lang, tapakan niya ang eksaktong aapak nito. Determinado siyang mahabol ito. Nawalan siya ng pakialam sa nagkalat na bangkay. Panaka-naka ay nadudulas pa siya sa nagkalat na dugo sa paligid ngunit agad niyang hinahagilap ang balanse niya. Hindi niya hinahayaang tuluyan siyang matumba. Umuulan ng palaso sa paligid ngunit maliksi iyong iniiwasan ng lalaki. Kahit mas matanda sa kaniya ang lalaki ay kapansin-pansin ang maliking diperensya sa pagitan ng bilis at liksi nilang dalawa. Kung hindi nga niya ito tinititigang maigi, malamang ay napag-iwanan na siya nito. Nang tumigil ang lalaki sa pagtakbo ay tumigil rin siya. Hinihingal sila pareho. Habol niya ang kaniyang hininga nang mahawakan niya ang sariling mga tuhod. "Hinga ng hangin, buga. Huwag mong habulin ang paghinga mo, lalo kang makakaramdam ng pagod," ani ng lalaki. Nang lingunin niya ito ay parang hindi ito napapagod. Oo nga at hinihingal ito pero kontrolado nito ang paghinga. Nag-oobserba ito sa paligid. Patuloy pa rin ang pagtakbo ng mga tao. "Malapit na tayo." Itinuro nito ang labasang gate. "Zita!" Lumawak ang ngiti sa labi nito sa kumaway. Umalingawngaw ang pagtawag nito sa buong bulwagan. Agad siyang napatingin sa kinakawayan nito, at agad siyang natigilan nang makitang isang babaeng mukhang kaedad niya ang kinakawayan nito. Ngunit mas natigilan siya nang makitang nakatayo na ito sa kabila ng itim na linya at nakasandal mismo sa gate. Ito ang kauna-unahang tao na nakatawid sa itim na linya. "Ang bagal mo, Santiago!" Malakas na sigaw nito pabalik. Inismiran lamang nito ang kumakaway na lalaki sa tabi niya. Kung gayon ay Santiago pala ang pangalan ng lalaking tumulong sa kaniya. At nang magtama ang kanilang mga tingin ay inikutan siya nito ng mga mata. Halata ang pagkadisgusto nito sa kaniya. Umupo ito sa lapag saka pinagkrus ang mga braso sa tapat ng dibdib nito. "Matutulog muna ako. Gisingin mo na lang ako pag buhay ka pa!" Pahabol pang sigaw ng babae bago ipinikit ang mga mata. Kunot ang noong napatingin siya sa lalaking nagngangalang Santiago. "Anak mo?" Hindi niya mapigilang tanong. Puno naman ng disgusto ang mukha ng lalaki ng tumingin sa kaniya. "Sino? Si Zita?" Tumango-tango siya. "Naku, hindi ah. Baka maubos ang lahat ng buhok sa katawan kung naging anak ko iyan. Matigas ang ulo ng batang iyan e." Binuntutan ni Santiago ng tawa ang sinabi. "Kapwa-manlalaro. Iyon ang tamang tawag sa relasyon sa pagitan naming dalawa," dugtong pa nito. Doon bumalik ang pokus niya sa laro. "Hindi ko maintindihan ang nangyayari. Ano bang klaseng laro ito? Unti-unting pinapatay ang mga kalahok." "Hulaan ko, ito ang unang beses mong nakapasama sa Grandiosong Palaro, ano?" Tanong nito. Muli siyang tumango-tango bilang sagot. Ang kaniyang mga mata ay nakatuon sa ibang mga manlalaro na patuloy sa pagtakbo, pati na rin sa mga manlalaro na tinatamaan ng palaso. Kahit marami na ang mga namatay ay mas marami pa rin ang mga buhay na manlalaro. "Patintero." Napatingin siya kay Santiago ngunit sa malayo rin ito nakatingin. "Patintero?" "Oo, iyon ang nilalaro natin. Iyon ang palaging unang laro sa Palarong ito. Hindi mo ba nakita? Nasa mga higanteng poste na ang sagot." Itinuro nito ang mga nakasulat sa higanteng poste na binasa niya kanina. Namilog ang kaniyang mga mata dahil sa realisasyon. Inilibot niya ang tingin sa buong paligid. Napatingin sa posisyon ng bawat guwardiya at sa posisyon ng mga manlalaro. Doon lamang din niya napansin ang maninipis na itim na guhit sa sahig. Sa unang tingin ay parang kasama iyon sa disenyo ng sahig. Ngunit ang katotohanan ay ang buong bulwagan pala ang kanilang palaruan. Tama, bakit ba hindi niya iyon napansin kaagad? Na ang halos lahat mga tinamaan ng palaso ay ang mga nahuhuli ng mga guwardiya. Napakalaki ng bulwagang iyon, at hindi tulad sa mga pambatang palaro na tumatakbo sa magkabilang dulo ang taya, hindi iyon kayang gawin ng mga guwardiya. Kaya naman pinapana na lamang ng mga ito ang sinumang mahuhuli nitong lulusot sa bawat linya. Isa lamang ang guwardiya na gumagalaw, at iyon ay ang nakakatakbo sa gitnang linya upang mang-ipit ng mga manlalaro. Tama, patintero nga. At ang mga nakasulat sa mga higanteng poste ang hint na iyon ang nilalaro nila ngayon. "Lumayo ka sa linya. Nakatingin sa atin ang guwardiya." Napatingin siya sa guwardiya, at tama si Santiago, kahit nakamaskara ito ay nakalingon naman ito sa kanilang direksyon, tila hinihintay nito na lumagpas sila sa itim na linya. At kapag ginawa nila iyon, paniguradong patatamaan sila nito ng palaso. "Maghintay ka ng tiyempo. Kapag doon na nakatingin sa kabilang parte ng bulwagan ang bantay, saka tayo tatakbo. Ihanda mo palagi ang sarili mo." Tumango-tango siya. Napatingin siya sa pinakadulong itim na linya malapit sa labasang gate. Malayo-layo pa sila roon. Muli siyang napatingin sa kabilang parte ng bulwagan. Tulad nila may mga manlalaro din doon na naghihintay makatawid. Mukhang nalaman na ng karamihan sa mga manlalaro na Patintero ang kanilang nilalaro dahil sa pattern niyon. Titig na titig siya sa guwardiya. Hinihintay ang pagkakataon na malingat ito saglit at makatawid na sila ni Santiago. Ito pala ang literal na kahulugan ng pakikipagpatintero sa kamatayan. Kapag tumawid sila, paniguradong isa sa mga manlalaro sa kabilang parte ng bulwagan ang matatamaan ng palaso. At kapag ang manlalaro naman sa kabila ang nakatawid, paniguradong isa sa kanila ni Santiago ang mamamatay. Butil-butil ang pawis sa kaniyang noo. Labis-labis ang kaniyang kaba kaya naman patuloy rin ang malalalim niyang paghinga. At nang saglit na lumingon ang guwardiya. "Heto na!" Malakas na sigaw niya. Mabilis silang tumakbo ni Santiago patawid sa linya. Akala mo'y napakalapit lamang niyon, ngunit sa laki ng bulwagang ito, talagang mapalad ang may liksi, gaya na lamang ng sinabi ni Pahimakas. Dahil sa pagtawid nilang iyon, isang manlalaro na nasa kabilang parte ang natamaan ng malaking palaso. Buhay pa ito. Ngunit isa pang palaso ang tumama sa katawan nito na tuluyan nitong ikinamatay. Nagtakbuhan ang iba pang mga manlalaro patawid sa linya. Sa larong ito buhay ang kailangan isakripisyo. Mabigat man iyon sa kalooban, kailangan niyang tumakbo upang mailigtas ang kaniyang sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD