IKAPITO

1702 Words
"Mga mahal naming manlalaro, hanggang dito na lamang ang ating biyahe. Dito na nagtatapos ang riles." Isang ngiti ang iniwan sa kanilang lahat ng pahinante. Pagkatapos niyon ay isa-isang nagsibukasan ang mga pinto ng tren. "Maaari na po kayong bumaba. Sana'y naging kumportable kayo sa inyong naging biyahe." Isa-isa nang nagsibabaan ang mga manlalaro. Tiningnan niya ang oras sa malaking screen sa unahan ng tren. Eksaktong alas dose ng madaling araw ang isinasaad niyon. Tumayo na rin at nagtungo sa pintuan. "Nawa'y mapasaiyo ang swerte," bulong sa kaniya ng pahinante. Saglit niya itong nilingon ngunit tumalikod na ito at pumasok sa isang maliit na kuwarto. Tingin niya ay iyon ang kuwartong nagkokontrol sa kabuuan ng tren. Tuluyan na siyang lumabas mula roon, at sumalubong sa kaniya ang kadiliman. Madilim ang buong paligid sa labas. Ang tanging ilaw lamang ay ang liwanag na nanggagaling sa siyam na tren sa paligid. Nag-adjust ang kaniyang mga mata sa dilim. Maging ang iba pang mga manlalaro sa iba pang mga tren ay nagsisibabaan na rin. At segundo lamang ang lumipas nang magsimulang mapuno ng tao ang lugar na iyon. Bata, matanda, babae lalaki. Naroroon na halos ang lahat ng uri ng tao. Ngunit kahit gaano pa karami ang mga manlalarong nagtipon-tipon sa lugar na iyon, mas nananaig pa rin ang katahimikan. Bawat manlalaro ay nagpapakiramdaman sa mga susunod na mangyayari. Walang may ideya roon. Hindi niya mapigilang isipin: may nangyari rin kaya sa tren ng mga ito na tulad nang nangyari sa kanila kanina? Nakakatakot rin ba ang pahinante ng mga ito? Ah, hindi niya alam. Hindi na niya iyon dapat isipin. Basta ang alam lang niya, na sa dagat ng tao sa lugar na iyon ngayon, lahat ay may kani-kaniyang ambisyon na mabago ang kani-kaniyang mga buhay. At sa dinami-rami ng maambisyong mga taong iyon, iisa lamang ang mananalo. Iisa lamang ang magiging Kampeon ng Grandiosong Palaro. "Napakarami pala talagang manlalaro ang palarong ito ng Siklo, ano?" Tanong ni Elizeo mula sa kaniyang likuran. Hanggang ngayon ay nakasunod pa rin ito sa kaniya. At hindi puwedeng buong laro, ay mangyari iyon, na sundan lamang siya nito ng sundan. Pareho pa silang matatalo kapag nagkataon. Lalo pa sa kalagayan nito ngayon, hindi na niya kayang kumargo ng isang injured na manlalaro. Hinarap niya ito. "Elizeo, naglalaro ako mag-isa," walang kahit anong ekspresyon ang kaniyang mukha nang sabihin niya iyon. "Tapos na ang biyahe natin sa tren. Hindi ba mas magandang magkaniya-kaniya na rin tayo rito?" "Uh... oo naman. O-oo naman, Faizal." Nakuha naman nito ang gusto niyang iparating. May ngiti sa labi nito ngunit bakas na bakas ang lungkot sa buong mukha nito. Tinalikuran na siya nito at nakisiksik sa iba pang mga manlalaro. Ganoon rin ang ginawa niya. Nakisiksik siya sa ibang mga tao at sinubukang obserbahan ang mga ito. Gusto niyang humingi mg tawad dito ngunit pinigilan niya ang sarili. Kailangan niyang maging makasarili ngayon. Itinatak niya sa isip niya ang mukha ng ama at ng kaniyang mga kapatid. Hindi pwedeng magkamali... hindi ako pwedeng magkamali. Iyon ang kataga na paulit-ulit sinasambit ng kaniyang isip. Isang malakas na hugong ng mga tren ang kanilang narinig, pagkatapos ay isa-isang pinahanay ng mga guwardiya ang lahat ng mga manlalaro. Naging maayos na linya-linya ang mga tao. Pagkatapos niyon ay unti-unting umatras papalayo ang mga tren, papalayo nang papalayo... hanggang sa halos pawala na ang liwanag sa buong paligid. Doon nagsimula ang mga bulong. Naririnig niya ang mga sinasabi ng ibang manlalaro lalo na iyong mga takot sa dilim. Tumataas na ang pag-aalala ng ibang mga manlalaro. Inilibot ni Faizal ang tingin sa paligid. Kumunot ang kaniyang noo nang mapansing tila nasa loob sila ng isang tunnel. Kaya pala wala man lamang liwanag ng buwan o mga bituin. Nasa isang kulong na lugar siya. Sinubukan niyang tangglawin ang dulo ng tunnel ngunit talagang napakadilim na ng paligid. Hindi niya iyon makita kahit pa nag-adjust na ang mga mata niya sa dilim. Ni hindi nga siya gumagalaw, hindi siya bumabago sa kaniyang puwesto. Sinusubukan na lamang niyang gamitin at palakasin ang iba pa niyang senses. Mula sa hindi kalayuan ay nagliwanag ang isang malaking sulo. Napakaliit lamang ng liwanag na iyon. Hawak iyon ng kung sino. Nanliit ang kaniyang mga mata, sinusubukang aninagin kung sino ang may dala niyon, at unti-unti, lumaki ang liwanag na nanggagaling sa sulo. Papalapit iyon sa direksyon nila. Doon natigil ang mga bulungan. Lahat ng mga manlalaro ay doon nakatutok ang mga mata. Tulad nga sa liriko ng isang kanta, ang sulo na iyon ang ilaw sa gabing mapanglaw. Nang tuluyan nang makalapit sa kanila ang may hawak ng sulo ay saka nila nakitang isang nakamaskarang lalaki iyon. Kulay puti ang maskara na nito na para bang maskara na simbolo ng mga teatro. Ang kalahati ay nakangiti at ang kalahati naman ay nakasimangot. Nakasuot ito ng isang kulay itim na pormal na kasuotan na para bang sinusuot ng mga namatayan. Maging ang neck tie nito ay kulay itim din. Lalaki ito, kita niya iyon sa pigura at hubog ng katawan nito. "Magandang gabi sa inyo, aming mga mahal na manlalaro," malalim ang boses na sabi nito. " Una sa lahat, gusto kong humingi ng paumanhin sa pagputol ko sa inyong kumportableng biyahe sa tren ng bawat Sektor. Ako si Charon. Ako ang maghahatid sa inyo sa Grandiosong Bulwagan." Tumalikod na ito at nagsimulang maglakad palayo. "Kailangan lamang ninyong sundan ang ilaw ng aking sulo." Nagkatinginan pa ang ibang mga manlalaro bago nagsimulang lumakad. Sinusundan ang maliit na ilaw ng sulo ni Charon. Nang maglakad ang linya sa unahan nina Faizal ay sumunod na rin siya sa mga ito. Hindi niya inaalis ang tingin sa maliit na ilaw. Kung pwede nga lamang na hindi siya kumurap ay ginawa na niya. Hindi niya hinahayaang mawala si Charon sa paningin niya, niya hindi niya nililingon ang iba pang mga manlalaro. Naglakad. Naglakad sila nang naglakad. Hindi niya alam kung gaano katagal, hindi na niya alam kung gaano kalayo. Basta't sinunod nila ang sinabi ni Charon at sinundan lamang ito. Nagsisimula nang tumagaktak ang kaniyang pawis. Nakita niya ang ilang manlalaro na hinuhubad na ang kani-kaniyang mga pang lamig. Kahit na taglamig ang klima sa labas ay nakararamdam siya ng init. Saglit siyang natigilan sa paglalakad nang may mapagtanto. Kung taglamig ang klima sa labas, bakit hindi nagyeyelo ang dagat na nadaanan nila kanina? "Hoy, ano ba! Huwag ka ngang humarang-harang riyan!" Napaigtad siya ng banggain siya ng isang lalaking may malaking pangangatawan. Muntik pa siyang mabuwal. Agad niyang nabawi ang kaniyang balanse. Binilisan niya ang lakad. Halos manakbo siya upang mahabol ang lumiliit nang ilaw ng sulo ni Charon. Nagsimulang mapagod ang mga manlalaro. Tila walang katapusan ang tunnel na iyon. Napatigil ang iba nang magsimula nang madapa ang iba. Ang mga manlalarong may malasakit ay tinulungan pang makatayo iyong ibang mga nadadapang manlalaro. Ngunit ang iba, lalo na iyong may mga edad na ay tuluyan nang bumagsak. At dahil mas bumilis pa ang pagpapalakad ni Charon ay tuluyan nang naiwan ang mga ito. Halos masipa at maapakan ang mga ito ng mga manlalarong pilit na hinahabol ang liwanag ng sulo ni Charon. Isang malalim na paghinga ang pinakawalan niya bago tumakbo na rin. Inuna niya ang sarili at lihim na humingi ng tawad sa mga naiiwang manlalaro. Wala naman siyang magagawa. Walang magagawa kung magpapakabayani siya. Kapag ginagawa niya iyon, paniguradong kasama siyang maiiwan sa tunnel na iyon. At hindi iyon pwedeng mangyari. Kung doon pa lamang maiiwan na siya, paano na ang pamilya niya sa labas. Tama ang pahinante, may mga bagay na hindi dapat niya gawin, at isa na roon ang pag-astang bayani. Nahabol niya si Charon. Kakaunti lamang ang distansya niya rito, at hindi niya hinayaang mawala uli ito sa paningin niya. Hinubad na rin niya ang pang ginaw niya at isinabit iyon sa kaniyang braso. Hindi na niya muling pinayagan na mahuli sa pagtakbo. Sinisigurado niyang palagi niyang nakikita ang ilaw ng sulo ni Charon. Tumatagaktak na ang kaniyang pawis. Tila hindi taglamig ang klima dahil sa pawis ng mga manlalaro. Ang mga manlalaro na sobra ang bigat ng katawan ay bumagsak na rin at naiwan sa kalagitnaan ng tunnel. Ni hindi niya alam kung nasa kalagitnaan na nga ba sila o kung may dulo ba talaga ang tunnel na iyon. Ang alam lamang niya ay pagod na sila pare-pareho. Tama nga iyong palagi niyang napapanood at naririnig sa mga kakaibang dokumentaryo noon. Na kapag ang isang tao ay nakulong sa isang kulob at madilim na lugar, nawawalan ito ng pakialam sa oras, ang tanging umaandar sa isip nito ay makakita muli ng liwanag. At kapag naman biglang nakakita ng liwanag, nagiging sensitibo ang mga mata. Tumataas ang senses niya. Pakiradam niya ay naririnig niya ang buong paligid. Malakas sa kaniyang pandinig ang mga tunog ng mabibigat na yabag. Ang mga mabibigat na paghinga, at ang maliliit na kalansing. Lahat iyon naririnig niya. Ang mabilis na paglakad ni Charon ay naging isa nang pagtakbo. Dahil sumasakit na ang kaniyang mga tuhod ay bumagal ang pagtakbo niya. Sinusubukan niyang makahabol ngunit talagang nauunahan na siya ng mga manlalaro. Pinilit niyang tumakbo at makisabay. Hindi siya pwedeng maiwan. Hindi ako pwedeng maiwan ng mga taong ito. Unti-unting tumigil sa pagtakbo si Charon. Sa harap nito ay isang malahiganteng gate na gawa sa bato. May kakaibang disenyo ang mga iyon. Napatigil rin ang lahat ng mga manlalaro sa pagtakbo. Ang lahat ay nakatingin sa malaking gate na naiilawan ng sulo ni Charon. Ito na ba iyon? Nasa dulo na ba sila? Narating na ba nila ang dulo ng tunnel na iyon? Doon pa lamang ay marami na kaagad ang nakaltas sa bilang ng mga manlalaro. Pero wala pa iyon sa kalingkingan ng kabuuang dami ng lahat ng sumali mula sa siyam na sektor. Naiwan sa loob ng tunnel ang karamihan sa mga matatanda at matatabang manlalaro. Humarap sa kanila si Charon at halos umalingawngaw ang sigaw nito sa buong tunnel. "Mga minamahal naming manlalaro, ito na ang dulo!" Nagkatinginan ang ilang mga manlalaro. "Narating na natin ang Grandiosong Bulwagan!" Malakas na anunsiyo nito. Tila nakahinga naman ng malalim si Faizal sa anunsiyong iyon ni Charon. Sa wakas at narating na rin nila ang destinasyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD