IKALIMA

1600 Words
Kumunot ang noo ni Faizal nang makita ang nangyayari. Anong meron sa maliit na telang iyon at pinag-aawayan iyon ng dalawang lalaki? Ang may-ari ng tela ay isang binata na tila kaedaran niya. Nakahiga ito sa sahig ng tren at mahigpit nitong hawak sa kamay nito ang tela. Pilit nitong sinasalag ang malalakas na suntok na mula sa isang lalaking nakaupo naman sa tiyan nito. Patpatin ang katawan ng binata, samantala may kalakihan naman ang katawan ng lalaking sumusuntok rito. Sa tuwing nakakalusot sa mapapayat nitong mga braso ang suntok ng lalaki ay diretso iyon sa mukha nito. Sargo na ang dugo sa mukha ng binata ngunit matatag ito at tila ayaw magpatalo. Pilit na inaagaw ng lalaki ang tela na mahigpit na hawak ng binata sa mga kamay nito. Napatingin siya sa paligid. Walang umaawat sa dalawa. Walang gustong mangialam. Ang lahat ay nakatingin lamang at hinihintay ang mga susunod pang mangyayari. Maging ang mga nakamaskarang guwardiya ay ginagawa ang trabaho ng mga ito— ginagawa ang isang bagay na kung saan ito magaling; ang tumayo at maghintay na parang mga robot na walang pakiramdam at walang nakikita. Lumipad ang tingin niya sa pahinante. Maging ito ay nakatayo lamang at nakatingin sa dalawang manlalaro na nag-aaway. Nang maramdaman nito ang tingin niya ay tumingin ito sa kaniyang direksyon. Para bang nababasa nito ang kaniyang iniisip. Unti-unti nitong iniling ang ulo na para bang sinasabi sa kaniya na huwag siyang mangialam; tulad ng sinabi nito sa kaniya kani-kanina lamang. Gumalaw ang labi niya ng pahinante at binasa niya ang sinasabi nito. 'Pagkain.' Iyon ang walang tunog na salitang lumabas mula sa bibig ng pahinante. Kumunot ang kaniyang noo. Ano ang meron sa pag--- Natigilan siya nang marinig ang malakas na pag-igik ng binata. Muling bumalik ang tingin niya sa dalwang lalaking nagsusuntukan. Isa pang suntok ang tinamo ng braso ng binata at halos marinig nila ang tunog ng pagkabali ng mga iyon. Nabitawan nito ang nakabungkos na tela at mula roon, bumagsak ang maliit na tipak ng kanin at mga paa ng inihaw na palaka. Namilog ang kaniyang mga mata nang nagkukumahog iyong kunin ng lalaki mula sa maruming sahig. Ngunit hindi lamang iyon, ang ilang manlalaro na hindi napigilan ang sarili dahil bago lamang muli nakakita ng kanin ay nakipag-agawan din. Para sa isang tipak ng kanin at ilang pirasong paa ng palaka, dalawang lalaki pa ang nakipagsuntukan. At nadagdagan pa... at nadagdagan pa. Ito. Ito ang kayang gawin ng mga tao para sa kakapiranggot na pagkain. Hindi biro ang pagpapatahimik sa kumakalam na sikmura. Hindi iyon isang bagay na madadaan mo lamang sa pagtulog. Talagang nakababaliw ang kawalan ng maipanglalaman tiyan. Nagkagulo ang likurang bahagi ng tren, at ang orihinal na may-ari ng pagkain, hayun ay takot na takot na nakasiksik sa sulok, dumudugo ang napuruhang ilong, at yakap ang nabali nitong braso. Parang bumagal ang ikot ng mundo ni Faizal habang nakatingin sa nagsusuntukan na mga lalaki. Pakiramdam niya ay bumagal ang galaw ng lahat. Kahit ilang babaeng manlalaro ay nakiagaw na rin sa mga paa ng palaka na nagkalat sa sahig. Nanginginig ang kaniyang mga tuhod. Isang bagay ang agad na pumasok sa isip niya. Kung siya ang nakitaan ng patatas ng mga taong ito, paniguradong tulad na niya ang binatang nakasiksik na ngayon sa sulok ng tren. Tama ang pahinante. Baka hindi pa umaandar ang tren ay bugbog-sarado na siya, at ang pinakamasaklap, ay baka hindi na siya umabot ng buhay sa loob ng Siyudad ng Siklo. Ang pagtapik ng pahinante sa kaniyang balikat ang tila nagpabalik sa kaniya sa realidad. Naging normal na uli ang galaw ng lahat sa kaniyang paligid. Para bang ipinahihiwatig ng tapik na iyon na tama ito sa sinabi nito sa kaniya kanina. Nilagpasan siya ng pahinante at tinungo ang direksyon ng mga nag-aaway. Kasunod nito ang mg guwardiya na nakapila sa isang hanay. Narinig niya ang malakas na pagsipol ng pahinante, at kasunod niyon, isang malakas na putok ng baril ang gumulantang sa kanilang lahat. Napatili sa takot ang ibang kababaihang manlalaro dahil doon. Maging siya ay napaigtad sa lakas niyon. Para siyang saglit na nabingi dahil doon. Agad namang tumigil ang kaguluhan. Nagkatinginan ang ilang manlalaro. Habang ang nagsusuntukan naman ay tumigil ang mga kamao sa ere. Kasunod niyon ay malakas na namang sigawan. Bumulagta sa sahig ng tren ang katawan ng lalaking unang nanuntok kanina. Butas na ang ulo nito dahil sa lumusot roon na bala at sumisirit mula roon ang dugo. Naligo ang wala nang buhay na katawan ng lalaki sa sarili nitong dugo. Ang dulo ng baril ng guwardiyang bumaril rito ay umuusok pa. Napaatras na lamang siya sa nasaksihan. Ano ba itong impyernong napasukan niya? "Mga mahal naming manlalaro. Maaari lamang po na huminahon ang lahat." Isang ngiti ang ibinigay ng pahinante sa mga manlalarong kakatigil lamang sa suntukan. "Kung mayroon man sa inyong hindi nakabasa ng mga anunsiyo na inilagay sa inyong Sektor tatlong araw na ang nakararaan, maaari lamang na pakibasang maigi ang ibabang bahagi ng nakasulat sa telebisyon." Lumabas sa malaking screen na nasa unahang bahagi ng tren ang mukha nina Pahimakas at Tadhana, at ang kasunod niyon ay ang Anunsiyo na may nakalagay na mga dapat at hindi dapat gawin sa laro. Binasa niya sa kaniyang isip ang huling bahagi niyon. Ang sinumang manlalaro na mahuhuling manlalamang sa kapwa niya manlalaro habang ginaganap ang palaro ay madidiskwalipika. "Mahal naming mga manlalaro, magmula nang tumuntong kayo sa tren na ito, ang laro ninyo ay nag-umpisa na. Kayo ay opisyal nang mga manlalaro." Naglakad pabalik-balik sa tren ang pahinante. Ang mga kamay nito ay nasa likuran. At ang maririnig lamang sa tren ngayon ay ang mga tunog ng mabibigat nitong mga yabag. "Sa Grandiosong Palaro, hindi kinikunsinti ang panlalamang. Isa iyong patakaran na matagal nang umiiral magmula pa nang mabuo ang palarong ito. Lahat kayo ay pantay-pantay sa loob ng larong ito." Tumigil ito sa paglakad. "Hindi ba't masyado nang mapanlamang ang buhay sa labas para maglamangan pa kayo rito?" Humarap ito sa mga manlalaro na nag-away-away kanina, at binigyan ang mga ito ng ngiti. Isang nakatatakot na ngiti. "At alam naman siguro ninyo na ang ginawa ninyo ay labag sa aming patakaran. Wala kaming magagawa kundi ang sapilitan kayong alisin sa laro." "Maawa po kayo, may pamilya akong naghihintay sa labas!" Lumuhod ang babae na kasamang nakipag-agawan sa tipak ng kanin. Kitang-kita sa mukha nito ang takot dahil sa nasaksihan nito kanina. Ang bangkay ng lalaking butas na ang ulo ay nasa tabi lamang nito, at wala na itong pakialam kahit pa naluhuran ng tuhod nito ang nagkalat na dugo roon. Parang naging isang deboto na nagdadasal ang umiiyak nang babae, at paluhod na naglakad patungo sa pahinante. "Patawarin ninyo ako. Hindi ko na po uulitin," tigmak na ang luha sa mga mata ng babae habang patuloy ito sa pag-iling. Nakita niyang pilit nitong niyayakap ang mga binti ng pahinante ngunit agad na kinalas ng pahinante ang yakap na iyon. Yumukod ang pahinante, may ibinulong sa tenga ng babae na ikinabilog ng mga mata nito. Mas lalong bumahid ang takot sa mukha ng babae. Natigilan ito, na siyang dahilan naman upang gumana ang kuryosidad ni Faizal. Sumenyas ang pahinante sa mga guwardiyang nasa likuran lamang nito, at kasunod niyon ay ang sunud-sunod at malalakas na putok ng mga baril. Muling napatili sa takot ang ibang kababaihan. Kahit siya ay natakpan ang sarili niyang tenga, at hindi makatingin sa mga manlalarong patuloy na binabaril sa iba't ibang parte ng katawan. Mariin niyang naipikit ang mga mata. Nagsimulang manginig ang kaniyang tuhod ng marinig ang mga sigaw ng namamatay na manlalaro. Sigaw iyon ng kamatayan. At nang tumahimik bigla ang paligid, doon niya unti-unting naimulat ang mga mata. Lumakas ang kabog ng kaniyang puso, at tila gusto niyang masuka. Halos bumaha ang dugo sa likurang bahagi ng tren. Dilat pang namatay ang mga manlalaro. Bumukas ang isang pintuan sa likurang bahagi ng tren. Nang pakatitigan iyong maigi ni Faizal, nakita niyang may isa pang kuwarto roon. Isa-isa nang binuhat ng mga guwardiya ang bangkay ng mga namatay na manlalaro patungo sa kuwartong iyon. Samantala ang pahinante ay humarap nang muli sa kanilang lahat. "Ngayong gabi nakita ninyo ang maaaring mangyari sa mga hindi sumusunod sa patakaran. Siguro naman ay wala nang magtatangka pa sa inyo," malakas ang boses na sabi nito. "Maaari lamang po na bumalik na ang lahat sa kani-kaniyang upuan." Nagsimula itong maglakad patungo sa unahang bahagi ng tren. Walang kahit anong emosyon ang ekspresyon nito. Halatang sanay na itong makakita ng mga ganoong bagay. Ito ba? Ito ba ang Grandiosong Palaro? Hindi. Hindi niya pwedeng pairalin ang takot. Gaya ng babaeng namatay kanina, may pamilya siyang naghihintay sa kaniya sa labas. Iyon ang dapat niyang isipin. Iyon ang dapat niyang itatak sa kaniyang kukote. Kailangan niyang manalo. "Ano ang sinabi mo sa kaniya?" Tanong niya na ikinatigil na pahinante sa paglalakad nang natapat ito sa pwesto niya. Nakatingin ito sa unahang direksyon ng tren, samantala siya ay nakatingin sa mga bangkay ng pitong manlalaro na namatay ngayong gabi. Dahil sa isang maliit na tipak ng kanin, pitong manlalaro ang sapilitang binawain ng buhay. Hindi pa nagsisimula ang palaro ngunit pitong-katao na ang namamatay. "Sinabi ko lang sa kaniya na kasalanan niya ang mangyayari sa kaniya dahil pinairal niya ang pagiging ganid sa pagkain." Nilagpasan na siya ng pahinante. At nang makarating ito sa unahan ng tren ay isang malakas na anunsiyo ang sinabi nito gamit ang mikropono. "Mga mahal naming manlalaro, ang tren na ito ay patungo na sa Grandiosong Bulwagan!" At mula roon, unti-unting umandar ang tren na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD