IKAANIM

1602 Words
Iminulat ni Faizal ang kaniyang mga mata. Sinusubukan niyang umamot ng tulog tulad ng ibang mga manlalaro ngunit hindi niya magawa. Hindi siya makatulog. Ayaw makisama ng kaniyang isip at ng kaniyang mga mata. Kada ipinipikit niya ang mga mata ay nakikita niya ang butas na ulo ng mga namatay na manlalaro. Oo, mahirap ang buhay sa kanilang Sektor. Araw-araw nangangamatay ang mga tao dahil sa gutom at sa lamig ng niyebe. Hindi na rin bago sa kaniya ang makarinig ng mga balitang nagpatayan ang mga tao dahil sa agawan sa pagkain, alam niyang talamak iyon sa ibang parte ng Sektor Singko. Ngunit ngayon lamang siya nakakita ng pitong tao na sabay-sabay pinatay. Kada ipinipikit niya ang kaniyang mga mata, nakikita niya ang dilat na mga mata ng mga ito at ang pagligo ng mga ito sa sariling dugo. Sa mga hindi magandang pangyayari pa lamang na iyon ay masama na ang kaniyang kutob. Hindi ba't dapat na siyang matakot? Lahat ng parte ng tren na ito, kapahamakan ang isinisigaw. Kaya nga lamang ay huli na, wala nang magagawa ang takot niya ngayon. Bagkus, dapat mas lakasan niya ang loob ngayon. Humigpit ang kaniyang mga kamao. Hindi niya alam ang kapalarang naghihintay sa kaniya, pero hindi siya maaaring mapanghinaan ng loob. Naihilamos na lamang niya ang mag palad sa kaniyang mukha. "P-pwede ba akong makiupo rito?" Napalingon siya nang marinig ang isang boses. Napatingin siya sa pinanggalingan niyon at agad siyang natigilan nang makita kung sino ang may-ari niyon. Iyon ang lalaking may-ari ng bungkos ng tela kanina na siyang pinagmulan ng gulo. Maayos-ayos na ang hitsura nito. May bendang tela na ang braso nito na nakatali ang magkabilang dulo sa leeg nito. Ang kaninang duguan nitong ilong ay may gasa na rin. Halata ngang napuruhan iyon dahil sa putok ang tungki niyon at nangingitim ang gilid dahil sa pasa. Putok din ang gilid ng labi nito pati na rin ang pisngi. Samakatwid, mukhang wala na ito sa kondisyon para sumali pa sa Grandiosong Palaro. Tumango-tango siya. "Sige," maiksing sagot niya nang mabawi niya ang sarili. Umusod siya palayo rito. Kung pwede nga lamang niyang ipagkasiksikan ang sarili malapit sa bintana ay ginawa na niya. Hindi siya maaaring lumapit sa lalaking ito. Pakiramdam niya, kamalasan lamang ang dadalhin nito sa kaniya. Kaya naman mukhang hindi maging magandang ideya kung makikipagkaibigan siya rito. Isinandal niya ang kaniyang likod sa sandalan ng may kalambutang upuan. Kailangan na talaga niyang makatulog upang maging maganda ang kondisyon ng kaniyang katawan kapag narating na nila ang Grandiosong Bulwagan. "Nagdala ka rin ng pagkain, hindi ba?" Saglit siyang napatingin rito nang marinig ang tanong nito. Nakatingin ito sa purtamuneda niyang wala nang laman. Itinupi kasi niya iyon kanina at isinukbit sa bewang niya. "Oo," maiksing tugon niya bago ipinikit ang mga mata. "Kinain ko kaagad bago pa man ako makita ng iba." "Nakita ko iyon. Nakita ko iyon na ginawa mo kanina. Ganoon din sana ang gagawin kaso, kaso nga lang ay malas ako. Nakita ako kaagad ng katabi ko kaya ito ang inabot ko." Muli siyang napatingin rito. May malaking ngiti sa labi nito na para bang hindi ito apektado sa bugbog na natamo. Pero mabilis din na nawala ang ngiti nito dahil siguro sa masakit ang buo nitong mukha. "Mag-ingat ka na lang sa susunod. Hindi natin alam kung ano ang naghihintay sa loob ng mga pader." Paalala niya. Iyon din siguro ang dahilan kung bakit gising pa ang diwa niya hanggang ngayon. Nag-iingat siya, at nag-aabang ng mga susunod na mangyayari. Alerto ang diwa niya sa mga kapahamakan na maaari na namang mangyari sa loob ng tren na ito. "Ang pangalan ko ay Elizeo. Elizeo Zuro. Ikaw?" Inilahad nito ang isang kamay sa harapan niya. Napatitig siya roon at matagal na hindi nakasagot. Sabi niya kanina ay hindi siya maglalalapit sa malas na taong ito. Ngunit heto'y wala siyang nagawa sa pakikipag-usap nito sa kaniya. Napabuntong-hininga na lamang siya. Sa huli ay kinamayan rin niya ito. "Faizal. Faizal Stephanos." Mabilis niyang binawi ang kamay at pinagkrus iyon sa tapat ng kaniyang dibdib. "Bakit ka sumali sa palaro?" Tanong nito kapagkuwan. "May pamilya akong umaasa sa akin sa labas," sagot naman niya. May pamilya siya na umaasang siya ang magiging Kampeon ngayong taon. "Pareho tayo. May tatlo akong kapatid na babae at isang kapatid na lalaki." Saglit silang binalot ng katahimikan pagkatapos niyon. Ngunit siya ang bumasag ng katahimikang iyon. Hindi niya napigilang magtanong. "Ang magulang ninyo?" "Sumali pareho sa Grandiosong Palaro. Si Tatay ang unang sumali, noong nakaraang, nakaraang taon. Si Nanay naman nitong nakaraang taon," saglit itong natigilan sa pagsasalita. May bahid na ng lungkot ang mukha nito. "Pareho silang hindi pa din bumabalik hanggang ngayon. May narinig kasi akong usap-usapan sa bayan, na ang mga natatalong manlalaro daw ay napupunta sa isang mapayanan. Nagbabaka sakali ako na mahanap sila roon." "Hindi kaya nasa Bumagsak na Sundalo sila?" "Bumagsak na... Alin?" Kumunot ang noo ng kaniyang kausap. "Noong nakararaang araw. Narinig ko ang tungkol doon noong kumukuha ako ng donasyong pagkain. Sa Bumagsak na Sundalo raw napupunta ang lahat ng mga natalong manlalaro. Baka nandoon ang mga magulang mo." Kahit espekulasyon lamang ang patungkol sa pamayanang iyon, mas mabuti pa ring subukang hanapin iyon. "Kung gayon, kailangan kong hanapin ang lugar na iyon," punung-puno ng determinasyon na sabi nito. "At ang mga kapatid mo?" Muli niyang tanong. "Nasa ligtas na lugar, kasama ang mga naipon naming pagkain." Marami pala silang pagkakapareho ng lalaking ito. At ngayong nakita niya ito sa malapitan, napagtanto niyang hindi nga sila nagkakalayo ng edad. Hindi na siya nagkomento pagkatapos niyon. Ngunit segundo lamang ang lumipas nang marinig nila ang malakas na anunsiyo ng pahinante sa mikropono. "Mga mahal naming manlalaro, napasok na tayo sa mga pader ng Siklo." Nagkatinginan ang mga manlalaro dahil sa narinig. Bakas sa mukha ng iba ang saya, at sa iba naman ay ang takot sa nangyari pa rin kanina. Maging sila ng lalaking nagngangalang Elizeo ay nagkatinginan rin. Mabilis siyang tumayo at binuksan ang bintana sa gilid niya. Unang dumampi sa kaniyang mukha ang malakas na hangin. Saglit siyang napapikit sa biglaang buga niyon, at nang imulat niyang muli ang mga mata, tumambad sa kaniya ang kagandahan ng Siklo. Napasinghap siya. Nagtataasan ang mga establisyamento sa hindi kalayuan, at kahit napakadilim na ng paligid ay nagliliwanag pa rin ang mga gusaling iyon. Sigurado siyang marami pang naggagandahang puntahan sa Siyudad. Kailan ba siya huling nakakita ng mga matatayog na gusali? Dalawang libong taon na ang nakararaan? Taong 2068? Noong mga panahong ang mundo pa ang mundo, at nasa rurok ang katalinuhan at imbensyon ng iba't ibang mananaliksik, bago pa wasakin ng isang asteroid ang lahat ng pinaghirapan ng mga tao. Nadaanan nila ang isang napakalawak na dagat. Hindi niya alam kung paano iyon nangyari, ngunit mukhang hindi iyon natural. Gawa iyon ng tao. Gaano kaya katagal ang ginugol na panahon upang makumpleto ang dagat na iyon? Talagang ang Siyudad ng Siklo ang lugar ng mga mayayaman. Ang lugar ng pribilehiyo. Malayong-malayo iyon sa hitsura ng sitwasyon sa labas ng mga pader. Malayong-malayo sa taggutom na nararanasan ng bawat Sektor. Isinara na niya ang bintana at muling naupo sa kaniyang upuan. "Grabe, ang ganda ng buong paligid! Ngayon lang ako nakakita ng matataas na bahay." Naupo na ring muli si Elizeo sa tabi niya. Kitang-kita ang pagkamangha sa ekspresyon nito. "Sana dito na lang ako ipinanganak. Ako at ang mga kapatid ko." Parang iyon naman ang hiling ng lahat. Iyon ang hiling ng lahat ng nakatira sa labas ng mga malahiganteng pader. Kahit siya. Nang muli siyang ipinanganak na sa henerasyon na ito at naranasan ang hirap ng taggutom, madalas niyang maisip na sana ay ipinanganak na lamang siya sa mas magandang henerasyon, o kaya sana man lamang ay ipinanganak siya sa loob ng mayamang pader; sa isang mayaman na pamilya. Ngunit gaya ng isang kilalang kasabihan noong 2068, may dahilan ang lahat; na lahat ng nangyayari sa buhay ng isang tao ay may rason. Kung ano man ang rason na iyon? Hindi pa niya alam. Isa iyon sa gusto niyang magawa sa buhay niya ngayon. Ang mahanap ang rason niya. At isa pa, pinasaya naman siya ng mga kapatid niya sa buhay niya ngayon. Kahit mahirap ang sitwasyon sa labas, pinasaya naman siya ng pamilya niya. Pero minsan, dumadaan pa rin sa isip niya kung ano na ang nangyari sa una niyang pamilya. Naipanganak kaya ito muli katulad niya? Sa ibang katawan? Kung ganoon man, sana ay makilala niyang muli ang mga ito. Hindi na siya nagkomento sa sinabing iyon ni Elizeo. Ipinikit na lamang niya ang mga mata, prenteng sumandal at saka umamot ng kaunting tulog. Kailangang-kailangan na niyang makatulog. Nakaidlip naman siya, ngunit paputol-putol iyon. Pinananatili pa rin niyang alerto ang kaniyang isip. Naririnig din kasi niya ang bulungan ng ibang mga manlalaro. Alam niyang kanina pa sila pinagtitinginan ng mga ito. Malamang ay dahil iyon kay Elizeo. Sigurado siyang ito ang pinag-uusapan at sigurado siyang isa ring 'malas' ang tingin ng ibang manlalaro rito. Mukhang hindi talaga magiging maganda kung makikipaglapit ito sa kaniya. Kailangan niyang iwasan ang taong ito. Malalim na buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan. Kailangan niyang makakuha ng impormasyon pagkababang-pagkababa nila sa tren na iyon. Sigurado naman siya na sa dinami-dami ng mga sumaling manlalaro, mayroong miski isa sa mga iyon ang nakapasok na sa siyudad, at posible ring may mga beterano nang manlalaro. Sa mga ganoong klase ng tao niya kailangan dumikit; sa mga makakapagturo sa kaniya kahit mga basic na patakaran lamang sa laro. Kailangan niyang paganahin ang kaniyang isip at maging wais sa mga didikitan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD